Nanatili akong nakatitig kay Sir Raghnall. Nakaukit sa aking mukha na naguguluhan. Oo, nasabi nga niya sa akin na humahanga siya sa akin dahil ako ang mag-isang tumataguyod kay Drynt pero bakit ganoon? Bakit masyadong mabilis ang pangyayari? Ilang beses lang naman nagtagpo ang mga landas namin ngunit nakabuo na siya ng pasya tulad nito? Bakit kailangan pa dumating sa punto na ito? Maraming katanungan man ang gumagambala sa akin ay hindi ko naman magawang isaboses 'yon. Halo-halong emosyon ang nararamdaman ko.
Kahit wala akong pinakawalan ni isang salita ay mukhang nalalaman ni Sir Raghnall kung ano ang nararamdaman ko. Tumayo siya at dinaluhan niya ang isang bakanteng upuan na nasa harap ko lang. Sinundan ko siya ng tingin. Nang muli na naman siyang tumingin sa akin ay dumapo ang tingin ko sa aking mga kamao na ngayon ay nasa aking kandungan. Hindi ko na siya magawang tingnan ng ganito lalo na't wala naman kaming mapag-usapan. Hindi ko lang kasi magawang sagutin tungkol sa proposal niyang 'yon.
"Nevie," marahan niyang tawag sa akin.
Dapat ay hindi ako titingin sa kaniya pero tila pinagtaksilan ako ng sarili kong katawan. Inangat ko ang aking tingin hanggang sa magtama ang aming mga mata. Ngunit nanatili akong tahimik.
"Alam kong nabigla kita. Pero kasama na din sa personality ko na hindi na magpapaligoy-ligoy. Sinasabi ko agad kung ano ang gusto kong sabihin. At seryoso ako sa sinabi ko." huminga siya ng malalim. "I have another proposal for you." may kinuha siyang folder na nasa tabi niya. Ibinuklat niya 'yon saka nilahad niya ito sa akin.
"S-Sir..."
"That will be a contract." ani Sir Raghnall. "Nasabi sa akin ni Drynt kung ano ang sitwasyon ninyong mag-ina. Kahit ang tinitirhan ninyong kubo ay inuupahan ninyo pa. Hindi ka rin daw nakapagtapos ng pag-aaral. Madalas pa ay hindi sapat ang kinikita mo upang pangtustos ninyo sa pang-araw-araw."
Ibinuka ko ang aking bibig. "A-ano po ba talaga ang kailangan ninyo sa akin, Sir Raghnall? Bakit madali para sa inyo na gawin ang bagay na ito? Bakit padalos-dalos kayo ng desisyon? Hindi pa tayo lubos na magkakilala." hindi ko mapigilan ang sarili kong ihayag ang mga bagay na ito.
"Kahit hindi man tayo madalas nagkakausap, hindi man kita matagal nakakasama, unti-unti naman kitang nakikilala sa pamamagitan ni Drynt, Nevie." tugon niya. Natigilan ako. Wala na naman akong mailabas na salita. "Bibigyan kita ng mas maayos na trabaho. Na tipong mababawasan ang pag-aalala mo kay Drynt. Lalo na't hindi rin ako mag-aalala para sa inyong dalawa."
"A-ano pong trabaho..."
"Be my wife." diretsahan niyang sagot.
Nanigas ako sa kinauupuan ko. Nanatiling nakaawang ang aking bibig. Ang inaasahan ko kasi ay kahit maging kasambahay niya ako, kahit papaano. Pero bilang asawa niya? Nahihibang na ba siya?
"I-iba ang usapan na ito, Sir Raghnall." bumaba ang tingin ko sa papel na nasa harap ko. "Para saan naman ang kontrata na ito?"
"That will be our condition and terms. It will be effective once you'll marry me."
Muli akong tumingin sa kaniya.
"Dalawang bagay lang ang hinihingi ko bilang kapalit, Nevie. Una, huwag na huwag kang aangal o tatanggi sa anumang ibibigay ko dahil sa oras na maging asawa mo na ako, may karapatan ka na sa lahat ng mga ari-arian ko. Our marriage will be conjugal." paliwanag pa niya kahit na diretso siyang nakatingin sa aking mga mata.
"At ang pangalawa...?"
"Well, wala pa akong maisip kung ano ang pangalawa. Pag-iisapan ko pa siguro pero hindi naman mahirap." saka matamis siyang ngumiti sa akin. "Sa ngayon, pag-isipan mo muna, maghihintay ako sa magiging sagot mo." tumayo siya.
**
Tahimik kong hinahaplos ang buhok ni Drynt. Mahimbing siyang natutulog ngayon. Kahit magmamadaling-araw na ay hindi pa rin ako dinadalaw ng antok. Hindi mawala sa isipan ko kung ano ang mga sinabi ni Sir Raghnall kanina. Hanggang ngayon ay hindi pa rin ako makapaniwala na 'yon pala ang gusto niyang pag-usapan namin. Ang akala ko ay tungkol sa pag-aaral ng anak ko. Mali ang inakala ko. Tungkol nga kay Drynt pero may kinalaman sa magiging kinabukasan niya. Oo, may mga oras na hirap na hirap na ako lalo na't ako lang mag-isa ang tumataguyod para sa aming mag-ina. Kung tutuusin ay kagulat-gulat naman talaga ang inalok niya na trabaho sa akin. Ibig sabihin, magiging fake wife niya ako o ano? Kung papatulan ko man ang inaalok niyang trabaho, tiyak ang tingin sa akin ay pera ang habol ko sa kaniya kung ganoon. Ilang beses na akong tumatakbo sa reyalidad, sa mga mata ng mga taong mapanghusga.
Pero nang nalaman ko mismo kay Sir Raghnall na naghahanap siya ng sinasabing father figure, para akong binuhusan ng malamig na tubig. Mula noong tinalikuran na kami ni Kayden ay halos isinumpa ko na sa sarili ko na ako ang mag-isang bubuhay kay Drynt. Na ako ang magiging nanay at tatay niya habang siyang lumalaki at magkakaisip. Pero mukhang hindi umayon sa akin ang gusto ko. Hahanap at hahanap talaga siya ng magiging ama kahit minsan ay hindi siya nagtangkang magtanong tungkol sa kaniyang ama. Kaya ba nagagawa niyang maging vocal sa kaniyang guro?
Bumaling ako kay Drynt. "Ano ba talaga ang mga pinagkukwento mo sa titser mo, anak?" mahina kong tanong pero alam kong hinding hindi niya maririnig 'yon. Kumawala ako ng malalim na buntong-hininga. Inilapat ko ang aking pisngi sa sentido ng aking anak. Ano nga ba ang dapat kong gawin?
Ma, pa... Ano bang dapat kong gawin?
**
Kinuyom ko ang aking kamao habang nakatingin ako sa Coffee Shop ni Sir Raghnall. Linggo ngayon ay bukas ang kaniyang negosyo ng ganitong araw, lalo na't wala namang klase. Iniwan ko muna ang anak ko kay Gitana para ipabantay ito dahil sa importanteng lakad ko na ito.At iyon ay para makausap ko ang lalaking sasadyain ko sa lugar na ito. Siguro naman ay naririto siya?
Pumikit ako saka huminga ako ng malalim. "Kaya ko ito." kumbinsi ko sa aking sarili. Dumilat din ako at nagpakawala na ako ng mga hakbang patungo sa naturang Coffee Shop. Sana talaga ay narito siya. Na makakausap ko siya ngayong araw.
Itinulak ko ang pinto ng Coffee Shop. Iginala ko ang aking paningin sa paligid. May mga costumer pala sila dito. Karaniwan ay mga kabataan pa. Mayroon ding mga kasing edad ko lang o hindi kaya ay mas matanda pa sa akin. Magaganda man ang kanilang kasuotan, mga pormal at mukhang mararangal ay hindi iyon ang dahilan upang umatras. Hindi naman sila ang sadya ko dito. Isang partikular na tao.
"Good morning, Ma'm. What can I do for you?" rinig ko ang hindi pamilyar na boses sa gilid ko.
Tumingin ako sa pinanggalingan ng boses na 'yon. Isang may edad na lalaki. May suot itong antipar, nakapormal din ang kaniyang kasuotan... A business suit! Humarap ako sa kaniya. "Ano po kasi... Itatanong ko lang po kung narito si Sir Raghnall..."
"Yes, narito po siya. Do you have any appointment with him?" pormal niyang sunod na tanong.
Umiling ako. "Wala po.. Pero, importante po kasing sasabihin ko sa kaniya." may bakas na hiya.
Tumango siya. "Maaari ko po bang malaman ang pangalan ninyo para masabi ko kay Sir Raghnall?"
"Nevie po ang pangalan ko."
Muli siyang tumango. Nilahad niya ang isang palad niya, itinuro niya sa akin ang isang upuan kung saan ako maaaring umupo muna. Sumunod ako. Sinabi nglalaki na babalik daw siya, kukumpirmahin lang daw niya muna. Nagpasalamat ako sa kaniya bago man niya ako talikuran para puntahan ang Opisina ni Sir Raghnall.
Napukaw ng aking atensyon ang mga larawan na nakasabit sa kisame. Meron ding mga certifiate na nagsasabi na accurate bartender si Raghnall. Mayroon din siyang litrato doon na nasa isang Coffee Shop siya pero wala akong ideya kung saan 'yon.
"Miss Nevie?"
Napatingin ako sa direksyon ng lalaki na kumausap sa akin. Napatayo ako. "Po?"
"Maaari ninyo na pong makausap si Sir Raghnall. Ihahatid ko na po kayo." pormal niyang turan. Tumalikod siya sa akin saka nag-umpisa na siyang maglakad. Sumunod naman ako. Hanggang sa narating na namin ang tinutukoy niyang Opisina ni Sir Raghnall. "Puwede na po kayong pumasok d'yan."
Ngumiti ako sa kaniya. "Maraming salamat po."
"You're welcome, Miss Nevie."
Tumingin ako sa pinto ng Opisina. Humakbang ako palapit doon saka kumatok. Narinig ko ang boses niya mula sa loob, inuutusan akong pumasok. Inilapat ko ang mga labi ko saka hinawakan ang doorknob, pagkatapos ay binuksan ko 'yon. Dahan-dahan kong itinulak ang pinto hanggang sa tumambad sa akin ang magandang Opisina niya pati na din siya na mukhang may binabasa sa kaniyang laptop.
Dahil narinig niya ang tunog mula sa pinto ay napukaw ko ang kaniyang atensyon. Nang makita niya ako ay matik siyang tumayo. Ginawaran niya ako ng matamis na ngiti, na tila tuwang-tuwa siya na makita niya ako.
"Sir Raghnall..." nahihiya kong tawag sa kaniya.
Dinaluhan niya ako. "Halika, maupo ka muna." sabay turo niya sa sala set na narito lang din sa loob ng silid na ito. "Anong gusto mong maiinom?"
"Naku, kahit huwag na po, Sir." pagtanggi ko pa pero nagawa kong sumunod sa sinabi niya kanina, ang umupo sa sofa.
Umupo na din siya. Pinagdapuin niya ang mga palad niya habang nakatingin siya sa akin. "So... What brings you here?"
Bago ko man sagutin ang kaniyang tanong ay pumikit ako ng mariin at nagpakawala ng malalim na buntong-hininga. Sa pagdilat ko ay seryoso akong bumaling sa kaniya. "Tungkol po sa pinag-usapan natin," huminto ako ng ilang segundo bago ulit ako nagsalita. "Tungkol kay Drynt."
Umiba ang ekspresyon ng kaniyang mukha. Naging seryoso na din ang kaniyang mukha, nababasa ko doon ang antipasyon kung ano ang makukuha niyang sagot mula sa akin. "Napag-isipan mo na ba nang mabuti?"
Tumango ako. Diretso akong tumingin sa kaniya. "Bago ko po sasabihin kung ano ang sagot ko sa hinihiling mo... Gusto ko lang malaman kung may iba pa po ba kayong dahilan kung bakit naisipan ninyo ang ganitong proposal, Sir Raghnall. Hindi ninyo naman po ito maiisipan kung walang rason." seryoso kong tanong.
"Nothing special, Nevie." tugon niya. "Kahit na hindi pa ako matagal na nagtuturo sa Daycare, masasabi kong si Drynt lang ang estudyanteng naging malapit sa akin. Pero napapansin ko na din sa sarili ko na halos anak na din ang turing ko sa kaniya."
Lumunok ako. Binawi ko ang aking tingin. Dumapo 'yon sa sahig. "Papayag ako dahil mas iniisip ko ang kapakanan ng anak ko. Kung ano ang kailangan niya, gagawin ko ang lahat maibigay ko lang sa kaniya ito." pumikit ako. "Tatanggapin ko po ang alok ninyong trabaho, Sir Raghnall."
"N-Nevie..."
Tumingina ko sa kaniya. Nakaukit na ngayon sa mukha niya na hindi makapaniwala sa ibinigay kong sagot. Lumapit siya sa akin. Halos umatras ako sa pwesto ko nang hinawakan niya ang aking mga kamay.
"Totoo...?"
Dahan-dahan akong tumango. "Opo..."
Lumapad ang ngiti sa kaniyang mga labi. Binitawan niya din ang mga kamay ko. Tumayo siya't inilabas niya ang kaniyang cellphone mula sa kaniyang business suit. Pinapanood ko lang siya sa kaniyang ginagawa. Idinikit niya ang telepono sa kaniyang tainga. Napakinggan ko kung anong sinasabi niya sa kaniyang kausap sa kabilang linya. "Cous, are you available today? Yes. Yes, it's urgent. Narito na ba sa Iloilo si Mikhail? Alright. Magkita nalang tayo mamaya." pinatay din niya ang tawag saka lumingon siya sa akin. "We have to go."
Tumayo ako. "H-ha? S-saan tayo pupunta...?"
"You're gonna be my wife, right? Today is our wedding day. Pero bago 'yan, dadaan muna tayo ng boutique, sa flower shop at sa Salon para makapaghanda ka na."
Magsasalita pa sana ako pero bigla niyang akong hinawakan kaya hindi ko na magawang umangal pa. Tagumpay kaming nakalabas sa kaniyang Opisina. Sinalubong naman kami ng lalaking nakausap ko kanina. Kahit siya ay nagtataka sa naabutan niyang eksena.
"Sir Raghnall..."
"Please call Suther Ho, tell him I'll make a reservation for the whole day. I will use his resto for the wedding reception." bilin niya sa lalaki.
"Wedding reception?" naguguluhan nitong ulit.
"Yes, today is my wedding day." sabay dumapo ang isang palad niya sa aking balikat. Idinikit niya ako sa kaniya. "And she's my bride." bumaling siya sa akin na malapad ang ngiti. "Let me present to you, this is my Mrs. Nevie Chua."