"Kilala mo ba si Mr. Reymondo Dela Cruz?" tanong sa akin ni Jordan.
Napaisip ako kung may kilala ako sa binanggit niyang pangalan, pero wala akong maalala sa pangalan na iyan.
"Hindi, sino ba siya?" sagot at tanong ko sa kanya.
Napailing siya ng kanyang uko habang nakangisi, "Sabagay, isa ka pa lang paslit noon bago siya pinatay!" sabi sa akin ni Jordan na kinagulo ng utak ko.
Pinatay? Ano naman ang kinalaman ko sa lalaking iyon?
"Hayaan mo at sasabihin ko sa iyo kung sino siya, Grae."
Napatingin lang ako sa kanya at naghihintay kung ano ang sasabihin niya.
"Si Reymondo Angeles Dela Cruz, o mas kilala noon sa kanyang screen name na Rey Angeles ay isa sa pinakasikat na artistang lalaki noong 70's. Marami siyang nagawang pelikula at palabas sa telebisyon na talaga namang namayagpag sa takilya," pagsisimula niyang pagkwekwento sa akin.
"Isa siyang epektibong action star noon. Maliban sa pagiging action star, nabighani rin niya ang mga kababaihan dahil sa angkin niyang karisma. Kabi-kabila ang mga offers niya noon sa pelikula, hindi lang sa Acrion Movies kundi pari sa mga rated SPG na pelikula, sa mga endorsement, at pati na rin sa pagmomodelo ay napasok niya," pagpapatuloy niya.
"Kilala mo ba kung sino ang naging leading lady niya noon?" tanong niya sa akin.
Hindi ako sumagot dahil wala akong idea sa mga sinasabi niya.
"Hindi ba, isang sikat na artista rin ang iyong ina noon?" nakangisi niyang tanong sa akin na kinagulat ko.
Oo, alam kong pumasok si Mom noon sa entertainment, at may mga napanood akong mga pelikula niya noon.
Lumaki ang aking mga mata nang maaalala ko ang palaging leadingman ni Mom noon! Hindi kaya siya ang tinutukoy niya? Siya si Rey Angeles?
"Ano? May ideas ka na sa mga susunod na sasabihin ko sa iyo, Grae?" tanong pa niya sa akin.
"Kung wala pa, sige, tatapusin ko ang kwento ko!" sabi niya sa akin na nagdahilan para mapalunok ako.
"Kung babalikan mo ang mga balita noong 70's, ilang buwan ding laman sa balita ang ina mo at si Rey Angeles. Nagkaroon sila ng isang relasyon, at doon ay mas lalong pamalo ang kanilang karera bilang artista. Nakaplano na sila, ang akala nilang dalawa ay sila na ang magkakatuluyan hanggang sa huli, pero mapaglaro ang tadhana, Grae," pagpapatuloy niya.
Hindi ako makapaniwala sa mga sinabi niya sa akin. Oo at alam kong totoo ang mga sinabi niya na sikat na artista rin si Mom noon, pero hindi ko alam kung ano ang naging takbo ng kanyang karera.
"Walong taon din silang nagsama ni Rey Angeles, pero dahil sa pagdating ng iyong ama, nagulo ang kanilang relasyon!" sabi niya sa akin.
Hindi ako makapagsalita dahil sa mga sinabi niya sa akin. Hindi ako makapaniwala na nangyari ang lahat ng iyon!
"Alam mo ba na si Rey Angeles at ang ina mo ang nagpatayo ng Diamond Star Center? Dahil ang akala nila, sila na talaga habang buhay! Magkasama nila itong pinatayo para sa magiging pamilya nila, pero lahat ng iyon ay nawasak dahil sa ama mo!"
"Kahit na magkahiwalay na sila, ipinagpatuloy pa rin nila ang Agency sa pamamahala ni Rey Angeles. Naging maayos naman ito ng ilang taon hanggang sa magkaroon sila ng kanya-kanya nilang pamilya."
"Sa hindi inaasahan, nagkaroon ng hindi pagkakaintindihan si Rey Angeles at ng ina mo tungkol sa Agency, na dinagdagan pa ng pangdedemonyo ng ama mo!"
"Ayon sa asawa ni Rey Angeles na si Amanda Hererra, sinadya ang pagkakaaksidente niya noon, at ang suspek ay walang iba kundi ang mga magulang mo!"
May galit sa kanyang boses habang nagkwekwento siya sa akin.
"Hindi iyan magagawa ng mga magulang ko, Jordan!" pagtatanggol ko sa mga magulang ko.
"Anong hindi? Sila ang dahilan kung bakit namatay si Rey Angeles, Grae! Dahil walang naiwan si Rey Angeles kay Amanda Hererra noon, dahil nakuha lahat ng ina mo ang Agency! Naghirap ang pamilya ni Rey Angeles!"
"Dahil doon, tinanggap ni Amanda Hererra ang ibinigay ng oamilya mo para sa pamilya niya!" sabi niya sa akin.
Natahimik ako dahil sa lahat ng mga sinabi ni Jordan sa akin. Wala akong alam s anakaraan, kaya wala akong maisip na sasabihin. Pero kahit na ganoon, hindi ako naniniwala na magagawa ng mga magulang ko ang bagay na iyon!
"Siya nga pala, Grae, gusto kong magpakilala sa iyo ngayong kasal na tayo," pagbabago niya ng usapan.
"Ako nga pala si Jordan Hererra Dela Cruz, ang anak ni Reymondo Dela Cruz at Amanda Hererra! Ang anak ng lalaking pinatay ng mga magulang mo!"
Napalaki ako ng aking mga mata dahil sa mga sinabi niya.
Napatayo ako dahil sa aking mga narinig habang nakatitig sa kanya.
"Ano, Grae? Sabihin mo sa akin na mali ang ginawa ko sa mga magulang mo!" tanong niya sa akin.
"Dahil sa hirap ng pamumuhay namin noon ni Mama, itong bahay na ito lang ang naiwan sa akin noong namatay siya dahil sa karamdaman! Kaya kita nilapitan, at pinaikot dahil kailangan kkng kunin kung ano ang sa amin, kung ano ang sa akin!" sabi niya sa akin.
Para akong natamaan nang malakas na kidlat sa aking kinatatayian ngayon! Hindi makagalaw at hindi makapagsalita!
"Ngayon, dahil alam ko naman na wala kang alam, na tanga ka, at wala kang kasalanan, hindi kita idadamay sa galit ko sa pamilya mo, pero dapat mong sundin kung ano ang gusto kong mangyari ngayon!" sabi niya sa akin.
"Gusto ko na ipangalan mo sa akin ang lahat-lahat ng ari-arian ninyo! Ipapahanda ko ang mga papeles na kakailanganin at pirma mo lang ang kailangan ko! Pagkatapos iyon ay makakalaya ka," paliwanag niya.
"Hindi, hindi pwede ang sinasabi mo, Jordan!" nauutal kong sagot sa kanya.
Naningkit ang kanyang mga mata dahil sa aking sinabi.
"Walang katotohanan ang lahat ng sinabi mo sa akin! Hindi mamamatay tao ang mga magulang ko! Sila ang naghirap para mapalago ang Diamond Star Center, kaya hinding hindi ko gagawin iyang sinasabi mo!" matigas kong sambit sa kanya.
Pinanlisakan niya ako ng kanyang mga mata at namula na ang kanyang mukha.
"Ayaw kitang patayin, Grae, dahil wala ka namang kasalanan sa mga nangyari sa nakaraan!" sabi niya sa akin.
"Pero kung hindi mo gagawin ang gusto ko, hindi ka nga mamamatay, pero sisiguraduhin kong masasaktan ka hanggang sa pumayag ka!" pagbabanta niya sa akin.
Napailing ako, " Kung gusto mong makuha nang lubusan ang ninanais mo, patayin mo na lang ako, Jordan! Bakit mo pa papahirapan ang sarili mo?" nakangisi kong tanong sa kanya.
Alam ko sa aking sarili na natatakot ako dahil sa sinabi niya, pero hindi dapat ako magpakita ng takot sa kanya!
Isang mabilis at malakas na sampal ang natanggap ko mula sa kanya.
Dahil sa lakas nito, muli akong napaupo. Hinawakan ko ang aking pisngi na sinampal niya at tumingin sa kanya ng matalim.
"Papayag ka rin sa gusto ko, Grae! Sisiguraduhin kong papayag ka!" sigaw niya sa akin.
"Hindi! Patayin mo na lang ako para makuha mo ang gusto mo!" sigaw kong sagot sa kanya.
Mabilis siyang lumapit sa aking kinalalagyan at hinawakan niya ang aking braso.
Pumiglas ako sa pagkakahawak niya sa braso ko, pero masyadong mahigpit ang pagkakahawak niya sa akin.
Sinubukan kong lumaban sa kanya, pero mas nasaktan pa ako nang suntukin niya ang aking tiyan.
"Kung ayaw mong gawin ang nais ko, gagawin kong impyerno ang buhay mo, Grae!" sigaw niya sa akin.
Kinaladkad niya ako papunta sa isang kwarto dito s aunang palapag. Nakita ko pa si Sophia na nakangising demonyo na nakatingin sa akin.
Binuksan niya ang pintuan ng isnag kwarto at malakas niya akong itinukak sa isang kama.
Agad niyang ni-lock ang pinto. Mabilis akong tumayo sa pagkakahiga ko sa kama para sana tumakas, pero hindi niya ako pinayagan nang mahawakan niya ang aking braso.
"Huwag mo nang tangkaing tumakas pa, Grae, gaya nga ng sabi ko ka ina, maraming nagbabantay sa labas ng bahay. Hindi ka pa nakakalabas sa gate ay nahuli ka na nila!" sabi sa akin ni Jordan.
Matapos niyang sabihin iyon ay muli niya akong itinulak sa kama. Pinanlisikan ko siya ng aking mga mata.
"Patayin mo na lang ako, Jordan!" matapang kong sigaw sa kanya, pero parang wala siyang narinig.
"Mananatili ka dito, hanggang hindi mo susundin ang gusto ko, Grae!" sabi niya sa akin.
"Hinding hindi ako papayag sa gusto mo, kaya patayin mo na lang ako!" sagot ko, pero tinalikuran niya lang ako.
Lumabas siya ng kwarto, at bago u.alis ay tumingin na muna siya sa akin.
Tumayo ako sa kama, at patakbong pumunta sa may pinto, pero mabilis niya itong isinara.
"Jordan!" sigaw ko sa kanyang pangalan.
Sinubukan kong buksan ang pinto, pero hindi ko magawa. Narinig ko na kinakandado niya ito kaya nagsisigaw at tinatawag ko ang pangalan niya.
"Jordan!" paulit-ulit kong sigaw hanggang sa wala na akong marinig mula sa labas.
Gamot ang aking mga kamay, dinadabog ko ang pintoan at sinasabayan nang pagsigaw, pero wala akong napala.
"Hinding hindi ko ibibigay ang Diamond Star Center sa iyo, Jordan! Hinding hindi ko ibibigay ang gusto mo!"
Kinagabihan, nakaramdam ako ng gutom dahil hindi nila ako dinalhan ng kahit na anong pagkain o tubig man lang. Nakaupo ako sa kama, nakayuko, at nag-iisip kung ano ang gagawin ko.
Naglibot ako dito sa kwarto kanina at nakita ko ang mga bintana na may grills. Ang tanging daanan ko lang para makatakas ay ang pintoan.
Ano na ngayon ang gagawin ko?
Paano ako makakaalis sa lugar na ito?
Humiga na lang ako sa kama at tumingin sa kisame.
Alam ko na isa lang itong malaking pagsubok sa akin na kailangan kong malagpasan. Hindi natutulog ang Maykapal at alam kong may plano siya. Gagawin ko ang lahat ng aking makakaya, at ang Maykapal ang gagawa ng paraan para makawala ako kay Jordan!
Kinabukasan, nagising ako dahil sa pagbukas ng pinto ng kwartong kinalalagyan ko. Napatingin ako sa pintuan at nakita ko si Jordan na nakangiti. May hawak itong isang tray ng pagkain, at sa gilid nito ay may isang puting folder.
"Magandang umaga!" pagbati niya sa akin na gaya ng mga ginagawa niya noong nagsama kami ng pitong taon.
"Hindi mo na ako mapapaikot sa mga ginagawa mong ganyan, Jordan!" may diin kong sambit sa kanya.
Napasimangot siya dahil sa aking sinabi, "Ganoon ba?" tanong pa niya.
"Wala na naman akong pakialam sa iyo, Grae. Dinalhan lang kita ng agahan dahil alam kong nagugutom ka na," sabi niya at lumapit siya sa akin.
Tinignan ko ang pagkaing dala niya. Napansin ko naman si Sophia na nasa labas ng kwarto, nakangising nakadantay habang nakatingin sa aming dalawa ni Jordan.
"Kumain ka na, at pagkatapos ay pipirmahan mo na ang mga papel na ito," sabi sa akin ni Jordan.
Napatingin ako sa hawak niyang puting folder.
"Bakit? Ano ba 'yan?" tanong ko sa kanya.
"Inihanda ko na lahat ng pwedeng ihanda sa paglipat mo sa aking pangalan sa mga ari-arian mo, Grae, kaya heto, tapos na!" sagot niya sa akin.
"Sinabi ko na sa iyo, Jordan, na hinding hindi ko iyang pipirmahan! Bakit mo pa kasi kailangang gawin ito? Kasal na tayo, Jordan. Kung ano ang meron sa akin, ay sa iyo rin!" tanong ko sa kanya.
"Dahil ayaw kitang makasama, Grae! Hindi ko lubos maisip na makakasama kita bilang asawa kung ikaw ay anak nila!" sagot niya sa akin.
Parang natusok ng malaking sibat ang aking puso dahil sa sinabi niya. Alam ko na naman na niligawan niya ako, panakisamahan, at pinakasalan para makuha niya ang yaman ng aking pamilya, pero iba pa rin kapag harap-harapan niyang sabihin sa akin ang mga salitang iyan!
Pero sabi nga ni Mom at Dad sa akin, kailangang tanggapin ang lahat na nangyayari sa ating buhay. Huwag kang maging mahina, dahil kapag naunahan ng takot, siguradong matatalo ka!
"Pipirmahan mo ba ito o hindi?" Seryosong tanong sa akin ni Jordan.
Tinignan ko siya nang masama, "Hinding hindi ko iyan pipirmahan!"
Matapos kong sumagot, malakas niyang ibinato sa akin ang tray ng pagkain.
"Kung ayaw mong pirmahan ito, pasensyahan na lang tayo, Grae!"
Sabi niya sa akin na may pagbabanta.
Narinig ko naman na may pumalakpak. Nakita ko si Sophia na papalapit sa aming kinalalagyan.
"Ano, Jordan? Simulan na ba natin?" tanong niya kay Jordan.
Nakatingin lang ako kay Jordan. Kitang-kita ko ang pagkislap ng kanyang mga mata. Noong una, hindi ko alam kung ano ang ibig sabihin iyon, hanggang sa magsalita siya.
"Pagsisisihan mo ang desisyon mo, Grae!"