I: Ang nakaraan at pagkabuhay ni Sarapen

3312 Words
PENPEN DE SARAPEN IANG NAKARAAN  Penpen's POV Masayang-masaya ang aking mga magulang ng ipinanganak nila ako. Nagtatalo pa nga sila sa kung ano ang ipapangalan sa akin. Hanggang sa mapagdesisyunan ni Mama na Penpen na ang ipangalan, dahil mahilig daw silang maglaro ng Penpen de Sarapen noong bata pa sila. Sumang-ayon naman daw si Papa sa suhestiyon ni Mama. Simula noon ay Penpen na ang ipinangalan sa akin. Dahil ibig sabihin daw nito ay mabait at masayahing bata para sa kanila. Noong nasa Maynila pa kami madalas akong nababantayan at nakikipaglaro sila sa akin, dahil malapit lang ang tindahan namin sa aming bahay. Subalit nagbago ang lahat ng iyon ng lumipat kami sa probinsya. Dahil nakabili si Papa ng murang bahay at malaki pa. At nagustuhan naman iyon ni Mama, dahil malapit sa tabing-dagat at may palaruan pa. Ngayon, naintindihan ko na kung bakit kami lumipat dito. Dahil iiwan pala nila ako sa aking paglaki. Kumuha sila ng katulong para may mag-alaga sa akin at maglilinis sa bahay. Ang hindi alam nila Mama at Papa, salbaheng katulong ang kanilang nakuha. Bibihira ang araw na mabait ang aming katulong. Hindi siya biyuda at wala rin siyang anak kaya siguro sobrang sungit niya! Laging nakasigaw at laging nakapanakit. Ewan ko ba sa aking mga magulang kung bakit hindi nila nahahalata o napapansin man lang ang mga sugat at pasa sa aking katawan. Ngunit, kahit na ganoon sila Mama, mahal na mahal ko sila, kahit wala silang oras sa akin, ayos lang. Basta ang mahalaga, nakikita ko sila at kasama ko sila sa iisang bahay. Araw ng biyernes, kabilugan ng buwan. May dala sila Mama at Papa na isang laruan. Kulay kayumanggi ang balahibo nito. Tinawag ako ni Mama para sabihin na may pasalubong sila sa akin. Malaking kahon ang ipinakita sa akin ni Mama. Kinuha ko agad ang iyon at binuksan ito. Halos magtatatalon ako sa tuwa dahil sa regalo na kanilang iniuwi para sa akin. Binuksan ko ang kahon ng may ngiti sa aking labi.  Laruan... ang laman ng kahon. Naliligayahan ang aking puso ng mga oras na iyon. Ni hindi ko rin napansin na tumulo na pala ang aking luha. Naisip ko ng sandaling iyon, may makakalaro na ako sa tuwing wala silang dalawa. Kaya't kinuha ko agad ang laruan at pinaghahalikan ito. Sa bigla ko ay napayakap ako kay Mama at agad ko rin iyon tinanggal dahil nag-iisip ako kung ano ang ipapangalan sa laruan na regalo nila. Sa akin na ibinigay ni Mama ang desisyon kung ano ang ipapangalan sa laruan na bigay nila. Hanggang sa maisip ko ang paborito nilang laro at kinakanta noon, ang Penpen de Sarapen. Kaya Sarapen ang ibinigay kong pangalan. Napangiti naman si Mama at sa tingin ko ay gusto rin niya na iyon ang aking ipangalan sa bagong kaibigan. Nagpasalamat ako kanila Mama. Walang pagsidlan ang tuwa't saya na aking nararamdaman dahil sa magandang regalo nila para sa akin.  "Walang anuman anak. Alam namin na nalulungkot ka kaya binilhan ka namin ng Papa mo na puwede mong makalaro." Nakangiting sabi ni Mama.  "O! Tama na ang drama. Halina at kumain na tayo. Gutom na ako, Pangga," pagyayaya ni Papa kay Mama. Iniwanan na nila ako sa sala at pumunta na sila sa kusina para kumain. Hindi man lang ako kinarga ni Mama o ni Papa. Masaya nga ako kasi may bago akong laruan pero mas sasaya sana ako kung kakargahin nila ako at hahagkan. Subalit, iyon ay isang ilusyon na nananatili sa aking isipan. Nang matapos na silang kumain, agad na umakyat ang aking magulang sa kanilang silid para makapagpahinga. Alam kong pagod na sila, kaya hindi ko na sila inistorbo pa. Pumasok na rin ako sa aking kuwarto at dumiretso ako sa bintana. Nasipat ko ang buwan na perpekto ang hulma nito. Bilog na bilog na parang bola. Nakakamanghang pagmasdan ang ganda. Nakakawala ng lungkot sa tuwing tinititigan ko ang mala-kahel na kulay ng buwan. Muli na namang tumulo ang aking mga luha. "Sarapen, tignan mo, ang ganda ng buwan. Mala-kahel ang kulay na medyo mapula." Dahil sa wala naman akong makakausap, isinaldal ko si Sarapen sa gilid ng bintana at itiningala ang ulo nito. Gusto kong ipakita sa kanya kung gaano kaganda ang buwan ng gabing iyon. Pagkatapos kong titigan ang buwan, tumungo na ako sa aking kama. Hindi ako makatulog, kaya ang aking ginawa ko ay naglaro na muna ng Penpen de Sarapen. Naituro naman sa akin nila Mama ang larong iyon noong nasa Maynila pa kami. "Sarapen, laro tayo. Ako ang kakanta, ikaw naman ang magtatanghal o magpapakita." Itinango ko ang ulo ni Sarapen. Ibinuka ko ang aking kanang kamay na nasa ilalim ang aking palad. At sinimulan na namin laruin ni Sarapen ang larong paborito nila Mama at Papa. Penpen De Sarapen De kutsilyo de almasen Haw haw de carabao de batutin Sipit namimilipit ginto't pilak Namumulaklak sa tabi ng...  Hindi ko pa natatapos ang kanta ng biglang sumigaw ang katulong namin. Kung kailan naman nagsisimula pa lang kami maglaro saka naman may istorbo. Pagkatayo ko, naramdaman ko ang pagtunog ng aking tiyan. Hindi pa pala ako kumakain, kaya siguro tinatawag ako para makakain. Hindi kasi ako sumabay kanila Mama at Papa kanina dahil nalilibang ako sa pakikipaglaro kay Sarapen. "Ikaw Penpen, pasaway ka! Kapag oras na ng pagkain bumaba na! Hindi na kailangan pang tawagin pa!" Sigaw nito sa akin sabay pingot sa aking tainga. Oras ng pagkain daw? E, oras na nang pagtulog kapag papakainin niya ako. Kung makasigaw ang katulong namin daig pa si Mama. Bakit kasi mas importante pa sa kanila ang negosyo kaysa sa akin. Kaunting oras lang naman ang hinihingi ko, kahit na isang minuto lang o maski isang segundo lang sana... nasaktan na naman tuloy ako ng aming katulong. "Opo, Aling Toyang." "Mabuti at nagkakaliwanagan tayo. Gusto mo pa iyong nasisigawan at napipingot ka, e!" Natatawa niyang sermon sa akin. Nakakaasar talaga si Aling Toyang. Pinapanalangin ko na sana ay makita nila Mama at Papa ang mga ginagawa sa akin ng katulong namin. Umupo na ako sa bangko at nagsimula nang kumain. Walang lasa ang pagkain na inihanda niya para sa akin. Ngunit, kahit hindi masarap ang pagkain, pinilit ko na lang lunukin para may laman ang aking sikmira at para makabalik na ako sa aking kuwarto. Walang kasama si Sarapen. Nang matapos na akong kumain, nagpaalam na ako kay Aling Toyang na aakyat na ako para matulog. "Ano pa ang hinihintay mo? Hugasan mo na iyang mga plato!" Natatawang sabi niya sa akin. Hindi na ako sumagot at agad kong hinugasan ang pinagkainan ko. Noong inaanlawan ko na ang plato, nilagay ni Aling Toyang ang kanyang pinagkainan at pinahugas din niya sa akin. Kapal ng mukha niya talaga. Mas makapal pa sa sahig ng bahay. Natapos ko ng hugasan ang mga plato, pati pinagkainan niya ay hinugasan ko na rin. Baka mamaya masaktan na naman ako kapag narinig niya na nagrereklamo ako. Muli akong nagpaalam na aakyat at matutulog na. Hindi siya tumingin sa akin, ni hindi man lang nagpasalamat na ginawa ko ang trabaho niya. Basta na lang siyang pumasok sa kuwarto niya at sa tingin ko ay matutulog na siya. Kaya umakyat na rin ako sa taas pero sinilip ko muna ang kuwarto nila Mama at nakita ko na mahimbing silang natutulog. Mabuti pa sila. Samantalang ako, nahihirapan bago makuha ang masarap na pagtulog. Gusto kong pumasok para humalik sa pisngi nila, ngunit, ayokong maistorbo ang kanilang pagtulog. Baka mamaya ay pagalitan lang nila ako. Kaya pinalipad ko na lang sa hangin ang halik papunta sa kanila. "Mahal ko kayo, Mama, Papa. Mag-iingat po kayo palagi sa inyong mga lakad." - - - Alas siyete ng umaga nang magising ako. Inaantok pa nga ako noon, kinukusot-kusot ko pa ang aking mga mata habang naglalakad pababa ng hagdan. Nang maramdaman ko na parang umikot ang tainga ko. Nakita ko si Aling Toyang.  "Araaayyy--" sabay takip sa aking bibig. Ang sakit ng almusal na pinaramdam niya sa akin. "Mama... maghanap na tayo ng ibang katulong. Parang awa ninyo na," saad ko sa aking isipan habang pinipigilang tumulo ang aking mga luha. "Siguro nagpuyat ka na naman. Kaya para kang tuod bumaba ng hagdan. Ang kapal talaga ng mukha mong bata ka. Wala kang silbi!"  Ako pa talaga sinabihan niya ng masasakit na salita na animo'y ginagawa niya ng maayos ang kanyang trabaho. Hawak-hawak ni Aling Toyang ang aking tainga habang naglalakad papunta sa kusina. At nang makarating kami ay agad niya akong pinaupo at inilapag niya sa harap ko ang almusal na kakainin ko. Napansin kong parang kagabi pa iyong pagkain, kaya sinabi ko sa kanya. Naisip ko kasi na baka panis na iyon. Kumuha siya ng kutsara at sumubo ng kaunti. Pinakita pa niya sa akin ang ginagawang pagnguya na para bang sarap na sarap sa kinakain. Napalunok ako ng laway habang pinagmamasdan ang katulong namin. Nakakaumay, nakakasuka. Para siyang hayop kumain. Nang malunok na niya ang pagkain, dali-dali siyang pumasok sa banyo. Tumungo ako sa banyo - bitbit ang plato, at narinig ko ang kanyang pagduwal. Mabilis akong kumilos para itapon sa basurahan ang pagkain. Alam kong masama ang magtapon ng grasya ngunit panis na iyon. Hindi ko na rin hinintay na utusan pa niya ako para maghugas. Nagkusa na ako para wala siyang masabi. Naramdaman kong bumukas ang pinto ng banyo. Nakarinig din ako ng malakas na palakpak.  "Maayos. Magaling. Natututo ka na, Penpen."  Natutuwa siya sa ginawa ko. Ang hindi niya alam, hindi ko kinain ang pagkain. Kaya sinabi nito sa akin na puwede na akong maglaro. Sino naman ang makakalaro ko? Wala naman kaming kapitbahay at walang mga bata sa paligid. Naisip ko si Sarapen. Oo nga, kung pagmamasdan mabuti, halos kasing laki ko siya. Naglakad ako papunta sa pintuan at natanaw ko ang isang palaruan malapit sa tabing dagat. Isang malaking ngiti ang bumulas sa aking mukha. Gusto kong maglaro sa duyan. Kumaripas ako nang akyat sa aking kuwarto at kinuha si Sarapen. Gusto ko siyang makasama maglaro sa labas. Pababa pa lang ako ng hagdan palabas ng bahay ng marinig ni Aling Toyang ang sinabi ko kay Sarapen at sinabihan ako nito na huwag akong magpapaabot ng gabi dahil may multo raw na nagpapakita. Subalit, hindi ako naniwala sa kanya hangga't hindi ko iyon nararanasan o nakikita. Ngunit sa kabilang banda, kinilabutan ako at naramdaman kong may tumulo na likido sa aking salawal. "Tara na, Sarapen, punta tayo doon. Huwag mo isipin ang sinabi ni Aling Toyang. Nananakot lang iyon." Tumakbo na kami papunta sa palaruan. Sumisigaw ako habang tumatakbo dahil sa saya. Sa wakas nakalabas na rin ng bahay at makakapaglaro na. Nang marating ko na ang palaruan. Agad akong umupo sa duyan at inindayog iyon. "Wooooooo! Ang sarap ng hangin! Grabe ang lamig, Sarapen!" masayang sambulat ko. "Gusto ko rito tumambay. Iba pala ang pakiramdam kapag nasa tabing dagat. Para bang walang problema. Ang tinig ng dagat kay sarap pakinggan."  Para akong lumilipad ng mga oras na iyon. Nararamdaman ko ang lamig ng hangin. Ang sarap sa pakiramdam. Napatingin ako kay Sarapen, napansin kong hindi niya naiyuyugyog ang kanyang upuan. Bigla kong naalala na laruan pala siya. Natawa na lang tuloy ako. - - - Hindi ko napansin ang oras at hindi rin ako nakaramdam ng gutom habang naglalaro. Ni hindi ko rin napansin na hapon na pala. Habang patuloy ako sa pag-indayog sa duyan, naririnig ko na parang may tumatawag sa aking pangalan. "Penpen! Kanina pa kita sinisigawan! Malapit ng dumilim! Gusto mo bang kainin ka ng multo diyan... at patayin?!” Huminto ako sa pag-indayog nang marinig ko ang sigaw ni Aling Toyang. Siya pala ang tumatawag sa aking pangalan. Akala ko ay guni-guni ko lang, hindi pala. Humingi ako ng paumanhin at napayuko ako.  "Hindi narinig o baka naman nagbibingi-bingihan ka lang? Hindi ka siguro naniniwalang may multo? O, siguro, gusto mong mamatay ng masaya? Hindi yan mangyayari sa iyo." Tumibok ang puso ko ng sunud-sunod, kinakabahan ako sa gagawin ng katulong namin. Takot na nga ako sa mukha niya, sa multo pa kaya? Pasimple akong natawa ng sandaling iyon. Kung anu-ano kasi ang pumapasok sa isip ko at kinukumpara kay Aling Toyang. Hindi ko alam na matalas pala ang pandinig niya. Piningot niya ako ng sobrang tindi at tinanong ako kung bakit ako natatawa.  "Teka po Aling Toyang nakalimutan ko po si Sarapen. Kukunin ko lang po," sabi ko sa kanya at tinanggal ko ang kamay niya sa aking tainga. Mabilis akong tumakbo papunta sa duyan para balikan at kunin ang aking laruan. Pagkakuha ko kay Sarapen, humingi ako ng paumanhin sa kanya, dahil sa ginawa kong pag-iwan. "Patawarin mo ako, Sarapen. Iniwan kita."  Yakap ng dalawang braso ko si Sarapen habang naglalakad kami pabalik sa kinaroroonan ni Aling Toyang. Ngunit, nawala siya, sa tingin ko ay nauna na siyang umuwi sa bahay. Kaya tumakbo na ako pabalik sa bahay at agad na umakyat. Pinipihit ko ang pihitan ng pinto ngunit nakasarado ito. Kaya kumatok ako at tinatawag ang pangalan ng aming katulong. "Aling Toyang!"  Mukhang hindi niya ako naririnig o baka ayaw niya akong pagbuksan. Tumingin ako sa langit at nakita kong malapit ng dumilim. Baka mamaya nga ay totoo ang multo na sinasabi niya. Nagsimula na akong kabahan ng sandaling iyon. Kinakalampag ko na ang pintuan. Kailangan ko nang makapasok dahil kung hindi maabutan ako ng multo. "Aling Toyang! Paki-buksan naman po ang pinto. Maggagabi na po! Parang awa ninyo na po! Buksan ninyo po ang pinto!"  "Bahala ka diyan! Ayaw mong maniwala?! Puwes paabot ka ng gabi diyan! Para kainin ka na ng multo at patayin! Hihiwain ang tiyan mo at kukunin ang mga bituka mo. Nakakaawa ka, Penpen! Mamamatay ka na diyan sa labas."  "Aling Toyang! Susumbong kita kanila Mama at Papa! Sasabihin ko sinasaktan mo ako! Sasabihin ko gusto mo akong patayin!"  Nawala ang naririnig kong tawa mula sa loob ng aming bahay. Bumukas ang pintuan at bumungad ang galit na itsura ni Aling Toyang. Napayakap ako ng mahigpit kay Sarapen. Natatakot ako. Naihi na ako sa salawal. Hinila niya ang aking buhok. Ang sakit! Parang mapupunit na aking anit. "Mama!!! Mama!!!" nabitawan ko si Sarapen.  "Kahit anong sigaw mo! Walang Mama ang lalabas o makakarinig sa iyo! G*go! P*t*ng-*n* mo!" "Aaaaahhh!!! Aling Toyang! Masakit po!"  "Gusto mong gawin ko iyong sinabi mo na papatayin kita? Gusto mo! Sumagot ka! Nakakapang-init ka ng dugo - bata ka!"  Aray na ako nang aray, sobrang sakit ng ginagawa niya sa akin. At sa tuwing nagpupumiglas ako, nadaragdagan lang ang sakit ng sabunot niya sa akin. Sinabi niyang ang kulit ko raw, at kung magpapakatino lang daw ako, hindi sana ako nasasaktan. Humingi ako ng tawad sa kanya pero mukhang hindi siya naaawa sa akin. Lalo pa niyang hinigpitan ang pagkakasabunot sa buhok ko. Sigaw na ako nang sigaw, umaalingawngaw ang sigaw ko sa buong bahay namin. Bakit kasi ang tagal nila Mama makauwi, gusto kong makita nila ang ginagawa ngayon ng katulong namin. "Sumisigaw ka pa? Ikaw pa ang may ganang magalit? Ikaw lang itong inaalala ko, Penpen!"  "Inaalala raw? Eh, sinasaktan niya nga ako. Kailan naman kaya siya nagkaroon ng malasakit sa akin?" usal ko sa aking sarili. "Aba’t, sumasagot ka pa talaga! Pasaway ka talaga, Penpen! Baka akala mo hindi ko nababasa ang naiisip mo!" inikot-ikot niya ang aking ulo. "Gusto mo ikulong kita sa madilim na lugar? P*ny*ta kang bata ka!" bulyaw niya sa akin. "Ayaw ko po," paulit-ulit kong tugon sa kanya. Nagmamakaawa ako na huwag niyang gawin iyon sa akin. Sinabi ko rin sa kanya na makikinig na ako sa bawat sasabihin niya at susundin siya. Hindi rin ako magsusumbong kanila Mama. At sa puntong iyon - may umaagos na dugo na pala sa aking mukha. Pinaakyat na ako ni Aling Toyang. Mukhang hindi niya ako papakainin ng hapunan. Hindi ko pa naman kinain ang almusal at hindi rin ako kumain ng pananghalian dahil sa nalibang ako sa paglalaro namin ni Sarapen. Bukod sa gutom, sobrang sakit ng aking ulo.  Nang makaakyat ako sa aking kuwarto - diretso sa kama, at iniupo si Sarapen na nakaharap sa akin. Sa kanya ko sinabi ang sakit na naramdaman ko nang sabunutan ako ni Aling Toyang at nagreklamo ako sa kanya na nagugutom na ako, at pinakita ang dugo na nasa aking palad. Hiniling ko rin na sana ay may dalang pagkain sila Mama at Papa pag-uwi nila. Niyakap ko si Sarapen, "Alam mo Sarapen, kung totoo nga na may multo siguro matatakot din iyon kay Aling Toyang, dahil sa sobrang kasungitan at sobrang kasalbahihan niya." Habang hinihintay ko sila Mama at Papa na makauwi, hindi ko namalayan na nakatulog na pala ako na wala man lang laman ang aking tiyan. Habang natutulog ako ay napanaginipan kong nagtatakbuhan kami at nagtatawanan. Masayang-masaya kaming dalawa ni Sarapen habang naglalaro. Nang bigla kong maramdaman na parang may yumuyugyog sa akin at may naririnig akong sumisigaw. Pagdilat ng aking mata, si Mama pala, ginigising niya ako. Sinabi nito na panay tawa raw ako at ang akala niya ay binabangungot na ako. Imbes na malungkot ako dahil naantala ang masayang panaginip, napangiti at humingi ako ng pasensya kay Mama. "Ma, tulugan ninyo po ako." Sinabi niya rin sa akin na dapat ay kaya ko ng kontrolin ang sarili ko at hindi na ako dapat umiihi sa aking salawal. Pagkatapos niyang magpaalam at sabihin na matulog na ulit ako, nagpalit na ako ng salawal at humiga ulit. Hindi niya alam na kanina pa iyong ihi na iyon. At sana man lang humalik si Mama kahit sa pisngi lang - bago lumabas ng kuwarto. Hindi man lang niya ako tinanong kung kumain na ba ako, o kung kumusta ang kalagayan ko. Pumikit na ako at nagbabakasakali na mapanaginipan ko ang naantalang masayang pangyayari. Subalit, hindi na ako makatulog. Kaya tumayo ako sa kama at binuksan ko ang bintana at tumingin sa kalangitan. Ang ganda talaga ng kabilugan ng buwan. Nakakamangha talaga ito pagmasdan. Animo’y walang katapusan ang gandang hatid nito sa akin. Kinuha ko ang aking laruan na naiwan sa kama at inuupo ko sa bintana. "Sarapen, alam mo ba napanaginipan kita. Masaya tayong naglalaro at naghahabulan. Sana nagiging totoo ang panaginip. Para kahit papaano ay masaya ako kahit tayong dalawa lang," sabi ko sa kanya sabay halik sa kanyang ulo. "Tayong dalawa lang Sarapen. Walang makakapaghiwalay sa ating pagkakaibigan. Sinusumpa ko iyan sa ilalim ng kabilugan ng buwan," pagpapatuloy ko, sabay yakap nang mahigpit sa aking laruan. Matapos ang mga katagang iyon. Biglang kumulog at kumidlat, napalitan ng maiitim na ulap ang ganda ng kalangitan. Nakakatakot ang naririnig kong kulog, kaya bumalik na ako sa kama. Pagkahiga ko ay agad akong nagtalukbong ng kumot. Kinakapa ko ang aking laruan, ngunit wala siya. Inalis ko ang kumot na nakatalukbong sa akin at nakita ko si Sarapen na nasa sahig. Agad akong tumayo para kuhanin ang laruan na nahulog ng hindi ko namamalayan. Niyakap ko siya ng mahigpit, para mabawasan ang takot na aking nararamdaman. Pakiwari ko'y natatakot din siya dahil sa biglang pagpangit ng panahon na parang mukha ni Aling Toyang. Napatingin ako sa bintana, hindi ko pala iyon naisarado. Kaya tumayo ako at iniwanan saglit sa kama si Sarapen para isarado iyon. Napansin ko ang kidlat na parang sumasayaw sa kalangitan at dinig na dinig ko ang mga kulog na parang nag-aawitan. Subalit, nakakapangilabot. Bago ko maisara ang bintana - parang bumagal ang oras at kitang-kita ko ang pagpasok ng kidlat sa loob ng aking kuwarto. Sinabayan pa ito ng malakas na kulog. Napapikit ako at – agad akong nakaiwas. Hindi ko na naisarado ang mga bintana. Pagtingin ko sa aking kama, wala si Sarapen. Ibinaba ko ang aking tingin at nakita ko siya na nasa sahig. Umuusok. Sa tingin ko ay natamaan siya ng kidlat. Nakakapagtaka, subalit hindi siya nasunog. Agad ko siyang niyakap at tinanong kung okay lang ba siya. Iniling-iling ko ang ulo niya bilang sagot sa aking tanong. Hindi siya okay kasi tinamaan siya ng kidlat. Niyakap ko siya ulit ng mahigpit para mabawasan ang takot na nararamdaman niya, kung nakakaramdaman nga siya ng takot. Habang yakap yakap ko si Sarapen, naramdaman kong may yumakap sa akin. "Penpen, huwag ka nang malungkot. Nandito lang ako." "Sino ka?" Napatingin ako sa bintana at walang tao. Napakamot ako ng ulo at inisip ko kung kaninong boses iyong narinig ko. Wala na rin akong naririnig na kulog ng sandaling iyon. Kaya nagpasalamat na lang ako, kahit hindi ko alam kung saan nanggaling ang mga salitang narinig ko. Ang importante, masaya at nakangiti akong matutulog katabi si Sarapen ngayong gabi.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD