Nakangiti pa si Beth, habang naglalakad pauwi ng bahay. Hindi kasi mawala sa kanyang isipan ang batang lalaki na iyon. Medyo nanghihinayang lang siya at hindi niya nalaman ang pangalan nito.
Napabalik din naman agad ang kanyang ngiti ng maalala ang binigay niya ditong pangalan. Hindi na masama ang Damulag, lalo at kabaliktaran ng itsura nito iyon. Dahil napakagwapo ng lalaki na iyon. Bata pa lang pero masasabi ng gwapo ito lalo na paglaki.
Tama rin naman ang Doraemon dito. Lalo na at mukhang mayaman talaga ito. Maaari niyang makuha ang lahat ng bagay na gusto niya.
Napaisip na lang si Beth dahil sa bata niyang edad, eto siya ngayon, at mukhang humahanga ang bata niyang puso sa lalaking iyon.
Hindi naman siguro masama, na humanga sa lalaking iyon lalo na at kahanga-hanga naman talaga ang angkin nitong kagwapuhan. Hindi lang iyon, fourteen years old pa lang ito pero nasa kolehiyo na. Kahit naman sino ay mapapahanga namang talaga.
Nang makauwi si Beth, ng bahay ay agad siyang nagpalit ng damit. Tinawag naman siya ng kanyang inang, makatapos magbihis.
"Lizariabeth, akin na ang mga hinubad mong damit at lalabhan ko na anak." Sigaw ng kanyang inang. Naglalaba pala ito sa likod bahay.
"Sandali lang po inang." Mabilis niyang tugon, at hinayon na rin kaagad ang pwesto ng kanyang inang.
"Inang naman, okey na po ako sa tawag po ninyong Beth, buong buo naman po inang. Saan po bang planeta ninyo nakuha iyon ni itay." Tanong pa ni Beth na ikinatawa ng kanyang inang.
"Ay kaganda ng iyong pangalan anak, dahil galing iyan sa Elizabeth at Cirio. Kaya maging proud ka anak." Natatawang wika pa ng kanyang inang.
"Opo inang, proud naman po ako. Mas mabuti pa nga po na Lizariabeth iyon. Kay sa naman Lizariobeth, mas hindi maganda." Natatawang wika ni Beth na ikinatawa ng kanyang inang.
"Ay s'ya. Beth na kung Beth, ay nasaan ang panyo mo anak? Dalahin mo na rin dito at ng malabhan ko na. Kay sa naman maiwan pa." Wika pa ng kanyang inang.
"Hala! Inang, patawad po. May isang lalaki po kasi na hindi ko napansin kanina. Habang sinisipa ko ang bato sa daan ay natamaan ang kanyang ulo. Iyon po at nagdugo. Mabuti po at kahit naiinis po noong una, ay pinatawad din po ako. Naibigay ko po ang aking panyo sa kanya. Dahil sa bahid ng dugo sa kanyang ulo." Nahihiyang wika ni Beth sa ina, na ikinagulat naman nito.
"Kumusta naman ang ulo ng lalaking iyon? Hindi naman ba malala anak? Hay, kaya sa susunod Beth pilitin mong mag-ingat. Nang hindi ka makasakit ng kapwa mo. Mabuti at hindi nagalit sa iyo. Hindi ba taga roon sa pinapasukan mo?" Tanong pa ng kanyang inang.
"Nagalit po inang noong hindi ako nagsorry. Pero agad din naman akong pinatawad noong humingi ako ng tawad. Naku inang hindi po siya doon nag-aaral. Mukhang napadaan lang iyon. Mukha pating mayaman. May kotse at may driver. Hindi naman po gaanong matanda sa akin. Nasa labing apat lang po ang edad, noon inang. Pero ang nakatatak po sa uniform ay Unibersidad ng San Diego. Kolehiyo po iyon dito sa atin di ba?" Namamangha pang kwento ni Beth sa inang niya.
"Oo anak, pero baka naman bata laang iyong tingnan, pero baka naman hindi ganoon ang edad noon." Sagot pa ng kanyang inang.
"Iyon po ang sabi niya inang eh. Na fourteen daw po siya, at nasa kolehiyo na." Sabi pa ni Beth na ipinagkibit balikat na lang ng kanyang inang.
Habang pinapanood ang kanyang inang sa paglalaba ay naisip niyang bigla ang kanyang itay at kuya Elirio.
"Inang nasaan po pala si Amang at Kuya Elirio?Pati po pala nasaan din po si Ate Marie at ang mga pamangkin ko? Wala po kasi sila sa kwarto nila kanina." Masayang wika ni Beth ng maalala ang kanyang mga pamangkin.
May anak na kasi ang Kuya Elirio niya at ang asawa nito. Panganay si Mario, at ang ikalawa ay si Eliza. Halos magkasunod lang ang edad ng dalawang bata.
Hindi nakatapos ng High School ang kuya niya, ng mabuntis nito ang ate Marie niya. Kaya naman wala itong magandang trabaho. Parehong bata pa ang mga ito. Kaya naman walang tumanggap sa mga ito, lalo na at kahit high school nga ay hindi nakagraduate ang dalawa. Sumasama lang sa kanyang amang sa bukid, para magsaka ang kanyang kuya.
"Umuwi muna ang ate mo sa kanila, para naman daw madalaw ang mga magulang niya, ng makita ng mga ito mga ang apo. Sinamahan naman ng kuya mo ang iyong ate. Ang iyong amang ay darating na iyon, galing sa pagsasaka. Siguradong may dala na naman iyong talbos ng kalabasa, dahil sabi niya bago umalis, ay mangunguha daw siya noon." Masayang wika ng kanyang Inang.
"Talaga inang? Iyon talaga ang gusto ko kay amang, palaging fresh ang ating gulay. Igisa mo po inang, iyong talbos ng kalabasa. Tapos po magprito ka rin po ng tuyo." Excited na wika ni Beth, na talaga namang ikinatuwa ng kanyang inang.
Mahirap man ang buhay. Para sa kanila ay sapat na iyong makakain ka sa isang araw. Mahalaga pa rin ang pagmamahal, ang malusog na pangangatawan, walang sakit ang sino mang parte ng pamilya nila, ay masasabi nilang mayaman na sila. Hindi man sa pera, kundi sa pagmamahal at sa lakas ng pangangatawan na ipinagkakaloob sa kanila sa araw araw.
Dumating nga ang kanyang amang na madaming bitbit. May dala itong, isang buwig na saging na saba, na mahihinog na, at madaming talbos ng kalabasa. Meron ding mga bulaklak nito. Si Beth na ang naghimay ng talbos, at pinagpahinga muna ang kanyang inang na katatapos lang maglaba.
Nagpresinta din siyang ipagtimpla ang mga ito ng kape, para habang namamahinga ay marelax din ang mga ito.
Nasa may maliit na balkon ang kanyang inang at at amang habang iniinom ang tinimpla niyang kape at kumakain ng biskotso. Siya naman ay nasa kusina at tinatapos ang paghihimay.
Inaalis niya ang mga matitigas na tangkay ng talbos, at ang mga baging na hindi naman isinasama sa pagluluto. Inalis din niya ang pinakagitna ng bulaklak ng kalabasa, ang hindi masarap na parte nito.
Tapos na siyang maghimay ng talbos, ng pumasok sa kusina ang kanyang inang. Nakangiti naman ito sa kanya, at pinalabas na siya ng kusina. Ito na daw ang bahala sa pagluluto.
Nagpaalam naman siyang pumasok sa kanyang silid. Kahit naman, maliit lang ang bahay nila at hindi yari sa semento ay may sarili pa rin siyang silid. Yari kasi ang bahay nila sa kahoy, at ang dingding ay pawid. Maayos naman ang kanilang bahay, kahit sabihing, sa ganoon lamang yari. May sarili din siyang higaan na papag sa kanyang maliit na kwarto. May latag din iyong makapal na kumot na nabili ng kanyang inang sa ukay-ukay kaya naman hindi matigas higaan.
Habang nakahiga ay nagtataka si Beth kung bakit pumapasok na naman sa isipan niya ang batang lalaki na iyon. Siguro nga ay masasabi niyang sa bata niyang edad ay pwede siyang humanga sa iba. Wala namang nagbabawal.
"Pwede nga akong humanga sa batang lalaki na iyon." Wika pa niya sa sarili.
"Kahit may pagkamasungit masasabi kong, gwapo talaga ito, at hindi ko itatanggi iyon. Ano kayang pangalan niya. Sayang hindi ko nalaman. Pero ayos lang hindi naman na siguro kami magkikita pa." Dagdag pang wika ni Beth sa sarili, at hinayaan na lang na igupo siya ng antok.
Gabi na ng tinawag siya ng kanyang inang, para kumain. Naging masaya naman, ang kanilang hapunan. At tinawanan naman siya ng tinawanan ng kanyang amang sa ikinuwento niyang nangyari sa kanya kanina. Lalo ng binigyan niya ng bagong pangalan ang lalaki na Damulag at Doraemon.
Wala na siyang mahihiling pa. Maliban sa, sana makapagtapos siya ng pag-aaral, para naman mabigyan niya ng magandang buhay ang kanyang mga magulang. Kasama na rin ang kanyang kuya, na medyo maagang nakapag-asawa. Pati ang hipag at pamangkin niya.