Penpen de Sarapen IV: Sablay na plano
Aling Toyang's POV
Akala siguro ng laruan na 'yon matatalo niya ako. Nagkakamali siya. Hahahaha! Ako ang nanalo. Dahil tao ako at laruan lang siya. Huwag niya ako subukan, kung hindi lang dahil kay Penpen matagal ko na siyang ginupit at pinagpupunit. Buwisit siya! Dalawang gabi niya akong ginambala. Hintayin ko lang na huminto ang ulan at ipagpapatuloy ko ang pagsunog sa kanya.
At habang nagmumuni-muni ako ay biglang tumunog ang telepono.
"Hello? Sino po sila?"
"Toyang! Si madam mo ito. Baka hindi kami makakauwi ngayong gabi. Dahil masyadong malakas ang ulan, masyadong maputik sa daraan kaya magpapaumaga na kami dito sa trabaho."
"Sige po Madam."
"Oo nga pala Toyang... Si Penpen ‘asan? Pakisabi sa kanya na baka hindi kami makauwi ngayon. Ihalik mo na lang kami sa kanya. Mahal na mahal kamo namin siya. Salamat."
"Okay madam."
Nakakasura ng marinig kay madam ang salitang mahal nila ang kanilang anak. Gusto kong tumawa habang kausap ko siya sa telepono. Parang nagkaroon ng matinding sakit ang amo ko. Natatawa talaga ako! Mukhang may mangyayaring masaya ngayong gabi. Umaayon ang lahat sa plano ko at mukhang sumasang-ayon ang panahon. Sa akin na mapupunta ang bahay na ito! Kailangan ko na rin dispatsiyahin ang bata. Yayaman ako ng walang kahirap hirap.
Habang nagdiriwang ako ay biglang nagsalita si Penpen. Tinanong niya sa aking kung nasaan ang kanyang laruan. Sinabi ko sa kanya na hindi ko alam at nakangiti ako ng sabihin sa kanya na hindi makakauwi ang mga magulang nila. Tinanong pa niya kung bakit, ang sagot ko ay hindi ko alam, hindi sinabi kung bakit.
Nakita kong sumimangot ang mukha ni Penpen. Nadismaya siya sa sinabi ko at siguradong galit siya sa mga magulang niya ngayon. Kawawang bata! Habang nag-uusap kaming dalawa -- bigla itong humawak sa kanyang ulo at uminda ng pananakit ng ulo.
"Masakit ulo mo? Hahahaha! Anong gusto mo gamutin natin? Pukpukin natin ‘yang ulo mo! Hahaha!" Pang-aasar ko sa kanya.
"Baliw ka na aling Toyang. Nababaliw ka na!"
"Ako baliw? Ha ha ha ha! Gusto mo kung paano manakit ang isang baliw?"
Tama ba naman sabihan akong baliw. Iparamdam ko nga sa kanya kung paano manakit ang isang baliw. Hahahaha! Kitang kita ko sa mukha niya ang takot dahil sa mga sinasabi ko!
- - -
Habang patuloy sa ginagawang pananakot at pang-aasar ang katulong. Hinahanap naman ng bata ang kaibigang si Sarapen. Kahit anong lingon niya sa bawat sulok ng kanilang bahay ay hindi niya makita ang laruan, maski ang anino nito ay hindi niya makita. Wala rin sinasagot na matino ang katulong sa bawat tanong niya. Lagi nitong sinasabi na huwag ng hanapin ang demonyong laruan ng bata. Hanggang sa magalit na ang bata sa kanya dahil sa patuloy nitong pagsabi na demonyo ang kaibigan niya.
"Hindi totoo ‘yan! Ikaw ang demonyo! Salbahe ka aling Toyang! Salbahe!"
Sinigawan ni Penpen si aling Toyang at dahil doon nairita ang katulong at bigla siya nitong sinabunutan at kinaladkad papunta sa pintuan ng bahay. Mula sa pintuan ng bahay ay tanaw na tanaw ni Penpen ang kanyang hinahanap na si Sarapen.
"Tignan mo mabuti kung sino ang nasa puno! Hahahaha! Ayan ba ang hinahanap mo? Tignan mo Penpen! Sa tingin mo kaya ka niya ipagtanggol! Isang laruan na mahina! Isang laruan na puro salita! Hahahaha!" Natatawang pang-aasar ni aling Toyang kay Penpen.
"Baliw ka na aling Toyang!"
"Oo baliw na ako! Kaya nga papatayin na kita! Hahahaha!"
Matinding kaba at takot ang naramdaman ni Penpen nang sabihin ng katulong na papatayin siya nito.
"Maawa po kayo aling Toyang. Maawa po kayo sa akin. Huwag niyo po akong papatayin."
"Maawa? Sa tingin mo maawa ako sa isang batang pasaway at hindi mahal ng magulang? Hindi! Hindi ka na dapat nabuhay Penpen! Nakakaawa ka!"
Masasakit na mga salita ang binitiwang sagot ni aling Toyang sa bata.
Sa isipan ng batang si Penpen ang mga salitang binibigkas at lumalabas sa bibig ng katulong ang unti-unting pumapatay sa kanyang pagkatao. Hindi man lang iniisip ni aling Toyang ang kanyang mga sasabihin bago iparinig at sabihin sa bata. Lalo lang itong nagtatanim ng galit sa magulang at sa kanya.
"Alam mo Penpen, hindi ka mahal ng mga magulang mo! Kaya dapat sa’yo mawala na! Mamatay ka na Penpen, Para matapos na ang paghihirap mo. At kapag nawala ka at ang magulang mo, mapapasaakin na ang bahay na ito!”
Natahimik at napatulala na lang ang batang si Penpen sa sinabing 'yon ni aling Toyang. At habang nakatingin siya ay lalong hinigpitan ni aling Toyang ang pagkakasabunot sa buhok niya, halos mapunit na ang anit ng bata dahil sa sobrang tindi ng pagsabunot sa kanyang ulo.
"Aling Toyangggg! Sobrang sakit na po ng ulo ko! Arayyy ko pooo!"
Umupo si aling Toyang at humarap kay Penpen na parang naaawa ang itsura ng mukha niya.
"O? Masakit pa rin? Ginagamot ko na nga e, nasasaktan ka pa rin. Hayy…" saad nito.
Ang naisip na gamot ng katulong para mawala ang sakit ng ulo ay sabunutan ang taong nakakaramdam nito.
"Araaaayyyy ko... Sarapen!!! Tulungan mo ako! Sarapen!!!"
Tumayo ulit si aling Toyang at tumingin ito kay Sarapen na nakagapos sa puno. Malakas ang ulan ng sandaling 'yon. Ang hindi alam ng katulong ay pasimpleng kumakanta ang batang si Penpen para maibsan ang sakit na nararamdaman dahil sa pagsabunot sa kanyang ulo. Dahil iniisip ng bata na kapag kumanta siya ay mababawasan ang sakit. Narinig ng katulong ang ginagawang pagkanta ni Penpen kaya tinanong niya ito.
"Anong kinakanta mo Penpen! Orasyon ba ‘yan para kay Sarapen? Wala rin magagawa ‘yan!"
Kung kanina’y malakas na ulan na lang ang bumabagsak sa kalangitan, ngayon ay may naririnig na silang pagkulog. Nagulat sa kulog si aling Toyang kaya nahigpitan niya lalo ang pagkakasabunot sa buhok ni Penpen. Napahiyaw ang bata dahil sa sobrang sakit. At kahit nasasaktan na siya, umiiyak na siya'y nagagawa pa rin niyang kumanta. Ang Penpen de Sarapen na nagbibigay kaginhawaan sa kanyang pakiramdam.
Pen pen de sarapen,
de kutsilyo de almasen
Haw, haw de carabao batutin
Sipit namimilipit ginto't pilak
Namumulaklak sa tabi ng dagat..
Sayang pula tatlong pera
Sayang puti tatlong salapi
"Itigil mo na ‘yan! Wala rin naman magagawa 'yang pagkanta mo! Itigil mo na ‘yan!"
Nang biglang kumidlat at humalik sa lupa, malapit sa puno kung saan nakagapos si Sarapen.
"SARAPEN!!! GUMISING KA NA! TANGGAP NAMAN KITA E, NABIGLA LANG AKO NANG MALAMAN KONG BUHAY KA! SARAPEN! GUMISING KA NA! PARANG AWA MO NA!!!"
Natakot ang bata ng makita nito ang paghalik ng kidlat sa lupa at malapit pa 'yon kay Sarapen. Hindi niya na kakayanin kung makidlatan na naman ang kaibigan. Lalong bumilis ang pag-agos ng mga luha sa kanyang mata kasabay ng pag-agos ng dugo na nanggagaling sa kanyang ulo. Nagngingitnigt sa galit ang sabunot na ginagawa sa kanya ni aling Toyang, napupunit na ang anit ng bata at umaagos na ang dugo sa kanyang mukha. Konti na lang at mapapatay na niya ang bata. Wala na sa katinuan si aling Toyang!
"Sarapeeeeeeen!!! Gumising ka na!"
Sigaw na ng sigaw si Penpen na sana gumising na ang kanyang kaibigan. Pero bigo siya, hindi pa rin kumikilos si Sarapen. Wala pa ring malay ang kanyang laruan na kaibigan. Patuloy naman sa pang-aasar ang katulong na si aling Toyang. Talagang pinamumukha nito sa bata na walang may gusto sa kanya at walang nagmamahal sa bata.
"Kawawang bata, walang nagmamahal, walang tutulong. Paano ka na ngayon? Mamamatay ka ng mag-isa at malungkot. Hahahaha!"
"Sarapeennnnn! Hindi ko na kaya Sarapen. Parang awa mo na gumising ka na Sarapen!!"
Nanghihina na ang bata pero kahit na gano'n ay nagagawa pa rin niya ang sumigaw at magmakaawa sa kaibigan na gumising na. Hirap na hirap si Penpen, nakayuko na siya habang pahigpit ng pahigpit ang sabunot ni aling Toyang sa buhok niya. Nakatingin lang ang katulong sa kinaroroonan ni Sarapen at hindi man lang niya pinapansin ang iniindang sakit ng bata.
"Mamatay ka na Penpen! Mamamatay ka na! Hahahaha!" Natatawang sabi ng katulong habang nakatingin sa malayo. Kung papatayin siya ni aling Toyang gawin na niya! Hindi 'yong pinapahirapan pa niya ang bata.
Unti-unti ng naipipikit ni Penpen ang kanyang mata, masyado nang maraming dugo na ang nawala sa kanya. Ang bilis ng pag-agos ng dugo mula sa ulo niya. Hindi na niya kaya. Gusto na niyang sumuko, pero hindi siya nawawalan ng pag-asa na muling gigising ang kaibigan na si Sarapen.
"S-sarap--"
Hindi alam ni aling Toyang na nawalan na ng malay ang bata, dahil nakamasid lang ito kay Sarapen. At nang mawalan ng malay ang bata ay sunod-sunod na pagkulog ang nangyari, ang mga kidlat ay nagngangalit din.
"TOYAAAANNNGGGG!!!"
Hindi nagulat si aling Toyang sa nangyari, talagang inaasahan niya na mabubuhay ang demonyong laruan na sinasabi niya. Kitang kita ni Sarapen ang ginawang pagsabunot sa kaibigan. Galit na galit ito at nagmamakaawa na pakawalan na niya ang bata dahil wala naman itong kasalanan sa kanya at sinasabi niya na siya ang may kasalanan kaya dapat siya ang sakit nito at hindi si Penpen.
"Maawa? Nagpapatawa ka ba!"
"Nagmamakaawa ako sayo. Bitawan mo na si Penpen. Sunugin mo na ako, lunurin mo na ako, 'wag mo lang sasaktan ang kaibigan ko. Pangako.. hindi na kita gagambalain pa."
Ngumiti si aling Toyang, nakakaloko ang ngiting pinakita ng katulong.
"E’di bitawan! Pasalamat ka at madali akong kausap."
Pagkatapos niya bitawan si Penpen ay bumaba na ito sa bahay at naglakad papunta sa puno kung saan nakagapos o nakatali si Sarapen. At nang makarating na siya sa puno ay kinalagan niya si Sarapen, hindi siya nag-atubi na kalagan ito. Dahil alam niya na hindi ito gagawa ng kahit anong ikakapahamak ng kanyang kaibigan.
"Kung kanina ka pa gumising, e’di sana buhay pa ang kaibigan mo! Oo nga pala, nawalan lang siya ng malay at hindi pa patay.”
Nang makalagan na niya si Sarapen ay hinawakan niya ito agad sa leeg. Hindi pumapalag ang laruan sa ginawang pagsakal sa kanya ng katulong. Hawak na ngayon ni aling Toyang si Sarapen, naglakad siya papunta sa dalampasigan para lunurin si Sarapen.
"Mamamatay ka na ngayon! Ngayon din! Peste kang laruan ka! Pinahirapan mo ako! Baka akala mo matatalo mo ako... pagkatapos mong malunod, isusunod ko na agad ang mahal mong kaibigan na si Penpen!!!”
Naisakatuparan ni aling Toyang ang paglunod kay Sarapen. Hindi na ito gumagalaw kaya inihagis na niya ito sa dagat at nakita niyang lumubog ito na parang bato.
"Penpen, ikaw na ang susunod ngayon. Ha! Ha!"
Masaya at nakangiting naglakad pabalik ng bahay ang katulong at nang makarating sa bahay ay agad na hinawakan sa kamay ang bata at kinaladkad niya ito. Puro sugat at dugo ang buong mukha at katawan ni Penpen. Dadalhin sana ni aling Toyang ang bata sa likod bahay para doon tapusin. Pero bago pa man niya magawa ang pinaplano -- biglang tumunog ang telepono. Hawak pa rin niya sa kamay si Penpen habang sinagot ang tawag sa telepono.
"Toyang, bakit ang tagal mong sagutin ang tawag ko? Ano ba ang ginagawa mo?"
"Pasensiya na po madam, pinagluto ko lang po si Penpen ng miryenda."
Lingid sa kaalaman ng magulang ni Penpen, na hindi totoo ang sinagot niya. Hindi totoong nagluluto siya ng miryenda.
"Okay mabuti naman kung ganun. Pauwi na kami ng sir mo, makakauwi pala kami ngayon. Dahil huminto na ang malakas na ulan. Para makapagpahinga rin kami ng maayos at makasama ang anak namin." Sagot ni Belen.
Nanlaki ang mga mata ni aling Toyang at para siyang nabingi sa narinig mula sa mama ni Penpen.
"Ano po? Uuwi na kayo?"
"Bakit parang nagulat ka? Hindi ba kami puwedeng umuwi?”
"Ay... hindi po madam. Sige po. Mag-ingat po kayo sa pag-uwi at sa pagmamaneho ng sasakyan."
Ibinaba na ni aling Toyang ang telepono at tumingin kay Penpen. Akala niya ay magagawa na niya ang plano niya -- hindi niya pwedeng patayin si Penpen dahil sigurado hahanapin ito ng magulang niya. Kaya nag-isip ng paraan si aling Toyang kung paano niya tatapusin ang bata.
Ilang oras ang lumipas ay dumating na ang mga magulang ni Penpen dahil narinig na ni aling Toyang ang busina ng sasakyan ng amo.
‘Ang bilis naman nila!’ Naiiritang bulong ng katulong habang nakatingin sa bintana ng bahay. Nakita niya na dumating na nga talaga sila madam Belen.
"Toyang! Nandito na kami! Pakikuha ang mga gamit namin sa sasakyan." Sigaw ni madam Belen habang paakyat sa hagdan ng kanilang bahay. At sinalubong siya ni aling Toyang na nakayuko at halatang kinakabahan. Habang pababa ng hagdan si aling Toyang papunta sa kotse ay nagulat ito sa sinabi ng kanyang amo.
"Oo nga pala Toyang, nasaan si Penpen?"
"Nasa kuwarto niya po nagpapahinga."
"Okay mabuti, kami’y aakyat na at magpapahinga. Pagod kami sa trabaho, maghanda ka ng masarap na hapunan para mamaya at gisingin mo kami sa taas."
"Sige po madam."
Umakyat na sa taas ang amo ni aling Toyang. At pumunta naman siya sa kotse para kuhanin ang mga gamit na iniutos ng kanyang amo. Walang bakas ng takot o pangamba sa mukha ng katulong. Nang makaakyat na sa taas sila Belen at ang asawa nito ay sumilip muna siya sa kwarto ng anak na si Penpen at nakita nito na mahimbing na natutulog sa kwarto anak at nakakumot.
Buwisit na buwisit si aling Toyang dahil sa biglaang pag-uwi ng kanyang mga amo.
‘Punyeta! Ang bilis naman nilang makauwi! Mabuti na lang at napaliguan ko agad ang bata pagkatapos niyang tumawag at nilinis ko kaagad ang mga dugo sa mukha at katawan ng punyetang anak nila at nilinis ang mga sugat nito para walang aberya na mangyayari!’ Naiinis na sambit ng katulong sa kanyang sarili habang kinukuha ang mga gamit sa sasakyan.
--- Kalungkutan - - -
Penpen's POV
Alas-siyete na ng gabi nang magising ako, medyo masakit pa rin ang ulo ko. Nakakapagtaka, paano kaya ako nakarating sa kuwarto ko at ang linis linis ko. Ano kayang nangyari sa akin. Naalala ko na puro dugo ako, bukod dun wala na akong maalala pang iba.
"Penpen, gising ka na ba? Kakain na tayo."
"Opo papa, lalabas na po ako."
“Sige, sumunod ka na lang sa lamesa."
"Sige po Papa."
Bigla kong naalala si Sarapen. Nasaan na kaya siya? Agad akong tumayo na ako sa aking higaan at nang susuotin ko na ang tsinelas ko ay may kung anong bagay akong natapakan. Parang basa na tela. Yumuko ako para hilain ang telang natapakan ko. Nagulat ako ng makita ko si Sarapen na nasa ilalim ng kama. Agad ko siyang niyakap, akala ko may nangyari ng masama sa kaibigan ko. Mabuti naman at ligtas siya. Pinunasan ko kaagad ng tuyong damit ang laruan ko na si Sarapen at nagpalit na rin ako ng damit bago bumama dahil nabasa ang suot ko.
Habang nagbibihis ay narinig ko ang sigaw ni mama. Mukhang mainit na naman ang ulo niya kaya nagmadali na akong magbihis. Ang saya saya ko dahil kasama ko na ulit si Sarapen. Akala ko may ginawa na sa kanyang masama si aling Toyang. Pero hindi ko papalagpasin ang ginawa niyang pananakit sa akin. Isusumbong ko siya kanila mama at papa.
Lumabas na ako ng kuwarto at tumakbo na pababa ng hagdan para pumunta sa kusina kung saan naghihintay sila mama at papa. Maganda kung nanroon si aling Toyang para marinig niya ang isusumbong ko. At nang makarating na ako sa lamesa nakita ko agad ang salbahe naming katulong. Nakatingin siya sa akin, nakakatakot ang mga mata niya, hindi ko mawari ang titig niya, para siyang nagtataka na ewan. Parang gulat na gulat siya na nakatingin sa aking laruan.
Nabulabog ang katahimikan ni aling Toyang nang sigawan siya ni mama at papa. Nagtataka sila mama kung bakit biglang napatulala ang katulong namin ng makita ako. Tumingin sa akin si papa.
"O, Penpen, kumusta ka na?"
Napangiti ako ng kumustahin ako ni papa. May kung anong saya at kirot sa puso ko nang marinig ko ang boses ni papa na nangangamusta.
"Papa, may sasabihin po ako sa inyo..." tumingin muna ako kay aling Toyang bago ko ipagpatuloy ang sasabihin ko. Pinandilatan ako nito. Natatakot ako sa tingin niya pero hindi ako magpapaapekto, dahil isusumbong ko talaga siya.
"A-ano po kasi p-papa..."
"Sabihin mo anak ano 'yon?"
Nilakihan pa lalo ni aling Toyang ang mata niya kaya naman, nagdadalawang na isip na ako, kung itutuloy ko pa ba ang pagsusumbong, dahil sigurado rin naman ako na hindi sila maniniwala sa akin. Bahala na nga, ang importante malaman nila ang nangyayari sa akin dito sa bahay habang wala sila.
"Papa, mama, sinasaktan po ako ni aling Toyang. Sinasabunutan, sinasampal, pinipingot, kinaladkad po ako niya ako mama, papa."
"Anong sinasabi mo anak? Paano magagawa ni aling Toyang ang binibintang mo? At bakit niya 'yon gagawin sayo?"
"Totoo po ang sinasabi ko papa. Kahit hawakan niyo pa po ang ulo ko. May sugat po ito dahil sa ginawang pagsabunot sa akin ni aling Toyang. Puro dugo po ako kanina at si Sarapen nilunod po niya."
"Anak, tama na 'tong kalokohan. Kumain na tayo."
"Pero Papa... Totoo po ang sinasabi ko…"
Nakangisi ng mga sandaling 'yon ang aming katulong. Nasisiyahan siya dahil hindi naniniwala sa akin ang aking mga magulang. Napayuko na lang ako at naiyak dahil akong anak nila, hindi nila pinaniniwalaan. Hindi naman ako gumagawa ng kwento sa kanila.
"Honey, bakit hindi natin tanungin si Toyang…" sabi ni mama.
"Tama ka honey. Toyang, totoo ba ang sinusumbong ng anak namin? Sinasaktan mo ba talaga siya kapag wala kami?" tanong ni Papa.
Mabilis na tumugon si aling Toyang sa tinanong ni papa, "Naku sir, hindi ko po magagawa ang mga binibintang ni Penpen. Lagi nga lang siyang naglalaro sa labas, sa may duyan e. Kahit na umuulan, ayaw magpaawat, hinahayaan ko na nga lang po siya na maglaro, kasi nagagalit po siya sa akin kapag pinipigilan ko. Tapos ako pa ang lalabas na masama… ngayon."
"SINUNGALING! HINDI TOTOO 'YAN!"
"ANAK! Hindi ba sinabi namin sa’yo ng mama mo na masama ang magsinungaling at mag-akusa ng hindi totoo! Minsan ka nang nagsinungaling sa amin ng mama mo. Paano kami maniniwala sa’yo ngayon?" sigaw ni Papa sa akin.
"Papa... totoo po ang sinasabi ko, hindi po talaga ako nagsisinungaling at hindi po ako gumagawa ng kuwento."
"Tama na anak! Kumain ka na dyan! Toyang, pasensiya ka na."
"Okay lang Sir. Wala pong problema.. Naiintindihan ko po si Penpen."
Inis na inis ako kay papa dahil mas pinaniwalaan niya pa ang katulong namin kaysa sa akin. Hihintayin pa yata nila na makitang akong malamig na bangkay bago sila maniwala sa akin. Tinignan ko ng masama si aling Toyang, nakangisi lang ito at mukhang tuwang tuwa sa ginawang pagtatanggol sa kanya ni papa.
Nang matapos na kumain sila mama at papa ay agad din silang umakyat sa taas para makapagpahinga na, dahil tulad ng nakagawian, maaga silang papasok sa trabaho. Hindi man lang nila ako kinausap ng masinsinan para makapagpaliwanag. Gusto kong patunayan sa kanila na mali sila at ako ang tama.
‘Tama nga si aling Toyang wala silang pakialam sa akin, hindi nila ako mahal.' Sabi ko sa isip ko habang nakatingin sa plato. Kaya nang matapos na ako kumain ay nagpasya na akong umakyat sa kuwarto para makapagpahinga, hindi na ako nagpaalam pa kay aling Toyang dahil siguradong paghuhugasin lang niya ako ng mga plato.
Nakaakyat na ako sa aking kwarto at humiga na sa aking kama. Humalik ako sa pisngi ni Sarapen at nagpaalam na matutulog na.
Kinabukasan, maaga akong nagising dahil nasasabik na akong mahagkan ni mama. Kahit tulog ako naiisip ko ang sinabi ni mama na aalagaan niya ako pagkagising ko, umasa ako na siya ang magluluto ng almusal at susubuan niya ako. Nang makita ako ng aming katulong na si aling Toyang parang nagulat pa ito ng makita ako, kaya tinanong ko agad sa kanya kung nasaan sila mama at papa. Ang sabi niya sa akin, kasabay ni papa na umalis si mama.
"Hindi po puwede. Sabi niya po sa akin hindi siya aalis para mabantayan at maalagaan ako."
Tumakbo ako palabas ng bahay para tignan kung nandoon pa ang sasakyan namin. Pero wala akong nakitang sasakyan. Talagang umalis nga si Mama. Sabi niya sa akin hindi siya papasok sa negosyo at hahayaan na niya muna si papa ang tumungo sa maynila. Nakakainis na nakakadismaya ang aking naramdaman.
Inalok ako ni aling Toyang na kumain na ng almusal ngunit wala ako sa kondisyon kumain at sinabi ko sa kanya na siya na lang ang kumain ng pagkain ko, para hindi na siya magluto ng kakaininin niya. Malungkot na malungkot ang itsura ko no'n. Naglakad ako sa hagdan paakyat sa aking kwarto, para akong binagsakan ng langit at lupa ng mga oras na 'yon. Gusto ko mapag-isa. Hindi ako lalabas ng kwarto hangga't hindi umuuwi sila mama.
"Sarapen, bakit gano’n? Sabi ni mama hindi siya papasok? Pero bakit siya umalis. Niloko niya ako Sarapen. Niloko niya ako!"
Poot ang naramdaman ko sa aking ina, dahil bilang isang anak. Nararapat lang na alagaan niya rin ako kahit na minsan o kahit na ilang oras man lang. Ang kaso hindi nila magawa sa akin, hindi ko naman sila sinasagot ng pabalang kahit na isang beses. Pero kung tratuhin nila ako parang hindi nila ako anak.
Niyakap ko si Sarapen at umiyak na ako. Alam kong abala sila mama at papa sa negosyo namin. Pero nangako siya sa akin eh. Nangako siyang hindi siya papasok pero bakit ganun. Ang sama ng loob ko. Galit ako kay Mama!
Dahil sa sama ng loob na aking nararamdaman, napagpasyahan ko na lumabas na lang ng kwarto at maglakad lakad sa labas. Kahit na alam kong may multo ay hindi ako natatakot, gusto kong magpahangin para mawala ang galit na nararamdaman ko. Pagkababa ko ng hagdan nakita ko si aling Toyang na nag-aasikaso sa kusina, pero hindi na ako nagpaalam, dahil hindi naman niya ako papayagan.
Kasama ko si Sarapen habang nagpapalipas ako ng sama ng loob, malayo layo na rin ang nalalakad ko, hindi ko na alam kung nasaan na ako. Natatakot man ako--hindi ko na lang pinapansin ang nararamdaman ko basta makalayo ako sa bahay at mawala ang sama ng loob ko.
Sa patuloy kong paglalakad ay may nakita akong batang babae na nakatayo malapit sa balon. Nilapitan ko siya subalit biglang huminto ang paa ko sa paghakbang, parang may kung anong nadikit sa paa ko ng sandaling 'yon.
"Hoy! Bata! Hindi ka taga rito dba?" tanong niya sa akin, habang nakatalikod siya. Paano niya nalaman na may tao sa likuran niya.
"Doon ako nakatira malapit sa tabing dagat," sagot ko habang tinuturo ang bahay namin, subalit hindi ko matanaw, mula sa kinaroroonan naming dalawa.
"Ah… kayo pala ‘yung mayaman dito."
"Hindi naman kami mayaman. Malaki lang bahay naming."
"Mayaman pa rin kayo. Kasi malaki ang bahay niyo… UMALIS KA NA RITO!"
Sumasagot at nagsasalita naman ang batang babae sa mga sinasabi ko, pero hindi pa rin niya ako nililingon. Sa tingin ko ay matanda siya sa akin ng ilang taon. Sinabi niya rin sa akin na umalis na ako sa gubat. Tahimik ang paligid ng mga oras na 'yon. Walang hangin, mapayapa sa madaling salita.
"Umalis ka na sa lugar na ito. Hindi ka na dapat nagpunta pa rito!"
Inulit niya ang sinabi niya na umalis na ako at hindi na ako dapat nagpunta pa kung saan ako naroon. Sa puntong 'yon, kinilabutan na ako. Biglang lumakas din ang hangin at narinig ko na ang mga huni ng mga ibon na nakatira sa gubat. Nang tatanungin ko na siya kung ano ang ibig niyang sabihin, tumakbo ito palayo. Hindi ko man lang nakita ang kanyang mukha.
Hinabol ko ang babae, subalit napatumba ako ng may makasalubong akong baboy ramo. Sa takot ko ay tumayo agad ako at kumaripas ng takbo. Habang tumatakbo ako ng mabilis, ganoon din kabilis ang kabog ng dibdib ko. Natakot ako sa mga sinabi ng batang babae. Ano kaya ang gusto niyang iparating sa akin at bakit hindi ako dapat nagtungo sa gubat. Napatingala ako at nakita ko na malapit ng lumubog ang araw. Kaya nagmadali na ako para makauwi na ng bahay.
Hindi ko kabisado ang daan pauwi ng bahay, basta lang kasi ako takbo. Sa tingin ko ay naligaw na ako. Nagdasal na ako na sana ay wala akong makasalubong na multo, dahil hindi ko kakayanin at atakihin ako ng takot at mawalan na naman ako ng malay o di kaya ay maihi na naman sa aking salawal.
Nagmamasid masid ako sa paligid--nang marinig ko ang mga kaluskos ng mga tuyong dahon sa lupa at ang mga ibon na hindi mapakali, lipad lang sila ng lipad. Matinding kaba ang aking naramdaman, ang galit ko sa aking ina ay nawala. Napalitan 'yon ng takot dahil sa sinabi ng batang babae at ngayon naman ay sa hindi ko maipaliwanag na pakiramdaman.
Pagkatapos ko mag-isip ay tumakbo na ako ng tumakbo, bahala na kung saan ako makapunta basta ang importante makalayo ako sa gubat at makauwi. Ang bilis ng takbo ko habang hawak ko sa isang kamay si Sarapen.
Sa patuloy kong pagtakbo, lalo pang lumakas ang hangin, nagsilaglagan din ang mga dahon. Natatanaw ko na ang dagat, ibig sabihin ay malapit na ako sa aming bahay. Sa wakas at makakauwi na rin ako. Sabi ko sa aking sarili. Dahil doon ay nabawasan ang takot ko at nakangiti na ako, binagalan ko na rin ang takbo ko. Sa isip isip ko ay ligtas na ako, nang biglang may lalaking humarang sa aking dinaraanan.
"S-Sino po kayo? P-Pasensiya na po pero pauwi na po ako sa amin," nagagatol kong tanong sa kanya. Pagkatapos kong sambitin ang tanong ko ay biglang kumulog ang kalangitan, mga hayop ay gubat--nagsitakbuhan at ang mga ibon, kakaibang ingay ang kanilang ginagawa. Parang takot na takot ang mga hayop sa gubat dahil sa lalaking nasa aking harapan.
Hindi sumagot sa tanong ko ang lalaki. Ang tangkad niya halos kasing laki na niya ang mga puno. Nang mapatingin ako sa kamay nito, biglang tumulo ang aking luha at nabitawan ko ang aking laruan na si Sarapen. May hawak siyang malaking patalim. Takot na takot ako habang nakatingin sa hawak ng lalaki. Pasimple akong humakbang paatras para makatakbo.
Sigaw ako ng sigaw ng mama at papa, humihingi ako ng tulong. Subalit ang mga ibon lang ang sumasagot sa aking hinaing. Hinihingal na ako at medyo napapaos na rin dahil sa kakasigaw. Naglalakad lang ang lalaki, samantalang ako ay mabilis na tumatakbo. Pero kahit na mabilis akong tumatakbo ay malapit na akong maabutan ng lalaki. Mukhang papatayin niya ako.
"MAMAAA!! PAPAAA!! TULONGG!!"
Nahawakan ako sa damit ng lalaki.
"Bitawan mo ako! Bitawan mo ako! PARANG AWA MO NA, GUSTO KO NANG UMUWI!"
Subalit hindi ako binibitawan ng lalaki, hindi na abot ng paa ko ang lupa, dahil itinaas niya ako. Para akong laruan na bitbit niya ng sandaling 'yon. Hindi ko rin maaninag ang kanyang mukha. Naisip ko ang sinabi ng batang babae na nakita ko malapit sa balon, heto na kaya ang sagot sa katanungan ko kung bakit niya nasabi 'yon.
Sinakal na ako ng lalaki, nakatalikod ako no'n sabay hagis paikot at sinalo ako ng malaki niyang kamay at ngayon ay nakaharap na ako sa kanya, sobrang sakit ang naramdaman ko sa muli niyang pagsakal sa aking leeg. Pahigpit ng pahigpit ang ginagawa niya pagsakal sa akin. Nauubo na ako, hindi ko naman maabot ang kanyang mukha. Gusto kong lumaban kahit na kalmutin man lang siya -- sana ay magawa ko. Subalit sadyang malakas ang lalaki, hindi ako makalaban.
Nang ibaba ko ulit ang tingin ko ay nakita kong muli ang patalim na hawak nito, hindi siya basta patalim na panghiwa ng gulay. Ang laki ng patalim na hawak niya, hindi ko alam kung anong tawag pero sobrang laki. Naisip ko na papatayin talaga ako ng matangkad na lalaki na nakasakal sa akin. Baka putulan ako ng leeg at saksakin. Hindi ko na alam ang iisipin ko. Wala na ring luhang tumutulo sa mga mata ko. Wala na rin akong boses.
Hanggang sa maramdaman ko na parang hinihiwa na niya ang kamay ko, sumunod ay ang mga paa ko at naramdaman kong may tumusok na sa katawan ko. Dilat na dilat ang aking dalawang mata habang pinagtatataga ako ng lalaki. Naitanong ko sa aking isipan kung bakit niya ako sinasaktan at bakit niya ako pinagsasaksak, bakit niya ako gustong patayin. Sino ba siya at nagawa niyang hiwahiwain ang parte ng katawan ko.
"Mama, papa, mahal na mahal ko po kayo. Babalik po ako. Pangako!"
Bago ako malagutan ng hininga ay nakapagbitaw pa ako ng isang pangako sa aking sarili. Mahal na mahal ko sila mama at papa, kahit hindi nila ako mahal. Ang mahalaga mahal ko sila at babalik ako para bantayan sila.
- - -
Pinaslang ng hindi kilalang lalaki si Penpen, pinagsasaksak niya ito at ibinaon sa lupa ang katawan ng bata. Wala siyang awa sa ginawang pagpatay sa bata. Walang kalaban laban si Penpen sa matangkad na lalaki. Hindi rin gumalaw si Sarapen, hindi niya tinulungan ang kaibigan.
Pagkatapos maibaon sa lupa si Penpen ay agad itong tumakbo palayo. Sa pag-alis ng lalaki ay gumalaw na si Sarapen. Hinintay niya pang mamatay ang kaibigan bago siya gumalaw. Ngayon, naghihinagpis siya dahil sa madilim na sinapit ng kaibigan. At habang umiiyak si Sarapen ay hinukay nito ang bawat parte ng katawan ng kaibigan, gamit ang kanyang maliliit na kamay.
"Hindi ka puwedeng mamatay Penpen! Kailangan mong mabuhay. Hindi ko alam kung bakit hindi kita natulungan! Handa akong ibigay sayo ang buhay na ipinagkaloob sakin--basta't mabuhay ka lang! Kailangan mo, kailangan nating gumanti sa nangyari sayo. Papatayin natin silang lahat! Mabuhay ka Penpen, kailangan mong mabuhay! Gaganti tayo Penpen! Papatayin natin ang lalaking pumatay sayo! Pati si aling Toyang papatayin natin! Penpen.. MABUHAY KA PARANG AWA MO NA!"
Nang makita na niya ang bawat parte ng katawan ng kaibigan -- kumanta ito ng paboritong kanta ni Penpen. Ang Penpen de Sarapen.
Pen pen de sarapen,
de kutsilyo de almasen
Haw, haw de carabao batutin
Sipit namimilipit ginto't pilak
Namumulaklak sa tabi ng dagat..
Sayang pula tatlong pera
Sayang puti tatlong salapi
"Mabuhay ka Penpen! Mabuhay ka! Sinusumpa ko ang mga taong nanakit at umalipin sayo! Lahat ng taong hindi pumapansin sayo! Lahat ng taong humaharang sa kaligayahan mo! Karapatan mo maging masaya Penpen!!"
Nagbabadya ang malakas na ulan. Pero kahit na gano’n ay patuloy sa pagkanta si Sarapen. Nasasaktan siya ng sobra sa nangyari. Hindi niya matanggap ang sinapit ng kaibigan, gusto niyang sisihin ang sarili dahil hindi niya natulungan si Penpen.
Nagkaroon ng pagkulog na may kasamang pagkidlat. Nakakapangilabot ang lakas ng kulog.
"Penpen! Tanggapin mo ang buhay ko! Tanggapin mo Penpen! Papatayin natin sila!"
Iniaalay ni Sarapen ang kanyang buhay para sa kanyang kaibigan. Gusto niyang ibalik ang buhay nito. Pero hindi pa rin nabubuhay si Penpen.
"PENPEEEEENNNNNNNN!" Sigaw niya na napakalakas.
Sinabayan 'yon ng malakas na mga kulog at kidlat na humahalik sa kalupaan. Ilang puno rin ang nagtumbahan at umapoy dahil sa paghalik ng kidlat. Napapalibutan ng mga nag-aalab na apoy ang paligid ni Sarapen. Kahit na umuulan ay hindi nawawala ang apoy na tumutupok sa mga puno.