"HELLO, handsome. Wanna sleep with me tonight? Your place or mine?"
Hindi pinansin ni Damon ang babaeng lumapit sa puwesto niya. Idinikit pa nito ang katawan sa kanya at nagtayuan ang balahibo niya sa batok nang dilaan ng babae ang kanyang tenga at bahagya pang kinagat. Nagtayuan ang balahibo niya hindi dahil naapektuhan siya sa ginawa at sa presensya nito kundi dahil sa narinig na mga salitang lumabas sa bibig ng babae.
Hindi naman iyon ang unang beses na may magyaya sa kanyang makipag-s*x pero ang hindi niya gusto ay ang babae ang lalapit at magyayaya sa kanya. Wala sa bokabularyo niya ang makipag-one night stand lang, ang pumatol sa panandaliang ligaya. At sa kasamaang-palad ay wala pa siyang natitipuhang babae kaya sa edad na twenty-one ay birhen pa siya kahit na nag-aaral siya sa liberadong bansa. Pero kahit ganoon, hindi naman siya inosente pagdating sa ganoong bagay.
"Sorry, but I'm not interested. I'm not here to hook up," balewalang pagtanggi ni Damon kahit nang umupo ang babae sa kandungan niya. She tried to kiss him pero mabilis siyang umiwas. Sinamaan niya ito ng tingin na may halong pagbabanta dahilan para bumakas sa mukha nito ang takot. Mabilis itong umalis sa kandungan niya na ikinatawa ng kaibigan niyang nagyaya sa kanya para pumunta doon.
"Sayang siya, bro. Kung ako sa'yo papatulan ko siya. Malapit ka na rin namang bumalik sa Pilipinas kaya bakit hindi mo na sulitin ang mga nalalabing araw mo rito sa ibang bansa? Huwag mong palampasin ang pagkakataong makatikim ng ibang lahi," nakangising wika ng kaibigan na ikinailing na lang ni Damon.
"Hindi ako pumunta rito para sa ganyan. Pumunta ako rito para mag-aral," sagot niya sa kaibigan. Ito naman ang napailing sa kanyang tinuran.
"Napakaseryoso mo naman sa buhay, bro. Maaga ka niyang tatanda. Pasarap din naman pag may time. Basta ako... magbibilang muna ako ng babae bago bumalik sa Pilipinas. Magkakalat muna ako ng ating lahi rito sa ibang bansa," pilyong wika ng kaibigan bago malakas na tumawa.
Napangiti at napailing na lang si Damon sa taglay na kalokohan ng kaibigan. Walang halong biro ang sinabi nito. Dahil sa ilang taon na niya itong kasama sa ibang bansa ay kilala na niya ito at lahat ng kalokohang ginagawa ng kaibigan ay alam niya. Wala itong pinapalampas na babae basta magpakita ng motibo sa kanyang kaibigan. Siya tanggi nang tanggi, ang kaibigan naman niya salo nang salo. Basta may suot na palda ay pinapatulan nito.
"Huwag ka sanang tamaan ng karma dahil diyan sa mga kalokohang ginagawa mo. Sobrang maningil ang karma, bro. Walang patawad. Kaya habang maaga pa ay itigil mo na ang mga kalokohan mo," seryosong payo niya sa kaibigan na tinawanan lang nito.
Kasalukuyan silang nasa isang bar dahil nagyaya ang kanyang kaibigang lumabas sila para daw magliwaliw at maghanap ng aliw o kaaliwan. Wala sana siyang planong sumama pero pinilit siya nito at dahil malapit na rin naman silang maghiwalay ng tatahaking landas ay pinagbigyan na niya ito. Pero hindi sa kalokohang gusto nitong gawnin niya tulad ng pumatol sa mga babaeng lumalapit sa kanya.
Tapos na siya sa pag-aaral kaya wala ng dahilan para manatili pa siya sa ibang bansa. Pag-aaral ang ipinunta niya roon at ngayong tapos na siya ay hindi siya tutulad sa kanyang kaibigan na mananatili pa roon para magliwaliw. Hindi naman kasiyahan para sa kanya ang manatili pa roon at pumatol sa iba't-ibang babae tulad ng gusto ng kaibigan niya, ganoon ang depinisyon ng kaibigan niya sa salitang kasiyahan. Pero ang kasiyahan sa kanya ay ang umuwi sa bansang sinilangan, sa piling ng kanyang mga magulang dahil sobrang miss na miss na niya ang mga ito. Hindi rin naman kasi ang mga ito nagtatagal sa ibang bansa kapag binibisita siya ng mga ito dahil sa mga negosyong maiiwan, pinakamatagal na ang isang linggo.
Inubos niya ang lamang alak ng baso niya at bahagyang napapikit dahil tinamaan na siya ng epekto ng alak. Malalim na rin ang gabi kaya plano niyang magpaalam na sa kaibigan na babalik na sa apartment na kanyang tinutuluyan. Hindi niya puwedeng sabayan ang kaibigan dahil ginagawa nitong umaga ang gabi at gabi naman ang umaga. Siya naman ang tanging gustong gawin pagdating ng gabi ay ang humilata sa ibabaw ng kanyang kama. Aral sa umaga, pahinga sa gabi. At kapag may libreng araw ay naghahanap siya ng sideline para hindi lahat ay iaasa niya sa pera ng kanyang mga magulang. May sarili naman siyang pera na pamana ng kanyang yumaong lolo at sariling ipon pero hindi niya iyon ginagalaw dahil na rin sa utos ng kanyang mga magulang. Hangga't kaya raw siyang suportahan ng mga magulang niya ay hindi niya dapat galawin ang kanyang sariling pera. Para daw iyon sa kanyang future at hindi para sa kanyang pag-aaral dahil sagot pa raw iyon ng mga ito.
Bumaling ang atensyon ni Damon sa kaibigan at napailing na lang siya sa nasilayan. Kaya pala bigla itong naging tahimik ay may nakaupo na palang babae sa kandungan nito at kulang na lang ay magtalik ang mga ito sa harap niya. Medyo madilim sa puwesto nila kaya hindi niya napansin ang paglapit dito ng babae at isa pa ay may malalim siyang iniisip kanina. Kung saan-saan na dumadapo ang mga kamay ng mga ito na parang walang pakialam sa mga tao sa paligid na posibleng makakita ng ginagawa ng mga ito. Halos kainin na rin ng mga ito ang labi ng isa't isa na ikinailing niya.
Tumayo si Damon at hindi na siya nagpaalam sa kaibigan na abala sa pakikipaglampungan. Ilang babae pa ang lumapit sa kanya at pinigilan ang tangka niyang pag-alis pero hindi siya nagpapigil sa mga ito. Hindi siya nagpunta roon para pumatol sa mga ito at maglabas ng init ng katawan, pinagbigyan niya lang talaga ang gusto ng kaibigan dahil baka iyon na ang huling beses na makakasama niya ito. Malayo ang agwat ng lugar na pinanggalingan nila at doon na sila sa ibang bansa nagkakilala. Malabong magtagpo muli ang mga landas nila pero umaasa siyang muling darating ang araw na iyon. Naging mabuti naman itong kaibigan sa kanya at ganoon din siya rito. Ito lang ang tanging naging kaibigan niya habang naroon siya sa ibang bansa.
Mabilis siyang nakarating sa kanyang apartment na tinutuluyan at matapos niyang linisan ang katawan ay ibinagsak niya ang hubad na katawan sa kama. Tanging maliit na saplot lang sa ibaba ang suot niya dahil iyon ang nakasanayan niya tuwing matutulog. Minsan ay natutulog din siyang walang suot kahit isa pero unti-unti na niyang sinasanay ang sariling matulog na may saplot. Baka pag nagkataon ay atakihin sa puso ang mga katulong sa bahay ng kanyang mga magulang kapag napagbuksan siya ng mga itong walang saplot habang nakahiga sa ibabaw ng kanyang kama. Kaya habang maaga pa ay sinasanay na niya ang sariling matulog na may saplot kahit na ang pribadong parte lang ng katawan niya.
Lalo na at wala naman siyang sariling bahay dahil ayaw siyang payagan ng mga magulang na magpatayo ng sariling bahay. Nag-iisa lang daw siyang anak kaya hindi siya hayaang bumukod ng mga ito. Bago na daw niya iyon isipin kapag nakapag-asawa na siya na hindi niya alam kung kailan mangyayari dahil hanggang ngayon ay wala pang natitipuhan ang mailap at pihikan niyang puso. Pero kapag dumating ang araw na tumibok ang puso niya sa unang pagkakataon sa isang babae... sisiguraduhin niyang mapapasakanya at magiging pagmamay-ari niya ang babaeng iyon, by hook or by crook. Hindi niya hahayaang makawala ang unang babaeng ititibok ng puso niya.
*****
ABALA si Phoenix sa pagluluto ng turon at banana cue na ibebenta niya mamaya para pandagdag gastusin sa kanyang pag-aaral. Panay ang pagpupunas niya ng pawis sa noo at maluha-luha na rin ang kanyang mga mata dahil sa usok na nagmumula sa panggatong na kahoy na ginagamit niya sa pagluluto. Wala silang gamit sa pagluluto na ginagamitan ng kuryente o kahit na gas stove o burner. Wala naman siyang reklamo dahil lumaki na siya sa ganoong pamamaraan ng pamumuhay kaya nasanay na siya. Ang mahalaga ay nakakaraos sila kahit na minsan ay kinakapos sila sa pera dahil sapat lang ang kinikita ng kanyang ama para sa kanilang pang-araw-araw. Idagdag pa ang gastusin sa pag-aaral niya.
Kaya sa murang edad ay natuto siyang maghanapbuhay sa pamamagitan ng pagtitinda ng mga niluluto niyang kakanin para kahit papaano ay makatulong sa kanyang ama. Kahit sa school ay nagbebenta siya na pinagtatawanan ng ibang estudyante na nakakaangat sa buhay na hindi na lang niya binibigyang pansin dahil siya rin ang agrabyado kapag pinatulan niya ang mga ito. Hindi ng mga ito alam ang salitang kahirapan dahil lumaki ang mga itong may gintong kutsara sa bibig. Hindi ng mga ito naranasan ang mga hirap na pinagdaanan niya at lalong hindi ng mga ito alam ang hirap na pinagdadaanan nilang mag-ama para lang makaraos sa araw-araw at para lang masuportahan ang pag-aaral niya.
Marami na siyang pinasok na trabaho kaya maaga rin siyang natuto sa kalakaran sa buhay. Lumaki siyang walang ina at ang tanging kasama lang niya ay ang kanyang ama. Namatay ang kanya ina sa pagsisilang sa kanya pero kahit kailan ay hindi ipinaramdam sa kanya ng kanyang ama na sinisisi siya nito sa pagkawala ng kanyang ina. Sa halip ay binusog siya nito sa pagmamahal at hindi ito nagkulang sa kanya. Ipinaramdam nito sa kanya habang lumalaki siya na kaya nilang dalawa, na kaya nilang magpatuloy kahit silang dalawa na lang ang magkasama sa buhay.
Labing-anim na taong gulang na siya at maglalabing-pito sa susunod na dalawang buwan. Huling taon na rin niya sa highschool kaya sobra ang pagsisikap niya ngayong taon dahil marami siyang kailangang bayaran. Naipon na ang bayarin niya sa school mula sa unang taon niya sa highschool at malaking halaga ang kakailanganin niya para mabayaran iyon. Mabuti na lang at tinatanggap pa rin siya ng school kahit na marami na siyang bayarin pero may kundisyong kailangan niyang mabayaran iyon bago siya makapagtapos dahil wala siyang matatanggap na diploma kapag hindi siya nakapagbayad. Mawawalan din ng saysay ang pagsisikap at pagpupursigi ng kanyang ama kapag hindi siya nakapagtapos kaya doble kayod siya ngayon para makabayad. Nangunguna rin siya sa kanyang klase kaya maraming mga guro ang nanghihinayang sa kanya kaya nabigyan pa rin siya ng pagkakataong makapag-aral kahit na malaki pa ang kailangan niyang bayaran sa school dahil sa tulong ng mga ito.
May kaunti na siyang ipon pero hindi pa sapat para sa bayarin niya. Kaya ginagawa na niya ang lahat para kumita ng pera at makatulong sa kanyang ama. Construction worker lang ang kanyang ama at nagtitiis lang ito sa mababang suweldo dahil walang malipatang ibang trabaho na may medyo mataas na pasahod. Naghahanap rin ito ng ibang sideline kapag araw ng Linggo para dagdag kita kaya awang-awa na siya sa kanyang ama. Halos wala na itong pahinga at alam niyang sa bawat pagngiti nito sa kanya ay nakatago roon ang hirap at pagod na ayaw nitong ipakita sa kanya. Kaya nagsusumikap siya para masuklian ang lahat ng sakripisyo ng kanyang ama.
Pagkatapos niyang lutuin ang banana cue at kanyang special turon dahil may kasama itong langka sa loob ay pumasok siya sa maliit niyang kuwarto para kumuha ng damit bago siya muling lumabas para magtungo sa banyo. Dalawa lang ang kuwarto sa maliit nilang tahanan at iisa lang ang banyo katabi ng maliit nilang kusina. Maglilinis muna siya ng katawan bago niya ibenta ang mga niluto niya. Tiyak siyang mabilis lang din iyong mauubos dahil madami siyang suki at siya ang tinaguriang 'munting tindera' sa lugar nila. Magaling at masarap din daw siyang magluto ng mga kakaning ibenebenta niya.
Pagkatapos niyang maligo ay nagsuot siya ng isang maluwag na t-shirt na pinaresan niya ng shorts na abot hanggang tuhod niya. Siyempre hindi puwedeng kalimutan ang cap na lagi niyang suot sa tuwing lumalabas siya sa bahay. Hinayaan niyang nakalugay ang medyo basa pa niyang buhok at napangiti siya nang makita ang sarili sa salamin. Para sa kanya ay matatawag na astig ang porma niya, simple at walang kung ano-anong kaartehan ang inilalagay sa mukha at katawan. Kuntento na siya sa ganoon kahit na madalas siyang tawaging 'tibo' dahil na rin sa pormahan niya at dahil na rin sa kilos niyang walang halong kalamyaan o kahinhinan. Pero babae talaga siya, nasanay lang siya sa ganoong kilos at pananamit.
"Itay, aalis na po ako," paalam niya sa ama habang nakadungaw sa bintana sa likod bahay. Naroon ang kanyang ama na abala sa pag-aalis ng mga ligaw na damo sa tanim nilang mga gulay. Isa rin iyon sa pinagkakakitaan nila at pinagkukunan ng ulam.
"Sige, anak. Mag-iingat ka," wika ng kanyang ama. Saglit pa itong tumigil sa ginagawa bago siya nilingon. Basa na ng pawis ang suot nito at pawisan rin ang mukha ng kanyang ama.
"Magpahinga na po kayo. May iniwan po ako ritong turon at banana cue para sa inyo," wika ni Phoenix sa ama. Tumango ito bago siya nginitian.
"Tatapusin ko lang ito, anak. Hindi pa naman mainit dito sa puwesto ko," wika ng kanyang ama na ikinailing na lang niya. Napakasipag talaga ng kanyang ama. Kapag wala itong sideline na mahanap ay ang pagtatanim ang pinagkakaabalahan nito tulad ngayon.
Bata pa ang kanyang ama at hindi lingid sa kanyang kaalaman na maraming mga babae ang humahanga rito. Wala namang problema sa kanya kung muling maghahanap ng kabiyak ang kanyang ama pero wala na yatang balak pumasok sa isang relasyon ang kanyang ama buhat noong mawala ang kanyang ina. Thirty-six pa lang ang kanyang ama at twenty years old lang daw ito noong magsama ng kanyang ina. Guwapo ito, maputi at may kakisigan ang katawan dahil batak sa trabaho. Katulad ng kanyang ama ang gusto niya sa isang lalaki. At kung dumating man ang araw na magkakaroon siya ng kasintahan ang gusto niya ay hindi nalalayo sa katangian ng kanyang ama, sa loob at labas. Pero wala pa iyon sa isip niya sa ngayon. Dahil bukod sa bata pa siya, ang panuntunan niya sa ngayon ay aral muna bago ang nobyo. Hindi muna siya mag-aasawa o papasok sa isang relasyon hangga't hindi siya nakakabawi sa mga ginawang sakripisyo ng kanyang ama para sa kanya.