Chapter 1
" Habulin niyo siya! Malilintikan tayo kay Sir Jordan kapag nakawala siya! " sigaw ng isa sa mga gwardya namin.
Hindi ko na nagawa pang lumingo, basta ang importante ay makatakas ako, makatakas ako sa kamay ng aking asawa.
Hindi ko lubos maisip na nangyayari ito.
Sana, noong una pa lang na nakatanggap ako ng mga litrato, naniwala na ako.
Sana pala, pinaniwalaan ko ang mga magulang ko na hindi siya mapagkakatiwalaang lalaki!
Pero ano ang magagawa ko? Nagmahal lang naman ako, nagpabulag sa mga kabaitang ipinakita niya, sa ka-sweetan niya na siyang nagpaniwala sa akin na mahal niya ako!
"Tulong! Tulungan niyo ako!" paulit-ulit kong sigaw, pero dahil sa malakas ang ulan, wala ng tao sa kalsada.
Humahalo ang ulan sa luhang lumalabas sa aking mga mata. Umaayon ang panahon kung ano ang nararamdaman ko.
Masakit, masakit na ganito ang naging kapalaran ko, pero ano nga ba ang magagawa ko?
patuloy lang ako sa pagtakbo. Hindi ko nararamdaman ang pagod, hindi ko na napapansin kung nasaan ako, basta ang importante, makalayo ako, makatakas, dahil kung mahuhuli nila ako, siguradong patay ako sa kamay ng asawa ko!
Napatigil ako sa pagtakbo nang masilaw ako dahil sa malakas na ilaw. alam kong nasa gilid ako ng kalsada, pero alam ko rin na papalapit ang sasakyan sa aking kintatayuan.
Hindi ako makagalaw, para akong naidikit sa semento habang papalapit ang sasakyan sa aking harapan.
Hindi nagtagal, naramdaman ko na lang ang malakas na pagbunggo sa aking katawan. Naitama ang mukha ko sa salamin at pagkatapos ay naramdaman kong lumipad ako.
Sa bawat pagpatak ng ulan sa aking mukha, napangiti na lang ako.
Ito na ba ang katapusan ko? Ibig sabihin, nagtagumpay si Jordan sa plano niya, dahil kung patay na ako, makukuha niya ang ipinagkaloob ng aking mga magulang sa akin?
Nang bumagsak ang aking katawan sa kalsada, nanlabo ang aking mga mata, at doon ay bumalik ang lahat ng nangyari sa akin, matapos ang kasal naming dalawa ni Jordan.
Chapter 1
Graciella Point of View:
"Ikakasal na ako, Dad! Hindi na pwede 'yang sinasabi mong kasunduhan!" may kalakasang sambit ko kay Daddy.
"Papakasalan mo ang lalaking iyon, Grae? Bakit hindi mo buksan ang mga mata mo para malaman mo na niloloko ka lang ng lalaking 'yon?" tanong sa akin ni Daddy, seryoso ang kanyang mukha at alam ko na galit siya dahil sa nangyayari.
"Mahal ako ni Jordan, Dad at mahal na mahal ko siya! Pitong taon na kaming magkarelasyon kaya nakakasigurado akong hindi niya ako niloloko!" sagot ko sa kanya.
Naramdaman ko naman si Mommy na nakahawak sa aking braso kaya napatingin ako sa kanya.
"Kung 'yan ang desisyon mo, Grae, parang itinakwil mo na kaming mga magulang mo!" sabi ni Daddy sa akin.
"Hindi naman sa ganoon, Daddy. Alam niyong mahal na mahal ko kayong dalawa ni Mommy pero si Jordan ang alam kong lalaking makakasama ko habang buhay, siya ang nagbigay sa akin ng kakaibang saya, kakaibang pakiramdam ng pagmamahal at nagbigay kulay sa mundo ko. Kaya sana ay maintindihan niyo ako, Daddy," sabi ko sa kanya.
Napapikit at napabuntong hininga siya. Tumalikod siya sa akin at tinawag si Mommy.
"Tara na Ysa," pag-aya ni Daddy kay Mommy.
"Asahan mo na hindi kami pupunta sa sinasabi mong kasal, Grae at asahan mo rin na wala kang mapapala sa amin ng Mommy mo!" sabi niya sa akin bago sila lumabas ng bahay.
Napaupo na lang ako sa sofa nang makaalis si Daddy at Mommy.
Alam kong nadismaya sila sa naging desisyon ko.
Nag-iisa lang nila akong anak kaya naiintindihan ko naman na ang kapakanan ko lang ang iniisip nila. Pero alam ko na magiging masaya ako kay Jordan dahil naramdaman ko at kitang-kita ko kung gaano niya ako kamahal.
Habang nasa ganoong pagkakaupo ako sa Sofa nang bumukas ang pinto ng bahay.
Agad akong napatayo nang makita ko ang lalaking pinakamamahal ko. Pinunasan ko ang luhang lumabas kanina at pilit na ngumiti. Sinalubong ko siya at hinalikan ang kanyang pisngi.
"Nasabi sa akin ni Manong na dumalaw daw ang mga magulang mo dito, Grae. Meron bang nangyari? " agad na tanong niya sa akin.
"Wala naman, Jordan. Kinamusta lang nila ako," pagsisinungaling ko.
Nakatitig lang siya sa akin at alam kong hindi siya naniniwala sa naging sagot ko.
"Alam kong nagsisinungaling ka, Grae. Sabihin mo sa akin kung ano ang nangyari," sabi niya sa akin.
"Wala. May kaunting naging sagutan lang pero naayos naman kaagad," sabi ko na lang.
Napabuntong hininga si Jordan.
"Kung ayaw mong sabihin sa akin, ok lang naman sa akin. Problema ninyo ng mga magulang mo iyan, Grae," pagsuko niya.
Napapikit ako ng aking mga mata dahil hindi na siya magtatanong pa. Ayaw ko kasing sabihin sa kanya na nagkasagutan kami dahil sa kanya. Baka kung ano pa ang iisipin niya kapag ginawa ko iyon.
"Kain na tayo? Hinintay talaga kita para sabay tayong maghapunan," nakangiti kong anyaya sa kanya.
Ngumiti naman siya sa akin. Hinawakan niya ang aking mga kamay at ibinaba niya ang hawak niyang briefcase at sabay kaming nagpunta sa hapagkainan.
Nang matapos kaming kumain, sabay kaming nagtungo sa aming kwarto para makapagpahinga. Pagpasok namin, pinagsilbihan ko si Jordan. Tinanggal ko ang kanyang sapatos habang tinatanggal niya ang kanyang suot na coat.
"Maliligo lang ako. Baka gusto mong sumabay, Grae?" tanong niya sa akin na sinundan pa niya ng pagkindat.
"Alam mo Mr. Herera? Umaatake na naman ang kapilyuhan mo!" sabi ko sa kanya.
"Bakit? Ikakasal na naman tayo sa susunod na linggo, Grae, kaya pwede na!" sabi niya sa akin.
Alam ko kung ano ang tinutukoy niya pero ipinangako ko sa aking sarili na saka ko lang ibibigay ang kabuohan ko kapag kasal na kami.
"Alam mo na ang magiging sagot ko diyan, hindi ba?" sabi ko sa kanya.
"Tapos na rin akong maligo kanina kaya maligo ka na para makapagpahinga na tayo," dagdag ko pa.
Napabuga siya ng hininga, "Oo na, alam ko na iyan pero kapag tapos na ang kasal natin, humanda ka talaga sa akin, Grae! Pitong taon akong naghintay kaya ibubuhos ko ang lahat ng pananabik ko sa iyo sa gabi ng kasal natin!" sabi niya sa akin na may pagbabanta.
Napailing na lang ako dahil sa sinabi sa akin ni Jordan.
Sa pitong taon namin na magkarelasyon, nirespeto niya ang aking paniniwala na saka ko lang ibibigay ang lahat sa akin kapag kasal na kami.
Wala naman naging problema sa kanya iyon at laking papasalamat ko at nakapagpigil siya.
Kung ang ibang lalaki, ganoon lang ang habol sa mga babae, masasabi kong iba si Jordan.
Umupo ako sa kama para hintayin ang paglabas ni Jordan sa banyo.
Habang naghihintay ako, hindi ko maiwasan ang mapangiti habang inaalala kung paano kami nagsimulang dalawa.
Nagkakilala kami ni Jordan noong nag-aaral palang ako ng kolehiyo. Noong una pa lang, nabihag na niya ako at noong manligaw siya, tatlong buwan pa lang noon ay sinagot ko na siya.
Naging maayos ang aming pagsasama. Ipinakilala ko siya sa aking mga magulang pero gaya ng sagutan namin kanina, hindi nila tanggap si Jordan.
Kahit na ganoon, hindi nabuwag ang aming relasyon, at sa bawat buwan at taon na lumipas, mas naging matatag pa ito.
Nagtrabaho ako sa aming kumpanya bilang Head ng Finance Department, at itinuro na rin sa akin ni Dad kung paano patakbuhin ang aming kumpanya.
Wala naman kaso ang pagtatrabaho ko sa aming kumpanya hanggang ibigay na sa akin ni Dad ang pamamalakad ng aming kumpanya. Kailangan na rin kasi niyang itigil ang pagtatrabaho dahil sa katandaan.
Dalawangpo't pitong taon na ako at si Jordan naman ay tatlongpo't dalawa.
Apat na taon din akong nagtrabaho sa aming kumpanya hanggang sa alukin ako ni Jordan ng kasal na agad ko namang tinanggap. Sino ba naman ang hindi kung aalukin ka ng kasal ng lalaking pinakamamahal mo, hindi ba?
Pero kapalit ng pagtanggap ko ng singsing ay ang pagtigil ko sa pagtatrabaho sa aming kumpanya. Ayaw ko sanang tumigil pero ang gusto ni Jordan ay manatili na lang ako sa bahay at maghanda sa pagiging asawa niya.
Gusto ko mang tumanggi noon pero wala din akong nagawa dahil iyon ang gusto niya. Mahal na mahal ko si Jordan kaya kahit na may pagdadalawang-isip ako, sinunod ko siya.
Nasa ganoong pagbabalik-tanaw ako nang lumabas si Jordan mula sa banyo. Nilapitan niya ako at sabay kaming nahiga sa kama.
"Kamusta ang Talent Agency, Jordan?" tanong ko sa kanya nang makahiga kami.
"Maayos naman ang lahat, Grae. May mga bagong nadiskubreng mga talents na hahawakan ng Diamond," sagot niya sa tanong ko.
"Siguradong tutunog ang mga pangalan ng mga bagong talents niyo, Jordan. Malaki ang tiwala ko sa'yo," sabi ko sa kanya.
Tumagilid si Jordan para makaharap ako. Hinaplos niya ang aking mukha na nakangiti.
"Ang swerte-swerte ko talaga sa iyo, Grae. Wala na akong ibang hahanapin bang babae kundi ikaw lang," sabi niya sa akin na kinangiti ko.
"Ako ang swerte dahil sa'yo, Jordan, dahil nakahanap ako ng lalaking totoong nagmamahal sa akin, lalaking loyal at hindi manloloko," sabi ko sa kanya.
Dahil sa sinabi ko, hinalikan ni Jordan ang aking nuo gaya ng palagi niyang ginagawa sa akin.
"Matulog na tayo, Grae at bukas ay pupuntahan natin ang mga venue ng magiging kasal natin para makasiguradong maayos na ang lahat sa araw ng kasal," sabi niya sa akin na kinangiti ko.
Ganito ang buhay pag-ibig na inaasam ng karamihang babae sa mundo at swerte ko na lang at nahanap ko kay Jordan ang lahat ng gusto ko.
Sana lang ay walang magbago sa pagsasama naming dalawa.
Sana lang ay wala kaming haharaping problema at kung meron man, sana ay masolusyonan namin kaagad.
Hindi ko lubos maisip kung isang araw ay mawawala si Jordan sa akin, ang lalaking pinag-alayan ko ng buong puso, ng buong buhay ko!