Chapter 6

1736 Words
BIANCA Makalipas ang tatlong araw, kahit paano ay maayos na ang pakiramdam ko. Hindi na masakit ang katawan ko at halos wala na ang marka ng mga galos sa braso ko. Nawala na rin ang bukol sa noo ko, pero kulay ube pa rin ang gilid ng kanang mata ko. Napalakas pala kasi ang pagkakabangga ko sa lalaking tumulong sa akin nang hinabol ako ng mag-iinang aso, kaya ang resulta ay nagkaroon tuloy ako ng black eye. Sobrang nakakahiya tuloy lumabas, lalo na at madalas kong makita ang mga sundalong dumadaan sa harap ng bahay namin. Minsan ay apat silang magkakasama. Anim ang pinakamarami sa umaga at walo naman sa gabi. Ang sabi ni Mama, normal lang daw sa kanila ang mag-ronda dito sa barrio. Mula raw nang nagkaroon ng kampo dito sa amin at tumuloy ang isang batalyon ng mga sundalo dito sa barangay, naging daily routine na nila ang umikot, lalo na sa gabi, kaya dapat na rin akong masanay gaya nila. Si Sheng naman, araw-araw ay madalas kong ka-text dahil naka-subscribe na raw siya sa unli text for five days. Natawa ako nang marinig ko ang reklamo ng kaibigan ko na sampung piso raw ang nabawas sa ipon ng kuripot na best friend ko. Nakakatuwa at nakakamiss rin ang bruhang iyon. Napakarami niyang kung anu-anong balita tungkol sa nangyayari sa kanila. May kwentong pambata pa. Ang sabi niya ay nagsuntukan raw kasi ang mga bata sa kanila dahil nag-away sa pila sa poso. Kanina, habang ka-text ko siya, sinabi ni Sheng na nakulam raw ang kapitbahay niya, kaya ngayon ay namamaga ang katawan. Heto pa at may kwentong pag-ibig rin. Sa tingin ko, mukhang magkakaroon na ng love life ang best friend ko. Happy naman ako para kay Sheng. Sana lang, makatagpo na siya ng lalaking mamahalin siya at talagang deserve niya ito. Wala ngayon si Mama, nasa bayan kasama ang kambal na sina Bea at Bryan. Si Papa naman, nasa kapitbahay. As usual, maaga pa lang ay nasa labas na siya. Ganoon talaga ang aking ama, para bang isang pulitiko na kailangang bisitahin ang nasasakupan araw-araw. Nag-play ako ng music sa stereo at sumabay sa love song habang nagwawalis sa bakuran. Dapat lang talaga na putulin na ang punong akasya na malapit sa kalsada. Palagi na lang nagkalat ang mga dahon sa lupa araw-araw. Dalawang ulit akong nagwalis sa bakuran sa loob ng maghapon. Nakakapagod na rin, lalo na at malawak ang winawalisan ko, kaya hindi ko mapigilang huwag reklamo ko habang nakatingala sa puno. Nakapamewang ang kaliwang kamay at hawak sa kanang kamay ang walis na pinag-isipan kung anong magandang gawin dahil kahit anong paglilinis ang gawin ko ay makalat pa rin. "May binabalak ka na namang masama," narinig kong sabi ng kung sino mula sa kung saan. Kahit hindi ako lumingon ay kilala ko na kung sino siya. Tinig pa lang niya ay malinaw na natatandaan ko na. "Eh, ano namang pakialam mo?" naka-irap na tanong ko nang lingunin ito. Nakangiti si Private Herrera, habang nakapatong ang kanang kamay sa taas ng kawayang bakod namin at nakaharap sa akin. "Wala lang, tuwing magkikita kasi tayo ay lagi kong naririnig ang masamang mga plano mo, Miss Bianca," nanunuksong sagot nito. "Tse, ang dami mong alam!" mataray na sagot ko. Bigla na lang siyang sumusulpot mula sa kung saan, tapos nakakainis kung ngumiti sa akin na akala mo ay laging inaasar ako. "Bakit ka ba nandito?" kunot ang noo na tanong ko. "Gusto sana naming maki-inom ng tubig," sagot ng sundalong kausap ko, sabay turo sa mga kasama. "Ilang hakbang na lang naman, eh, makakarating na kayo sa kampo na ninyo, bakit tumigil pa kayo dito?" masungit na tanong ko. "Ang damot mo naman, Miss. Hindi ba p'wedeng kaawaan mo kami, kasi nauuhaw kami sa pagroronda," nakangiti pang tanong ni Private Herrera na feeling close sa akin. "Bok, 'wag mo nang pilitin, baka wala pa silang tubig," sabad ng isang kasama nito. "Baka naman p'wedeng kahit kape na lang, miss," sabat ng kasama ng lalaking kausap ko. Kilala ko na kung sino ang nagsalita, si Private Camacho. Siya ang sundalong singkit ang mga mata at maputi sa grupo. Madali ko siyang natandaan kasi siya lang naman ang mukhang Koreano. "Hayaan na natin si Bianca, mga bok. Mukhang busy siya ngayon. Tara na sa barracks. Baka nakakaabala na tayo sa kanya," saad ni Private Perez. Kilala ko na rin ang isang ito. Siya ang naghatid sa akin noong isang araw, kasama ni Private Herrera. Nahihiya naman ako sa kanila, kaya pinatuloy ko na sila dahil baka isipin na wala akong modo. "Naku, mga sir. Okay lang po, tuloy po kayo," yaya ko sa mga ito. "Ah, saglit lang. Ipagtitimpla ko lang po kayo. Which one po ang prefer ninyo? Orange juice or coffee po?" nahihiyang tanong ko sa mga kaharap ko. "Kape," sagot ni Private Herrera na nangunguna. "Juice," magkasabay na sagot ni Private Alejandro at isa pang sundalo. "Kape na rin sa akin," sabi ni Private Perez na nakangiti sa akin. "Sa akin, juice kung meron, Miss." "Kape sa akin," sabay na sagot ng dalawa pa na hindi ko kilala. Sila 'yung mga lalaki na kasamahan nilang nagpipintura sa plaza. Tumalikod na ako at inilapag ang walis sa kusina para maghugas ng kamay. Nagtimpla na rin ako ng orange juice. Inilagay ko ang mga baso sa tray kasama ang pitcher, saka hinatid ko ito sa mga sundalong nasa sala. "Wow, express! Ang bilis ah, parang drive-thru," palatak na sabi ni Private Alejandro. Siya talaga ang pinaka-maboka at maingay sa grupo. Ngumiti lang ako at inilapag ang tray sa maliit na lamesa. "Ah, yung may gusto po ng juice, kumuha na lang kayo. Babalikan ko lang ang kape sa kusina," wika ko. Ngumiti sa akin ang mga kaharap ko at nagpasalamat. Tumayo si Private Alejandro at lumapit sa mesa. "Huwag na kayong magpa-importante. Attack, mga bok." Mabilis at parang mga bata, nag-unahan silang kumuha ng baso. Binalikan ko ang pinakulo kong tubig sa kalan. Matapos kong maghanda, kumuha na rin ako ng tinapay at pansit na niluto ko kanina at nilagay sa malaking serving plate, saka dinala sa labas. "Wow! May libreng agahan," sabi ulit ni Private Alejandro. Palagi talagang siya ang nangunguna sa kahit saan. "Kain na po kayo," nahihiya na yaya ko sa mga bisita. Mabilis naman tumalima ang mga kaharap ko, ngunit may isa akong napansin sa grupo. Malimit ay tahimik lamang ang isa sa mga kasama nila at nagmamasid. Pakiramdam ko ay nakakatakot kumilos at magkamali. Bumaling ang tingin ng lalaking pinagmamasdan ko sa kinatatayuan ko, at nang makitang nakatingin ako sa kanya, ngumiti agad siya sa akin. Nahihiya na ngumiti rin ako at inabutan siya ng tinapay at pansit. "Heto po, sir, kain na po kayo," sabi ko, sabay abot ko sa kanya ng pinggan na hawak ko. Siya na lang kasi ang hindi pa kumukuha ng pagkain, kaya nagkusa na akong mag-serve. "Salamat, Bianca," nakangiting sabi nito sabay kuha sa hawak ko. "James na lang, 'wag nang sir. Halos hindi naman tayo nagkakalayo ng edad," wika ni Private Perez. "Bok, wag ka nang pabebe," nakangiting saad ni Private Alejandro. "Bumabanat ka na agad," panunukso naman ng isa pa. "Basta may pagkakataon, sugod agad. Bawal ang mahina, hindi ba?" biro pa ng kung sino, dahil hindi ko na tiningnan. Bigla kasi akong nakaramdam ng pagkailang. Puro sila lalaki, tapos ako lang ang mag-isang babae, tapos tinutukso nila ako, kaya nahihiya talaga ako. "Mahiya nga kayo. Nakikikain na tayo, nang-aasar pa kayo. Hindi ninyo ako gayahin, kahit alam kong gwapo ako, kumakain lang ako," mayabang na sabi ni Private Alejandro sa mga kasama. Natatawa akong bumaling ang paningin sa kanya. Kunwari naman ay nahihiya ito habang kumakamot sa batok at panay ang nguya ng pagkain na isinubo. Napangiti ulit ako dahil nakakatuwa sila kung mag-asaran, na para bang mga batang tambay sa kanto. Natigilan ako saglit nang malakas na bumagsak ang tinidor at gumawa ng ingay. Natigil rin ang lahat at napatingin kay Private Herrera. Ako man ay nagtataka kung bakit nakasimangot ang lalaking ito, eh kanina lang ay madaldal at natutuwa siya, pero ngayon ay nakakunot na ang noo. Napatingin ako sa mga kasama niya. Nagtatanong ang mga mata ko sa kanila kung anong nangyari sa kasama nila kasi obviously, bad mood siya. Hindi ba niya nagustuhan ang lasa ng pagkain? Ang bilis naman magpalit ng mood ni Jake. Bigla ay naging awkward tuloy ang pakiramdam ko, kahit maingay na ulit si Private Alejandro. Wala kasing imik si Private Herrera hanggang sa matapos silang kumain. "Tulungan ka na namin, Bianca," sabi ni Sir James habang nililigpit ko ang mga pinggan. Ang isang kasama naman niya ay inilagay sa tray ang mga baso at mabilis na hinatid sa kusina. Ang iba ay maingay na nagbibiruan, at may isang sumasabay sa pagkanta sa naka-play na music sa stereo. Mabuti na lang at hininaan ko kanina ang volume, kaya malinaw na naririnig ko ang magandang boses ng sundalong kumakanta. Pagpasok ko sa kusina, naabutan kong balak pang maghugas ng mga pinagkainan ang dalawa, kaya mabilis ko silang itinaboy palabas. Nagtatawanan kaming lumabas habang tulak-tulak ko ang makulit at mapilit na si Sir James, ng nabungaran kong nakasimangot at nakahalukipkip si Private Herrera sa kinauupuan niya. Inirapan ko ito at sinimangutan. Bahala nga siya kung hindi niya nagustuhan ang pagkaing inihanda ko. Umuwi siya sa kanila at doon kumain kung gusto niya, para walang reklamo. "Salamat sa almusal, Bianca," nakangiting sabi sa akin ng lalaking kumakanta kanina. "Oo nga, Bianca. Ang sarap palang mag-almusal dito sa inyo. Sa uulitin ha," nakangiting sabi ni Sir Alejandro. "Dapat pala, dito tayo tumuloy palagi pagkatapos ng lakad natin; masarap ang almusal," dagdag pa nito na binatukan ng kasama. "Oo nga, masarap ang kape," nakangiting sabi ni Sir James. Tumango lang ako at tipid na ngumiti sa kanila. Hindi ko alam kung anong problema ni Private Herrera at tila ba mainit ang ulo niya. Nakasimangot pa rin ito at seryosong pinagmamasdan ang maputik na combat boots, na akala mo ay hindi pwedeng madungisan. Saglit pa ay nagpaalam na ang mga sundalong dumaan dito sa bahay matapos magpasalamat. Naiwan akong nakatayo at nakatingin sa kanila habang sabay-sabay silang lumabas ng aming bakuran. Hindi ko inaasahan ang biglang paglingon ni Private Herrera sa kinatatayuan ko. Nagtama ang aming mga mata, dahilan para bigla kong maramdaman ang malakas at mabilis na tìbok ng puso ko habang nakatingin sa kanya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD