"HINDI ka pa ba uuwi? Hindi ka ba hinahanap sa inyo?" tanong ni Phoenix kay Marco habang abala siya sa pagluluto ng turon at banana cue na ibebenta niya mamaya pagkatapos niyang pumunta sa malaking bahay para kausapin ang mag-asawang Salvador.
Dumaan kahapon sa bahay ang kanyang Tita Joy at sinabing kung gusto raw niyang pumasok bilang katulong sa malaking bahay ay pumunta siya roon ngayon dahil gusto raw siyang makausap ng mag-asawang Salvador. Natuwa siya nang marinig ang magandang balitang iyon at hindi niya palalampasin ang pagkakataong 'yon dahil malaking tulong ang trabahong iniaalok ng mga ito para sa kanya lalo na sa mga bayarin niya sa school. Sa wakas, hindi na niya kakailanganin pang magbenta araw-araw ng mga kakanin at meryendang niluluto niya.
Maliit din lang naman ang kinikita niya sa pagbebenta dahil binibili pa niya ang mga gagamitin niya. Kahit ang saging na ginagawa niyang maruya, turon at banana cue ay binibili pa rin niya kaya dalawa hanggang tatlong piso lamang ang nagiging tubo niya sa isang piraso, suwerte na kung maging tatlong piso. Nagkakaroon lang siya nang medyo malaking kita kapag galing sa mga tanim na saging ng kanyang ama ang niluluto niyang turon at banana cue.
Kailangan lang niya talagang kumayod para kumita kahit maliit na halaga lang kaya siya nagtitiis sa araw-araw na pagbebenta ng mga niluluto niya. Pero kung tutuusin ay lugi pa siya sa pagod sa pagluluto at sa halos ilang oras na paglalakad para ibenta iyon. Pero dahil sadyang kasama na iyon sa ganoong klase ng hanapbuhay kaya hindi na lang niya pinapansin ang mga sakripisyo at pagod niya. Hindi bale ng pagod, basta kumita kahit maliit na halaga. At ngayon ngang may ibang trabaho na ang naghihintay sa kanya ay iiwan niya pansamantala ang kinalakihan niyang trabaho. Papasok muna siyang katulong sa malaking bahay.
"Itinataboy mo na ba ako, Nix? Nakakasakit ka naman ng damdamin. Halos araw-araw naman lagi akong narito, ah. Pero bakit ngayon pinapalayas mo na ako? Nagsasawa ka na ba sa pagmumukha ko? Guwapo naman ako, ah." pagda-drama ni Marco na ikinailing na lang ni Phoenix. Minsan talaga may sayad sa utak ang kaibigan niya.
"Ang drama mo. Nagtanong lang naman ako kung hindi ka pa ba uuwi dahil malapit na akong matapos dito sa niluluto ko. Kung ayaw mong umuwi puwes maiwan ka rito sa bahay. Bantayan mo itong bahay habang wala kami ni Itay."
"Nix, naman... Ginawa mo na akong aso niyan, eh. Sasama na lang ako sa'yo. Marami kang magiging benta dahil kasama mo ako. Sasamahan na rin kita sa bahay ng mga Salvador. Mag-a-apply din akong hardinero," wika ni Marco na mahinang ikinatawa ni Phoenix.
"Puro ka talaga kalokohan. At hindi ka pa ba parang aso sa ginagawa mo? Lagi kang nakabuntot sa akin. Kulang na lang ay dito ka na tumira sa bahay." Hinarap ni Phoenix si Marco at nahuli niya itong may kinakaing turon. "Bayaran mo 'yan," dagdag niya na tinawanan lang nito.
"Ang sarap talaga ng special turon mo," wika ni Marco habang ngumunguya. "Ipagbukod mo ulit ako ng sampung piraso. Iuuwi ko mamaya sa bahay para kay Mama at Papa," dagdag nito at kinindatan pa siya na inikutan na lang niya ng mata.
"Huwag mo na palang bayaran. 'Yan na lang ang kapalit ng perang ibinigay mo sa akin noong isang araw," wika ni Phoenix at ang tinutukoy niya ay ang perang ibinayad sa kanila noong naglinis sila sa malaking bahay ng mga Salvador. Totoong ibinigay sa kanya ni Marco ang pera at hindi ito tumigil hangga't hindi niya iyon tinatanggap.
"Ang mahal naman ng turon mo, Nix. Five hundered pesos 'yon, 'di ba?" biro pa nito na ikinailing na lang niya.
Pagkatapos niyang magluto ay saglit lang siyang nagpahinga bago siya naligo. Hindi na umalis si Marco sa bahay at kasama niya ito nang umalis siya para magtungo sa bahay ng mga Salvador. Hindi rin pala masamang lagi niyang kasama ang kaibigan dahil marami ang bumibili ng tinda niya lalo na ang mga babaeng nadadala sa pambobola nito. At isa pang maganda na kasama niya ito ay may nagdadala ng turon at banana cue niya kaya iwas siya sa pananakit at pangangalay ng braso ngayong araw. May magandang pakinabang din pala ang lagi nitong pagbuntot sa kanya. May tagadala na siya, mabilis pa ang kanyang benta.
Kaunti na lang ang kailangang ibenta ni Phoenix bago sila nakarating sa malaking bahay ng mga Salvador. Dumaan muna sila roon bago niya ulit ibenta mamaya ang ilang turon at banana cue na natira pagkatapos niyang makipagpag-usap sa mag-asawa.
"Mabuti naman at may natira pang special turon, Nix. Alam mo bang nagustuhan ni Damon ang special turon mo. Sigurado akong bibilhin niya lahat itong tinda mo," wika ni Joy nang pagbuksan sila nito ng gate. "Pasok kayo. Kanina ka pang hinihintay ni Tita Divine at Tito Damian. Sinabi ko kasing pupunta ka ngayon at interesado ka sa iniaalok ng mga itong trabaho."
"Salamat po, Ate Joy," pasasalamat ni Phoenix kay Joy bago bumaling ang atensyon niya kay Marco na kinakain na naman ang tinda niya. "Hindi kaya malugi na ako dahil sa katakawan mo? Sasama ka ba sa loob o uuwi ka na?"
"Sorry... nagutom kasi ako. Siyempre sasama ako," wika nito at nauna pang pumasok sa gate at sumunod sa kanyang Ate Joy. Napailing na lang si Phoenix bago sumunod sa mga ito.
"Magandang hapon po," magalang na bati ni Phoenix sa mag-asawang Salvador pagpasok nila sa malaking living room. Nakaupo roon ang mag-asawa na tila sadyang hinihintay ang pagdating niya.
"Magandang hapon din, hija. Upo kayo," nakangiting wika ni Mrs. Salvador. Umupo siya sa harap ng mag-asawa at tumabi sa kanya si Marco. Pinigilan niya ang tumawa dahil ipinatong pa nito ang maliit na bilao na may lamang turon at banana cue sa mga hita nito habang may kinakain namang banana cue.
"Anong gusto n'yong maiinom?" tanong ni Mr. Salvador at tatanggi na sana siya pero nauna nang sumagot si Marco.
"Juice na lang po," mabilis na sagot ni Marco kaya sinamaan niya ito ng tingin. "What? Nauuhaw na ako," nakangusong wika nito sa kanya nang makita ang masama niyang tingin.
"Ang takaw mo kasi," inirapan niya ito at narinig niya ang mahinang pagtawa ng mag-asawang Salvador.
"Pasensya na po kayo sa kasama ko. Sadya lang pong makapal ang mukha nito at wala rin po itong hiya sa katawan," paghingi niya ng paumanhin sa mag-asawa dahilan para lumakas pa ang tawa ng mga ito.
"Nix, naman..." reklamo ni Marco sa tabi niya.
"It's okay, hija. Nakakatuwa naman kayong dalawa. Magkasintahan ba kayo?" tumatawang wika ni Mrs. Salvador na ikinabilog ng mga mata ni Phoenix. Pilyo namang tumawa si Marco sa tabi niya kaya sinamaan niya ito ng tingin.
"Naku, hindi po. Magkababata lang po kami at matalik na magkaibigan," sagot ni Phoenix sa ginang. "Ako nga po pala si Phoenix at siya naman po si Marco. Siya po ang alaga naming aso sa bahay. Lagi po kasi siyang nakasunod sa akin," pagpapakilala niya na malakas na ikinatawa ng mag-asawa. Nakabusangot naman si Marco sa tabi niya pero hindi naman nagreklamo sa ginagawa niyang pang-aasar. Sa halip ay ang pinagtuunan nito ng pansin ay ang dalang juice ni Manang Perla at mabilis na ininom iyon.
"Nakakatuwa ka talaga, hija. Ako naman ang butihing maybahay ng guwapo at matikas na lalaki sa tabi ko. But you can just call us Tito Damian and Tita Divine," nakangiting pakilala ni Mrs. Salvador. Tumango siya at ngumiti sa mag-asawa.
"Nagpunta nga po pala ako rito dahil sa iniaalok ninyong trabaho."
"Napag-isipan mo na ba, hija? Naikuwento kasi sa amin ni Manang Perla ang tungkol sa'yo at ang bayarin mo sa school kaya gusto ka naming bigyan ng trabaho. Kung iniisip mo naman ang pag-aaral mo ay ayos lang sa amin na pagsabayin mo ang trabaho at ang pag-aaral mo. Pero kailangan nga lang na rito ka na sa bahay tumuloy," wika ni Mr. Salvador.
"Salamat po. Pero puwede po bang kausapin ko muna si Itay dahil wala po sa usapan namin kagabi na mananatili po ako rito. Akala ko po kasi uwian lang, wala po kasing kasama si Itay sa bahay."
"Sige, hija. Huwag mo na ring alalahanin ang bayarin mo sa school dahil kami na ang bahala roon. Bibigyan ka rin namin ng isang araw na day-off every week para mapuntahan mo ang Itay mo," wika ni Mrs. Salvador na ikinatango niya.
"Salamat po," nakangiting pasasalamat niya sa mag-asawa.
Napakaganda ng iniaalok ng mga ito sa kanya pero hindi siya basta makakapagdesisyon basta-basta. Kailangan niya muna muling kausapin ang kanyang ama. Nagpaalam na siya rito kagabi at sinabi niyang papasok siya bilang katulong sa mga Salvador at pumayag naman ito. Pero hindi kasama sa naging usapan nila na mananatili siya roon dahil ang akala niya ay katulad ng kanyang Tita Joy na umuuwi pagkatapos ng oras nito sa trabaho. Si Manang Perla naman ay hindi umuuwi at nananatili ito sa malaking bahay lalo na at naroon ang mag-asawang Salvador.
"Ibinebenta mo pa ba ang mga 'yan?" tukoy ni Mrs. Salvador sa mga turon at banana cue na hindi pa rin binibitawan ni Marco.
"Opo. Ibebenta ko pa po 'yan mamaya pag-alis namin dito."
"Bilhin ko na lahat, hija. Gustong-gusto ng Little Damon namin ng special turon mo. Halos siya lahat ang nakaubos ng binili ni Manang Perla sa'yo kahapon," malawak ang ngiting wika ni Mrs. Salvador na ikinangiti rin niya.
"Maraming salamat po kung gano'n."
"Nasaan po pala ang anak n'yo?" tanong ni Marco. Mabuti naman at naitanong nito iyon dahil 'yon ang kanina pang tanong sa isipan niya. Hindi niya kasi nakikita ang anak ng mag-asawang Salvador buhat noong dumating siya roon. May silbi rin pala minsan ang pagiging madaldal ng kaibigan niya.
"Nagpipinta siya, hijo. Ayaw na ayaw niyang aabalahin siya kapag nagpipinta. Sumpungin pa naman ang batang iyon," natatawang wika ni Mr. Salvador.
"Ibig pong sabihin ay siya po ang nagpinta at gumuhit ng mga larawang nakita sa kuwarto niya noong naglinis ako roon?" tanong ni Phoenix na ikinatango ng mag-asawa.
"Oo, hija. Hilig niya talaga ang gumuhit at magpinta."
"Wow... Ang galing po niya," humahangang wika ni Phoenix.
Nagpatuloy pa ang kuwentuhan nila pero hindi rin nagtagal ay nagpaalam na sila sa mag-asawa at malaki ang ngiti ni Phoenix habang naglalakad sila palabas ng bahay ng mga Salvador. Hinayaan lang niyang nakaakbay si Marco sa kanya dahil maganda ang mood niya. Ngayon niya napatunayan na totoo ang balitang sobrang bait ng mag-asawang Salvador at hindi ang mga ito mapangmata sa mga katulad niyang mahirap. Ibang-iba sa ilang kilala niyang magulang ng mga kaklase niya na sobrang taas ng tingin sa sarili dahil lamang sa medyo nakaangat ang mga ito sa buhay. Kaya hindi na siya nagtaka kung bakit masama rin ang ugali ng anak ng mga ito. Dahil kung ano ang puno ay siya rin ang bunga.
****
"SINO ang mga 'yon, Mom?" kunot-noong tanong ni Damon sa ina habang nakatingin sa likod ng dalawang taong kasalukuyang lumalabas ng gate. Kabababa lang niya galing sa attic ng malaking bahay na nagsisilbing studio niya. Doon siya nagpipinta at doon din siya madalas tumambay kapag wala siyang ginagawa. At wala siya roong hinahayaang pumunta maliban sa kanya. Ang attic ang kanyang nagsisilbing private space sa malaking bahay maliban sa kuwarto niya.
"Oh, hijo. Tapos ka na ba sa pagpipinta? Sayang at kaaalis lang ni Phoenix kasama ang kaibigan niya. Hindi mo tuloy sila nakilala," sagot ni Mrs. Salvador na bahagyang ikinabilog ng mga mata ni Damon. Phoenix? Damn! I forgot!
"f**k! Nawala sa isip ko na pupunta siya ngayon dito. Bakit hindi n'yo po ako pinuntahan sa kuwarto ko," nanghihinayang na wika ni Damon at nakasimangot na tiningnan ang mga magulang.
"Ayaw mong maaabala kapag nasa attic at nagpipinta ka, 'di ba? Kaya hindi ka namin inabala," sagot ng kanyang Dad na lalong ikinabusangot ng kanyang mukha. s**t! Bakit ko ba kasi nakalimutang ngayong araw siya pupunta sa bahay?
"Pero siya 'yon, Dad. Dapat ipinatawag n'yo ako noong dumating siya," nakasimangangot na wika ni Damon.
"Ang ibig sabihin ay ayos lang na maabala ka sa pagpipinta kapag tungkol kay Phoenix? She's an exception? Parang iba na 'yan, anak, ah. Ang pagkakaalam namin ay ayaw na ayaw mong maaabala lalo na kapag nasa attic ka at nagpipinta? Anong nangyari sa'yo, anak? May sakit ka ba?" nakangising wika ng ama na mabilis niyang ikinaiwas ng tingin dito. Damn! Bakit ko pa ba nasabi 'yon?
"Tinanggap po ba niya ang iniaalok ninyong trabaho? Kailan daw po siya babalik? At kailan po siya magsisimula?" sunod-sunod na tanong niya dahilan para sumilay ang mapang-asar na ngiti sa mga labi ng kanyang Mom at Dad habang nakatitig sa kanya. "What?" kunot-noong tanong niya sa mga ito.
"Mukhang interesado ang Little Damon namin sa babaeng nagngangalang Phoenix, ah. Hinay-hinay, hijo... bata pa siya. Gusto naming magkaroon ng apo pero makapaghihintay naman kami kung si Phoenix ang babaeng gusto mong maging ina ng mga apo namin. Huwag mo siyang bibiglain, anak," wika ng kanyang Dad.
"What are you talking about, Dad? Gusto ko lang siyang makita at makilala because I find her name unique para sa isang babae," pagkakaila ni Damon sa ama na tinawanan lang nito. Tila hindi ito kumbinsido sa sinabi niya.
"Gusto ko siya para sa'yo, anak. Masayahin siyang bata at natural lang ang kagandahang mayroon siya. Napakasimple lang niya at bagay na bagay talaga kayong dalawa," dagdag ng kanyang Mom na ikinailing na lang ni Damon.
"May dala po ba siyang special turon?" pag-iiba ni Damon sa usapan.
"Mayroon, nasa kitchen. Sigurado akong hindi lang special turon ni Phoenix ang magugustuhan mo sa kanya kapag nakilala mo siya. Sigurado kami ng Mom mo na magugustuhan mo ang lahat-lahat ng tungkol sa kanya, anak..." malawak ang ngiting wika ng kanyang Dad.
Fuck! May lahi yata talagang mangkukulam ang babaeng iyon. Pati ang mga magulang ko ay nabiktima ng spell niya. At sino ang kasama niyang lalaki kanina na nakaakbay sa kanya? Damn! Hindi ko gusto ang closeness na mayroon silang dalawa.