Chapter 2

2387 Words
Kinabukasan, maaga silang gumising at naghanda pauwi sa probinsya. Dahil magkalapit lang sila ng bus terminal na pupuntahan sa Sampalok, nagpasya ang magkaibigan na sa isang taxi na lang sila sumakay. Syempre, ang nakaisip ng ganitong set-up ay si Sheng na nagtitipid palagi. "Bessy, after a month, magkita ulit tayo, ha? Remember, promise natin na magbabakasyon ako sa inyo at ikaw naman sa amin," paalala ni Sheng kay Bianca. "Oo naman, Bessy. Dapat ay matuloy tayo, kaya huwag kang kuripot sa pamasahe, ah," natatawa rin niyang paalala sa kaibigan. Palagi kasi silang natatagalan basta may lakad, dahil laging nagku-compute ng budget si Sheng. "Naku, babae, wala tayong naipon ngayon kung hindi ako ganoon. Hello, eh ikaw kasi, kung gumastos ka ay parang wala nang bukas," komento ni Sheng. Tumahimik si Bianca dahil alam niya sa sarili niya na magastos talaga siya. Mabuti na lang talaga at nandiyan ang kaibigan na laging nagpapaalala sa kanya kahit na minsan ay sobra na ang pagiging kuripot. Dahil sa masayang usapan, halos hindi na napansin ng dalawa na nakarating na sila sa terminal. Nauna nang bumaba si Sheng, at si Bianca na ang susunod na ihahatid ng taxi na sinasakyan nila. Para wala nang mahabang drama, nagpaalam sa isa't isa at mahigpit na nagyakapan ang dalawa, habang parehong may ngiti sa labi. Excited na silang makauwi sa probinsya at makita na ang kani-kanilang pamilya. Habang hinihintay ni Bianca na umusad ang bus na sinasakyan, hindi niya maiwasang pagmasdan ang paligid. Parang wala namang nagbago sa paligid. Katulad pa rin ng dati ang Maynila. Maraming tao, magkakatabi ang mga establisyemento, at mahaba pa rin ang traffic sa daan. Masyadong matagal para kay Bianca na matapos ang dalawang taong kontrata, dahilan kung bakit talagang excited na siyang makauwi sa kanila. Siguro ito rin ang rason kaya kinakabahan siya, na para bang may kakaiba sa pintig ng puso niya. Malakas ang kaba at pinaghalong saya ang kanyang nararamdaman. Hindi tuloy maiwasang isipin ni Bianca kung ano ang magiging buhay niya ngayong nakabalik na siya sa bansa. Sa edad na bente-kwatro, wala pa siyang naging nobyo. Sabi nga ng mga kaklase niya, takot silang lapitan at ligawan. Bukod sa mukha siyang suplada at masungit tingnan, boyish rin daw siya. Siguro ay dahil lumaki siyang responsable at hindi umaasa sa magulang. Dahil na rin sa hirap ng buhay sa probinsya, nakatungtong naman siya sa college, pero hanggang second year lang bilang criminology student at pagkatapos ay tumigil na sa pag-aaral. Hindi na niya kinaya ang pressure ng isang working student na sinabayan pa noon ng sakit ng kanyang ama, kaya naisipan ni Bianca na tumigil sa pag-aaral at mag-apply ng trabaho sa abroad. Mababait ang naging amo niya sa Lebanon, pero napakahigpit naman. Laking pasasalamat ni Bianca na natapos niya ang kontrata at naka-uwi siya ng ligtas kahit na marami ang kaso ng mga pang-aabuso sa Gitnang Silangan. Ngayon, heto siya, nag-iisip kung ano ang susunod na hakbang. Naalala tuloy niya si Sam, ang masugid na manliligaw niya noon. He's a nice guy at responsible rin sa pamilya. Dahil panganay sa magkakapatid, naisip ni Bianca noon na kailangang tumulong ni Sam sa mga magulang pagka-graduate nila, at ayaw niyang maging hadlang doon, lalo na at alam niya ang hirap ng buhay sa probinsya. Isinantabi muna niya ang balak na pag-sagot sa manliligaw, dahil gusto niyang unahin munang tulungan si Sam ang mga magulang na umaasa sa kanya na mabibigyan niya ng mas maayos na buhay sa oras na nakapagtapos ito ng pag-aaral. "Kapag single pa siya at walang commitment, siguro this time, pagbibigyan ko na siya," nakangiting bulong ni Bianca sa sarili. Napangiti siya sa naisip. Kinapa sa puso ang excitement at attraction para sa binata, ngunit parang wala siyang naramdamang espesyal para sa dating manliligaw. Humahanga siya kay Sam dahil sa determinasyon nito, ngunit pakiramdam niya ay hanggang doon lang 'yon. "Ano ka ba, self? Parang excited ka naman na magka-boyfriend, kaya kung ano-ano na lang ang iniisip mo," bulong niya sa sarili. Sa haba ng biyahe pauwi sa probinsya, hindi niya maiwasang makatulog. Nagising siya na malakas ang kabog ng dibdib, bagay na ipinagtataka ni Bianca pero inakalang excited lamang siyang makita ang pamilya. Naputol lamang ang mga bagay na tumatakbo sa kanyang isipan nang marinig niyang tumunog ang cellphone na nasa loob ng bag sa tabi niya. "Hello," agad na sagot ni Bianca. "Hello, anak, nasaan ka na?" tanong ng ina sa kabilang linya. "Nasa Quezon Province na po ako, 'Ma. Hindi ko po alam ang exact location, nakatulog po kasi ako," paliwanag niya sa ina. "Bata ka, mag-update ka kung malapit ka na, anak, at hihintayin ka namin sa highway. Mahirap na at siguradong gabi ka na makararating dito. Malakas ang ulan ngayon, kaya mag-ingat ka," dagdag ng ina. "Sige po, Mama," inaantok na sagot niya. "Okay, mag-ingat ka, anak. Miss ka na namin at sobrang excited na ang Papa mo na makita ka," masayang wika ng kaniyang ina. "Okay po, Mama, see you soon, bye," paalam niya rito. "Bye, anak," malambing na sabi ng ina na kanyang huling narinig bago pinutol nito ang tawag. Wala pa halos limang minuto nang mag-ring ulit ang hawak na cellphone. It's Sheng. "Hi, Bessy, kumusta biyahe mo?" masayang bungad nito sa kanya. "Ayos naman, Bessy. Ito, malakas ng ulan at ang lakas pa ng air-con, kaya halos manigas ako rito," sagot niya. "Lagot na! Takot ka pa naman sa lamig. Hindi ka pa nasanay sa nagyeyelong klima sa Lebanon. Mabuti pa, maghanap ka na ng lalaki, Bessy, para may magpapainit na sa 'yo," pilyang biro ni Sheng sa kaibigan. "Gaga ka talaga! Kung ano-ano na naman ang lumalabas sa bibig mo, palibhasa hindi ka na virgin," pang-aasar niya sa kaibigan. "Bessy, sinasabi ko sa 'yo, 'pag natikman mo 'yan, hahanap-hanapin mo," biro ni Sheng kay Bianca. "Bruha, tutal nauna ka naman nakatikim ng lalaki, kwentuhan mo na lang ulit ako. Alam mo namang ako ang number one fan mo," nakangiti niyang tugon dito. Ganito silang magkaibigan. Sa kabila ng lungkot at hirap sa ibang bansa, natagpuan nila at naging sandalan ang isa't isa. Naging matalik na magkaibigan kahit pa malaki ang pagkakaiba ng ugali nilang dalawa. "Sige na, Bessy, sayang ang load ko. Hindi ako naka-register sa unli call. Mahal pa naman ang regular call," paalam ng kaibigan sa kanya. "Saksakan ka talaga ng pagka-kuripot. Kahit simpleng tawag lang, binibilang mo agad. Bessy, sinasabi ko sa 'yo, isusumpa talaga kita 'pag lagi mo akong tinitipid," umiikot ang mga mata na nagdadrama na sabi ni Bianca sa kaibigan. Tumawa lang si Sheng bago pinutol ang tawag. Dahil malayo pa naman at mahaba ang oras, pinilit niyang makatulog sa biyahe. Sa pagpikit ng kanyang mga mata, agad siyang naidlip. Saglit pa, may lalaki siyang nakita sa kanyang panaginip. Pilit niyang inaaninag ang mukha nito, subalit malabo talaga kahit pakiramdam niya ay malapit lang ito sa kanya. "Sino ka?" mahinang usal ni Bianca. Hindi ito sumagot at naglakad palayo pagkatapos siyang halikan sa labi at haplusin ang magkabilang bahagi ng kanyang pisngi. Pinagpapawisan siya ng malapot nang magising. Labis siyang naguguluhan kung bakit ganoon ang kanyang panaginip. Bigla tuloy ay naging laman ng isipan niya ang tungkol sa lalaking napanaginipan at nagtatanong sa sarili kung sino ito. "Bakit kaya bigla akong nanaginip ng ganoon? Ang weird," bulong na tanong ni Bianca sa sarili. Siguro ay dahil sa kung ano-ano ang laman ng isipan niya kanina dahil sa napag-usapan nilang magkaibigan bago nakatulog, kaya pati sa panaginip ay ganoong eksena ang kanyang nakita. Saglit siyang pumikit at kinalma ang isipan. Inalala niya ang tagpong nakita sa panaginip, at isang bagay ang narealize niya. Hindi man niya maaninag ang mukha ng lalaking humalik sa kanya, pero malinaw pa sa alaala niya ang matikas na tindig nito habang nakasuot ng uniporme. Army uniform, to be exact. Binalewala ni Bianca ang napanaginipan, but little did she know na magiging malaking bahagi ito ng kanyang buhay. Matapos ang mahabang biyahe, sa wakas ay nakarating rin si Bianca sa Bicol. Bagamat pagod at nanlalata ang kanyang katawan dahil matagal siyang nakaupo sa bus, masigla pa rin ang kanyang pakiramdam. Nakita agad ni Bianca ang mga magulang na naghihintay sa kanya sa bus stop. Mahigpit na yakap ang natanggap niya mula sa mga ito, at hindi niya napigilan ang luha sa labis na saya dahil sobrang na-miss niya ang kanyang ama at ina. Kahit salat sila sa buhay, ay malapit silang buong pamilya sa isa't isa. Ang bawat isa sa kanila ay itinuturing na kayamanan ng kanilang mga magulang. Labis na nagpapasalamat si Bianca sa Panginoon dahil may mabuti siyang pamilya. Matapos magmano sa mga ito, ay inaya na siya ng kanyang ama na sumakay sa naghihintay na tricycle na maghahatid sa kanila paakyat sa bundok. Malalim na ang gabi nang makarating sila sa bahay. Hindi tuloy niya naiwasang pagmasdan ito, ang kanilang munting tahanan. Maliit lang ang kanilang bahay na gawa sa kahoy. Sawali lang ang dingding at kawayan ang sahig. Napabuntong-hininga tuloy siya nang pumasok sa pintuan, dahil pakiramdam niya ay wala rin palang nagbago sa buhay ng kanyang pamilya kahit dalawang taon na siyang nagtrabaho sa abroad. "Anak, ang lalim naman yata ng buntong-hininga mo. Napagod ka ba ng husto sa biyahe mo?" tanong ng ina. "Hindi po, Mama. Okay lang po ako. Hindi ko lang po mapigilang isipin itong bahay natin. Dapat po ay ayusin na natin ito kahit paano. Malamig po ang panahon ngayon dahil tag-ulan na. Daanan pa naman ng bagyo ang lugar natin," sabi niya sa ina. "Naku, saka mo na 'yan isipin, anak, may bukas pa. Ipasok na natin ang mga maleta mo doon sa gilid para makapagpahinga ka na," wika ng ina. "Tulog mantika talaga ang mga kapatid mo. Hindi man lang nagising kahit nakarating na tayo, at parehong naghihilik pa ang dalawa," narinig niyang sabi ng ama habang palabas ito ng silid. Napa-ngiti si Bianca na pumasok sa munting silid at sinilip ang mga kapatid. "Naku, Papa, hindi ka na po nasanay. Ganyan talaga ang kambal na 'yan. Bukas, siguradong mag-iingay sila na hindi natin ginising ngayon," napapa-iling na lang na komento niya sa ama. "Kumusta ang naging buhay mo sa abroad, anak? Labis kaming nag-alala ng mama mo dahil kaaalis mo lang noon ay napabalita namang may giyera doon," tanong ng ama. "Okay lang naman po, Papa. Noong una, ang kalaban namin talaga ay homesick po. Pero nang magtagal, nasanay na rin po ako. May naging kaibigan din po akong Pinay, taga-Cagayan si Sheng po. Bibisita daw po siya dito sa atin next month, nang makarating din po siya dito at makapasyal sa atin," mahabang paliwanag niya sa ama. "Mabuti kung gano'n, lalo na't babae ka pa naman. Napakabata mo pa nang na hiwalay sa amin ng mama mo, kaya nag-aalala kami sa iyo, lalo na't bihira ka kung tumawag at minsan ka lang din sumulat," saad ng kanyang ama. Totoo ang sinabi ng kanyang ama, dahil bilang lamang sa daliri ang pagkakataon na pinayagan siyang tumawag ng mga amo. "Gano'n po talaga, Papa. Mahal din kasi ang long-distance na tawag at may schedule lang po kami kung kailan p'wedeng sumulat," paliwanag niya. "Mabuti at nakauwi ka na. Palagay na ang loob namin na narito ka at ligtas," nakangiti na sagot ng ama. Laking pasasalamat ni Bianca na nakauwi siya ng Pilipinas dahil magulo ang bansang napuntahan niya. Sunod-sunod ang balita ng mga namatay na kababayan dahil sa mga pagsabog at pinasabog na mga siyudad dahil sa naganap na civil war doon. "Kumusta po pala ang pakiramdam mo ngayon? Lagi pa rin po ba kayong inaatake ng asthma at hirap huminga?" tanong niya sa ama. "Mas maayos na ngayon, anak. Maganda ang naging epekto ng vitamins na ipinadala mo. Sabi ng doktor, effective daw 'yon at nakatulong sa immune system ko," saad nito. "Maigi kung gano'n. Classmate ko po ng high school ang dealer n'yan, papa, si Angelo po na taga kabilang barangay lang natin," kwento niya sa ama. Masaya siya dahil kahit malaki ang sakripisyo niya sa abroad, may pagbabago sa kalusugan ng ama. "Maigi pa, anak, ay matulog na tayo," yaya ng ina habang nililigpit nito ang pinagkainan nila. "Heto, uminom ka muna ng gatas para makatulog ka ng mahimbing.” "Salamat po, Mama, kaya lagi ko kayong name-miss kasi alam mo kung ano ang gusto ko," nakangiting sabi niya sa ina, sabay abot sa basong hawak nito. "Sa tanda kong ito, alam na alam ko pa rin na favorite mo ang gatas," natatawang wika ng kanyang ina. Napangiti siya, lalo na nang maalala ang mga panahon ng kabataan na nagtatago siya at umaakyat sa puno, baon ang isang pack ng powdered milk. Hindi pa nag-iinit sa papag nang marinig ang tawag sa kanyang cellphone. Ring tone pa lang, alam na alam niya na kung sino ito. "Hello Bessy, nakarating ka na ba sa inyo?" bungad na tanong niya sa kaibigan. "Oo, Bessy, heto at nabilang ko na ang labing-isa kong mga kapatid," tumatawang sagot ni Sheng sa kabilang linya. "Oh, complete ba naman ang listahan ng mga kapatid mo?" natatawang tanong niya sa kaibigan. "Naman, Bessy. Lahat sila ay naghahalukay ng maletang dala ko. Lahat gising na gising ang diwa, pati kaluluwa ngayon," masayang kwento ni Sheng. Isa ito sa mga nagustuhan niya sa kaibigan. Masayahin ito sa kabila ng pinagdadaanan nito sa buhay. Parang ang gaan lang ng lahat at tila ba ay walang mabigat na problemang dinadala. "Mabuti naman at nakarating ka na. Ang haba pala ng biyahe d'yan sa inyo. Dapat pala nag-eroplano ka na lang kaysa gan'yan.” Malalim na buntong-hininga ni Sheng ang narinig ni Bianca at hindi agad sumagot sa sinabi niya. "Naku, Bessy, kung sinagot mo ang fare ko pauwi, bakit hindi?" sagot ng kaibigan sabay hagikhik nito sa kabilang linya. "Alam mo naman ang sagot ko sa ganyan. Sa dami ng mga kapatid ko, talagang super pagtitipid ang ginagawa ko. Hindi naman kasi ako gaya mo na apat lang kayong magkakapatid," sagot ni Sheng na muling nagpakawala ng isang malalim na buntong-hininga. Naaawa si Bianca sa kaibigan. Halos mag-isa nitong itinataguyod ang mga kapatid at pamilya, pero napahanga siya nito dahil kahit minsan ay hindi man lang nagreklamo. Tulad niya, breadwinner ng pamilya si Sheng, kaya parehong nauunawaan nila ang bawat isa at kung bakit kailangang magsumikap at tumayo sa sariling mga paa.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD