“TULOY na ang farewell party ninyo. Dumating na si Charlie galing sa honeymoon niya. Natawagan ko na sila Brad. Game daw sila. Ikaw ba?”
“Oo naman,” nakangiting sagot ni Art Mendez sa tawag ni Keith. “Mamayang gabi, hindi ba? Darating ako. May date lang kami ng fiancée ko ngayong tanghali.”
Tumawa si Keith. “Fine. Sige. Kitakits na lang mamayang gabi.” Iyon lang at tinapos na nila ang tawag.
Sandaling inayos ni Art ang mga gamit sa kanyang opisina. Ilang buwan pa lang ang nakararaan nang kunin niya ang unit na iyon sa isang commercial building sa Makati para gawing headquarters. Para may masasabi namang workstation ang kanyang assistant at ilang staff and crew na kasama sa tinatawag na ‘package deal’ kapag siya ang kinuhang direktor ng isang pelikula. Dati kasi kapag may meeting ay sa kung saan-saan sila nagpupunta. Kaya naisip niyang kumuha na ng unit kung saan pwedeng ganapin ang brainstorming, meeting at tambayan na rin kapag wala sila sa location shoot. Lalo at ang commitment niya ngayon ay hindi bilang direktor ng isang pelikula kung hindi host at guest judge ng bagong programa ng isang malaking television network kung saan kasama niya ang kaibigan na si Brad.
Lumabas si Art sa opisina niya at agad hinanap ng tingin ang nag-iisang babae sa mga nakatambay sa lounge area. Ngumiti siya nang matagpuan ang hinahanap. “Charlene.”
Gumanti ng ngiti ang babae at mabilis na lumapit sa kaniya. “Yes, boss?” tanong ng assistant niya.
“Aalis na ako. Tumawag ba siya?”
Tumikhim si Charlene at nagbaba ng tingin, biglang naging abala sa pagtingin sa clipboard na hawak. “Yes. In fact parating na siya –”
Biglang bumukas ang pinto ng unit. Nawala ang atensiyon ni Art kay Charlene at napangisi nang makita ang babaeng dumating. “Hi, handsome. Ready to go?” patudyong tanong ni Mylene, ang kanyang fiancée. Nagkakilala sila sa isang birthday party ng common friend nila ilang buwan na ang nakararaan. For him it was love at first sight. Ilang beses sila nag-date bago sila nagkaalaman na mahal nila ang isa’t isa. Alam ni Art na si Mylene na ang babaeng gusto niyang makasama habambuhay kaya nag-propose siya agad. And he was glad she said yes.
Mabilis siyang lumapit sa babae at masuyong hinalikan ito sa pisngi. Nagsimulang manudyo ang crew niya na nakasaksi pero wala siyang pakielam. Inakbayan niya ang fiancée. “Aalis na ako.” Pagkatapos ay nilingon niya si Charlene na napakurap at ngumiti. Pero huli na dahil nahuli na ni Art na hindi ito nakangiti kanina. In fact she almost looked… hurt. Hindi lang niya alam kung bakit.
“Art, let’s go,” ayang muli ni Mylene.
Napakurap siya. “Char, ikaw na muna ang bahala sa lahat dito.”
“Yes boss,” mabilis na sagot ng babae. Tumango si Art at tuluyan nang tumalikod.
“Male-late na tayo sa movie natin. Bilisan mo na lang magpatakbo,” sabi ni Mylene nang nakasakay na sila sa kotse niya.
Natawa si Art at binilisan ang pagpapatakbo ng sasakyan. Tawa rin ng tawa si Mylene na kahit mukhang hindi makabasag pinggan ay mahilig talaga sa adventure. Binuksan pa nito ang bintana sa tabi nito. Binilisan pa tuloy niyang lalo ang kotse dahil alam niyang gusto iyon ng babae. Pagkatapos ay sinulyapan niya ito at ngumisi. “Ayan. Ganito ang gusto mo, hindi ba?”
Gumanti ng ngisi si Mylene. Pagkatapos ay bigla itong dumukwang, ikinulong sa mga kamay ang kanyang magkabilang pisngi at siniil siya ng halik sa mga labi. Nang ilayo nito ang mukha sa kaniya ay pilya itong ngumiti. Natawa na lang si Art at napailing. Magsasalita sana siya pero biglang nakuha ang atensiyon niya nang malakas na busina. Marahas siyang napabaling sa harapan. Namilog ang kanyang mga mata nang makita ang truck na matuling dumating mula sa kanan nila. Napatili si Mylene. Si Art ay kumambiyo upang iwasan ang truck. Pero huli na ang lahat.
Naramdaman niya ang impact nang pagtama niyon sa side ng driver’s seat. Nawalan siya ng kontrol sa manibela at nadala ng truck ang kotse. Naramdaman ni Art ang matinding sakit sa buo niyang katawan at nauntog pa yata siya sa kung saan. Nagdilim ang kanyang paningin. Kasabay nang paghinto ng kotse ay nawalan siya ng malay.
Nang magising siya, nasa loob na siya ng hospital room, walang pakiramdam ang mga binti, hindi magalaw ang leeg na may brace, lamog ang pakiramdam dahil sa mga pasa sa lahat ng bahagi ng katawan niyang hindi nawalan ng pakiramdam. Si Charlene ang una niyang nakita. Sinabi nito sa kaniya na isang linggo raw siyang walang malay. Na sinabi ng doktor na kahit matanggal ang semento sa mga binti niya ay hindi na magiging tulad ng dati ang mga iyon. Lalo at sumailalim pala siya sa operasyon at nilagyan ng permanenteng bakal ang kaliwa niyang binti. Iyon daw ang matinding nadale ng aksidente. Makakalakad pa rin siya kung tatiyagain ng therapy pero hindi na siya maaaring tumakbo ng mabilis. At malamang daw kapag malamig o kapag napuwersa ay sasakit ang kaliwang binti niya na may bakal.
At si Mylene… nasaan si Mylene?
Napasinghap si Art kasabay nang biglang pagmulat ng mga mata. Kisame ang kanyang nabungaran. Habol niya ang paghinga at ilang segundo bago niya naalala na nasa loob siya ng kuwarto niya, sa unit niya sa Bachelor’s Pad. Wala siya sa ospital. Dalawang buwan na siyang umalis doon. Pero kahit ganoon ay halos gabi-gabi pa rin niyang napapanaginipan ang sandaling iyon. Ang sandaling nagbago ang takbo ng buhay niya.
Huminga siya ng malalim at nilingon ang digital clock sa bedside table. Umaga na. Bumangon si Art at napangiwi dahil hindi katulad ng dati ay kahit ang pagbangon lang mula sa kama ay napakahirap na para sa kaniya. Pero kahit pinawisan siya ng malamig ay pinilit niyang makaalis mula sa pagkakahiga. Nang magawa iyon ay frustrated na nasuntok niya ng mga kamao ang magkabila niyang binti. Naiinis siya na hindi na umaayon sa gusto niya ang ibabang bahagi ng katawan niya.
Last week lang tinanggal ang semento ng dalawa niyang mga binti. Nang maaksidente sila ni Mylene ay minainobra niya ang sasakyan para iiwas ang passenger’s side kung nasaan ang babae. Kahit papaano ay naiwas niya ang kotse sa truck pero nahagip pa rin niyon ang driver’s side. Nayupi at naipit ang ibabang bahagi ng katawan ni Art. Until last week, baldado siya at kailangan pang naka-wheelchair. Pero hindi siya kumuha ng nurse. Hindi kaya ng pride niya na magpaalaga sa kung sino. Kahit mahirap ay namuhay siyang mag-isa sa unit niya, nagpapadala lang ng pagkain kay Derek na nakatira sa katabi niyang unit. Hindi siya lumalabas para hindi kailanganin ang extra effort na kumilos. Bukod sa ayaw na niyang magkaroon pa ng mapag-uusapan ang media na noong lumabas siya ng ospital ay dinumog siya para magtanong ng kung anu-ano. Sa isang linggo pala niyang pagka-comatose sa ospital ay araw-araw siyang naging laman ng balita.
Gamit ang saklay ay tumayo si Art. Pagkatapos ay hirap at paika-ikang naglakad palabas ng kuwarto niya. Mabagal pero at least nakakakilos na siya na hindi kailangan ng wheelchair. Nakarating na siya sa living room nang biglang may kumatok sa front door ng unit niya. Hindi niya pinansin. Lumakas ang katok.
“Art! Buksan mo ang pinto,” boses iyon ni Keith.
Tumiim ang mga labi ni Art. Ayaw niyang pagbuksan ang kaibigan na sa nakaraang dalawang buwan ay kinukulit siyang lumabas. Kahapon nga lang ay pumasok ito sa unit niya nang walang paalam, ginamit ang extra keycard na hawak nito bilang manager ng Bachelor’s Pad.
“Alam ko na kaya mo iyang buksan!” inis na sagot ni Art sa malakas na tinig.
Tumahimik sa labas ng unit niya. Pagkatapos ay narinig niyang tumunog ang lock niyon at bumukas ang pinto. Pumasok si Keith. Nagulat siya nang makitang kasama din nito sila Ross, Draco, Derek at Apolinario Montes. Ang una ay residente ng ibabang floor habang ang tatlo ay kapitbahay niya sa third floor.
“What the hell?” gulat na nasabi ni Art.
Namaywang si Keith. “Hindi ba sinabi ko na sa iyo kahapon? Kapag hindi ka pa lumabas pupuwesahin ka na namin. Aalis ka sa unit mo sa ayaw at sa gusto mo. You need to get some fresh air, Art. Hindi ka makaka-recover dito. Tutulong kami iempake ang mga gamit mo.” Iyon lang at nagsipagkilos na sila Derek, Draco at Montes. Nagpunta sa kuwarto niya.