Ipinarada ko ang kotse sa parking space ng simbahan. Kotse ni Wilma ang gamit namin ngayon. "Ang ganda," papuri niya. "Isa sa mga lumang simbahan ito sa bayan namin pero naaalagaan naman kaya maayos pa rin." Lumabas kami ng kotse saka lumapit sa nagtitinda ng kandila malapit sa kung saan naka-park ang sasakyan. "Pabili ho ng dalawang kandila." Itinuro ni Wilma ang mga puting kandila nakasalansan sa mesa ng nagtitinda. "Maganda ito para sa panalangin at pagdarasal sa kaluluwa ng mga yumao na." Kinuha ng may edad na tindera ang dalawang puting kandila saka iniabot iyon kay Wilma. "Salamat ho." Kinuha iyon ng best friend ko saka nagbayad.