BIANCA
Malakas na mga boses at tawanan ang gumising sa akin na animo'y nagkakasiyahan ang mga ito sa labas. Maliit lamang ang bahay namin, kaya kapag ganitong may mga bisita kami, ay dumadagundong ang usapan ng mga taong nasa labas.
Tinatamad na bumangon ako para maligo. Medyo mataas na ang sikat ng araw, ngunit malamig pa rin. Na-miss ko ang ganitong panahon, dahil mainit ngayon sa Lebanon. Masarap ang temperatura dito sa probinsya at talagang nagugustuhan ko ito. Bukod kasi sa sariwa ang hangin, ay malamig pa.
Nasa mataas na bahagi ng bundok ang lugar namin, kaya malakas ang ihip ng hangin, lalo na sa gabi at umaga. Medyo masakit pa ang mga mata ko at magaan ang ulo ko dahil sa ilang oras na tulog lang, ngunit napagpasyahan kong bumangon na lamang.
Saglit na nag-inat ako ng mga braso at katawan. Nagligpit na rin ako ng higaan bago lumabas. Masarap talaga sa pakiramdam 'pag nasa sarili kang bahay. Ayos lang kung maliit lang, ngunit payapa naman ang buhay.
Pumunta ako sa kusina at pumasok sa aming maliit na palikuran para gawin ang aking morning routine. Nang matapos, agad akong bumalik sa silid namin ng mga kapatid ko para magpalit ng damit.
"Ate, gising ka na pala," bati sa akin ni Bea.
"Oo, bunso, kumusta ka na? Na-miss ka ni ate. Halika nga dito, payakap," malambing na sabi ko sa kapatid kong si Bea.
"Si ate talaga, dalaga na ako. Seventeen na ako next month, eh. Kung pisilin mo ang pisngi ko, akala mo seven years old pa lang ako. Ang sakit kaya," nakasimangot na reklamo ng kapatid ko.
"Aba't, nagrereklamo ka na, ah. Since seventeen ka na pala, marami ka na bang alam sa buhay, ha?" natatawang sabi at tanong ko sa kapatid ko habang ginugulo ang buhok niya.
Abala kami ni Bea sa pagkukulitan, kaya hindi ko agad napansin na pumasok pala dito sa silid si Mama.
"Naku, anak, iiyakan ka n'yan ni Bea. Huwag mo siyang masyadong asarin, dahil ang gamot d'yan, siguradong magpapabili 'yan ng kung ano-ano na naman sa mall," saway ni Mama sa akin.
Kilala ko na ang ugali ng bunso namin, dahil kahit malayo ang shopping mall dito sa amin, talagang naglalambing siya sa akin kung minsan at palaging pinagbibigyan ko naman, dahil hindi ko siya matiis.
"Siya nga pala, may mga bisita tayo sa labas. Halika at ipapakilala kita, Bianca, sa kanila," sabi ni Mama.
Saglit na natigilan ako, pero sumunod rin ako kay Mama matapos sulyapan ang sarili sa salamin. Hindi pa kasi ako handang humarap sa kahit na sino, lalo na at mga lalaki ang bisita namin, base na rin sa mga tinig na naririnig ko habang nag-uusap sila.
"Mga sir, ang anak po namin si Bianca. Kakambal ng panganay namin at pangalawa sa magkakapatid," pakilala ni Papa sa akin sa mga kausap nang bumungad ako sa sala.
"Good morning, ma'am."
"Hi, kumusta?"
"Aba, may dalaga ka pa palang anak, Mang Daniel.”
Narinig ko ang magkasunod na bati sa akin ng mga bisita ni Papa na nadatnan ko dito sa sala. Sa pagbaling ng aking paningin sa may pintuan, saka ko lang napansin na grupo pala sila ng mga sundalo.
Kahit nahihiya at kinakabahan ay tipid na ngumiti ako sa mga bumati sa akin.
"Good morning po," kiming bati ko.
"Hi, Bianca, ako nga pala si Master Sergeant Nicholas Joven," sabi ng isang sundalo na nasa harap ko, sabay lahad ng kamay.
"Private Ricky Alejandro."
"Private James Perez."
"Private John Camacho."
Sunod-sunod na pagpapakilala ng mga ito.
"Private First Class Jake Herrera." Pakilala ng isa sa sulok na baritono ang boses.
Inabot ko ang kamay nila isa-isa at nakipagkamay, hanggang sa lumapit sa akin ang lalaki sa sulok. Hindi ko alam kung ano ang nagtulak sa akin para mag-angat ng mukha. Habang hawak niya ang kamay ko, naramdaman ko ang kakaibang init na nagmumula sa palad niya, kaya nakasalubong ang mga mata naming dalawa.
Wala sa sarili na tinitigan ko ang sundalong kaharap ko. Larawan siya ng isang matikas na lalaki. Mas mataas kumpara sa akin. Moreno, dahil marahil palagi itong bilad sa araw. Matangos ang ilong at makapal ang kilay na akala mo ay laging nagsasalubong dahil mukha itong seryoso.
Nadako ang paningin ko sa labi niya na manipis at mamula-mula. Parang biglang tumigil ang mundo ko at bumalik lang sa normal nang pisilin ng lalaking kaharap ko ang kamay ko at tumikhim ang kung sino sa mga taong nasa paligid namin.
Nahihiya tuloy na binawi ko ang kanang kamay ko at tumabi sa aking ina.
"Welcome back, Bianca. May nobyo ka na ba?" tanong ng nagpakilala na si Sir Joven.
"Wala po," nahihiya kong sagot.
Feeling ko kasi ay may mga matang seryosong nakatingin sa akin, kaya nagbaba ako ng tingin at tiningnan ko ang mga daliri ko sa paa.
Lihim na pinapagalitan ko ang sarili ko dahil sa naging kilos ko sa harap ng mga taong kaharap ko at nanatiling nakayuko, dahil nahihiya akong mag-angat ng mukha.
"Ayos pala kung gano'n, mga binata pa ang tatlo dito sa mga bata ko," sabi pa ng opisyal.
Nakangiti ito nang nag-angat ako ng paningin na para bang natutuwa talaga siya sa akin.
"Mukhang may magiging kumpare ako sa lugar na ito," komento pa ng opisyal, dahilan para mag-init bigla ang dalawang pisngi ko.
"Palagay mo, kumpare?" tanong ni Sir Joven sa aking ama na tumingin sa akin.
"Gaya nga ng sabi ko kanina, basta may magustuhan ang dalaga ko, ay walang problema sa akin, dahil nasa tamang edad na rin naman siya," sagot naman ni Papa.
Napatingin ako sa aking ama na nakangiti pa at para bang simpleng bagay lang ang sinabi niya tungkol sa akin. Naging awkward tuloy ang pakiramdam ko at nahihiyang sumabat sa usapan, pero hindi ko napigilan ang sarili ko at nagsalita ako.
Tumawa lang ang aking ama nang sumulyap sa akin matapos marinig na nagreklamo talaga ako. Kilala naman ako ni Papa na hindi basta na lamang aayon sa bagay na alam kong hindi ko gusto.
Nabaling ang tingin ko sa nagpakilalang si Jake Herrera. Seryoso siya at mukhang malalim ang iniisip habang nakatingin sa akin.
Hindi ko tuloy malaman kung tatayo ba ako o mananatili sa kinauupuan ko. Ang awkward naman kasi ng sitwasyon, lalo na't alam kong maraming pares ng mga mata ang nakatingin sa akin ngayon.
Dahil hindi na ako komportable sa mga kasama ko, minabuti ko na lang na pumasok sa loob at hanapin ang cellphone na naiwan ko kanina.
Ang nakakainis ay hindi ko na naman mahanap ang cellphone ko. Sign of aging na siguro ito, kaya madali akong makalimot.
Natatawa na lang ako sa sarili ko at napa-iling habang hinahanap ang nawawalang gamit ko. Ang liit kasi ng bahay namin, pero hindi ko mahanap ang cellphone na hawak ko kanina lamang.
Dahil hindi ko talaga matagpuan kung nasaan ang gamit na hinahanap ko, lumabas ako sa maliit na silid namin ng mga kapatid ko at nagpasyang kumain na lang muna ng almusal.
Nakaka-ilang higop pa lang ako ng kape at kagat ng nilagang mais nang bumungad si Bea, hawak ang cellphone na kanina ko pa hinahanap at mukhang may kausap ito kasama ang kakambal na si Bryan.
"Ate, may tawag ka. Sheng daw," sabi nito sabay abot ng cellphone sa akin.
"Bessy, gosh! Ang akala ko tuloy ay wrong number ang tinawagan ko dahil iba ang sumagot sa cellphone mo," tuloy-tuloy at dramatikong sabi ng kaibigan ko.
"Hay naku, Bessy, kanina ko pa nga hinahanap itong cellphone ko. Kaya pala hindi ko makita ay tinangay ng kambal," sagot ko.
Naririnig ko pang nagrereklamo si Bryan at sinabing si Bea ang kumuha at bakit siya kasali sa paninisi ko.
"Hayaan mo na, Bessy, gan'yan rin naman ang mga kapatid ko," natatawang sagot ng kaibigan ko.
"Mahaba talaga ang pasensya mo, Bessy, pero hindi ako. Lagot sa akin mamaya ang dalawang ito," seryosong sabi ko na sinadyang iparinig sa kambal.
Matapos magpaalam kay Sheng, hinarap ko ang mga kapatid ko at pinaningkitan ng sila ng mga mata.
"At sinong nagsabi sa inyo na p'wede ninyong kunin at gamitin ang cellphone ko ng walang paalam?" seryosong tanong ko sa dalawa.
"Si Bea ang may dala ng cellphone mo kanina nang lumapit sa akin, ate. Pinakita niya ang mga larawan mo sa gallery, kaya wala akong alam diyan," pagdadahilan ni Bryan.
"Dalawa kaya tayo! Tumingin ka rin naman at nanood gaya ko," pagdidiin ni Bea sa kapatid namin.
"Pahamak ka talaga, Bea. Kahit kailan, palagi na lang tayong napapagalitan dahil sa kagagawan mo," inis na sabi ni Bryan na pinandilatan ng mga mata ang kakambal.
Nakasimangot na bumulong-bulong si Bea na akala mo ay kausap ang sarili. Gan'yan ang kambal, parang mga aso't pusa, pero nagtatakipan kapag may kasalanan. Este, magkasama at magkakampi naman kapag may gulo, kaya ang resulta, walang lusot ang isa at dalawa silang napapagalitan ko.
Ilang saglit pa ay narinig kong nagpaalam na ang mga bisita sa labas. Sinabi pa ni Sir Joven na babalik raw sila ulit dito sa amin. Bigla namang kumabog ng malakas ang dibdib ko sa narinig kong sinabi niya, at hindi ko nagawang pigilan ang kaba na sumibol sa dibdib ko.
Minuto lang ang lumipas nang makaalis ang mga bisita dito sa bahay nang pumasok sa kusina ang mga magulang ko at sinabing handa na kanina pa ang almusal namin. Sabay pa silang umupo kaharap namin ng mga kapatid ko, pero nagulantang ako sa sumunod na tanong sa akin ng aking ina.