"HIJA, ikaw ba ay gustong sumama sa akin sa malaking bahay ng mga Salvador bukas? Sa isang araw daw ay dadating ang mag-asawang Salvador kasama ang nag-iisa nilang anak na nag-aaral sa ibang bansa kaya kailangang linisin ang buong bahay pati ang bakuran. Karagdagan din ang perang ibabayad sa'yo para sa bayarin mo sa school. Kasama rin natin ang Tita Joy mo."
Napahinto sa pagwawalis sa bakuran si Phoenix nang marinig ang sinabi ni Manang Perla na kapitbahay nila. Si Manang Perla at ang anak nitong si Joy ang nagsisilbing katulong ng mga Salvador kapag nananatili ang mga ito sa malaking bahay. Minsan lang naman ang mga ito mamalagi sa San Antonio dahil sa lungsod ang mga ito namamalagi lalo na at naroon ang mga negosyo ng mga ito. Mas lalong dumalang ang pagpunta ng mag-asawang Salvador sa lugar nila buhat noong pumunta ang nag-iisang anak ng mga itong lalaki sa ibang bansa para mag-aral.
"Sasama po ako, Manang Perla. Salamat po at ako ang una ninyong sinabihan," pagpayag at pasasalamat niya sa matanda.
"Walang anuman, hija. Alam ko namang higit na mas kailangan mo ng pera kaya ikaw ang una kong sinabihan," nakangiting wika nito na malawak niyang ikinangiti.
Sobrang kasundo ni Phoenix ang matanda lalo na ang anak nitong si Joy na kababata at matalik na kaibigan ng kanyang ama. Wala pang asawa si Joy at hindi lingid sa kaalaman ni Phoenix na may lihim na pagtingin ng kanyang Tita Joy sa kanyang ama. Hindi lang iyon pinapansin ng kanyang ama dahil tila isinarado na nito ang puso sa kahit na sinong babae buhat noong mawala ang kanyang ina. Alam niyang ramdam ng kanyang ama ang lihim na pagtingin ng kababata at matalik nitong kaibigan pero nagbubulag-bulagan lang ito kahit na minsan ay si Phoenix na rin ang gumagawa ng paraan para lalong mapalapit ang kanyang ama at ang kanyang Tita Joy sa isa't isa. Pero sadyang matibay ang paninindigan ng kanyang ama na hindi na muli ito magpapapasok ng babae sa puso nito. Lagi nitong sinasabi sa kanya na kuntento na ito na silang dalawa lang. Kuntento na ang kanyang ama na siya lang ang kasama.
"Pakisabi na lang po kay Tita Joy na daanan po ako rito sa bahay kapag pupunta siya sa bahay ng mga Salvador bukas. Sa kanya na lang po ako sasabay sa pagpunta roon."
"Makakarating sa kanya, hija."
Kinabukasan ay maagang gumayak si Phoenix dahil maaga silang pupunta sa bahay ng mga Salvador para maglinis ayon sa kanyang Tita Joy na nagpunta sa bahay nila kahapon para magdala ng lutong ulam. Palagi nito iyong ginagawa mula pagkabata na niya at sobrang lapit ng loob niya rito na tumayo na ring kanyang ina lalo na noong mga panahong nag-aaral siya sa elementarya at kailangan ng mga magulang na dadalo sa mga programa sa school. Ito lagi ang kasama ng kanyang ama kapag kailangan niya ng tatayong ina.
Paglabas niya sa kuwarto ay natulos siya sa kinatatayuan nang masilayan ang hindi niya inaasahang tagpo sa pagitan ng kanyang ama at Tita Joy. Magkatabi ang mga itong nakaupo sa kanilang maliit na sala at magkahugpong ang mga labi ng mga ito. They are passionately kissing at hindi man lang ng mga ito naramdaman ang kanyang presenya dahil sa lalim ng paghahalikan ng mga ito. Matapos makabawi sa pagkabigla ay may sumilay na ngiti sa labi ni Phoenix. Finally, magkakaroon na siya ng pangalawang ina.
"Ahem!" malakas na tikhim ni Phoenix para kuhanin ang atensyon ng ama at ng Tita Joy niya na abala sa paghahalikan. Mabilis ang mga itong naghiwalay at parehong gulat na lumingon sa gawi niya.
"G-Gising ka na pala, anak," nauutal na wika ng kanyang ama at mabilis na nag-iwas ng tingin sa kanya. Pansin niya rin ang bahagyang pamumula ng mukha nito na mabilis mahalata dahil sa kaputiang taglay ng ama.
"Good morning, Itay. Sa'yo rin, Tita Joy," may mapang-asar na ngiting bati niya sa dalawa dahil sa kanyang nasaksihan.
"Sinusundo ka na ng Tita Joy mo kaya pumunta ka na sa kusina at kumain. May nakahanda na roong almusal," wika ng kanyang ama.
"Sige, Itay. Puwede ninyo na rin pong ituloy ang naudlot ninyong ginagawa kanina," pilyang wika niya bago nagtungo sa kusina para kumain.
Masaya si Phoenix para sa ama dahil sa wakas ay tila unti-unti nang nabubuwag ang depensa o harang sa puso nito at unti-unti nang nakakapasok doon ang kanyang Tita Joy. Kaunting tiyaga na lang at baka one of these days ay may ina na siya at baka magkaroon na rin siya ng kapatid. Pilya siyang napangiti sa mga naiisip. Noon pa man ay talagang gustong-gusto niya ang Tita Joy niya para sa kanyang ama. At alam niyang malapit nang mangyari ang mga nasa isip niya dahil sa mga napapansin niya sa kanyang ama at sa Tita Joy niya.
Mabilis siyang natapos sa pagkain at umalis din sila kaagad ng Tita Joy niya para magtungo sa bahay ng mga Salvador. Naroon na si Manang Perla na may kasamang lalaking katulong nito sa pag-aayos ng mga halaman at sa paglilinis sa malawak na bakuran ng malaking bahay nang makarating sila roon. At kumunot ang kanyang noo nang mamukhaan ang lalaking kasama ni Manang Perla.
"Marco?" hindi inaasahang banggit niya sa pangalan ng lalaki na kumuha ng atensyon nito. Malawak itong ngumiti sa kanya bago iniwan ang ginagawa at naglakad palapit sa kanya para salubungin siya ng yakap pero itinulak niya lang ang mukha nito. Sinimangutan siya ni Marco na inikutan niya lang ng mga mata.
"Ang damot mo naman, Nix. Yakap lang naman, ah. Parang hindi mo ako kababata at matalik na kaibigan," parang batang reklamo nito habang nakasimangot.
"Anong ginagawa mo rito? At bakit ikaw ang naglilinis dito sa bakuran ng mga Salvador?" magkasunod na tanong ni Phoenix kay Marco habang nakakunot ang noo. Hindi niya talaga inaasahan na makikita niya roon ang matalik niyang kaibigan.
"Sumama ako kay Manang Perla nang malaman kong kasama ka sa maglilinis dito sa bahay ng mga Salvador. Tapos ang magiging bayad sa akin ay ibibigay ko na lang sa'yo total ay ayaw mong tumanggap ng pera galing sa akin kapag alam mong galing sa mga magulang ko. Kaya paghihirapan ko muna para tanggapin mo dahil alam kong kailangan mo ng pera," malawak ang ngiting wika ni Marco na ikinahinga ni Phoenix nang malalim.
Si Marco ay kababata niya at kanya ring matalik na kaibigan. Sobra silang magkasundo at madalas ay lagi itong nakabuntot na parang aso sa kanya lalo na kapag nagbebenta siya ng kanyang mga nilulutong kakanin. Lagi rin silang magkasama sa school kaya lalong mainit ang mata sa kanya ng mga kakabaihan dahil sa naiinggit ang mga ito sa kanya. Marami kasi ang humahanga sa kaibigan niya dahil sa taglay nitong kakisigan, katalinuhan, kaguwapuhan at may maganda rin itong kalooban. Total package ang kaibigan niya kaya hindi na siya nagtaka kung bakit kaliwa't-kanan ang babaeng nahuhumaling dito. Idagdag pa na may kaya sa buhay ang pamilya nito kaya nagtaka talaga siya kung bakit ito sumama kay Manang Perla dahil hindi naman nito kailangang tumulong doon para magkaroon ng pera. At napailing na lang siya sa naging rason ng kaibigan.
"Hindi ko pa rin tatanggapin ang perang ibibigay mo dahil hindi ko naman pinaghirapan 'yon," wika ni Phoenix na ikinasimangot ni Marco.
"Pero kaibigan mo ako. Wala namang masama kung tatanggap ka ng tulong sa akin paminsan-minsan. At isa pa ay kusang loob naman akong nagbigay, hindi ka naman humingi..." giit nito na ikinahinga na lang ni Phoenix nang malalim.
"Sige na nga. Pero kapag nagkaroon ako ng pera ay ibabalik ko rin sa'yo. Baka mamaya niyan inililista mo pala lahat ng ibinibigay mo tapos sa huli ay sisingilin mo rin ako kapag baon na ako sa'yo sa utang," pagsuko ni Phoenix at malakas na tumawa si Marco sa sinabi niya.
"Parang magandang ideya 'yan, ah. Tapos ikaw ang hihingin kong kabayaran," mapang-asar at nakangising wika ni Marco at itinaas-baba pa ang kilay. Napailing na lang siya sa kalokohan ng kaibigan.
"Puro ka talaga kalokohan. Bumalik ka na nga lang sa ginagawa mo. Sumama ka lang naman yata para asarin at kulitin ako." Tinawanan lang ni Marco ang sinabi niya at sinamaan niya ito ng tingin matapos nitong pitikin ang kanyang noo. Umaktong susuntukin niya ito kaya mabilis itong lumayo sa kanya habang tumatawa.
"Ang tapang mo talaga. Kundi lang kita kilala iisipin ko talagang lesbian ka. Pero ayos lang kung ganyan ka, kaya naman kitang gawing ganap na babae," pang-aasar pa nito sa kanya na hindi na lang niya pinatulan. Hilig lang talaga nito ang inisin at kulitin siya. At sanay na siya sa trip nito sa buhay na kadalasan ay nadadamay siya. Hindi naman siya manhid para hindi hindi malaman ang mga ipinapahiwatig nito pero hindi na lang niya iyon binibigyang pansin dahil wala pa iyon sa isip niya sa ngayon. At isa pa ay kuntento na siya sa kung anong samahang mayroon sa pagitan nila ni Marco.
Tinalikuran ni Phoenix si Marco bago siya naglakad papasok sa loob ng malaking bahay ng mga Salvador. Naabutan niya sa malawak na sala ang Tita Joy niya na sinisimulan na'ng maglinis,
"Sa mga kuwarto ka na lang magsimulang maglinis, Nix. Unahin mo ang mga kuwarto sa taas. Mag-ingat ka na lang sa mga gamit sa kuwarto ni Damon. Ayaw na ayaw niyang mababago ang puwesto ng mga gamit niya at higit sa lahat ay ayaw na ayaw niyang may pumapasok sa loob ng silid niya kapag wala nitong permiso. Si Nanay lang ang nakakapasok sa silid niya noon para maglinis. Sobrang close kasi sila ni Nanay Perla dahil si Nanay ang nag-alaga sa kanya noong bata pa siya hanggang sa tuluyan nga itong ngpunta sa ibang bansa para doon ipagpatuloy ang pag-aaral. Sinabi naman ni Nanay sa akin kanina na ikaw ang paglinisin sa kuwarto ng alaga niya kaya puwede kang pumasok doon. Nabuksan na lahat ni Nanay ang mga kuwarto sa taas kanina," wika ng kanyang Tita Joy at tumango siya.
Tahimik siyang umakyat sa mahabang hagdan habang inililibot ang mga mata sa loob ng malaking bahay na talagang sumisigaw ng karangyaan. Lahat ng gamit sa loob ay halatang mamahalin at parang nakakatakot doong maglinis dahil baka kulang pa ang buhay niyang kabayaran kapag nakabasag siya. Nakakahiya ring tumapak sa kumikislap na sahig at ganoon din sa hagdang ngayon ay inaakyatan niya. Pero wala siyang ibang choice kundi ang tumapak doon dahil hindi naman siya lumilipad. At wala namang ibang daan para makaakyat sa itaas. Napailing na lang si Phoenix sa mga kalokohang tumatakbo sa isipan.
Nakarating si Phoenix sa tapat ng pinto ng isang kuwarto. Malalayo ang pagitan ng mga pinto sa ikalawang palapag kaya sigurado siyang malalaki ang mga kuwarto doon. Baka kasinglaki na ng bahay nila ang isang kuwarto sa malaking bahay. At hindi niya mapigilan ang hindi mamangha nang buksan niya ang pinto ng kuwarto na nasa pinakadulo. Sobrang laki ng buong kuwarto at sobrang ganda. May malaking kama na kasya yata ang limang tao, may isang set din doon ng sofa at halos lahat ng gamit na naroon ay alam niyang mamahalin. Nagustuhan niya ang naghahalong itim at puting kulay ng pintura sa loob. Maraming mga bagay ang agaw pansin sa loob ng kuwarto pero ang mas nakakuha ng kanyang atensyon ay ang mga nakapinta at nakaguhit na mga larawan na nakadikit sa dingding.
"Wow..." namamanghang anas ni Phoenix habang isa-isang hinahaplos ang mga nakapinta at nakaguhit na larawan. At tila napako ang mga paa niya sa sahig dahil kusang tumigil ang mga paa niya sa tapat ng isang medyo may kalakihang larawan kung saan nakapinta ang tatlong tao na sa tingin niya ay ang pamilya Salvador.
"Siya ba si Damon?" tanong ni Phoenix sa sarili habang nakatuon ang mga mata sa binatang nasa gitna. Seryoso ang ekspresyon ng mukha nito at tila nakatitig sa kanya ang mga mata nito dahilan para magtayuan ang lahat ng balahibo niya sa katawan.
"Guwapo siya pero parang nakakatakot ang aura niya," parang baliw na wika niya bago iniiwas ang tingin sa mukha ng binata. Nagpatuloy siya sa pagmamasid sa mga larawan at pansin niya ang lahat ng larawan ay may signature na D. Salvador.
"Siya kaya ang nagpinta at gumuhit lahat ng ito?" manghang tanong ni Phoenix na parang may sasagot sa kanya. Muling bumalik ang mga mata niya sa mukha ng binata. "Ang suwerte naman niya kung ganoon. Pinagpala na sa hitsura tapos talented pa..."
Ipinilig ni Phoenix ang ulo dahil kung ano-ano na namang napapansin niya, kung saan-saan na naman umaabot ang malikot niyang isipan. Hindi siya naparoon para magmasid dahil naparoon siya para magtrabaho. Kaya sinimulan niya ang dapat gawin kahit na pakiramdam niya ay parang may nagmamasid sa kanya. Parang totoong nakatingin sa kanya ang nakapintang larawan ng binatang nagmamay-ari ng silid na nililinisan niya. At hindi niya rin mapigilan ang maya't-mayang sulyapan ito sa hindi niya malamang dahilan.