Penpen de Sarapen III: Galit
Aalis na ang mga magulang ni Penpen, papasok sa kanilang trabaho ng makita nila na wala pang pagkain sa lamesa. Naiiritang sumigaw ang mama ni Penpen at tinawag ang kanilang katulong. Nasa loob pa ng kuwarto si aling Toyang ng mga sandaling iyon, kaya pumunta ito at kumatok sa pintuan ng kuwarto ng katulong.
"TOYANG!!!"
Sumigaw na ito ng malakas dahil walang sumasagot sa mga sigaw niya. Kaya napilitan siyang buksan ang pintuan ng kuwarto ni aling Toyang. Nanlaki ang kanyang mata ng makita nitong may tela sa bunganga ang katulong at nakatali ang kamay nito. Tinatanong niya kung ano ang nangyari at dahil nga sa may tela ang bibig nito, hindi niya maintindihan ang sinasabi ng katulong.
Paano nga naman niya maiintindihan si aling Toyang eh may nakasalpak sa bunganga nito! Kaya tinanggal niya ang tela na nasa bibig ng katulong.
"Toyang, sabihin mo sinong may gawa sayo nito?" tanong niya.
"’Yu-yung laruan ni Pe-penpen, si S-Sarapennn!" Nagagatol na sagot ni aling Toyang sa kanya. Pero hindi siya naniniwala sa sinasabing 'yon ni aling Toyang.
Binalibag ng mama ni Penpen ang tela at tumungo ito sa pintuan.
"TOYANG! Paano mangyayaring ang laruan ni Penpen ang gagawa sa iyo niyan?! Kailan pa gumalaw ang isang laruan?"
"Totoo po ang sinasabi ko sa inyo madam. May sa demonyo po ang laruan ni Penpen."
Hindi makapaniwala ang mama ni Penpen sa sinasabing iyon ni aling Toyang. Maski si Penpen ay hindi rin naniniwala, naririnig kasi ni Penpen ang pagtatalo ng kanyang ina at ni aling Toyang... Tumingin si Penpen kay Sarapen at napakunot noo ito, imposible naman ang sinasabing 'yon ni aling Toyang. Baka gumagawa lang siya ng kuwento.
Hawak sa noo, hawak naman sa bewang, hawak ulit sa noo, paikot-ikot ang mama ni Penpen. Gutom na nga siya, sasabayan pa ng kuru-kurong kuwento. Kaya sa inis niya sinabihan niya si aling Toyang kung ayaw na nitong magtrabaho. Hindi 'yong gumagawa pa siya nang kuwento. Mataray at maanghang ang mga salitang binitiwan ng mama ni Penpen kay aling Toyang.
"Hindi po ako aalis madam, hindi rin po ako gumagawa ng kuwento. Totoo po ang mga sinasabi ko. Buhay ang laruan ni Penpen at dalawang gabi na po akong tinatakot at ginagambala."
"Ayaw mong umalis? E’di maghanda ka na ng almusal namin. Nagugutom na kami. Bumangon ka na dyan at itigil mo na ang walang kuwentang kuwento mo! Baka nananaginip ka lang Toyang!"
Walang nagawa si aling Toyang kundi ang matulala na lamang. Naiinis siya sa sinabi ng kanyang amo. Kung may malilipatan lang siya na trabaho ay talagang aalis siya. Pero dahil malayo ang bahay na pinagsisilbihan niya, mahihirapan siyang maghanap ng ibang trabaho. Kaya magtitiis na lang siya. Bumangon na si aling Toyang para maghanda ng almusal. Hindi na siya naghilamos at agad na nagluto ng makakain ng mga amo niya. Habang nagluluto--masamang masama ang tingin niya sa laruan ni Penpen.
"TOYANG ANO BA! BILISAN MO DYAN!"
Nakatikim na naman ng sigaw si aling Toyang galing sa mama ni Penpen. Dahil anong oras na at babyahe pa sila pa maynila. Baka mamaya ay traffic pa at naghihintay na ang mga trabahador nila.
Alas-siyete na ng umaga ng matapos magluto si aling Toyang. At agad na kumain na sila Penpen ng almusal. At pagkatapos nilang kumain ng almusal ay agad na nagpaalam ang magulang ng bata. Nagmamadali ang mag-asawa sa paglabas ng bahay. Para silang hinahabol ng kabayo sa sobrang taranta.
"Demonyo ka… Demonyo!" Mahinang bulyaw ni aling Toyang habang nakatitig sa laruan.
Nang matapos na ring kumain si Penpen ay nagpaalam na agad ito sa katulong para maglaro. Tumango lang si aling Toyang sa sinabi ng bata. Tulala pa rin ito. Kaya naglakad na palabas si Penpen at nang makarating sa pintuan ay biglang sumigaw si aling Toyang.
"ANONG MAGLALARO! MAGHUHUGAS KA PA NG PLATO!"
"Puwede po ba mamaya na lang aling Toyang, maglalaro lang po muna kami."
"Hindi puwede! Gusto mong ipisin ang mga plato? Uunahin mo pa ang paglalaro!"
"Hindi po. P-pero... D-diba gawain niyo naman po talaga ang maghugas ng plato. Kasi kayo po ang katulong namin dito sa bahay."
Mahinang mahina ang pagkakasagot ng bata. Nasa katuwiran naman ang sagot niyang 'yon.
"PENPEN! ANO BA! MAGHUHUGAS KA O MALILINTIKAN KA SA AKIN!"
Napaatras ang bata nang sumigaw ang katulong. Muntikan pa itong malaglag sa batong hagdang dahil sa sigaw na 'yon. Sa takot ng bata sa sinabi ng katulong, kahit labag sa kanyang kalooban, sinunod niya ang utos nito. At habang naghuhugas siya ng plato ay may iniutos na naman si aling Toyang sa kanya.
"PENPEN! PAGKATAPOS MO MAGHUGAS, DILIGAN MO ANG MGA HALAMAN! 'WAG KA NANG SUMAGOT BAKA MAKATIKIM KA SA’KIN! SINASABI KO SA’YO!"
Hindi na sumagot si Penpen sa dagdag na utos ni aling Toyang. Dahil kung sasagot pa siya, sigurado malilintikan na naman siya. Kaya habang naghuhugas ng plato -- kinanta na lang niya ng paborito nilang kanta ni Sarapen.
Ang hindi alam ng bata ay maitim na binabalak ang katulong kay Sarapen. Tuturuan niya ng leksyon ang laruan ni Penpen.
"Asan na kaya yung punyetang laruan na yun. Ako naman ang magbibigay sa kanya ng LEKSYON!" Bulong ni aling Toyang sa sarili habang hinahanap ang laruan na si Sarapen.
Pen pen de sarapen,
de kutsilyo de almasen
Haw, haw de carabao batutin
Sipit namimilipit ginto't pilak
Namumulaklak sa tabi ng dagat.
Sayang pula tatlong pera
Sayang puti tatlong salapi
Habang kumakanta si Penpen -- biglang dumilim ang kalangitan, wala pang ulan ng mga sandaling 'yon. Nagulat ang bata ng marinig ang malakas na kulog. Muntik pa niyang mabitawan ang plato dahil sa gulat. Mabuti na lang at nahigpitan niya ang hawak sa hinuhugasang pinggan.
Kumanta ulit si Penpen at napansin na niyang mukhang hindi nagkakataon ang mga nangyayari. Sa tuwing kakanta siya ng paboritong nilang kanta na nilalaro ng kanyang mga magulang ay laging sumasama ang panahon na may pagkulog at pagkidlat. Kaya itinigil na nito ang pagkanta.
Abalang-abala ng mga oras na 'yon si Penpen sa paghuhugas ng plato at mukhang nalilibang naman ito. Hanggang sa mahanap ng katulong ang kanyang hinahanap.
"Nandito ka lang palang demonyong laruan ka! Lagot ka sa akin ngayon! Hahaha!" Natatawang sabi ni aling Toyang ng makita na rin niya sa wakas si Sarapen.
Nang mahawakan na niya ang laruan--agad niya itong binitbit palabas ng bahay.
"Sinong lagot Toyang! Chichichichi!"
Nanlaki ang mata ng katulong ng marinig ang boses ng laruan na si Sarapen. Kinusut-kusot pa niya ang mata niya at kinalikot ang tenga. Baka sakaling guni-guni lang niya. Pero hindi siya nagkakamali. Totoo ang narinig niya, ang laruan nga ang nagsalita. Hinagis ng katulong ang laruan sa malayo at napaatras siya ng kaunti.
"Ano Toyang! Akala ko ba tuturuan mo ako ng leksyon. Punyeta at demonyo pala ako ah. Chichichichi."
Inasar ni Sarapen ang katulong habang umaalik-ik. Hindi makapaniwala si aling Toyang sa nakikita. Hindi siya makapagsalita at hindi niya masagot ang mga itinatanong ng laruan na may buhay.
"SUMAGOT KA TOYANG!!!" Naiinis na sigaw ni Sarapen.
"De-mon-yo ka! De-mon-yo ka! BAKA AKALA MO MASISINDAK MO AKO!"
Nauutal ngunit nagmamatapang ang sigaw na iyon ni aling Toyang. Nang makahugot ng lakas ng loob, humakbang ito palapit kay Sarapen at kinuha niya ito. Sa leeg niya hinawakan ang laruan para hindi na ito makapagsalita. Pero dahil sa kakaiba ang laruan, nagagawa niyang lumaban. Handa siyang makipagpatayan sa katulong.
"Bitawan mo ako! Sinabi ng bitawan mo ako! PAPATAYIN KITA kapag hindi mo ako binitawan!"
Kahit na pinagbabantaan na siya ni Sarapen, hindi nagpapatinag si aling Toyang.
“Papatayin mo ako? HA HA! Mauuna kang mamatay sa akin demonyo ka!" Sigaw ni aling Toyang.
Hindi na napigilan pa ni Sarapen na sumigaw at humingi ng tulong kay Penpen. Subalit hindi siya nito naririnig dahil sa nalilibang ang bata sa paghuhugas ng pinggan, habang kumakanta ng Penpen de Sarapen.
"Sa tingin mo maririnig ka ni Penpen? Bakit ngayon nanghihingi ka ng tulong? Tapos sa bata pa? Nagpapatawa ka ba! HA HA HA! Baka gusto mong isunod ko si Penpen pagkatapos ng gagawin ko sa’yo!"
Nabahala si Sarapen sa sinabi ni aling Toyang. "Ayan ang 'wag mong gagawin Toyang! Dahil sisiguraduhin ko sa’yo na kahit magtagumpay ka sa gagawin mong balak sa akin ay babalik at babalik ako para balikan ka! At ako mismo ang papatay sa’yo! Tandaan mo ‘yan!”
"Tignan natin... DEMONYONG LARUAN!"
Talagang matapang ang katulong at hindi ito basta basta nagpapasindak sa mga pagbabanta ni Sarapen. Sa patuloy niyang paglalakad, nakarating sila aling Toyang sa isang malaking puno. Naghanap siya ng lubid at nakita niya ang isang bodega malapit sa puno at agad itong tumungo, sakal sakal pa rin niya si Sarapen sa leeg ng sandaling 'yon. Nang makakuha ng lubig ay agad na itinali ang laruan sa katawan ng malaking puno.
Nang matalian na niya si Sarapen, ‘Gago ba siya, akala niya maiisahan niya ako. Hindi ako natatakot sa kanya, kahit na demonyo pa siya!’ Sabi nito sa sarili habang pumupulot ng mga tuyong dahon na ilalagay sa isang tambol sa di kalayuan. Nang makapaglagay ng maraming tuyong dahon ay may dinukot ito sa kanyang tagiliran. Isang posporo… Talagang nasa plano na ni aling Toyang na sunugin ang laruan.
Sinilyaban niya ang mga tuyong dahon. Mukhang sumasang-ayon din ang hangin sa pinaplano ni aling Toyang. Dahil mapayapa ang hangin ng mga oras na 'yon. Kahit na malapit lang sila sa dagat ay parang lumilihis ang hangin sa kinaroroonan nila.
"Nakikita mo ba ang apoy demonyong laruan?! Diyan ka mamamatay! Susunugin kita at ako na mismo ang magbabalik sa’yo sa impyerno!”
Matapang ang binitiwang salita ng katulong. Subalit hindi natatakot ang laruan na si Sarapen sa gagawin niya. Bagkus natatawa pa ito sa mga sinasabi ni aling Toyang. Patuloy niya pa ring inaasar si aling Toyang, kaya nadaragdagan ang inis nito sa kanya.
Lingid sa kaalaman ni aling Toyang ay patuloy palang kumakanta ng Penpen de Sarapen si Penpen habang naghuhugas ng plato. At habang tinatanggal ni aling Toyang ang lubid na nakatali kay Sarapen, nagbabadya naman ang isang malakas na ulan.
Pagkatapos kalagan ng katulong ang laruan, napansin na rin niya sa wakas ang madilim na kalangitan. Alam niyang malakas na ulan ang bubuhos sa kalangitan. Natataranta na ang katulong dahil sa patuloy na paglakas ng kulog na may kasamang pagkidlat.
"ITULOY MO NA TOYAAANG! DAHIL KAPAG HINDI MO NAGAWA ANG BALAK MO SA AKIN. PATAY KA SA’KIN MAMAYAAAA!! CHICHICHICHI!"
Hinamon na ni Sarapen ang katulong. Sa takot nito ay inihagis niya na lang basta basta sa tambol na may apoy ang laruan.
"Demonyooo ka! Masunog ka! HA HA HA HA!"
Natatawa na nanlalaki ang mata ni aling Toyang habang pinagmamasdan ang laruan na kinakain ng apoy. Ilang sandali pa’y bumuhos na ang malakas na ulan. At ang apoy na parang nagsasayaw sa loob ng tambol ay napalitan ng tubig. Kaya hindi naisakatuparan ng katulong ang pagsunog kay Sarapen.
"DEMONYO KA TALAGA!"
Sa takot ni aling Toyang, tumakbo siya pabalik ng bahay. Malas lang niya at hindi niya tuluyang nasunog si Sarapen. Kaya maghanda siya sa gagawing resbak ng laruan. At nang makaakyat na siya sa bahay--nanlaki ang kanyang mata at parang tumigil ang t***k ng kanyang puso ng makita niyang nakaupo si Sarapen kung saan ito iniwan ni Penpen.
“Putang-ina!! Paanong..."
Nagmura na si aling Toyang dahil sa hindi maipaliwanag na pangyayari. Hindi niya akalain na mauuna pang makauwi si Sarapen kaysa sa kanya.
"Chichichichi. PATAY KA SAKIN!" Sigaw ni Sarapen.
Maglalakad na sana ang laruan papunta sa kinatatayuan ni aling Toyang nang marinig niyang magsalita si Penpen na tapos na ito sa paghuhugas ng pinggan. Kaya umupo na lang siya, kung saan siya iniwan ng kaibigan. Nakangisi ang ngiti ni Sarapen habang nakatingin kay aling Toyang.
Pagkatapos magpunas ng kamay ni Penpen, tumakbo ito papunta kay Sarapen. Nakangiti itong kinuha ang kanyang laruan. Tinagilid niya ang kanyang ulo dahil sa pagtataka kung bakit basa ang laruan niya. Napalingon siya sa katulong at nakita niyang basang-basa rin ito.
"Aling Toyang! Ano pong ginawa niyo kay Sarapen? Bakit basa siya!"
Mahinahon hanggang sa pasigaw na tanong ng bata sa kanilang katulong. Malakas ang kutob ni Penpen na may ginawang hindi maganda ang katulong sa kanyang kaibigan na laruan. Subalit hindi sumasagot si aling Toyang sa tanong niya. Binaling niya ulit ang tingin kay Sarapen at napansin nito na sunog ang kaliwang pisngi ni Sarapen.
Nanlilisik na mga mata ng muling tumingin ang bata kay aling Toyang. Galit na galit ang mga tingin ni Penpen.
"ALING TOYANGGG!! Bakit po may sunog sa mukha ni Sarapeeeenn! Sinunog niyo po ba siya! Bakit po aling Toyangggg! Si Sarapen na lang po ang kalaro ko, susunugin niyo pa, sobra na po ang kalupitan mo! Magsusumbong na po talaga ako kanila mama at papa! Pati ang laruan ko pinagdidiskitahan mo!" Galit na galit na sigaw ni Penpen pero may paggalang.
"DE-MON-YO! DE-MON-YO!"
Akala ng bata ay susugurin siya ng katulong at sasaktan. Kaya pumwesto agad siya kung saan madali siyang makakatakbo kung sakaling habulin siya nito. Pero tulala lang si aling Toyang at parang kinakausap ang sarili at walang bukambibig kundi DEMONYO.
Mabilis na umakyat ng hagdan si Penpen bitbit ang kanyang laruan. Hinabol sila ng tingin ni aling Toyang mula sa baba ng bahay. Nang makarating na sa kwarto ay agad na tinapalan ni Penpen ang sunog na pisngi ng kaibigan na laruan. Nanginginig pa ang kamay nito habang nagtatapal. Kahit na laruan lang si Sarapen, ginagawa niya itong parang tao na nasasaktan at nasusugatan.
Pagkatapos niyang matapalan ang pisngi ng kaibigan. Agad niyang sinarado ang pintuan ng kanyang kwarto at hinarang sa pinto ang lamesa't bangko na nasa kanyang kwarto. Sigurado ang bata na aakyatin sila ng katulong at magwawala ito.
-
Inis na inis si aling Toyang sa nangyari. Dismayang-dismaya siya, dahil napurnada ang kanyang plano na sunugin ang laruan na si Sarapen. Sa tingin ng bata na si Penpen ay nababaliw na ang kanilang katulong.
"Napakasalbahe niya! Wala talaga siyang awa!" Sigaw ni Penpen habang hawak ang laruan. Naiinis din ito sa nangyari at sa ginawa ni aling Toyang sa kaisa-isa niyang kaibigan na si Sarapen.
Habang hinahawakan ni Penpen ang mukha ng laruan, narinig niya ang galit na yapak na naglalakad paakyat sa hagdan. Paakyat na si aling Toyang, papunta sa kuwarto ng bata. Galit na galit ang mukha ng katulong. At nang makaakyat ay agad na kinalampag ang pintuan ng kuwarto ni Penpen.
"PENPEN! BUKSAN MO ANG PINTO!"
"Ayoko po aling Toyang."
"AYAW MO PENPEN! GUSTO MO TULUYAN KONG SUNUGIN 'YANG LARUAN MO! BUKSAN MO ITONG PINTO AT PANGAKO HINDI KO NA SUSUNUGIN 'YANG LARUAN MO!!"
Nakakatakot si aling Toyang, mukhang nababaliw na siya. Pati laruan pinagdidiskitahan niya at gusto niyang sunugin! Gulong-gulo na ang isipan ng bata, hindi niya alam kung ano ba talaga ang nangyayari, at kung bakit nagkakaganun ang katulong nila.
"Aling Toyang, umalis na po kayo. Hindi ko po bubuksan ang pinto. Hindi niyo po masasaktan si Sarapen! Laruan lang po ito, siya lang po ang kalaro ko!"
Pinagtatanggol ng bata ang kanyang laruan na tinuturing niyang kaibigan. Ayaw nitong masaktan ang kaisa-isa niyang kalaro. Pero ayaw talagang magpatalo ni aling Toyang. Desidido talaga itong makuha si Sarapen.
"MASAMA 'YANG LARUAN MO PENPEN! HINDI MO DAPAT KINAKAIBIGAN O KINAKALARO ANG DEMONYONG LARUAN NA ‘YAN!"
Talagang pinapanindigan ni aling Toyang na masama talaga si Sarapen.
"Bakit po aling Toyang? Sino po gusto niyong kalaro at kaibigan ko? Kayo? Ikaw? Ikaw na napakasalbahe! Ikaw na sobra kung makapanakit sa akin! Hindi niyo po makukuha si Sarapen!"
Naninindigan din ang bata na hindi niya basta makukuha at masasaktan ang kaibigan at kalaro niya.
Pero hindi sumusuko si aling Toyang. Nananalig siya na makukuha niya rin ang loob ni Penpen at makukuha niya si Sarapen sa kamay nito.
"MANIWALA KA SA AKIN PENPEN! MAGPAPAKABAIT NA AKO SA’YO BASTA IBIGAY MO LANG SA AKIN ANG LARUAN MO. HINDI NA KITA SASAKTAN, AALAGAAN NA KITA, MAGLALARO NA TAYO. PANGAKO!"
Napaisip ang bata sa sinabing 'yon ni aling Toyang at tumingin siya sa kanyang laruan. Pero niyakap niya si Sarapen at patuloy niya itong pinagtanggol.
"Hindi po ako naniniwala sa’yo! Sa loob ng apat na taon aling Toyang! Kahit isang beses hindi mo nagawang makipaglaro sa akin. Puro sampal, sabunot at pingot ang ginagawa mo sa akin. Paano ako maniniwala sa’yo!"
"KAHIT NGAYON LANG PENPEN MANIWALA KA SA MGA SINASABI KO. GAGAWIN KO ANG SINASABI KO, AALAGAAN KITA AT MAGLALARO TAYO. KAYA BUKSAN MO NA ITONG PINTO! BUKSAN MO PENPEN!!!" Galit na galit na si aling Toyang dahil ayaw talaga siyang pagbuksan ng bata.
Tinakpan na ni Penpen ang kanyang tainga, ayaw na niya marinig pa ang sasabihin ni aling Toyang. Nanginginig na ito dahil sa sobrang takot. Dagdag pa rito ang walang humpay na pagkalampag ni aling Toyang sa pintuan ng kanyang kwarto. Halos masira na ang pinto.
"PENPEN!!! PENPEN, BUKSAN MO ANG PINTO!" Nanggigigil na si aling Toyang kaya lalo nitong nilaksan ang kalampag sa pintuan ng kwarto ng bata.
"Ayoko… Ayoko po…" mahinang bulong ni Penpen sa sarili habang nakatakip ang mga kamay sa kanyang tainga. Hinigpitan pa lalo ng bata ang pagkakayakap kay Sarapen. Mas gugustuhin pa ng bata na siya na lang ang saktan ni aling Toyang 'wag lang ang kaibigang laruan.
Nang mapansin ng bata na wala ng kumakalampag sa pintuan. Tumayo siya sa kanyang kama at naglakad papunta sa pintuan para silipin sa maliit na butas. Gusto nitong makasigurado na wala na nga si aling Toyang sa labas ng kanyang kwarto. At dahil sa hindi niya abot ang butas, kumuha siya ng bangko na tutungtungan para makasilip. Wala na nga ‘ata siya. Hay salamat naman. Bulong niya sa sarili habang nakasilip.
Nang biglang sumigaw si aling Toyang, "PENPEENN!!! BUKSAN MO ANG PINTOOO!!"
Malakas na kalabog ang umalingawngaw sa kuwarto ni Penpen dahil sa pagkakahulog nito sa bangko. Ang buong akala ni aling Toyang ay sinasaktan na ito ni Sarapen. Ang hindi niya alam ay nahulog lang ang bata sa bangko dahil sa nakakagulat niyang pagsigaw at pagkalampag sa pintuan.
"PENPEN! Ano nangyari sa’yo! Sinasaktan ka ba ng laruan mo! Buksan mo ang pinto, Penpen! Buksan mo ang pinto. Papatayin ka ng laruan mo! PENPEN!!!"
"Aling Toyang, nalaglag lang po ako sa bangko. At hindi po ako magagawang saktan ni Sarapen dahil laruan lang siya. Parang awa niyo na po tigilan niyo na po siya. Umalis na po kayo. Magtrabaho na lang po kayo."
"Tinatakot ka ba niya Penpen! Buksan mo ang pinto. Hindi ako naniniwala na hindi ka niya sinasaktan diyan! Buksan mo na ang pinto!"
"Umalis na po kayo aling Toyang.."
Dumating na sa punto na nagmamakaawa na si Penpen para lubayan na sila ng katulong at tigilan na ang pamimilit sa kanya na ibigay ang kaibigan na si Sarapen. Hanggang sa maiyak na ang bata dahil sa takot kay aling Toyang.
Biglang tumahimik muli ang paligid. Kaya kahit masakit ang p'wetan ni Penpen ay tumungtong ulit siya sa bangko para silipin kung nasa labas pa si aling Toyang. Sa muling pagsilip niya ay hindi niya nakita si aling Toyang at wala ring kumalampag sa pintuan. Kaya agad itong bumaba at humiga na sa kama. Masakit ang kanyang katawan ng bata dahil sa pagkahulog niya sa bangko.
Ilang minuto lang ang nakalipas, muling tumunog at gumalaw ang hawakan ng pinto ng kwarto niya. Si aling Toyang ay bumalik na naman at may dala ng susi. Sinusubukang buksan ni aling Toyang ang pinto ng kwarto ni Penpen. At sa pagkakataong 'yon ay nagtagumpay siya. Nabuksan niya ang kwarto ng bata. Galit na galit ang mukha ng katulong, kung naging naga lang siya ay sigurado umuusok na ang ilong nito at bumubuga na siya ng apoy dahil sa sobrang galit. Pagkapasok ni aling Toyang ay agad na niyakap ni Penpen ang laruan niyang si Sarapen, dahil alam niya na ang pakay ng katulong.
"Akala mo hindi ako makakapasok! Ayaw mo pa akong buksan ang pinto ah! Nakalimutan mo na ba na may susi ako ng lahat ng kwarto niyo dito sa bahay! Akina 'yang laruan mo! Akina!"
"Ayoko po aling Toyang. Ayoko po. Lumabas na po kayo!"
"Ayaw mo? Ayaw mo ibigay ng kusa? Gusto mo sapilitan pa Penpen!"
Parehas silang ayaw magpatalo sa isa't-isa at nag-aagawan sa iisang laruan. Ayaw ibigay ng bata ang kanyang laruan sa kanilang katulong at pilit namang inaagaw ng katulong ang laruan sa bata. Kung pangkaraniwan lang na laruan lang si Sarapen--siguradong punit na ito dahil sa dalawang kamay na nag-aagawan. Buti na lang at hindi siya basta basta laruan lang. Dahil si Sarapen ay parang tao, may buhay at nakakapagsalita!
"AKINA PENPEN! AKINA SABI E! BITAWAN MO NA ITONG LARUAN MO ITATAPON KO NA!"
"Ayoko po! Lumabas na po kayo!"
"PENPEN! PATATAYIN TAYO NG LARUAN MO! PATI IKAW, KAYA BITAWAN MO NA! SUNUGIN NA NATIN O DI KAYA'Y ITAPON SA DAGAT!"
"Ayoko po!"
Pinuwersa na ni aling Toyang ang paghila dahil sobrang higpit ng pagkakayap ng bata sa kanyang laruan, pero ayaw magpatinag ni Penpen. Hinigpitan niya pa lalo ang pagkakayakap hanggang sa pati siya ay madala na ng paghila ni aling Toyang. Nalaglag sa kama ang bata, pero kahit na nalaglag siya--ay nakayakap pa rin siya kay Sarapen.
"BITAWAN MO NA ANG LARUAN MO! MASAMA ITONG LARUAN MO. BITAWAN MO NA!"
Dahil sa pagmamatigas ni Penpen na hindi bitawan si Sarapen--mas lalo pa niyang hinigpitan ang yakap, kaya nagsimula na si aling Toyang sa pagkaladkad sa kanila. Hawak ni aling Toyang ang kamay ni Sarapen habang nakayakap si Penpen. Nang makarating sa hagdanan ay malalakas na kalabog ang umaalingawngaw dahil sa matinding puwersa na humihila kanila Penpen.
"Araaayy ko po, aling Toyang, masakit po!"
Nasasaktan na ang bata dahil sa pagkaladkad na ginagawa ni aling Toyang, bugbog na ang katawan at ulo nito. Nakakaawa si Penpen pero nakakahanga siya dahil ginagawa niya ang lahat at binibigay ang buong lakas para hindi tuluyang makuha ng katulong ang tinuturing niyang kaibigan na si Sarapen.
Hanggang sa makarating na sila sa pintuan ng bahay palabas. At dahil ayaw pa rin bitawan ni Penpen si Sarapen ay patuloy lang siyang nasasaktan. Bato na ang hagdanan na binababaan ni aling Toyang, dahilan para magkaroon na ng mga galos at sugat sa katawan at mukha ang bata.
At habang kinakaladkad sila ni aling Toyang ay kinausap ni Penpen ang kaibigan, "Sarapen, kung buhay ka nga, gumalaw ka at kung nakakapagsalita ka nga ay magsalita ka. Patunayan mo sa akin Sarapen na hindi totoo ang mga sinasabi ni aling Toyang at kung totoo man iligtas mo ang sarili mo." Naiiyak na sabi ni Penpen kay Sarapen.
Kitang kita sa mukha ni Sarapen ang awa, gusto na nitong magsalita pero nagtitimpi lang siya. Kahit na nagmamakaawa na si Penpen ay ayaw pa rin niyang magsalita.
"Penpen, sinabi ko na sayo na buhay at nagsasalita 'yang laruan mo. Bakit ayaw mo pa kasing bitawan! Nasasaktan ka lang sa ginagawa mo. Akina na 'yan at susunugin ko na ng tuluyan 'yang laruan mo!!"
"Ayoko po! Sinabi ko na po sa inyo na hindi totoo ang mga sinasabi niyo!"
Nang biglang magsalita si Sarapen.
"Penpen, totoo… Buhay ako."
Pagkatapos sabihin ni Sarapen na buhay siya. Walang kibot siyang binitawan ni Penpen. Hindi dahil sa hindi siya tanggap, kundi dahil sa pagkagulat.
"S-S-SARAPEN??"
Hindi niya alam kung namamalikmata lang ba siya o isang malaking panaginip na naman ang nangyayari.
"Oo Penpen, buhay ako at nakakapagsalita. Pero hindi kita sasaktan. Chichichi."
"S-sarapen, kailan pa? K-kailan ka pa nakakapagsalita? P-paano nangyari--"
Nawalan ng malay ang bata dahil sa sobrang sakit na ng katawan nito, dagdag pa rito ang biglaang panggugulat ni Sarapen sa kaibigan. Hindi man sinasadya ni Sarapen na magulat ang kaibigan, ganoon talaga ang mangyayari sa kanya. Sa una ay hindi siya matatanggap nito, pero sana kalaunan ay matanggap niya na buhay nga ang laruan. At sinabi naman nito sa kanya na hindi siya sasaktan habang natatawa.
"TOYAAANNNNGGGGG!"Sigaw ni Sarapen na galit na galit.
"Ano Sarapen! Wala ka nang ligtas ngayon! Hindi ka na maipagtatanggol ng mahal mong kaibigan. KAWAWA KA NAMAN! Patay ka na sa akin ngayon!"
"TOYAAANNNNGGGGG!"
"Kahit anong sigaw ang gawin mo. Mawawala ka na sa bahay kase itatapon na kita sa dagat!"
"TOYAAANNNNGGGGG!"
Umuusok na sa galit si Sarapen, galit na galit na ito. Pero hindi nagpatinag sa kanya si aling Toyang lumaban ito at lumapit sabay sakal sa leeg niya.
"Magpaalam ka na kay Penpen! Dahil malulunod ka na! Sa wakas at mawawala ka na! HA HA HA HA!" Natutuwa sa galak ng sambitin 'yon ni aling Toyang. Pero si Sarapen ay patuloy sa pagsigaw ng pangalan ni aling Toyang.
"HAHAHAHAHAHAHA! Mamatay ka na ngayon!"
Hawak hawak ni aling Toyang si Sarapen at may balak itong ibato ang laruan sa dagat, ngunit nahigit siya ni Sarapen at nahawakan ang kanyang buhok. Dahilan para matumba silang dalawa sa dalampasigan.
"Chichichi! Akala mo madali mo akong matatapon?"
"Demonyo ka talaga! Bitawan mo ako!"
Pilit na tinatanggal ni aling Toyang ang pagkakasabunot sa kanya ni Sarapen. Pero mahigpit talaga ang hawak nito sa buhok niya. At dahil sa hindi nga niya ito agad maitapon ay gumawa ng paraan ang katulong. Naglakad siya papunta sa malaking puno kung saan niya iginapos si Sarapen at habang nakasabunot ito - pinag-uuntog niya ang laruan sa katawan ng puno.
"Akala mo ah! Hindi mo ako maiisahan, tanga! Tandaan mo laruan ka lang!"
"Aray ko... aray ko... Chichichi!"
"Aray mo mukha mo!”
Parang nalilibang pa si Sarapen sa ginagawang pag-umpog sa kanya ni aling Toyang. Habang umaalik-ik siya ay tinindihan pa ng katulong ang ginagawang pag-umpog sa kanya. Hanggang sa mawalan na ng malay ang laruan. At nang mawalan na ng malay si Sarapen, agad niyang tinanggal ang kamay ng laruan na nakasabunot sa kanya--sabay dura sa mukha nito.
"GAGO KA! AKALA MO KAYA MO AKO!" Matapang na sigaw ni aling Toyang.
Wala pa ring malay si Penpen ng mga sandaling iyon. Parehas ng walang malay ang magkaibigang Penpen at Sarapen. Sinamantala ni aling Toyang ang pagkakataon, iitinali niya si Sarapen sa puno habang wala itong malay. Nababaliw na talaga ang katulong!
At nang maitali na niya si Sarapen sa puno ay saka binuhat niya ang walang malay na si Penpen pabalik ng bahay. Sobrang lakas ng ulan ng mga oras na 'yon, basang-basa na si Penpen. Siguradong sakit ang aabutin ng bata dahil sa pagkakababad sa ulan. At kung may nakasaksi man ng ginawa ni aling Toyang kay Sarapen, sigurado mapagkakamal siyang baliw!