CHAPTER 1

1706 Words
MALAS. Frustrated na napabuga ng hangin si Charlene Mariano habang nakapamaywang na nakatingala sa isang limang palapag na lumang gusali. Napapagitnaan iyon ng mga nagtataasan at modernong mga condominium building kaya nakailang ikot pa siya bago nakita ang gusaling nasa harap niya. Hayun nga at ginabi na siya. Inabot na siya ng alas diyes ng gabi. Alas sais na kasi siya nakarating sa lugar na iyon. Nang tangkain niyang lumapit sa entrada para pumasok ay wala naman siyang makitang handle para mabuksan ang malaking glass door. Kaya may palagay siyang electronic iyon o kaya ay nabubuksan lang mula sa loob. Wala namang intercom sa labas o kahit doorbell para makuha niya ang atensiyon ng kung sino mang puwedeng magbukas ng pinto. Paano siya makakapasok sa loob?             “Aatras na ba ako?” mahinang usal ni Charlene, laglag na ang mga balikat. Pero ang tagal bago niya nadiskubre ang gusali na iyon. Katakot-takot na pangungulit sa ate Cherry niya ang ginawa niya para lang mabigay nito sa kaniya ang address. Doon kasi dati nakatira ang bayaw niya. Actually, maging ang kuya Charlie niya ay doon din nakatira bago mag-asawa pero hindi nito ibibigay sa kaniya ang kailangan niya kaya hindi na siya nag-abalang magtanong pa.             Hindi lang basta career niya ang nakasalalay sa misyon niya sa gusali na iyon. Pati puso niya ay nakasalalay doon. After all, dalawang taon ang nakararaan ay isinugal niya iyon nang mag-resign siya sa trabaho bilang Communications Manager ng isang multi-million company para maging assistant ni Art Mendez. Nakita kasi niyang nag-post ang binata sa social media account nito na nangangailangan ito ng personal assistant. Dahil matagal na siyang tagahanga ni Art at parang may bumulong sa kaniya na oportunidad iyon para mapalapit sa binata ay nag-apply siya at natanggap. Iyon ay sa kabila ng galit at pagkadismaya ng mga magulang niya at ng kanyang lolo. Iyon ay kahit sinabihan at sinasabihan pa rin siya ng malalapit na kaibigan na nagpapakatanga siya. Marahas siyang umiling, dumeretso ng tayo at determinadong itinaas ang balikat. “Hindi puwede. Makakapasok ako sa loob sa kahit anong paraan.” Kung hindi sa front entrance, hahanap siya ng ibang daan. Matalim niyang tinapunan ng huling tingin ang glass door na ayaw bumukas bago siya tumalikod at naglakad palayo para ikutin ang gusali at humanap ng ibang mapapasukan.             Sa likuran ng gusali ay may nakita si Charlene na mukhang pasukan papunta sa parking lot pero nakasara din iyon. Napahinga siya ng malalim, mariing pumikit at frustrated na napaungol. “God, Art Mendez, bakit sa dinami-dami ng pagtataguan mo ay isang building pa na mahirap pasukin?”             May tumikhim sa likuran niya kaya gulat siyang napadilat at napalingon. Isang nakasuot ng faded blue overalls at baseball cap ang nakita niya. May mailman bag na nakasukbit sa balikat. Payat, kasing tangkad lang niya at hindi niya malaman kung babae ba o lalaki. Hindi naman kasi niya masyadong maaninag ang mukha nito. Mukhang flat naman ang bandang dibdib. Sumenyas ito na tumabi siya kaya ganoon nga ang ginawa niya. Pero hindi niya ito nilubayan ng tingin.             Namilog ang mga mata ni Charlene nang makitang may binuksan itong tila maliit na box sa pader, may pinindot na mga numero, may nag-click at saka nagsimulang tumaas ang harang. Bumukas iyon hanggang baywang nila. Saka ito yumuko at akmang papasok sa loob.             Napakurap siya at natauhan. Mabilis na nahawakan niya ito sa braso. “Wait!” Gulat na napalingon ang estranghero kay Charlene. Pero mas nagulat siya nang mapagtantong payat ang braso nito na parang…             “Bakit?” tanong nito sa mababang tinig.             Nag-focus siya sa dahilan kung bakit siya parang kriminal na aali-aligid sa gusaling iyon. “Tulungan mo ako,” mabilis na sagot niya. “Kailangan kong makapasok sa loob. May tao akong kailangan makita at makausap. Please, isama mo ako sa loob.”             Tinitigan siya nito. “Bawal pumasok ang babae sa loob. Umalis ka na.”             “No, please, you don’t understand! Iyong pupuntahan ko diyan, boss ko siya. Film director kasi siya. Baka nga kilala mo. Si Art Mendez. Dalawang buwan na siyang hindi nagpapakita sa opisina kaya marami na kaming projects na nakansela. May TV show na napalampas at nakuha na ng iba. Nagrereklamo na ang producers at sponsors. Lalo na ang crew niya na tengga at walang trabaho dahil ni hindi siya nagpapakita sa amin. Kailangan ko siyang kausapin. Please, tulungan mo naman ako.”             Pinakatitigan siya nito. Siguro ay sinisiguro na nagsasabi siya ng totoo. “Mawawalan ako ng trabaho kung papapasukin kita.”             “Hindi ako mahuhuli. Promise. At kung mahuhuli man ako, sasabihin ko na lang na… na sumabay ako ng pasok sa sasakyang dumating. Sige na,” pakiusap ni Charlene. “Trabaho ko ang nakasalalay dito. Ayokong mawalan ng trabaho,” sabi pa niya para lang maawa sa kaniya.             Mukhang nakuha niya ito sa huling sinabi niya. “Sige na nga. Pasok.” Pumasok ito sa loob at nagmadali siyang sumunod. Mahirap na baka magbago ang isip. Sa loob ay nakumpirma ni Charlene na parking lot nga ang napasukan nila. Nagpatiuna sa paglalakad ang estranghero at sumunod siya. Gumilid ang estranghero, huminto sa paglalakad at humarap sa kaniya. Napahinto din ako. “Ako lang ang pinapayagan pumasok sa Bachelor’s Pad kapag ganitong oras na hindi residente dahil night janitor ako dito. May mga CCTV camera sa ilang bahagi ng parking lot at maging sa elevator. Makikita ka agad kung ganiyan ang ayos mo.”             “So? Anong gagawin ko?” tanong niya.             Huminga ng malalim ang estranghero saka hinubad ang suot na baseball cap. Namilog ang mga mata ni Charlene sa pagkabigla nang sa wakas ay makita niya ang mukha nito. Pero bago pa siya makapag-react ay inabot na nito sa kaniya ang cap. “Isuot mo ito. Saka itong uniform ko, isuot mo rin.” Sinimulan nitong tanggalin ang overalls. Sa loob pala ay naka-t-shirt at jeans ito. “Kung si Art Mendez ang hinahanap mo, sa third floor siya nakatira. Unit 303. Tatlumpung minuto lang ang ibibigay ko sa iyo at kahit anong mangyari huwag kang titingala para hindi makita ng mga camera ang mukha mo. Huwag ka rin magpapahuli sa ibang residente maliban sa pakay mo dahil ako naman ang mawawalan ng trabaho kung sakali. Nagkakaintindihan ba tayo?”             “Okay. Thank you,” usal ni Charlene at mabilis na isinuot ang over-alls. Pagkatapos ay ibinuhol niya ang hanggang balikat na buhok bago isinuot ang baseball cap sa paraang tago ang mukha niya.             “Sige na. Bilisan mo.” Itinuro nito ang elevator. “Sa ground floor lang hihinto iyon. Pagkalabas mo, bilisan mo ang paglalakad paderetso sa isang hallway hanggang sa may makita ka ulit na elevator. Iyon ang sasakyan paakyat sa fourth floor.”             Tumango siya, muling nagpasalamat at saka mabilis na naglakad patungo sa elevator. Kumakabog ang dibdib niya sa magkahalong kaba at antisipasyon. Kaba dahil hiling niya na huwag siya mahuling nag-te-tresspassing at antisipasyon na makitang muli si Art na sa totoo lang ay natatawag lang ni Charlene sa pangalan kapag mag-isa lang siya at walang nakakarinig. Boss nga kasi niya. At nitong nakaraan lang ay nalaman niyang kaibigan pala ng kuya at bayaw niya. Iyon lang, hindi pa nga lang alam ng dalawa na nagtatrabaho siya bilang personal assistant ni Direk Art Mendez.             Huminto ang elevator at bumukas. Bumulaga sa kaniya ang malawak na hallway. Walang tao. Huminga siya ng malalim at nagsimulang maglakad. Hindi siya puwedeng magmadali dahil baka mahalata na hindi siya ang night janitor. Kaya nakahinga siya ng maluwag nang makita ang isa pang elevator. Mabilis siyang pumasok doon at pinindot ang button para sa ikatlong palapag.             Wala pa rin nakasalubong si Charlene nang makarating sa pakay na floor. Hinanap niya ang unit number na sinabi ng night janitor. Kumabog ang dibdib niya nang sa wakas ay matagpuan na niya iyon. Tumikhim siya at huminga ng malalim. Akmang kakatok siya nang may marinig siyang malakas na lagabog mula sa loob. Napaigtad siya. Anong nangyayari sa loob?             Nataranta siya nang biglang nag-click ang lock ng pinto at bumukas iyon. Napaatras siya pero hindi na nagkaroon ng pagkakataong magtago dahil may lumabas nang lalaki mula sa silid. “Kapag hindi ka pa talaga lumabas, pupuwersahin ka na namin!” sabi nito.             “Get out, Keith. Just leave me alone!” sagot ng nasa loob na nabosesan niyang si Art.             Kumabog ang dibdib ni Charlene, kumirot. Napatingala tuloy siya, nalimutan ang bilin ng janitor na tumulong sa kaniya na siguruhing palaging nakayuko. Tiyempong napabaling sa kaniya ang lalaking balbas sarado na nasa kanyang harapan. Nagtama ang mga mata nila. Natigilan ang lalaki pero mukhang nakabawi agad at mabilis na lumabas ng unit. Gusto niyang tumakbo pero may palagay siyang wala rin iyong magagawa. Nahuli na siya. At nakikita niya sa mukha ng lalaki na alam nitong hindi talaga siya dapat naroon. Sorry night janitor. Sana hindi ka talaga mawalan ng trabaho dahil sa akin.             Naningkit ang mga mata ng lalaki habang nakatingin sa kaniya. “Kilala kita.”             Namilog ang mga mata ni Charlene. Of course! Kilala rin niya ito. Kaibigan din ng kuya Charlie niya at ng asawa ng ate niya na si Jay ang lalaking nasa harap niya. “Keith?” alanganing tanong niya.             Namilog ang mga mata ni Keith. Pagkatapos ay mabilis na sumulyap sa kung saan, siguro sa CCTV camera, bago ibinalik ang tingin sa akin. Nakakunot na ang noo nito, halatang hindi gustong naroon siya. “Bakit ka nandito? Bawal ka sa loob ng building na ito. Obvious kung sino ang nagpapasok sa iyo but I will deal with that later. Pero ikaw, kailangan mo na umalis.”             “Wait lang! Kailangan ko muna siyang makita. Kung hindi balewala ang pagpasok ko rito,” reklamo ni Charlene.             Natigilan si Keith. “Sino ang gusto mong makita? Si Art?” manghang tanong nito. Malamang hindi rin kasi alam ng lalaki ang koneksiyon niya kay Art.             “Oo. Boss ko siya. Ako ang personal assistant niya at dalawang buwan na siyang hindi nagpapakita sa amin mula noong…” May bumikig sa lalamunan ni Charlene na pilit niyang nilunok. “Noong aksidente,” tapos niya sa mas mahinang tinig. “I-I need to see him.”  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD