PINAKATITIGAN siya ni Keith. “Hindi niya magugustuhan na bigla kang susulpot sa unit niya. Mahigpit na pinapangalagaan dito sa Bachelor’s Pad ang privacy ng mga residente. Katunayan ay malaking dungis sa reputasyon namin lalo na sa akin na manager ng gusaling ito na may nakalusot na babae sa security at nakapasok dito. Kaya umalis ka na bago pa may ibang makakita sa iyo. Bago ka pa makita ng may-ari.”
“Sandali lang. Alam ko na baka hindi magustuhan ni A – ni boss na makita ako. Pero kailangan ko siyang makausap. Hindi siya pwedeng magtago sa madla habambuhay. Naapektuhan na ang career niya. Ang trabaho ko, ang trabaho ng crew niya.” Ang puso ko. Nilunok ni Charlene ang huli para hindi niya maisatinig. Pero sa pagkakatitig ni Keith sa kaniya, may palagay siyang nabasa nito ang mga salitang hindi niya nasabi.
“Hindi siya tulad ng dati. Huwag mong asahan na ang lalaking makikita mo sa loob ay ang Art na kilala mo.” Nakagat ni Charlene ang ibabang labi at tumango. Halos tatlong buwan ang nakararaan ay na-involve sa isang car accident si Art. Ang binata ang nagmamaneho. Hindi niya makakalimutan kahit kailan ang naramdaman niya nang may tumawag sa opisina nila para sabihin ang balita. Para siyang nalagutan ng hininga sa takot at pag-aalala.
Marahas na bumuntong hininga si Keith at nagulo ang magulo na nitong buhok. “Fine. Pero five minutes lang. After five minutes kailangan mo na umalis.” Saka bumulong nang, “Malilintikan ako kay Maki nito.”
“Okay. Thank you!” masayang sabi niya. Mukhang hindi pa rin tuluyang sangayon si Keith kaya bago pa magbago ang isip nito ay hinawakan na niya ang seradura at binuksan ang pinto. Napangiwi si Charlene dahil madilim sa living room ng unit, dim lights lang ang bukas. Pero kahit ganoon ay agad niyang nakita kung gaano kagulo ang unit. Nagkalat ang mga maruming damit, mga magazine, mga walang laman na beer in can at kung anu-ano pa. Namilog ang mga mata niya. Si Direk Art Mendez na kilala niyang organized at mahigpit sa kalinisan ay hinayaang maging ganoon ang tirahan? Lalo lang tuloy siyang nag-alala para sa binata.
Napahugot siya ng malalim na paghinga at nagsimulang maglakad patungo sa pinto sa isang bahagi ng unit na sa palagay niya ay ang kuwarto ni Art. Nakabukas kasi iyon at may nakikita siyang liwanag mula sa loob. Sa paghakbang niya ay may natisod siyang beer in can na nakakalat din pala sa sahig. Napangiwi si Charlene dahil bumasag sa katahimikan ang ingay na ginawa niyon.
“Keith! I said leave me alone,” sigaw ni Art mula sa loob ng kuwarto.
Kumabog ang dibdib niya. Ngayon siya nakaramdam ng takot sa magiging reaksiyon nito kapag nakitang siya ang naroon at hindi ang kaibigan nito. Hindi siya tuminag sa pagkakatayo.
“s**t, hindi ba ako puwedeng mapag-isa sa sarili kong tirahan?” gigil na sabi ni Art mula sa loob. Pagkatapos ay may narinig si Charlene na ingay mula sa loob ng kuwarto; lagutok ng bakal sa sahig, kaluskos ng naglalakad, ingit ni Art na parang nahihirapan. Nang sa wakas ay sumulpot sa pinto ang binata at makita niya ito sa unang pagkakataon pagkatapos ng huling pagdalaw niya sa ospital ay para pa ring nadudurog ang puso niya nang makita niya si Art.
Wala na ang semento sa magkabila nitong binti pero mukhang hirap pa rin ito maglakad. Hayun at may dalawang saklay pa ito para umalalay sa paglalakad at pagtayo. Pero hindi ang physical injury na iniwan ng aksidente ang parang sumasaksak sa puso ni Charlene. It was the emotional scar that was evident on Art’s expression that makes her want to cry. Wala na ang maaliwalas na bukas ng mukha ng binata, wala na ang charming na ngiti at wala na ang pilyong kislap sa mga mata. Napalitan ng pait, ng tila pigil na galit at frustration at ng matiim na pagkakatikom ng mga labi.
Halatang nagulat ito na makita siya roon. Pero saglit lang ay naging galit. “Charlene? Bakit ka nandito? Paano ka nakapasok?”
Napangiwi siya. Alam naman niya na hindi nito magugustuhan ang pagpunta niya roon pero kailangan niya tatagan. Mabilis na hinamig ni Charlene ang sarili at itinaas ang noo. “Hindi na mahalaga kung paano ako nakapasok. Ang mahalaga sa akin ay makita at makausap ka, boss.”
Tumiim ang bagang ni Art. “Ayokong makipagkita o makipag-usap sa kahit na sino. Umalis ka na.”
Nasaktan si Charlene pero hindi niya iyon pinahalata. Kinuyom niya ang mga kamao. “Boss, hindi ka puwedeng magkulong lang dito. Paano ang mga movie project mo? Napalitan ka na nga sa TV show na dapat kayo ni Brad Madrigal ang in-charge. Ang crew natin, nagtatanong na sila kung ano ang plano. Kailangan nila ng kabuhayan. At –”
“Those movie projects can all go to hell for all I care! At ang crew, sabihin mo sa kanila na puwede na silang magtrabaho sa iba. Kahit ikaw ay puwede mo na iyong gawin. You can find a far better job than being my assistant. Pareho nating alam na overqualified ka sa posisyon mo. Stop bothering about me. Umalis ka na.”
Uminit ang mga mata ni Charlene. Kung sana trabaho lang talaga ang tingin niya sa pagiging assistant ni Art, baka nga ganoon ang gawin niya. Maghanap ng ibang trabaho, talikuran ito at huwag na intindihin kahit ano pa ang mangyari dito. Ang kaso hindi ganoon. Kung gusto niya ng mas magandang career noon pa sana. Sana ay hindi niya araw-araw hinaharap ang sermon ng mga magulang niya that she can do better than be someone’s personal assistant.
Lumunok siya. Nakaramdam na ng inis. “Ganoon na lang iyon? Ganito ka na lang? Ang career na mahal mo, ang reputasyong iningatan at inalagaan mo sa nakaraang mga taon ay itatapon mo na lang basta? Dahil lang sa isang aksidente? Dahil lang sa isang babae?” sumbat niya.
Nagdilim ang mukha ni Art. “Shut up!” Dumagundong sa buong unit ang sigaw nito. Natakot si Charlene pero hindi niya pinahalata. Alam naman niya na kapag sinabi niya iyon ay magagalit ito.
“Wala na si Mylene, boss. Iniwan ka na niya. Mag-effort ka naman mag-move on. Mag-effort ka naman magpagaling at bumangon. Ang dami mong tagahanga na naghihintay sa iyo. Ang dami mong mga kaibigan na gustong maging okay ka ulit,” pakiusap ni Charlene.
“Wala kang pakielam! Get out. Ayoko nang makita ka pa ulit!” sigaw pa rin ni Art. Pagkatapos ay kahit hirap dahil nakasaklay ay tinalikuran siya nito, humakbang papasok sa silid at pabalibag na isinara ang pinto.
Naiwan siyang nakatayo roon, nalaglag ang balikat. Pagkatapos ay napalingon siya nang bumukas ang front door. Sumungaw si Keith, napatitig sa mukha niya at bumakas ang simpatya sa mga mata. “Kailangan mo nang umalis.”
Huminga ng malalim si Charlene bago malungkot na naglakad palabas ng unit ni Art. Sandaling katahimikan ang namayani bago nagsalita si Keith, “Nasaan ang may-ari ng uniporme na suot mo?”
Napatingala siya at nakaramdam ng guilt. “Huwag niyo siyang alisan ng trabaho, please.”
“Nasaan siya?”
Napabuntong hininga si Charlene. “Sa parking lot.”
Tumango si Keith. “Follow me. Sa fire exit ka na lang dumaan pababa. Baka may masalubong ka pang residente sa elevator.” Naglakad ang lalaki at sumunod siya. “Sa susunod na ulitin mo pa ang pagpasok dito, kahit na kapatid ka ni Charlie ay hindi ko na palalampasin. Do you understand?”
Napayuko siya, itiniim ang mga labi. “Pasensiya ka na. Pero hangga’t hindi ko napapalabas sa lungga niya ang boss ko ay hindi ko maipapangako na hindi ko na tatangkain pang i-infiltrate ang building niyo.”
Huminto sa paglalakad si Keith at hinarap siya. Determinado namang itinaas ni Charlene ang noo at sinalubong ang tingin ng lalaki para ipakitang seryoso siya. “Let’s compromise. Gagawa ako ng paraan para lumabas sa unit niya si Art. Hell, gagawa ako ng paraan para hindi ka na niya mapagtaguan. In return hindi ka na babalik dito. At lalong hindi mo ipagsasabi na nakapasok ka rito.”
Sunod-sunod na tumango si Charlene. “At hindi mo rin sasabihin kay kuya at kay Jay na nagpunta ako dito,” dagdag kondisyon niya.
“Fine.”
“At hindi mo aalisin sa trabaho ang night janitor.”
Tumaas ang mga kilay ni Keith. “Ako na nga ang tutulong sa iyo ang dami mo pang kondisyon.”
“Sige na,” ungot niya.
Napailing si Keith. “Fine.”
Ngumiti siya. “Deal. Anong gagawin natin?”
“Tatawagan kita kapag may naisip na ako. Give me your number.”
Tumango na lang si Charlene. Sabik at umaasang kung ano man ang maisip ni Keith ay maging daan para makasama niya si Art at maibalik ang binata sa dati.