"PASENSYA na, anak. Pasensya na kung kailangan mong pagsabayin ang trabaho at pag-aaral mo. Pasensya na kung hindi kita nabigyan ng magandang buhay katulad ng ibang kamag-aral mo. Pasensya na kung namulat ka sa kahirapan at maagang nagbanat ng buto. Pasensya na dahil mahirap lang tayo," malungkot na wika ng ama ni Phoenix habang magkatabi silang nakaupo sa upuang gawa sa kawayan sa kanilang maliit na sala.
Pagkatapos nilang kumain ng hapunan ay kinausap niya ang ama tungkol sa trabahong iniaalok ng mag-asawang Salvador. Masaya siya dahil pumayag ang kanyang ama pero nakaramdam din siya ng lungkot dahil sa unang pagkakataon ay maghihiwalay sila nito. Maiiwan itong mag-isa sa bahay. Walang magluluto para sa kanyang ama, walang maghahanda ng pagkaing baon nito sa trabaho at walang gigising dito sa umaga kapag may pasok ito sa trabaho. Iyon ang araw-araw niyang ginagawa na sobrang mami-miss niyang gawin sa kanyang ama.
Naluluhang nginitian ni Phoenix ang ama bago niya ito mahigpit na niyakap. "Wala ka pong dapat na ihingi ng pasensya, Itay. Naiintindihan ko po lahat lalo na ang estado ng pamumuhay na mayroon po tayo. Ang mahalaga po ay magkasama tayo at kahit papaano ay nakakaraos po tayo araw-araw," wika niya habang mahigpit na yakap ang ama.
"Salamat sa pag-unawa, anak. Napakasuwerte ko talaga sa nag-iisang prinsesa ko," wika ng kanyang ama na ikinangiti ni Phoenix.
"Mas suwerte po ako dahil kayo ang naging ama ko. Mahal na mahal po kita, Itay," malawak ang ngiting wika ni Phoenix bago kumalas sa yakapan nilang mag-ama.
"Mahal na mahal din kita, anak." nakangiting sagot ng kanyang ama bago siya hinalikan sa noo. "Magpahinga ka na. Maaga ka pang pupunta sa bahay ng mga Salvador bukas. Mag-iingat ka roon, anak."
"Opo, Itay. Mabait naman po ang mag-asawang Salvador at kasama ko naman po roon si Manang Celia kaya huwag po kayong mag-alala sa akin habang naroon ako. Huwag po kayong mag-alala. May day-off naman po ako isang araw sa isang linggo. Itataon ko na lang po na wala kayong trabaho para buong araw po tayong magkasama," wika ni Phoenix na ikinangiti ng ama.
"Sige na... magpahinga ka na, anak. Magpapahinga na rin ako dahil may pasok pa ako sa trabaho bukas."
"Sige po, Itay. Goodnight po," paalam niya sa ama bago ito hinalikan sa pisngi.
Kinabukasan, maaga pa lang ay nakahanda na si Phoenix para sa pagpunta sa malaking bahay. Nakahanda na rin ang backpack niyang may lamang gamit niya. Uuwi naman siya isang beses sa isang linggo kaya may oras pa siyang kunin ang iba pa niyang mga gamit. Wala pa rin namang pasok sa school at hindi pa niya kailangan ang kanyang uniform kaya iniwan niya muna 'yon sa bahay. Kukunin na lang niya iyon kapag malapit na ang pasukan.
Nakaalis na ang ama niya patungong trabaho at hinihintay lang niyang dumaan ang kanyang Tita Joy dahil may usapan silang dito na lang siya sasabay sa pagpunta niya sa malaking bahay. Hindi naman nagtagal ay dumating ang Tita Joy niya at sinigurado niya munang naka-lock ang pinto ng bahay bago sila umalis.
"Tita Joy, puwede po ba huminging pabor? Puwede po bang pakitingnan si Itay kapag dumadaan po kayo sa bahay," wika ni Phoenix habang naglalakad sila patungo sa malaking bahay.
"Hindi mo na kailangang sabihin 'yan, hija. Halos araw-araw naman talaga akong pumupunta sa inyo noon pa. Dadalasan ko na lang ngayon dahil walang kasama ang Itay mo sa bahay. Dadalhan ko rin lagi siya ng lutong ulam sa hapon," wika ni Joy na malawak na ikinangiti ni Phoenix.
"Salamat po, Tita Joy. Kumusta po pala kayo ni Itay? Sinagot na po ba kayo?" biro ni Phoenix na ikinatawa ng kanyang Tita Joy.
"Ikaw talagang bata ka. Matalik na magkaibigan lang kami ng Itay mo," natatawang wika nito pero hindi niya iyon magawang paniwalaan ngayon.
Sa mga nakalipas na buwan kasi ay may napapansin siya na hindi na lang niya binibigyan ng ibang kahulugan. Pero may hinala talaga siya na may mas malalim pang ugnayan ang kanyang ama at ang kanyang Tita Joy at hindi lang ang mga ito basta matalik na magkaibigan lamang. Noong una masasabi niyang pure friendship lang talaga ang mayroon ang mga ito pero in the past few months ay may kakaiba talaga. At mas tumibay pa ang hinala niya noong nahuli niya ang mga itong naghahalikan.
Mahigit kalahating oras din nilang nilakad ang distansya mula sa bahay hanggang sa malaking bahay ng mga Salvador. Babago pa lang naman sisikat ang araw kaya masarap pang maglakad idagdag pa ang malamig at sariwang simoy ng hangin. Halos hindi niya naramdaman ang pagod dahil bukod sa sanay na siyang matagal na maglakad, napasarap din ang kuwentuhan nila ng Tita Joy niya at hindi nila parehong namalayan na nasa harap na sila ng malaking gate ng mga Salvador. Binuksan nito ang maliit na pinto sa gilid ng malaking gate gamit ang susing dala nito kaya sila nakapasok.
"Sigurado akong tulog pa ang mag-asawa. Si Damon naman ay baka gising na pero mamaya pa iyon lalabas ng kanyang silid kapag mag-aalmusal na. Puntahan mo na lang si Nanay sa kusina dahil ganitong oras ay naghahanda na siya ng almusal. Didiligan ko muna ang mga halaman bago ako pumasok sa loob," wika ng kanyang Tita Joy at tahimik lang siyang tumango.
Pumasok si Phoenix sa loob ng malaking bahay at tinahak niya ang daan patungo sa kusina. At totoo ang sinabi ng kanyang Tita Joy dahil naroon nga si Manang Perla na abala sa paghahanda ng lulutuin nito. Pero ang hindi niya inaasahan ay ang lalaking kasama nito na nakatitig sa tasa ng kape na nasa harapan nito. At napigilan niya ang paghinga dahil nang mag-angat ito ng tingin ay nagsalubong ang kanilang mga mata. Oh God! Siya na ba si Damon?
"Nariyan ka na pala, hija," wika ni Manang Perla na naging dahilan para mabilis na mag-iwas siya ng tingin sa lalaki.
"Magandang umaga po, Manang Perla," pagbati niya sa matanda bago niya muling tiningnan ang lalaki na kasalukuyang nakatitig pa rin sa kanya. "Magandang umaga po," pagbati niya rin dito bago niya mabilis na iniiwas dito ang tingin. Nakakapaso kasi ang titig nito at parang may ibang gustong ipahiwatig.
"Magandang umaga rin, hija. Siya nga pala ang nag-iisang anak ng mag-asawang Salvador, siya si Damon," pakilala ni Manang Perla sa lalaki at totoo nga ang hinala niyang ito si Damon. Malaki kasi ang pinagbago ng hitsura nito kumpara sa larawan na nakita niya sa kuwarto nito noong isang araw. Medyo naging matured ang hitsura nito at lumaki ang katawan. Iyon ang napansin niya kaagad sa lalaki kanina. Tahimik lang siyang tumango sa sinabi ni Manang Perla at pinigilan niya ang tumingin sa gawi ni Damon pero ramdam pa rin niya ang tiim na titig nito sa kanya.
"Mabuti naman at pumayag ang iyong ama na magtrabaho ka rito kasama ko. Halika muna sa kuwarto ko para maayos mo roon ang iyong mga gamit. Doon ka na lang din total naman ay malaki roon ang kama," wika ni Manang Perla bago saglit na iniwan ang ginagawa para samahan siya. Pero sabay silang natigilan nang marinig ang baritong boses ni Damon.
"Hindi na po kailangan, Nana Perla. Ang gagamitin niya pong kuwarto ay ang kuwarto sa taas na katabi ng kuwarto ko. Sinabi ko na po kay Mom and Dad ang tungkol doon at pumayag naman po sila," wika ni Damon kaya hindi makapaniwalang tiningnan niya ito.
"P-Po? Bakit kailangan pong doon? Puwede naman pong magkasama na lang kami ni Manang Perla sa kuwarto. Doon na lang po ako sa kuwarto niya," kinakabahang wika ni Phoenix dahil hindi pa rin inaalis ni Damon ang mga mata sa kanya. Kakaiba ang pagtitig nito at aaminin niyang natatakot siya sa binata dahil parang kakainin siya nito ng buhay sa uri ng pagtitig na ginagawa nito sa kanya.
"Kailangan ko pa bang isa-isahin sa'yo ang rason?" seryosong tanong nito na ikinalunok ni Phoenix. Bahagya pang tumaas ang kilay nito na ikinalunok niya.
"H-Hindi na po..." nauutal at kinakabahang sagot ni Phoenix.
"Good," tipid na wika nito bago tumayo. "Follow me," he added bago lumabas sa kusina. Napatingin siya kay Manang Perla nang haplusin nito ang likod nya.
"Pagpasensyahan mo na siya, hija. Minsan talaga sinusumpong ang batang 'yon. Pero huwag kang mag-alala dahil mabait naman siya. Hindi ko nga rin alam kung bakit ganoong ugali ang ipinakita niya sa'yo samantalang noong isang araw ka pa niya gustong makita at makilala dahil sa special turon mo," malumanay na wika ni Manang Perla at tipid siyang nginitian.
"Ayaw niya po yata sa akin," mahinang wika niya bago bumuntong-hininga. Unang araw at unang pagkikita pa lang nila ng anak ng mag-asawang Salvador ay hindi na agad maganda, papaano pa kaya sa mga susunod na araw? Sana matagalan niya ang pagtrato nito sa kanya at ang pag-uugaling mayroon ito.
"What are you waiting for? Susunod ka ba o baka naman gusto mo pang buhatin kita?" malakas ang boses na wika ni Damon na nasa bukana ng kusina. Tinanguan siya ni Manang Perla na parang sinasabi nitong sundin na lang niya ang iniuutos ng binata. Malalaki ang hakbang na sumunod siya kay Damon na mabilis tumalikod at naglakad nang makitang papalapit na siya.
"Sungit..." bulong niya at napahawak siya sa kanyang noo nang bumangga siya sa likod ni Damon nang bigla itong tumigil.
"May sinasabi ka?" magkasalubong ang kilay na tanong nito na ikinabilog ng mga mata niya. Gosh! Narinig niya yata!
"W-Wala po..." mabilis na pagtanggi niya at sunod-sunod pang umiling. Nagtagal pa ang mga mata nito sa kanyang mukha bago ito tumalikod at muling naglakad. Mabilis naman siyang sumunod dito dahil baka masungitan na naman siya. Guwapo sana, masungit nga lang...
Tahimik lang habang nakasunod si Phoenix kay Damon hanggang sa makarating sila sa tinutukoy nitong kuwarto. Nakatungo siya habang sumusunod dito kaya bumunggo na naman ang noo niya sa likod ni Damon nang huminto ito sa tapat ng silid. Nakangiwing nag-angat siya ng tingin habang hawak ang nasaktang noo at agad siyang nag-peace sign nang makita ang seryoso nitong mukha at magkasalubong nitong mga kilay. Sobrang sama na naman ng tingin nito sa kanya na parang sobrang bigat ng kasalanang nagawa niya. Ako na nga itong nasaktan tapos siya pa ang galit?
"Tumitingin ka ba sa dinadaanan mo?" masungit na tanong nito.
"Pasensya na po..." mahinang wika niya.
"And stop using that 'po and opo' kapag kausap mo ako. Matanda na ba ako sa paningin mo?"
"Opo," sagot ni Phoenix dahilan para sumama na naman ang tingin ni Damon sa kanya.
"What? Malabo na ba ang mga mata mo? I'm just twenty-one years old for Pete's sake!" galit na namang wika nito na ikinangiwi niya. Pinaglihi ba siya sa sama ng loob? Sobrang sungit!
"Ang ibig ko pong sabihin ay opo hindi na po ako gagamit ng 'po at opo' kapag kausap po kita. At hindi ka po mukhang matanda," mabilis na paliwanag ni Phoenix at napaatras siya nang humakbang ito paabante habang magkasalubong ang mga kilay. "T-Teka lang po. May mali po ba sa sinabi ko? A-Ano pong gagawin mo sa akin?" kinakabahang tanong niya habang patuloy sa pag-atras.
"Pinaglalaruan mo ba ako, munting babae?"
"Huh? Laruan ka po ba?" natatarantang wika niya dahil sa sobrang kaba at mabilis niyang tinakpan ang bibig habang namimilog ang mga mata nang mapagtanto niya ang nasabi. Hindi niya alam kung namamalikmata lang siya nang makita niya ang pagtaas ng sulok ng labi ni Damon dahil pagkurap niya ay nakatiim na ang bagang nito na parang gigil na gigil na ito sa kanya. Parang gustong-gusto na siya nitong sakmalin.
"Sinusubukan mo talaga ang pasensya ko, munting babae. Ang sabi mo ay hindi mo na gagamitin ang 'po at opo' kapag kausap mo ako pero lalo mo lang ginamit," seryosong wika nito at muling namilog ang kanyang mga mata nang mapagtanto ang mali niya.
"Pasensya na. Tanda lang iyon ng paggalang ko at hindi ako sanay na hindi gumagamit ng 'po at opo' sa nakatatanda sa akin. Nataranta lang din ako... nakakatakot ka kasi. Bakit kasi ang bilis mag-init ng ulo mo?" paghingi niya ng pasensya at sinigurado niyang hindi siya gagamit ng kinaiinisan nitong 'po at opo'.
"Hindi lang ulo ko ang mabilis mag-init sa akin, munting babae. Kaya iwasan mong lumapit sa akin at siguraduhin mong may sapat tayong distansya sa isa't isa dahil hindi mo gugustuhing mag-init ako at biglang sumabog. Dahil baka ikaw ang maputukan ko..." seryosong wika nito bago siya tinalikuran. Binuksan ni Damon ang pinto ng magiging kuwarto niya at pumasok doon. Tahimik naman siyang sumunod dito habang pilit na iniiisip ang sinabi nito na kahit yata anong gawin niyang pag-iisip ay hindi niya maiintindihan.
Anong tinutukoy ni Damon? Pinaglihi ba siya sa bulkan? Pumuputok? Kaya ba mabilis mag-init ang ulo niya? O baka naman may baril siya? Oh God! Ayaw kong maputukan!