II: Simula ng pananakot

4804 Words
Penpen de Sarapen II: Bahaghari Sarapen's POV             Ako ay hamak na laruan lamang. Ako lang ang nag-iisang kaibigan ni Penpen sa bahay. Sa aking niya lahat sinasabi ang lahat ng nararamdaman niya. Masaya man siya o malungkot, sa akin niya sinasabi ang lahat. Kahit ang magulang niya ay walang pakialam sa kanya. At ang katulong nila ay malupit na salbahe! Awang awa ako kay Penpen sa tuwing makikita kong sinasaktan niya ang bata. Kung buhay lang sana ako--ibabalik ko kay aling Toyang ang lahat ng ginagawa niya sa kaibigan ko. Ayokong nakikitang nasasaktan at umiiyak si Penpen dahil naaawa ako. Bata pa siya, kailangan niya pa ng kalinga at pagmamahal mula sa kanyang magulang, pero ipinagkakait ito sa bata. Kaya no'ng isang gabing bilog ang buwan ay nagsalita itong si Penpen at sumumpa sa ilalim ng bilog na buwan. Biglang kumulog at kumidlat. Ilang segundo lang ay nakidlatan ako at sa nakakamanghang pangyayari ay nagkaroon ako ng buhay. Kaya nang maigalaw ko ang aking kamay ay agad kong niyakap si Penpen para maramdaman nitong may nagmamahal sa kanya at ako lang yun. Wala ng iba. Ako lang! At habang pinagmamasdan si Penpen na natutulog ay bigla itong nagsalita sa boses niya ay antok na antok pa ito hinahanap niya ako. Pero hindi ako sumagot at bumalik na ito sa pagtulog. Penpen matulog ka na muna. Ako na ang bahala! - - - Aling Toyang's POV             Pasaway talaga ang batang 'yon sakit sa ulo! Nakakapanggigil! Nakakapang-init ng dugo! Hindi ko maiwasan talagang hindi siya saktan! Maliit na nga ang sweldo ko, dalawa pa ang inaasikaso ko! Bukod sa nagbabantay ng makulit na bata, naglilinis pa ako ng napakalaking bahay. Hay nako! Hindi na rin ako nakapag-asawa dahil sa pamilya niya! Dahil ang dating kong nobyo ay iniwan ako dahil sa wala akong maibigay na pera sa kanya dahil sa sobrang liit ng suweldo na ibinibigay sa akin. Kaya nagtiyaga na lang akong magtrabaho bilang katulong. Sa sobrang inis ko--sa bata ko binubunton ang lahat ng inis at galit na kinikimkim ko. Buti na lang at laging wala ang magulang niya at kaming dalawa lang ng bata ang naiiwan madalas sa bahay. Kaya nagagawa ko ang lahat parang ako ang may-ari ng bahay. At kapag nawala sila sa akin na mapupunta ang bahay na'to! Habang inaayos ko ang aking higaan para maghanda sa aking pagtulog ay may narinig akong maliit na boses na kumakanta ng kinakanta ng mga amo ko. Sumigaw ako habang sinasalansan ang unan sa aking kwarto ngunit walang sumasagot. Kaya hindi ko na pinansin. Pahiga na sana ako ng makita ko ang laruan ng aking alaga na nakatayo sa pintuan ng aking kwarto. "Hindi ako sino ka at hindi rin ako tao. Isa akong laruan. TOYANG! chichichi." Nanlaki ang aking mata ng makita ang laruan ni Penpen na gumagalaw at nang marinig kong magsalita ito--kumabog ang dibdib ko ng napakalakas. Agad akong nakaramdam ng takot ng sandaling 'yon. Ayokong kumurap dahil baka sa pagkurat ko ay nasa tabi ko na ang laruan. Hindi ako makapaniwala na buhay ang laruan ng bata.  "DEMONYO KA!" Naglalakad palapit sa akin ang laruan, habang ako naman ay paatras na pagapang. Nagulo na ang kanina'y kakaayos ko lang na hihigaan ko. "Toyang hindi ako demonyo, laruan ako. Natakot ba kita? Chichichi. Nandito ako para paalalahan ka. Huwag na huwag mo ng ulit sasaktan at aapihin si Penpen. Dahil kung hindi ay MAPAPATAY KITA!! Chichichichi." Pagbabanta sa akin ng laruan ng aking alaga. Baka akala niya natatakot ako sa kanya. Baka hindi niya alam na mas malakas ang tao kaysa sa laruan! Sigaw ako ng sigaw ng DEMONYO KA! DEMONYO KA! At habang nagsisisigaw ako ay narinig ko ang boses ng mama ni Penpen. Pasigaw na sana ako para humingi ng tulong ang kaso ay pinigilan ako ng laruan at hinawakan nito ang mukha ko. Sa takot ko ay para akong naging pipi ng sandaling 'yon. Nanginginig ang katawan at ang mata ko habang nakatitig sa nakakatakot na parang demonyo na laruan. Hindi ko alam na may hawak palang kutsilyo ang laruan. Pinakita niya ito sa akin at sinabi niya na ang hawak niyang kutsilyo ang papatay sa akin. Nawala lahat ng tapang ko dahil sa kaba at takot na nararamdaman ko habang nakatutok sa akin ang kutsilyo ng laruan. Hanggang sa dumating sa punto na sinikmuraan ako ng laruan, dahilan para mawalan ako ng malay. 3rd person's POV             Narinig ni Sarapen ang boses ng mama ni Penpen at narinig niya rin ang mga yapak nito na pababa ng hagdan kaya ang ginawa niya ay nilapitan niya na agad si aling Toyang para tutukan ito ng kutsilyo at takutin. Patuloy lang sa pagsigaw si aling Toyang kaya ang ginawa niya -- sinikmuraan niya ang matanda para mawalan ito ng malay. Nang makarating ang mama ni Penpen sa kwarto ng katulong, nakita niya itong nakahilata na sa kama. Ang hindi niya alam ay walang malay ang katulong ng sandaling 'yon at hindi natutulog. Mabuti na lang at nakapagtago agad sa likod ng pinto si Sarapen. At habang nagsasalita ang mama ni Penpen--pasimpleng naglakad palabas ng kwarto ni aling Toyang ang laruan. Nang makalabas ay dahan-dahan siyang umakyat ng hagdan pabalik sa kwarto ng kaibigan. Siguro naman ay sapat na ang ginawa ni Sarapen para tigilan na ang pananakit niya kay Penpen. Pagbalik ng kwarto ng laruan ay agad itong niyakap ng bata. Nagulat pa ang laruan ng ngumiti si Penpen, ang akala niya ay napansin siya ng bata. Kaya pinakiramdaman niya muna saglit kung nagising nga si Penpen at nang makasiguro na tulog ang bata. Pumikit na ito at natulog na rin. Kinaumagahan, habang nagkakainan ang buong pamilya. Hindi maiwasan ng ina ni Penpen ang tanungin ang kanilang katulong tungkol sa nangyari sa kagabi. Kung bakit ito nagsisisigaw, dis oras ng gabi. Sinabi nito sa amo na hindi siya nagsisisigaw at mahimbing siyang natutulog ng mga oras na 'yon. Ang buong akala ng ina ng bata ay guni-guni lamang niya ang narinig. Hanggang sa sabihin ng katulong na nanaginip siya. Kaya tinanong ito ng mama ni Penpen. Nakikinig lang ng sandaling 'yon si Penpen sa usapan ng kanyang ina at ng kanilang katulong. "Kakaiba po madam, hindi ko mawari. At baka pagtawanan niyo po ako kapag sinabi ko." "Ano nga Toyang?" "Napanaginipan ko po na buhay ang laruan ni Penpen at gusto akong patayin." "Hahahahaha! Ano? ‘Yung laruan ni Penpen? HAHAHAHAHA!" "Madam sabi ko na nga ba pagtatawanan niyo ako. Totoo po madam napanaginipan ko po talaga." "Okay, okay, bakit ka naman gustong patayin ng laruan ni Penpen? Hahaha!" Umalingawngaw sa kusina ang malakas na tawa ng ina ng bata. Tama ang hinala ng katulong na pagtatawanan siya nito kapag sinabi niya ang napanaginipan niya. Subalit iginiit nito na totoo ang sinabi niya na gusto siyang patayin ng laruan ni Penpen. At nang tanungin siya kung bakit gusto siyang patayin, hindi na nakasagot ang katulong at tinikom na nito ang bibig niya. Sumingit na sa usapan ang ama ni Penpen at sinabi nito na mahuhuli na sila sa trabaho kaya nagyaya na itong umalis. Tinanong pa siya ng asawa kung hindi na kakain at sinabi niyang sa trabaho na lang siya kakain ng almusal. Tumayo na ang ina ni Penpen at yumakap na agad sa ama niya at naglakad na ang dalawa palabas ng bahay. Sinabihan pa sila ng anak na mag-ingat habang nakangiti ito. Hahabulin niya sana ang magulang para sabihin na yakapin siya at halikan. Subalit nakalabas na ang mga ito. Kahit man lang tango ay hindi nila ginawa, hindi man lang nila nilingon ang anak para ngitian. Nagtatawanan pa sila ng lumabas ng bahay. Naglakad papunta sa pintuan ang katulong para tignan at subaybayan ang pag-alis ng kanyang amo. Pagkaalis ng sasakyan ay agad itong bumalik sa kusina para utusan ang batang si Penpen na nakasimangot at malungkot. Imbes na palubagin niya ang loob ng bata ay inutusan niya pa ito. "Penpen! Ikaw na magligpit ng pinagkainan at hugasan mo na rin!" Sigaw ni aling Toyang. Napatingin sa kanya ang bata at nang makita niyang malungkot ang itsura ng mukha ni Penpen, sinabi nito na masama ang kanyang pakiramdam kaya matutulog muna siya. Wala naman siyang masyadong ginagawa, sumama pa ang pakiramdam niya. Hindi na sumagot ang bata at tumango na lang ito sa iniutos ng katulog. Pasimpleng tumawa ang katulong habang naglalakad ito papunta sa kanyang kwarto. Pasaway talaga si aling Toyang, gusto na yatang tuluyan siya ng laruan na si Sarapen para mamatay. Nang makapasok ang katulong sa kanyang kwarto. Kinarga na ng bata ang kanyang laruan at inilipat ng bangko, malapit sa hugasan ng plato. At iniligpit na niya ang mga pinagkainan nila, kasama ang pinagkainan ni aling Toyang. Pagkatapos magligpit ay agad na sinimulan ng bata ang paghuhugas ng plato.  "Pagkatapos ko maghugas pupunta tayo sa duyan para makapagpahangin at makapaglaro tayo." Sabi ni Penpen habang sinasabon ang mga plato. Batid sa kaalaman ng bata -- naaawa sa kanya si Sarapen dahil sa ginagawang pang-aabuso ng mahadera nilang katulong. At habang naghuhugas ng plato si Penpen--pasimple itong kumakanta ng paboritong kanta at laro ng kanyang mga magulang, kung saan nakuha ang pangalan niya at ang pangalan ng kanyang laruan. Penpen De Sarapen de kutsilyo de almasen Haw, haw de carabao batutin Sipit namimilipit ginto't pilak Namumulaklak sa tabi ng dagat. Sayang pula tatlong pera Sayang puti tatlong salapi Unti-unting dumidilim ang kalangitan habang kumakanta si Penpen ng Penpen de Sarapen. Mukhang hindi sila makakapaglaro pagkatapos nitong maghugas. Dahil nagbabadya ang malakas na ulan ng mga oras na 'yon. At kahit na ganoon ay nagpatuloy pa rin sa pagkanta ang bata, hindi niya alam ay dahil sa pagkanta niya ay sumasama ang panahon. Sa muli niyang pagkanta ang madilim na kalangitan ay nagkaroon ng tunog. Nagsimula na ring kumulog. Bumukas ang pintuan ng kwarto ni aling Toyang at nakabusangot ang mukha nito.  "Ano ba yan. Istorbo! Natutulog ang tao!" Pagrereklamo nito habang humihikab pa. "PENPEN! Ikaw na magsilong ng mga sinampay ko baka biglang umulan!" Utas ng katulong. Napalingon sa kanya ang bata dahil sa inutas niya. Kaya sinagot niya ito,  "Po? Naghuhugas pa po ako ng plato eh." Sagot ni Penpen sa utos ng katulong. Biglang nanlaki ang mata ni aling Toyang at lumaki rin ang butas ng ilong nito. Hindi niya nagustuhan ang isinagot ng bata sa kanya. Ang akala niya ay susunod ito sa sinabi niya. Ang hindi niya alam ay tatanggihan siya ng bata. "Unahin mo na muna ang mga sinampay ko! Baka mamaya’y mabasa ang mga damit ko!” "Damit niyo naman po yun eh aling Toyang. Kayo na lang po magsilong." "A-ANO! ANONG SABI MO!" Lumapit ang katulong sa bata at agad niya itong piningot sa tenga. "A-anong sabi mo?! A-ako ba ang inuutusan mo?! E, ano naman kung mga damit ko ang pinapasilong ko sa’yo! Nagrereklamo ka!” Sigaw ng katulong sa tenga ng bata. Nasaktan si Penpen sa ginawang pagpingot ng katulong, nabingi pa ito sa malakas na bulyaw nito sa kanyang tenga. Sinabi ng bata na nasasaktan na siya sa ginagawa niya, hindi naman siya nagrereklamo. Sinasabi lang ng bata na damit naman niya 'yon kaya dapat lang na siya ang magsilong. Sa tingin ng katulong ay nangangatwiran ang bata, kaya sinaktan niya ulit ito. Pagkabatok niya sa bata ay bumuhos na ang malakas na ulan na may kasamang malakas na kulog at kidlat. "Ayan na! Umulan na! Buwisit ka talagang bata ka! Wala kang pakinabang! Letse ka! Nabasa tuloy ang mga damit ko! Mamaya ka lang talaga sa’kin!” Pagkatapos sumigaw ng katulong, binatukan niya si Penpen atisang malakas na sampal sunod na ibinigay ni aling Toyang sa bata. Halos tumabingi ang mukha ng bata sa sobrang lakas ng pagsampal ng katulong. Ang sampal na 'yon ang hinding hindi niya makakalimutan. Naiyak na lang ang bata sa ginawa sa kanya ni aling Toyang. Natigil din ito sa paghuhugas ng plato dahil hinawakan niya ang pisngi na sinampal ng katulong. Bumaba saglit ang bata sa bangko na tinutungtungan niya at lumapit sa kaibigang laruan. Niyakap niya ito at nagreklamo siya sa ginawang pagsampal ni aling Toyang. "Sarapen, ang sakit ng sampal ni aling Toyang. Sinusunod ko naman lahat ng inuutos niya sa akin dba? Pero bakit sinasaktan pa rin niya ako. Ang sakit sakit ng pisngi ko Sarapen pakiramdam ko natanggal ang ngipin ko." Sabi nito sa kanyang kaibigan habang patuloy na umaagos ang luha sa kanyang mata. Bumalik na ulit sa lababo ang bata para tapusin ang ginagawang paghuhugas ng mga plato. At nang matapos na itong maghugas, kinuha niya agad ang laruan na nakaupo sa bangko. Yakap yakap niya si Sarapen habang naglalakad siya paakyat sa kwarto niya. Wala pa ring tigil sa pagpatak ang mga luha niya dahil sa hapdi ng pagkakasampal ni aling Toyang. Pagkarating niya sa kuwarto ay iyak ng iyak ang kawawang bata at pumwesto ito sa sulok ng kanyang kwarto. Nagtataka siya sa sarili at tinatanong ang sarili kung bakit patuloy siyang sinasaktan ng kanilang katulong. Wala naman siyang laban kahit na lumaban siya, dahil matanda 'yon sa kanya. Wala rin naman siyang mapagsusumbungan sa lahat ng pananakit na ginagawa ng matanda. Kahit naman sabihin niya sa kanyang magulang ang ginawa ng katulong, hindi rin naman maniniwala ang mga ito sa kanya. Kaya kay Sarapen na lang siya nagsusumbong. Binaling ng bata ang tingin sa bintana habang nakahawak sa namamagang pisngi. Sa tingin niya ay nakikisimpatya ang langit sa lungkot na nararamdaman niya ng sandaling 'yon. Tatayo sana siya para isarado ang bintana, subalit sunod sunod na mga pagkulog ang umalingawngaw sa kalangitan. Bumalik na lang si Penpen sa sulok para magmukmok habang yakap yakap ang laruan. Habang yakap niya ang laruan ay may kung anong tumulo sa kanyang balikat. Tumingala siya sa bubungan subalit wala namang butas kaya imposible na ulan ang tumulo. Inialis niya ang yakap sa laruan at tinignan niya ang mukha ni Sarapen. Nagpunas siya ng luha sa kanyang nakita. Kitang-kita ng dalawang mata ng bata ang pag-iyak ng laruan. Tinanong niya ito kung bakit umiiyak ngunit hindi sumasagot ang laruan. Kaya pinunasan niya ang luha sa mata ni Sarapen. Hindi niya alam ay mas lalong naaapektuhan ang laruan kapag nakikita siyang nasasaktan. "Sarapen, kahit laruan ka lang. Mahal na mahal kita."  Nang sabihin ng bata sa laruan na mahal na mahal niya ito. Parang may gumamit ng salamangka ay umaaliwalas ang paligid. Biglang nawala ang malakas na ulan, kulog at kidlat. Ngumiti ang bata ng makakita ng bahaghari. Tumayo ito mula sa sulok na pinagmumukmukan niya at tumungo sa bintana para pagmasdan ang ganda ng bahaghari. Ngayon lang siya nakakita ng iba't ibang kulay sa kalangitan. Kinuha agad ni Penpen ang kanyang tsinelas na nasa ilalim ng kama at dali dali itong lumabas ng kwarto. Tumingin tingin muna siya sa paligid dahil baka nasa tabi-tabi lang ang mahaderang katulong. Mabuti na lang at wala, kaya agad itong nagtatakbo pababa ng hagdan. Nakangiti at masaya siya habang tumatakbo pababa. Hindi na siya tumingin pa sa kusina at agad na tumakbo palabas ng bahay. Pagkalabas ng bahay ay kumaripas ito ng takbo papunta sa paborito niyang palaruan. At nang makarating ay agad na umupo sa duyan kahit na basa pa ito dahil sa malakas na ulan na nangyari kanina. Masaya ang pakiramdam ng bata ng sandaling 'yon. Kakaiba ang sigaw at tawa niya, napapahiyaw pa siya sa sobrang lamig ng hangin. Ang hindi niya alam ay lihim na nakangiti ang laruan sa pinapakitang kasiyahan ng bata. Penpen De Sarapen de kutsilyo de almasen Haw, haw de carabao batutin Sipit namimilipit ginto't pilak Namumulaklak sa tabi ng dagat. Sayang pula tatlong pera Sayang puti tatlong salapi Parang bumagal ang oras habang naglalaro si Penpen, ayaw ng laruan na mawala pang muli ang ngiti na nakikita niya ngayon sa kanyang kaibigan. Kaya palihim nitong kinakanta ang Penpen de Sarapen. Ang gandang pakinggan ng boses ni Sarapen habang ang saya pagmasdan ng mga ngiti at tawa ni Penpen. Nang biglang tumunog ang tiyan ng bata, parang may nagtambol sa sikmura niya. Natawa ito ng marinig niya ang tunog, nagugutom na siya dahil sa sobrang saya. Tumigil na sa paglalaro ang bata at naglakad na ito pabalik sa bahay. Hindi pa rin nawawala ang ngiti niya sa kanyang labi habang naglalakad pauwi. Ang hindi niya alam, may isang tao na galit na galit habang pinapanood siyang masaya at naririnig ang malalakas niyang tawa. Nakakatakot na mukha ang sumalubong kay Penpen pagkauwi ng bahay. Nawala ang ngiti at saya sa mukha ng bata ng tanungin siya ng katulong kung saan siya nanggaling, kahit alam nitong naglalaro lang ang bata sa duyan. "Naglaro lang po kami ni Sarapen sa duyan" "Puro ka laro! Laro! Laro! Wala ka ng ginawang matino!" "Wala raw! E, halos ako na nga gumagawa ng gawain niya sa bahay." "May sinasabi ka, PENPEN?!" "Wala po." Ang akala ng bata ay sasaktan siya kaya agad niyang hinarang ang kamay sa kanyang ulo. Nagulat ito ng tanungin siya ni aling Toyang kung kumain na ba siya. Kaya nga siya umuwi ay para kumain dahil nagugutom na siya. Sumagot si Penpen ng hindi pa kay aling Toyang. "Siguro gutom na gutom ka na. Halika na kumain ka na. Nagluto na ako ng pagkain." Nakangiti ang katulong ng yayain niya ang bata na kumain na. Hindi makapaniwala ang bata sa pinapakita ni aling Toyang ng mga oras na 'yon. Kahit na nagtataka, sumunod na rin siya sa kusina kung saan pumunta si aling Toyang. Sana nga ay totoo ang pinapakita ng katulong. Dahil kung hindi malalagot siya sa laruan. Nang makarating na sa kusina si Penpen ay agad siyang pinaupo ni aling Toyang at agad ding binigyan ng pananghalian. Pagkalapag ng pagkain, nakangiti itong nagpaalam sa bata na maglilinis muna siya sa sala. Tumango naman ang bata habang nakasubo ang kutsara sa kanyang bibig. Sinundan siya ng tingin ni Penpen at nakita nito na kinuha ng katulong ang walis tambo at nagsimula na itong maglinis at magwalis sa sala. Kaya pinagpatuloy na ni Penpen ang pagkain. Ang hindi niya alam ay maitim na binabalak pala ang katulong na si aling Toyang. - - -  Aling Toyang's POV  Sumobra na 'ata ang kalupitan ko sa bata. Kailangan kong bumawi kahit papaano. Kaya tinanong ko siya kung kumain na ba siya, dahil alam ko nasaktan ko siya kanina at napagod siya sa paglalaro sa duyan. Pero syempre hindi naman ako papayag nang walang kapalit ang gagawin kong kabaitan. Kailangan niyang sumunod sa iuutos ko, dahil kung hindi malilintikan siya sa akin! Habang nagwawalis ako sa kusina, dinig na dinig ko ang saya ni Penpen. Mukhang nasasarapan siya sa niluto ko. Syempre, sinarapan ko talaga dahil masarap din ang plano ko sa kanya. Kahit tapos na akong magwalis sa sala, inulit ko ulit ang pagwawalis hanggat hindi pa siya natatapos kumain. At nang sabihin niyang tapos na siyang kumain, nagpasalamat pa si Penpen sa akin. Nagpaalam ito na aakyat na siya sa kuwarto. Hayahay naman siya kung gagawin niya 'yon! "Penpen, wala pa akong sinabi na puwede ka ng umakyat sa kuwarto mo." Nakangisi ako ng sabihin iyon sa kanya. Baka akala niya libre lang ang ginawa kong kabaitan. Nagkakamali siya. Kapag tumanggi pa siya sa iuutos ko, sisiguraduhin ko na hindi lang sampal at pingot ang gagawin ko sa kanya. "Ano po? Bakit po?" "Naalala mo umulan diba? Nabasa ang sinampay ko at nadumihan. Gusto ko sanang labhan mo ang mga damit ko na nadumihan!" Sa kabila ng pagpapakabait ko at pinakain ko pa siya ng masarap na pananghalian. Sinuway lang ng bata ang iniuutos ko. Hindi talaga siya nagsasawa na masaktan siya. Talagang sinabi pa niya sa akin na sabi ng magulang niya na dapat ay matulog siya ng hapon. WALA AKONG PAKIALAM! Gusto lang talagang makatikim ng batang 'yon. Wala akong pakialam kung hindi siya marunong maglaba, ang gusto ko labhan niya ang mga damit ko! Nagpasalamat pa talaga siya sa akin dahil pinayagan ko siyang umakyat at matulog. Lakas talagang mang-asar! Tignan lang natin! - - - Penpen's POV              Mukhang bumait na nga si aling Toyang sa akin. Dahil hindi niya pinagpilitan ang gusto niya, kahit na nagagalit na ito sa akin. Hindi naman kasi ako talaga marunong maglaba, ewan ko ba sa kanya kung bakit inuutos niya sa akin na gawin 'yon. Nang magpaalam ako sa kanya na aakyat na ako para matulog, nakangiti siyang pumayag ngunit nakasigaw. Nakapasok na ako sa aking kwarto ng may narinig akong paakyat ng hagdan. Medyo luma na rin kasi ang hagdan namin kaya kapag may umaakyat  o bumababa ay maririnig mo. Bumangon ako sa pagkakahiga nang biglang gumalaw ang hawakan ng pinto ng kwarto ko at pumihit ito pasarado. Tumayo ako sa kama at tumungo sa pinto, hindi ko mabuksan ang pintuan ng kwarto ko. Sa tingin ko ay sinaraduhan ako ni aling Toyang. Kaya nagsisisigaw ako na buksan niya ang pinto. "Buksan? Nagpapatawa ka ba Penpen? Diyan ka sa kwarto mo! Ayaw mo sundin ang inuutos ko diba? Gusto mong matulog diba? P'wes diyan ka sa kuwarto mo! Hindi ka makakalabas hangga't hindi ko binubuksan!” Pagkatapos sabihin iyon ni aling Toyang, hindi na ako nagpumilit pa na buksan niya ang pinto ng kuwarto ko. Kaya bumalik na ako sa kama at humiga na. Kinulong ako ng katulong namin sa kwarto ko, mabuti na rin siguro 'yon kaysa mahirapan ako na labhan ang mga damit niya. Akala ko pa naman bumait na siya. Pakitang tao lang pala. Kinuha ko ang laruan ko at kinausap ko, "Sarapen, akala ko bumait na talaga si aling Toyang. Hindi pa pala. Kaya pala nag-aalala siya sakin at todo asikaso kasi may iuutos siya. Hayyy!" Pagrereklamo ko. Pumikit na ako at natulog. At habang natutulog ako ay napanaginipan kong muli si Sarapen na buhay at nagsasalita. Dumilat ako at humarap sa kanya, "Sarapen, napanaginipan ulit kita. Nagsasalita ka at buhay ka. Mahiwaga ang panaginip ko na kasama kita. Salamat Sarapen ah, kasi ikaw lang ang nagsabi sa akin na ipagtatanggol ako at aalagaan. Sana nga buhay ka at nakakapagsalita, para naman may makausap na ako. Alam mo ba na ikaw lang talaga ang nag-iisang kaibigan ko." Bumalik ulit ako sa pagtulog pagkatapos kong kausapin ang aking laruan.  Ilang oras pa lang ang lumipas simula nang makatulog ako, narinig ko mula sa labas ng aking kuwarto ang boses ni papa. Tinatanong niya ako kung gising na ako. Sumagot ako sa kanya ng OPO at tinanong niya ako kung bakit hindi pa ako lumabas at bumaba, para makakain na nang hapunan. Pagtingin ko sa bintana, madilim na. Kaya pala nandito na sila papa. "Hindi po ako makalabas papa. Nakasarado po ang pinto." "Anong nakasarado? Bakit nabuksan ko?" Nagulat ako ng mabuksan ni papa ang pintuan. Alam ko ay kinandado ni aling Toyang ang pintuan ng kuwarto ko. Nakita kong natawa pa si papa sa sinabi ko, akala niya siguro ay nagbibiro ako. Ibinuka ko ang kamay ko habang nakaupo sa kama. Dahil gusto ko kargahin ako ni papa palabas ng kuwarto at pababa ng hagdan. Pero hindi nangyari ang gusto ko. Tumalikod agad ito pagkatapos sabihin na kakain na kami. Bakit hindi nila akong magawang yakapin at kargahin. Anak naman nila ako. Nakasimangot akong tumayo sa kama at parang wala akong gana na naglalakad pababa ng hagdan. Natapos na kaming kumain ng hapunan pero tulad ng nangyayari sa araw-araw, pagkatapos kumain ay agad na umaakyat sila mama at papa. At ako? Heto naghuhugas na naman ng pinagkainan, samantalang si aling Toyang -- pumasok na kanyang kuwarto at mukhang matutulog na. "Sarapen, mamaya laro tayo pagkatapos ko maghugas ng plato." Nang matapos na akong maghugas ng plato ay umakyat na agad ako sa aking kwarto para makapaglaro kami ni Sarapen. Alas-otso na nang gabi ng mga oras na 'yon pero hindi pa ako inaantok kaya naisipan kong maglaro muna kami ni Sarapen at aming lalaruin ang Penpen de Sarapen. Nakita ko ang laruang kutsilyo ko sa lagayan ng aking mga laruan at kinuha ito para may magamit kami ni Sarapen. Hindi ako natatakot kasi laruan lang naman ang gagamitin namin. Sabi kasi nila mama dati -- daliri ang ginagamit nila, pero para sa akin mas masaya siguro kung kutsilyo naman ang gagamitin ko. "Sarapen, akina ang kamay mo hawakan mo itong laruang kutsilyo tapos ibubuka ko ang mga daliri ko... Oo nga pala kapag nadikit ang kutsilyo sa isang daliri ko, tutupiin ko ito. Hanggang sa matiklop lahat ng daliri ko. Simulan na natin Sarapen." Penpen De Sarapen de kutsilyo de almasen Haw, haw de carabao batutin.. "Ay nadikit, hehe. Tiklop na itong hinliliit ko. Apat na daliri na lang Sarapen."  Penpen De Sarapen de kutsilyo de almasen Haw, haw de carabao batutin.. Sipit namimilipit ginto't pilak Namumulaklak sa tabi ng dagat. "Ayan nadikit ulit. Tiklop na rin itong hinlalaki ko. Tatlong daliri na lang." Penpen De Sarapen de kutsilyo de almasen Haw, haw de carabao batutin.. Sipit namimilipit ginto't pilak Namumulaklak sa tabi ng dagat. Sayang pula tatlong pera... "Hindi naman tayo makaganap ng buong kanta, Sarapen laging nadidikit. Hehehehe. Tiklop na itong palasingsingan. Dalawang daliri na lang." Penpen De Sarapen de kutsilyo de almasen Haw, haw de carabao batutin.. Sipit namimilipit ginto't pilak Namumulaklak sa tabi ng dagat. Sayang pula tatlong pera... Sayang puti tatlong salapi "YEHEY! Nakaganap na tayo ng buong kanta. Ang saya-saya naman Sarapen. Woo, ang galing natin!" Alas-nuwebe imedya na nang gabi ng matapos kaming maglaro ni Sarapen. Inabot kami ng isa't kalahating oras bago makaganap ng buong kanta. Ibinalik ko na ang kutsilyo sa lagayan at humiga na ako. Pagkahiga ko ay biglang kumulog sa labas kaya isinarado ko na agad ang bintana, baka mamaya ay kumidlat na naman at pumasok na naman sa kwarto ko at tamaan ulit si Sarapen. Baka mamaya masunog na siya kapag tinamaan ulit. Maganda na 'yong maagap, ayokong masunog ang kaibigan ko. Kahit na laruan lang siya. Pagkasarado ko ng bintana ay agad akong bumalik sa aking kama at kinausap ang aking laruan. "Sarapen, napapadalas ang kulog. Halika na tulog na tayo, baka umulan na naman ng malakas." Nakahiga na ako no'n habang pinagmasdan ang ganda ng buwan kahit nababalot ito ng mga itim na ulap, kitang kita pa rin ang mala-kahel na mamula mula nitong kulay. At nagsimula na nga ang malakas na ulan na may kasamang malakas na pagkulog. Humalik na muna ako sa pisngi ni Sarapen at pagkatapos ay natulog na ako, habang yakap-yakap siya. - - - Sarapen's POV             Mabuti na naman at nakatulog na agad si Penpen. Lagot sa akin ngayon si aling Toyang. Baka akala niya hindi ko nakita lahat ng ginawa niya. Kinulong pa niya si Penpen sa kwarto. Nag-iiyak tuloy ang bata. Wala talagang kadala-dala ang walang kwentang katulong na 'yon! Kumanta muna ako ng Penpen de Sarapen bago ako lumabas ng kwarto ni Penpen. Alam kong naririnig niya ang kanta ko. Pinayakap ko muna saglit ang maliit na unan na magsisilbing ako kay Penpen habang ginagambala si aling Toyang. Nang maipalit ko na ang unan ay agad akong tumalon sa sahig.  "TOYANG! PAPUNTA NA AKO! Chichichi!"  Habang naglalakad ako pababa ng hagdan, papunta sa kwarto ni aling Toyang. Nilibang ko muna ang sarili ko habang kumakanta ng Penpen de Sarapen. Nang makarating na ako sa kuwarto ni aling Toyang. Agad kong binuksan ang pintuan ng kwarto niya. Akala ko ay natutulog na siya, hindi pa pala. Chichichi! "Ikaw na namang DEMONYO KA LUMABAS KA SA KWARTO KO!" Sigaw nito sa akin. Hindi man lang siya bumati ng hello o kahit hi man lang. Chichichi. Patuloy ang kulog ng mga oras na 'yon. Mabuti na lang at may kulog dahil kahit magsisisgaw siya ay hindi siya maririnig ng mama ni Penpen. "ToyangToyangToyang. Chichichi.. Diba sinabi ko na sa’yo na 'wag mo ng kakantiin si Penpen? Bakit sinaktan mo na naman siya? Bakit sinampal mo na naman siya? Halos tumabingi ang mukha niya sa sampal mo! Tapos kinulong mo pa siya sa kuwarto niya!" "Dapat lang sa kanya 'yon. Hindi kasi siya sumusunod sa mga utos ko!" "At bakit kailangan niyang sumunod sa utos mo! Amo ka ba niya? Katulong ka lang nila, Toyang!!! Katulong ka lang! Kaya huwag kang umasta!!!” Nanggagalaiti na ako sa galit dahil sa mga baluktot niyang sagot sa akin, nakakapang-init ng dugo talaga. Chichichi! Kaya hindi ko na napigilan ang sarili ko na makipagsigawan sa kanya. Dala ko pa naman ang kutsilyong laruan na ginamit namin ni Penpen kanina. Para gamiting panakot sa kanilang katulong na walang kuwenta! "Nakikita mo ba itong kutsilyo na hawak ko Toyang.. Ibabaon ko sa’yo ito! Chichichichi!" Umaalik-ik na sabi ko sa kanya. Pero mukhang hindi siya natatakot sa kutsilyo na hawak ko. Sa tingin ko’y napansin na niyang isang laruan lang ang hawak ko. "Baka akala mo natatakot ako sa’yo! Laruan ka lang! Laruan din ‘yang hawak mong kutsilyo! Hahahaha!” "Laruan ba Toyang? Subukan natin. Chichichichi."  Matapang talaga si aling Toyang hindi ko siya makitaan ng takot sa mukha. Mukhang hindi ko makukuha sa sindak ang matanda. Sinabihan pa akong laruan at laruan lang ang hawak kong kutsilyo. Masubukan nga sa kanya. Chichichi. Pumatong ako sa dibdib ni aling Toyang habang nakahiga ito at tumapyas ako ng tela sa kumot para ipangtakip sa maingay na bunganga niya! "Handa ka na ba Toyang. Chichichichi. Laruan pala ah!"  "URGHH! URGGGHHHH!! AAAGGHHH!!" "ANO TOYANG! ILABAS MO ANG TAPANG MO! MATAPANG KA DIBA! SA AKIN MO ILABAS! CHICHICHI." "ARGHHH! URRRGGHH!" "HETO NA TOYANGGGGG!"  Sumabay ang malakas na kulog ng itinaas ko ang kutsilyo na hawak ko. Dahil handang handa na akong ibaon ito sa leeg ni aling Toyang. Ihahataw ko na sana ang kutsilyo nang marinig kong kumaluskos ang higaan ni Penpen. Sigurado ako naalimpungatan na naman ang kaibigan ko. Kailangan ko na maakyat agad -- sigurado hahanapin niya ako. "HANGGANG SA MULI TOYANG! Chichichichi!" Umalis na ako at iniwan ko si aling Toyang na may tela sa bunganga. At nakita ko na rin sa wakas ang takot na takot mukha nito. Ang pangit pala matakot ni aling Toyang. Parang nagdedeliryo lang, chichichi! Baka akala niya uubra sa akin ang ginagawa niya kay Penpen. Pasalamat siya dahil madalas itong maalimpungan at hinahanap ako, dahil kung hindi patay na siya! Chichichichi.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD