Chapter 5

2742 Words
BIANCA Napakagaan ng pakiramdam ko nang magising ako. Ito 'yung feeling na home sweet home na matagal kong na-miss noong nasa abroad pa ako. Nag-inat muna ako ng katawan at mga braso bago lumabas ng silid para maligo. Dadalawin ko mamaya ang kababata kong si Angel. Sa dulo ng kalsadang katapat ng bahay namin, nakatira ang kaibigan ko. Malapit sa paanan ng bundok nakatayo ang bahay niya, kasama ang pamilya, at nasa sulok ng barangay. Mas gusto niya roon kasi malapit sa ilog at hindi siya hirap mag-igib ng tubig, lalo na at kasalukuyang buntis sa pangalawang anak. Napangiti ako sa naisip ko. Susurpresahin ko ang kaibigan ko mamaya. Wala siyang kahit anong ideya na nakauwi na ako dito sa Pilipinas. Siguradong magugulat siya kapag nakita ako, lalo na't dala ko ang hinihingi niyang pasalubong na tsokolate. Dahil nasa dulo ng barrio namin ang bahay ni Angel, hindi puwedeng hindi ako dadaan sa tapat ng plaza na siyang sentro ng barangay. Ito ang unang araw na lumabas ako simula nang dumating kahapon, kaya inaasahan kong may magtatanong kung kailan ako dumating, dahil ganito naman dito sa probinsya. "Uy, Bianca, nakabalik ka na pala. Kailan ka pa nakauwi?" bati agad ng kapitbahay namin na si Aleng Janeth na nakasalubong ko. "Kahapon lang po," nakangiting sagot ko habang lumapit sa kanya at nagmano. "Naku, dalagang-dalaga ka na. Wala ka pa bang asawa?" interesado na tanong nito. Hindi na ako nagtataka na panay ang tanong ng babaeng kaharap ko, dahil may pagka-tsismosa talaga ito. Alam ni Aleng Janeth ang kwento sa buong barangay, pati sa kalapit na lugar. Kung minamalas nga naman, sa dami ng taong puwede kong makatagpo ngayong araw, siya pa talaga ang nauna. What a lucky day, ika nga. Umiling na lang ako at tipid na ngumiti sa kaharap ko, pero mukhang hindi pa siya nasisiyahan sa mga sagot ko at nagsimulang magtanong na naman ng kung ano-ano. Alam kong marami pa siyang itatanong, kaya bago pa ibuka ni Aleng Janeth ang bibig, ay mabilis na nagpaalam na ako. "Sige po at may pupuntahan pa ako, maiwan ko po muna kayo, Aleng Janeth," magalang na paalam ko. "Gano'n ba? Aba'y mag-ingat ka, lalo na at maraming sundalo sa paligid. Pakiramdam ko tuloy ay may martial law rito sa atin," mahinang sabi nito at luminga-linga pa, na para bang takot siyang may makarinig sa sinabi niya. Dahil sa narinig ko, biglang kumabog ng malakas ang dibdib ko. Siguro, dala na rin ng takot, dahil hanggang ngayon, malinaw pa sa alaala ko ang tagpong iniwan ko sa bansang pinanggalingan ko. Sumiklab ang gulo doon at nag-declare ng war against militants ang gobyerno, matapos mapatay ang prime minister na si Hariri sa Lebanon. Napa-iling na lang ako at minabuting iwan si Aleng Janeth para puntahan ang kaibigan ko. Malapit na ako sa plaza nang napansin kong sa gilid ng bakod ay may mga lalaking abala sa pagpipinta. Hindi ko sana sila papansinin dahil hindi ko naman sila kilala, nang may bumati sa akin. "Magandang araw, Bianca," bati sa akin ng isa sa mga lalaking nakita ko, pero hindi ko maalala ang pangalan. Ito ang lalaking ngumisi sa akin kahapon. Tipid lang na ngumiti ako sa kanya, at pagkatapos ay nilakihan ko ang mga hakbang ko para makalayo sa grupo nila. Sabihin nang snob ako, pero hindi ko kasi feel na kausapin siya. Maangas ang dating at mukhang hindi mapagkakatiwalaan ang itsura. "Bok, hindi ka pinansin," narinig kong sabi ng kasamahan ng lalaking bumati sa akin, kaya minabuti kong magmadali kasi hindi ako komportableng kausap sila. "Mukhang suplada nga," sabi ng isa habang papalayo ako. "Baka bagong gising lang, hayaan na natin," sagot ulit ng lalaking iniwasan ko na kahit hindi ako lumingon ay nakilala ko ang boses niya. Palihim na sinuyod ng aking paningin ang paligid, pero hindi ko nakita ang seryosong sundalong kasama nilang pumunta sa bahay kahapon. "Nasaan kaya siya ngayon?" palatak na tanong ko sa sarili habang gumagala ang paningin sa paligid. Napa-iling na lang ako. Bakit ko ba siya hahanapin eh, wala naman akong pakialam sa lalaking iyon? Ilang mga kakilala ko dito sa barangay ang bumati sa akin nang dumaan ako sa tapat ng bakuran nila, bago narating ang bahay ng kaibigan ko. "Tao po! Angel! Nandiyan ka ba?" Malakas na tawag ko mula sa labas ng kawayang bakod na kinatatayuan ko. Walang kahit sino ang sumagot. Segundo lang ang lumipas, malakas na kahol ng isang malaking itim na aso ang bumungad sa akin. Nasundan pa ito ng isa pa, kaya kinabahan ako, lalo na at wala akong narinig na kahit anong ingay mula sa loob ng bahay, na para bang walang tao at posibleng umalis ang kaibigan ko. Nanlalaki ang mga mata ko nang lumapit sa kinatatayuan ko ang dalawang malaking aso, habang malakas na kumakahol na para bang kapag nagtagal ako dito ay lalapain nila ako. Nanginig tuloy ako sa takot habang dahan-dahang humahakbang patalikod, pero ang mga mata ko ay nakatutok sa mga aso sa harap ko. May lima pang tuta ang magkasunod na lumabas. Pakiwari ko ay galing sa kapitbahay. May phobia na ako sa mga aso dahil malimit akong makagat ng mga ito noong bata pa ako, kaya nagpasya akong umalis at dahan-dahang humakbang patalikod palayo sa bahay ng kaibigan ko. Sa tingin ko kasi ay wala naman si Angel sa loob ng bahay. Baka naglalaba sa ilog dahil malimit ay ganito kami dito sa probinsya. Nagpatuloy ako sa maliliit na hakbang nang makita kong sumusunod at sumusugod sa akin ang mga aso. Dahil sa takot, tumakbo ako ng mabilis at naiwan pa ang pares kong tsinelas, ngunit wala na akong pakialam. Magkamamatayan na, pero hindi ako papayag na makagat at gawing pagkain ng isang pamilyang aso. Halos maihi ako sa takot, ngunit wala na akong pakialam na kumaripas ng takbo, dahil ang tanging gusto ko ay lubayan ako ng mga humahabol sa akin. "Tulong! Tulong!" malakas na sigaw ko. Wala man lang lumapit sa akin. I wonder kung nasaan ba ang mga tao dito sa lugar namin at walang kahit na sino ang lumapit sa akin, maliban sa mga batang nakakita kung paano ako hinahabol ng mga aso, pero pinagtawanan pa ako. Habang mabilis na tumatakbo, lihim na napamura ako. Kung bakit ba naman kasi sa sulok pa ng barangay tumira ang kaibigan ko, kung saan malayo ang agwat ng mga kapitbahay, kaya heto, walang makakita sa akin na hinahabol ako ng mga aso. Halos maghiwalay ang kaluluwa sa katawan habang mabilis akong tumatakbo, hinahabol ng isang pamilyang aso. Nagulat na lang ako nang bigla akong bumangga sa kung ano at tinamaan pa yata ang mata ko. Masakit ang noo at pati na rin ang puwet ko na tumama sa lupa nang bumagsak ako. "Aray!" malakas na sigaw ko habang sapo ang noo at nakapikit ang mga mata, dahil sa kirot na biglang naramdaman ko sa braso at balakang ko. Mukhang hindi maganda ang epekto ng biglang pagbagsak ko sa lupa sa katawan ko. "Shìt!" Narinig kong nagreklamo ng pamilyar sa akin. "Bakit mo ako binangga?" naka-ngiwing tanong ko habang nakasalampak pa rin sa lupa. "Miss Bianca, ikaw ang bigla na lang bumangga sa akin. Tumatakbo ka at sumisigaw habang hindi nakatingin sa daan," paliwanag ng kausap ko. Hindi ko maiwasan na huwag itaas ang mukha ko nang marinig ko ang tinig niya at nang ilahad ng kaharap ko ang kanang kamay para tulungan akong tumayo. Such a gentlemanly act, kaya inabot ko ito at nahihiyang nagpasalamat. Lumingon ako at nakita kong nakatingin rin sa amin ang mga asong humabol sa akin at ngayon ay nakabantay habang nakalabas pa ang mga dila. Lintik na mga aso, mukhang natutuwa pa sila sa sinapit ko. Inis na tinapunan ko sila ng tingin at sinigawan na lubayan ako. Kunot ang noo, napatingin ako sa sundalong kaharap ko nang marinig ko itong tumawa ng malakas. "Mukhang alam ko na ang dahilan ng kaguluhang ito," nakangiting sabi nito. Katulad kahapon, nang makita ko siya sa unang pagkakataon ay natigilan na naman ako. Yeah, literal na napatunganga habang nakatingin sa kanya. It's him again, Jake Herrera. But unlike his serious face and cold appearance noong una ko siyang makita, ay nakangiti siya ngayon na parang amused pa sa nakita niyang nangyari. "Bianca, okay ka lang ba?" tila concern na tanong ni Jake sa akin, dahilan para matigilan ako. Isa, dalawa, tatlong segundo bago ako bumalik sa realidad. Hindi ko alam kung bakit ganito ang nararamdaman ko, pero ang lakas ng kabog ng dibdib ko dahil sa presensya niya habang nasa harap ko. "Yeah, okay na ako. Masyado lang akong natakot sa mga aso nang sinugod at sinundan nila ako kanina," halos wala pa rin sa sariling paliwanag ko dahil sa nangyaring habulan namin ng mag-iinang aso. "Hindi ka dapat tumakbo. Kapag ganyan, talagang hahabulin ka nila, lalo na at hindi ka kilala ng mga 'yan. Tingin nila sa iyo ay threat ka sa kanila at nasa fighting instinct sila, kaya hinabol ka," seryosong paliwanag ng kaharap ko at sinulyapan ang mga aso. "Anong gusto mo, hintayin ko pa na lumabas ang buong angkan ng mga asong 'yan para isang pamilya silang lalapa sa akin, gano'n ba?" inis kong tanong. Ako na nga ang muntik nang malapa, tapos ako pa ang mali at pagsasabihan niya. Ang nakakainis, tinawanan pa ako ng kaharap ko habang isa-isang pinupulot ang mga tsokolateng nagkalat sa kalsada at muling inilalagay sa madungis na paper bag na hawak ko kanina. Muling nilingon ko ang grupo ng mga asong magkakasamang naglalakad palayo sa kinatatayuan ko. "Ipapa-bunu ko ang mga 'yan sa mga para-inom!" nanggigigil sa inis na litanya ko gamit ang salitang Bicol na ang ibig sabihin ay 'ipapakatay ko ang mga asong iyon sa mga manginginom.’ Tatawa-tawa ang sundalong kaharap ko, kaya hindi ko rin napigilang huwag matawa dahil sa sinabi ko. "Kawawang mga aso, pinagbabalakan mo ng masama. Ipapa-murder mo pa pala ang buong pamilya. Anong gagawin mo sa mga tuta, iihawin?" pang-aasar nito sa akin. Ewan ko ba, pero parang komportable akong kausap ang sundalong kaharap ko. Kahit nasa ganito kaming sitwasyon at nakatayo kaming dalawa sa gilid ng kalsada at nagtatawanan dahil sa nangyari, nagawa kong tumawa ng sabihin niyang dapat ay umakyat daw ako sa puno para tigilan ako ng mga aso. Napa-iling na lang ako nang makitang madungis ang damit na suot ko. May bukol pa yata ako sa noo at may pasa sa mata na sana 'wag naman maging black eye. Natawa rin ako nang mag-angat ng mukha at nakitang hindi lang naman ako ang ganito ang itsura, dahil pareho lang pala kaming dalawa. Pakiramdam ko tuloy ay kay tagal ko nang kakilala ang kaharap ko. Magaan siyang kasama at hindi naman pala suplado gaya ng unang inaakala ko. "Halika, samahan na kita. Saan ka ba pupunta?" tanong ng kausap ko. "Dalawin ko sana sina Angel, kaya lang, wala namang tao sa kanila at aso lang naroon," mahaba ang nguso na sagot ko. "Nakasalubong ko sila kanina, kasama ang anak at asawa. Mukhang maglalaba sila sa ilog,” paliwanag ng kausap ko. “Gusto mo bang puntahan doon?" Umiling ako bilang sagot. Wala na ako sa mood na pumunta kahit saan dahil sa ayos ko ngayon. "Huwag na, uuwi na lang muna ako sa amin." Sumabay sa akin ang sundalong kausap ko maglakad para ihatid ako sa bahay. "Pasensya na, pero hindi mo na ako kailangang ihatid. Okay na ako, salamat na lang," nahihiyang saad ko. Nag-aalala kasi akong may ibang makikita sa amin at pagsimulan ng tsismis ng mga tsismosa naming kapitbahay. Dito pa naman sa barangay namin, kaunting kibot lang ay isyu na agad sa kanila. "Okay lang, walang problema sa akin. Ihahatid na kita, at baka makasalubong ka na naman ng aso along the way," sagot ng kasama ko na ngumiti sa akin. Hindi ko tuloy masabi kung nang-iinis ba siya o concerned sa akin, kaya nagpatiuna na akong maglakad. Wala na siyang nagawa kundi ang sundan ako at sumabay sa akin. Malakas pa rin ang kabog ng dibdib ko habang naglalakad. Mukhang hindi pa talaga ako nakaka-move on sa mga asong humabol sa akin kanina. "Bakit ka nga pala naroon sa malapit sa bahay nina Angel kanina?" curious na tanong ko sa kasama ko. "Galing ako sa barracks kanina. Nakita kitang dumaan at tinunton mo ang makipot na daan, kaya naisip kong sundan ka. Siguro instinct na rin iyon na may hindi magandang mangyayari sa iyo, kaya sinundan kita," mahabang paliwanag ng kasama ko. Nag-iinit ang magkabilang pisngi na ngumiti ako sa sundalong kasama ko. "Gano'n ba? Salamat ha.” Nakaramdam kasi ako ng hiya dahil wala sa isip ko na posibleng sinundan niya ako. "Walang anuman. Kailangan mong lagyan ng yelo ang noo at mata mo, bago pa mangitim at maging kagaya ka ng panda," naka-ngiting sabi pa nito. Pinandilatan ko ng mga mata ang lalaking kasama ko. Akala mo naman ay concerned, 'yon pala ay bully naman. "Bok, anong nangyari d'yan sa kasama mo?" tanong ng isang sundalo na nakatayo sa harap ng bakod. "Hinabol ng mga aso, kaya nadapa," sagot ni Jake na mukhang hindi man lang nag-isip at sinabi sa kasamahan ang buong pangyayari. Naiinis na inirapan ko ang lalaking kasama ko. Hindi ko nagustuhan ang ginawa niya na kailangan pa talagang ikwento ang lahat ng nangyari, with full details pa. "Ang akala ko pa naman, kung ano na ang ginawa ninyo, bok, at maalikabok ang likuran mo," tila nang-aasar na sabi ng kausap ng supladong sundalong kasama ko. "Gago!" singhal ni Jake at pagkatapos ay pabirong sinuntok sa balikat ang kabaro. "Hi, Bianca! Nandito ka pala," bati sa akin ng isang lalaking nakita kong pumunta sa bahay noong isang araw. "Anong nangyari sa iyo? Bakit ang dungis mo?" tanong rin nito, kaya lihim na napabuga na lang ako ng hangin. "Anong ginawa mo, bok? Saan ka sumuot at ganyan ang ayos mo?" sunod-sunod na tanong ng mga sundalong lumapit sa amin. Sila ang mga sundalong nadaanan kong nagpipinta kanina sa bakod ng plaza, at ang ilan sa kanila ay natatandaan kong pumunta sa bahay. "Itong si Bianca, hinabol ng mag-iinang aso," sagot ng kasama ko. "Kaninong aso naman? Dapat tinatali ang mga iyan para hindi nakaka-perwisyo," komento ni Sir Joven na lumapit rin pala. "Nakagat ka ba, Bianca?" may pag-aalala na tanong sa akin ng opisyal. "Hindi po, sir," maikling sagot ko. "Eh, bakit mukhang may bukol ka at namumula ang kanang mata mo?" pag-uusisa pa nito. "Nabangga po ako sa kanya, sir. Tumatakbo po kasi ako," nahihiyang sagot ko. "It's good na naagapan mo, Jake. Kung hindi, siguradong nakagat siya ng mga aso. Matapang ang mga 'yan, kapag bagong panganak at may tuta. Mabuti at nakita mo agad si Bianca," sabi ni Sir Joven na tinapik sa balikat ang tauhan. "Narinig ko siyang sumisigaw, kaya nagmadali akong puntahan si Miss Bianca," paliwanag ng kasama ko sa opisyal. "Sir, mauna na po ako," nahihiyang paalam ko. Mainit na rin kasi ang sikat ng araw. Isa pa, nangangati na ako dahil tumakbo ako sa damuhan. Kailangan ko nang makaligo. Hindi rin ako komportableng ganito ang ayos ko kaharap sila. Lihim na tinapunan ko ng tingin ang sundalong tumulong sa akin. Naka-suot siya ng itim na joggers at kitang-kita ang dumi sa pwetan. Saka ko lang napansin na isang piraso lang pala ang tsinelas na suot niya, tapos ako naman ay nakapaa. Nahihiya tuloy ako sa kanya dahil nangyari ito dahil sa akin. Sobrang kamalasan at kahihiyan tuloy ang inabot ko ngayong araw. Kung bakit ba naman kasi hindi na niya hinanap kung saan napunta ang kapares ng tsinelas. Ang suot ko, alam ko kung saan naiwan, pero kahit anong mangyari, hindi ko talaga babalikan. "Ipapahatid na kita kay Jake, Bianca," sabi ni Sir Joven. Tumango na lang ako dahil sobrang nahihiya na talaga ako. "Sir, hatid na namin siya para may kasama rin si Jake pabalik," sabi ng tinawag ni Sir Joven na Private Perez. Siya ang natatandaan kong panay ang ngiti sa akin kahapon nang pumunta sa bahay. "Sige, para may kasama ka, Herrera. Hindi ligtas na mag-isa kayong lumalakad. Maigi ang naisip ng ka-buddy mo," puri ng opisyal sa tauhan. "Sige po, sir, ihahatid na po namin si Bianca," paalam ng sundalong nagligtas sa akin. "Bye, Bianca. Ingat ka sa susunod, ha." Narinig kong sabi sa akin ng isang lalaki mula sa grupo ni Sir Joven at isa rin sa mga pumunta sa bahay bago ako tuluyang naglalakad palayo sa kanila.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD