"U-umalis ka na rito..." muling pakiusap ng hindi ko makitang mukha ng babae sa mahinang tinig. Wala akong ibang naririnig kung hindi ang paulit-ulit na tinig na 'yon.
Napabalikwas ako nang bangon dahil sa masamang panaginip na 'yon. "Sino kaya ang babaeng iyon?" Palagi na lang siyang nasa panaginip ko at pinapaalis ako.
Sinulyapan ko ang wall clock. Umaga na pala. Alas otso na ng umaga at lumalagos na ang liwanag mula sa siwang ng kurtina sa bintana. Tumayo ako at nag-ayos ng sarili bago lumabas ng kwarto. May lima pang silid sa second floor ng villa at lahat ng iyon ay bakante maliban sa master's bedroom naming mag-asawa.
Bumaba ako ng hagdan saka hinanap ang asawa ko. Hindi man lang siya nag-abalang tawagan ako o ano. "Manang Delia, hindi pa rin ho ba nakababalik si Benj?"
Lumabas mula sa dining area si Manang. "Hindi pa rin ho, Senyorita Elaine."
"Sige ho, salamat. Kakain na ako ng almusal. Doon na lang ako sa garden mag-aagahan."
"Sige ho, ihahatid namin doon ang breakfast n'yo." Tumalikod na ito para asikasuhin ang agahan ko.
Lumabas na ako ng villa saka nagtungo sa garden. Naupo ako sa breakfast nook na pinasadya ni Benj doon para daw makapag-breakfast kami sa garden.
May ilan nang trabahador ang naroon at nag-aasikaso ng hacienda. Malaya silang maglabas-pasok sa hacienda patungo sa taniman ng niyog at saging na kanugnog ng lupaing kinatatayuan ng villa sa kaliwang bahagi nito. Naroon din sa gawing iyon ang mga alagang kabayo. Ang maisan at palayan ay nakabukod, may kalayuan mula sa Hacienda Leya. Itong hardin ang pinakapaborito kong tambayan dahil nakikita ko ang mga trabahador. Naaaliw akong pagmasdan ang kasipagan nila.
"Narito na ang breakfast mo." Inilapag ni Manang Delia ang tray ng pagkain, saka isa-isang inasikaso sa harap ko ang plato, kubyertos at coffee cup. Iniayos din nito ang fried rice, itlog at pritong na tilapya. "Sariwa ang tilapya, alaga sa farm 'yan."
"Mukha nga ho. Maganda rin ang pagkakaprito n'yo, Manang Delia." Kinuha ko na ang kubyertos at nagsimulang kumain.
Masarap ang buhay ko rito, tahimik, maaliwalas ang paligid at presko ang hangin. Mas gusto ko na yata rito mamalagi kaysa sa Maynila.
"Mabuti naman at naka-adjust ka na sa buhay dito, Senyorita Elaine," sambit ni Manang Delia.
"Masarap nga ho rito eh. Hindi ko hinahanap ang buhay-city." Maluwang na ngiti ang namutawi sa mga labi ko.
"May ilan kasi na naiinip sa ganitong set-up, hindi mapakali. Hinahanap ang ingay ng syudad."
"Siguro ho kung sinanay ako ni Mama na panay labas at gala, baka hanapin ko rin ang buhay ko ro'n, pero bahay-school lang din ako eh. Minsan lang ako mag-travel kapag naiingayan na ko sa paligid ko. Kaya hindi ko rin masyadong hinahanap ang ingay ng lungsod." Humigop ako ng kape. Barako pala iyong nai-serve sa akin. Paniguradong magigising ang diwa ko sa maghapon ngayon.
"Saan nga ho pala ang probinsya ninyo? Paano kayo napadpad sa Hacienda Leya?" tanong ko.
"Taga-Bicol ako, nakita ko lang sa ads na naghahanap ng mayordoma para sa hacienda kaya napa-apply ako rito dala na rin ng kahirapan," mahabang kwento ni Manang Delia. "Ayos naman dahil kahit malayo ako sa pamilya ko, kahit paano may napapadala ako para sa kanila."
"Naabutan n'yo ho ba 'yung pinalitan ninyo ritong mayordoma?"
Umiling si Manang Delia. "Lahat kami rito ay puro bago. Ako ang pinakaunang dumating, sunod si Berto makalipas ang dalawang araw." Driver ni Benj si Berto. May edad na pero wala pang asawa. "Si Elsa naman matapos ang limang araw. Iyong mga trabahor naman sa rancho ay puro bago rin. Si Pedring naman na hardinero ay natanggap dito makalipas ang isang buwan. Hindi ko alam kung may ilan diyan sa farmers ang luma na. Hindi ko sila nakakausap, bawal silang lumapit sa villa."
Namangha ako. May bawal pala sa hacienda? "Bakit naman daw bawal silang kausapin at bawal lumapit dito?"
"Ang paliwanag ni Senyorito Benj ay baka kumalat ang fertilizer at pesticide na gamit farming. Mahirap na raw."
May punto naman siya. Isa pa, hindi rin ako magiging komportable kung may mga kalalakihang lalapit sa akin nang hindi ko kilala nang lubusan.
"Iyong mga gamit sa bodega, kayo ho ba ang nagligpit ng mga 'yon?"
Muling umiling si Manang. "Naku, hundi ho. Pinagbawalan din kaming galawin ang mga gamit doon. Wala sa akin ang susi ng bodega, minsan lang naming nililinisan ng alikabok kapag narito si Senyorito."
Wala pa rin akong nakikitang gamit ng namayapang asawa ni Benj. Ang sabi lang niya ay ayaw niyang magkaroon ng alaala ni Leya kaya pinatapon niya ang mga gamit nito maging mga larawan. May ilan daw na natira sa bodega pero mahirap hagilapin dahil patong-patong na ang mga kahon doon. Ayoko na lang mangulit ng tungkol sa namayapang asawa niya para wala kaming mag-awayan. Hindi rin naman siya naghalungkat pa ng tungkol sa amin ng ex ko kaya hindi na ko nag-abalang alamin din ang nakaraan nila ng unang asawa niya. Memories niya 'yon at ayokong panghimasukan pa 'yon. Baka masaktan lang din ako dahil may unang minahal si Benj.
Pumasok ako minsan sa bodega habang wala si Benj. Second day ko sa hacienda noon. Doon ko rin nakita ang kapirasong papel na mukhang galing sa punit na diary. Mabuti na lang at hindi ko nasabi kay Benj na pumasok ako roon, kung hindi ay baka nag-away pa kami.
Nasa malalim akong pag-iisip nang mapansin ko ang tila aninong lumakad sa gilid ko, sinundan ko pa ito ng tingin. Dire-diretsong pumasok sa main door ng villa. Napakunot ang noo ko. Mabilis lang iyon pero sure ako sa nakita ko.
"Anong problema, Senyorita?" pukaw ni Manang Delia na nagpabalik sa wisyo ko.
"P-pra ho kasing may pumasok sa pinto ng villa."
"Huwag ho kayong namang manakot, Senyorita Elaine," nanlalaki ang matang sambit nito.
"Hindi ako nananakot. Seryosong may pumasok sa villa. Mabilis lang 'yon pero nakita kong mukhang anino."
Napayakap sa sarili si Manang. "Kaya madalang akong maglilingon eh, baka may kung ano akong makita."
"H-huwag na lang ho natin pansinin." Nagkibit-balikat na lang ako para hindi lalong matakot si Manang Delia.
Isa lang ang sigurado ako; may malamig na hanging tumama sa akin nang dumaan ang anino na 'yon.
"Magpahinga na muna tayo pagkatapos kong mag-agahan, baka pagod lang 'to," sambit ko sa mayordoma. "Kumain na rin ho muna kayo ng agahan. Pwede n'yo muna akong iwan dito."
"Sige ho, Senyorita. Tawagin n'yo lang ako kapag may kailangan kayo." Tumalikod na ito saka lumakad palayo sa akin.
Sigurado akong may kung anong hindi matahimik na kaluluwa sa villa na 'to.