NANG unang beses na napanood ni Charlene magtrabaho si Art ay manghang mangha siya. Sa personal ay kaswal at masarap kausap ang binata. Unassuming. May mga guwapo at popular na lalaki na feel na feel ang kaguwapuhan to the point na ang hambog na ng dating. Hindi ganoon si Art. Kahit sino ka pa ay kakausapin ka nito. At alam mong hindi lang kaplastikan kapag kinausap ka ng binata dahil talagang ang buong atensiyon nito ay sa iyo lang, ang mga mata ay hindi ka lulubayan. Si Art ang tipo ng lalaking kahit halata namang out of your league ay aasa ka na pwede kayong maging close. Mabait at humble kasi. Ubod pa ng charming. Pero pagdating sa trabaho ay parang ibang tao si Art. Mas seryoso, mas focused at mas passionate. Siguro ang iba ay iisiping masungit ang binata kapag naka-‘Director’ mode.