"Anong patawarin na sinasabi niya, walang magpapatawad! Gaganti ako! ipapakita ko sa kanila lahat ng ginawa nila sa akin. Hindi ako titigil hanggat hindi sila gumapang papalapit sa akin para magmakaawa. At halikan ang mga paa ko at saka doon sila humingi ng tawad." Sumubo siya ng cake pagkatapos ay muling nagsalita. "Pero siyempre, dahil wala akong balak na patawarin sila, hindi ako magpapatawad. Mamatay sila kakahingi ng tawad, hindi ko sila papatawarin." sabi pa ni Fina ay nagsitawanan ang mga kasama niyang kumakain ngayon sa likod ng simbahan kung saan sila naka-pwesto para kumain.
Sinadya niya talaga na mag-order ng isandamakmak na pagkain kanina sa restaurant para i-take-out at ipakain sa mga kasama niya rito sa labas ng simbahan. Lalong-lalo na si Nanay Rusing.
"Tama ka naman, alam mo, yung mga mayayaman lang ang kaya magpatawad. Pwede kasing tapalan ng pera lang ang peace of mind nila. Aba, ako rin, kung isandamakmak ang kaperahan ko ngayon. Aba! Tablado na lahat ng nang-api sa akin. Bahala kayo sa buhay niyo, basta ako.. lumalangoy sa salapi, wala akong pakielam sa inyo! Pero dahil sa isa lang rin akong palaboy, at ilog lang ang nilalanguyan ko. Kaya huwag din silang mag-expect na tayong mga palaboy at taong-grasa dito na naapi at inaalipusta nila ay papatawarin sila. Kaya tama naman ang ginawa mo, Fina." sabi naman ni Marie na isa sa kasama niyang nagbebenta ng plastic noon pa.
"Totoo, dapat lang na huwag mong patawarin. At buti na lang din at nagpa-take out ka. Ngayon lang kami nakatikim ng ganito kasarap na mga pagkain." sabi naman ni Nicer na isa sa mga nagtitinda ng sampaguita na medyo close niya.
Tumango-tango si Fina at sumubo ulit ng cake.
Nagtawag siya ng mga kasama niya sa labas ng simbahan. Lalo na yung mga mababait sa kaniya at talagang nag-enjoy sila sa mga pagkain na na-take out niya kanina nang mag-usap sila ni Evette.
"Tapos hindi lang iyon, alam niyo ba, gusto pa akong paalisin dito sa labas ng simbahan. Aba, inoferan pa ako ng pera, sampung libo para raw magbagong buhay ako. Hindi niya alam nakaka-five hundread ako araw-araw sa pamamalimos at pagbebenta ko ng sampaguita. If I know, ayaw niya lang ako makita kapag nagsisimba siya." pagbibida niya pa at nagsalita si Nicer.
"Ang bobo mo naman Fina, sampung libo na iyon, hindi mo pa tinanggap ang alok niya." asar ni Nicer sa kaniya kaya nagtawanan sila.
Nilunok ni Fina ang pagkain na nasa bibig pagkatapos ay muling nagsalita. "Sinong nagsabing hindi ko tinanggap?" Dinukot niya ang naka bundle na pera na isinuksok niya sa kaniyang bra at ipinakita sa kanila, kaya naman ay napahiyaw ang mga naroon dahil sa gulat. "Hahaha! bakit naman ako tatanggi sa biyaya aber?!" aniya pa bago muling itinago ang pera at isisuksok ulit sa kaniyang bra.
"Iba ka talaga, Fina! idol na talaga kita." sabi ni Nicer.
"So ano? susundin mo ba yung sinasabi niya na umalis dito sa barrio natin?" tanong naman ni Gina na siyang isa sa rin sa mga nagtitinda ng sampaguita.
Sinundutan naman iyon ni Manang Beng na isa naman sa mga matatandang namamalimos sa labas ng simbahan, "Paano na iyon iha? aalis ka talaga? iiwan mo na kami?" malungkot na sabi nito.
Napamerang si Fina at natawa. "Siyempre hindi no, bakit ako aalis dito?" aniya.
"Pero kinuha mo ang pera na binigay ng pinsan mo?" Nicer.
Muling napahalakhak si Fina, "Siyempre, kinuha ko pero hindi ibigsabihin n'on na aalis ako. Ano siya Mama ko para sundin? ni wala nga siyang ambag sa buhay ko. At isa pa, wala itong isang libo sa pera na kinamkam nila nang ibenta nila ang bahay na pinama sa akin ng Nanay ko." inis niyang sabi bago muling sumubo ng cake. "Akala naman nila ng dahil sa sampung libo na ibinigay niya ay mapapatawad ko siya? ano ganon-ganon lang iyon? sampung libo ang bayad sa mga kasalanan nila ng Nanay niya sa akin?. Hindi nila mabibili ang kapatawaran ko sa halagang sampung libo!"
"Kung ganoon magkano pala dapat?" tanong ni Marie.
"Mga 50 million pesos- ay este! walang kapantay na salapi ang ginawa nila sa akin." sigaw niya kaya napahiyaw sila. Ilang saglit lang ay napatahimik sya at nagseryoso. "Alam niyo sa totoo lang, nang dahil sa ginawa niyang iyon, mas lalo lang akong nabuhayan sa mga nais kong gawin."
"Ano ba ang nais mong gawin ha?" Tanong ni Gina.
Tumaas ang kilay ni Fina at mas lalong bumakas ang determinasyon sa kaniyang mukha. "Buo na ang desisyon ko, gagantihan ko sila sa lahat ng mga ginawa nila sa akin. Ipapamukha ko sa kanila lahat ng kasalanang ginawa nila sa akin. At magagawa ko lang iyon kapag mayaman na ako. Kaya kailangan kong maging mayaman! magpapayaman ako! magiging mayaman ako at babawiin ko ang bahay ng Nanay ko na ibinenta nila. Hindi lang iyon, yung bahay na kinatitirikan ng bahay nila bibilhin ko rin! pati itong kinatitirikan ng barrio at itong plaza bibilhin ko!"
"Magpapayaman ka? eh paano ka magiging mayaman?" tanong ni Nicer.
"Mamamalimos ako!" masaya at determinado na sigaw ni Fina kaya muli silang natawa.
"Gaga! paano ka yayaman sa kakalimos? naku girl baka imbis na matuloy ang mga plano mo ay mas lalo ka lang pagtawanan ng mga kamaganak mong matapobre. At imbis na ang lupa dito sa barrio ang mabili mo ay isang paso lang ng lupa ang mabili mo."
Napatahimik si Fina at napaisip. Tila napagtanto ang sinabi ni Marie. "Oo nga, kung sabagay. May punto kayo." anito bago napakamot sa kaniyang ulo. "Siguro magnanakaw na lang ako? O kaya kidnappin ko si Father. Mag-kidnap and ransom ako, tingin niyo may tutubos kay Father?"
Muling natawa ang mga naroon dahil sa sinabi niya.
"Ewan ko sa iyong bata ka, puro ka kalokohan." sabi naman ni Nay Rusing kaya nilapitan niya ito at niyakap.
"Joke lang naman po. Saka na po ako magpapayaman, sa ngayon nag-eenjoy pa ako na kasama kayo rito. Saka na ako maghihiganti okay?"
Natatawa at napailing na lamang ang mga nandoon dahil sa mga pinagsasabi nito. Bumalik sila sa pagkain ng pinagsasaluhan nila ngayon. Hanggang sa magsalita si Nanay Rusing.
"Alam mo Fina, mahirap mabuhay nang may galit sa puso. Naiintindihan ko na hindi mo sila kayang patawarin. Subalit huwag mo rin dalhin sa puso mo yung galit at sama ng loob mo. Kahit kailan ay hindi maganda ang naidudulot ng paghihiganti. Kaya kung ang balak mo ay magpayaman, magpayaman ka para sa sarili mo. Para gumanda ang buhay mo at tuluyan mong makamit ang mga pangarap mo. Huwag mo nang pagkaabalahan ang lupa dito sa barrio, lalo pa at sinumpa ang lupa rito. Wala na, palubog na, at hindi na aasenso." ani ni Manang Rusing kaya napatigil silang lahat.
Napalabi si Fina, "Ang seryoso non, Nay Rusing. Pero huwag ka po mag-alala, Inay. Hanggat hindi ka pa namamaalam, mananatili ako rito. Pwede ba naman na iwan kita?"
Siniko si Fina ni Marie, "Gagita ka talagang babae, bakit mo naman hihintaying si Manang Rusing na pumanaw? p'wede mo naman siya isama sa pag-asenso mo."
"Ay, kung sabagay, may point ka ulit, Marie. Grabe, akalain mo iyon, kahit madalas pagpag kinakain natin may sustansya pa rin pala na napupunta sa utak mo."
"Oo, sa akin mayroon sa sustansya, sa'yo wala." asaran nila at hindi nagpatalo si Fina. Tumayo siya at naghamon sa kaibigan.
"Grabe ka sa akin, Marie ha? untog kita sa dede ko." banta ni Fina at napahalakhak sila.
"Ikaw kasi eh, eh hindi naman kasi sa pagpag ko nakuha yung sustansya sa utak ko, kundi sa Marie Biscuit na binibili ni Nanay sa akin noon."
"Tangina mo, paanong may sustansya yung Marie, Marie? eh piso isa lang iyon tapos puro hangin pa, ano sustansya doon?."
"Wow naman, Fina? para namang hindi mo kinakain yung Marie biscuit ko noon na nalalaglag sa cemento noon--"
"Tama na nga iyan." Putol ni Nicer sa kanila. "Para kayong mga timang diyan eh. Pareho niyo nang dinidilaan yung mga uhog na sipon niyo noon. Baka doon niyo nakuha yung sustansya."
"Wow, nicer! parang hindi mo kinain kulangot mo?!" asar ng dalawa pabalik kaya nilakihan sila ng mata ni Nicer.
Napaka-kulit talaga ng apat na dalaga na ito, na halos mag-kakasabay na lumaki rito sa lansangan. Na kahit matatanda na ay parang mga bata pa rin mag-asaran at mag-away. Pero kahit na ganoon ang tatlo ay sila ang madalas magtulungan lalo na sa mga kalakaran rito sa lansangan.
Siguro iyon din ang isang bagay na hindi niya inaasahan simula nang manirahan siya sa lansangan. Ang mga tao rito iba-iba ang mga pinagdadaanan. Iba-iba ang problema ngunit kahit na ganoon ay hindi iyon naging balakid sa kanila para maging masaya kahit sa maliit at simpleng bagay lang. Ang mga tao rito ay hindi madamot, kapag walang makain ang isa, magtutulungan ang lahat para makain lang.
"Kayo talaga, hala, ubusin niyo na ang mga pagkain niyo at kailangan na natin bumalik sa mga pwesto natin. Sayang ang kita." sabi pa ni Nay Rusing kaya naman ay bumalik na sila sa pagkain ng mga inuwi ni Fina para sa kanila.
Nang matapos silang kumain ay tumulong si Fina sa pagliligpit ng mga pinagkainan nila. Lumapit si Manang Rusing sa kaniya. "Fina."
"Yes po, Nay?" tanong niya at nilingon ang agad na binitawan ang kaniyang ginagawa. "Ano po iyon, Nay Rusing?"
"Fina, alam kong wala ako sa posisyon para pangunahan ka sa mga desisyon mo. Pero pag-isipan mo ang sinabi ng pinsan mo. Tutal kinuha mo naman ang pera, bakit hindi mo iyan gamitin para makapagsimula. Sa tingin ko naman ay sasapat yan panimula sa Maynila. At kung kulang naman." May dinukot ito sa kaniyang bulsa na bilog na pera na tig bebente at inilagay iyon sa palad ni Fina. "Iyan, idagdag mo iyan. Mga kulang-kulang apat na libo iyan." ngunit hindi lang iyon, kumuha ito ng ilan pang perang papel sa kaniyang bulsa. May bente, isang daan, singkwenta at limang daan pa. "Ito, idagdag mo na iyan. Sa tingin ko ay kakasya iyan sa pamasahe para naman hindi mo na magastos yung mga buong pera."
Umiling si Fina at ibinalik ang pera. "Inay, ano ba? huwag na, sa inyo na iyan. Ipon niyo po iyan at wala nga halos kita rito tapos ibibigay niyo sa akin iyan?"
"Sige na, iyo na ito. Kunin mo na." pilit pa ng matanda sa kaniya pero pilit rin na tinanggihan iyon ni Fina.
"Nang, hindi po ako aalis, dito lang ako kaya wala rin po ako paggagamitan niyan. Kaya itago mo na po iyan." ani ni Fina kaya napabuntong-hininga na lamang ang matanda.
"Sayang ang opportunity, anak. Totoo naman ang sinabi ng pinsan mo. Dapat umalis ka na rito, may magandang buhay na nag-hihintay sa iyo, malayo sa lugar na ito. At hindi mo mararanasan iyong patuloy kang mananatili sa lugar na ito."
Napabuntong-hininga si Fina at niyakap ang matanda. "Nang, alam ko naman iyon. Pero, ayoko muna umalis sa lugar na ito. Saka huwag kang masyadong papadala kay Evette, kaya lang naman sinabi nung babaitang iyon ang bagay na iyon at binigyan din ako ng pera para umalis sa lugar na ito, ay dahil naiirita na siyang makita ako sa labas ng simbahan sa tuwing magsisimba sila nung pangit niyang Nanay. At kapag umalis ako ay parang nabunutan sila ng tinik mag-ina. Kaya asa siya, hindi ako aalis, at kahit mag-wala pa sya dahil sa bwisit kapag nagkikita ako. Wala akong pake, bu-bwisitin ko lalo sila."
Hindi napigilan ng matanda na matawa sa sinabi niya. "Ikaw talaga, hindi ko alam kung biro na naman iyan o totoo na."
"Aba, Inang! totoo po!" bungisngis na sabi na rin ni Fina bago niyakap ulit ang matanda. "Saka po nandito ka po, bakit mo naman naisip na iiwanan kita rito, Inang? hindi ko po kaya na mawalay sa iyo. Minsan na po akong nawalan ng Nanay, ayoko na pong maulit ulit iyon."
Napangiti si Manang Rusing at pinisil ang pisngi ni Fina, "Ako rin, ayoko na mawalay ka kung ako rin lang ang papipiliin, lalo pa at anak na rin ang trato ko sa iyo. Pero.." hinawakan ng matanda ang kaniyang kamay at pinisil iyon. "Pangako mo sa akin, na hindi habambuhay ay mananatili ka rito. Dadating ang panahon, na kailangan mo nang umalis. Hindi para sa kung ano pa man, kundi para sa sarili mo lang."
--
"Te, bili ka na ng sampaguita." alok ni Fina sa babae na kakalabas lang ng simbahan pero umiling lang ito. "Palimos na lang, Te."
"Diyos ko, ang laki-laki ng katawan mo namamalimos ka? bakit hindi ka mag-alok ng labada?." sarkastikong sabi nito kaya tila nagpanting ang taenga ni Fina.
"Te, grabe sa makalaki ng katawan ha? 24 lang bewang ko. Saka sunday ngayon. Araw ng simba kaya ang schedule ko ngayon magtinda ng sampaguita. Yung paglalaba kahapon iyon. Saka mas malaki kita ko sa sampaguita, ano bang paki mo?"
Napairap na lang ang babae at umalis sa harap niya. Sinungitan niya rin ito pabalik bago bumalik na sa pagtitinda ng mga sampaguita. "Te, Kuya, sampaguita po.. Sa mga nakaluwag-luwag baka pwede rin makilimos!" aniya pa. May ilan na bumili sa kaniya ng sampaguita, may ilan rin na nagbigay ng limos. Hanggang sa muling pagkakataon ay nakita niya ang kaniyang pangit na tiyahin. Nakasunod din dito ang kaniyang mga pinsan mga asawa ng mga ito at mga pamangkin. At kagaya rin ng kaniyang inaasahan ay nandoon si Evette. Nilampasan siya ng mga ito, maliban si Evette at talagang huminto pa sa harap niya, nagpaiwan pa nga ito.
Bakas sa mukha ni Evette ang pagtataka dahil nandito pa rin siya. "Fina? akala ko ba ay umalis ka na kagaya ng napagusapan natin?"
Kumunot ang noo ni Fina. "Ha? may usapan ba tayo?"
"Kinuha mo yung pera na binibigay ko, so hindi ba kasunduan iyon?"
Umiling si Fina, "Hindi kasunduan iyon, Evette. Sabi ko naman makikinig ako sa mga nais mong sabihin. Kinuha ko ang pero hindi ibigsabihin na aalis na ako."
Nanlaki ang mga mata ni Evette. "Fina, tinutulungan na nga kita eh. Bakit ba ayaw mong umalis sa lugar na ito?"
"Bakit? dahil ba sa iritang-irita na kayo ng Nanay mo na makita ako rito sa simbahan?"
"Oo!" sigaw ng kaniyang tiyahin bago dinuro siya. "Ayaw namin makakita ng mabaho at madungis na kagaya mo rito sa simbahan."
Pinanlakihan sila ng tingin ni Fina, "Edi, lumabas din ang totoo?! magkasabwat kayong mag-ina para talaga paalisin ako rito?!"
Umiling si Evette, "Hindi--"
"Ayan na nga ba ang sinasabi mo eh, bakit ba kasi tinutulungan ang babaeng ito?! sinabi ko na sayo noon pa na hindi na natin kamaganak ang babaeng iyan, dapat hindi mo tinutulungan iyan, ang tigas talaga ng ulo mo!"
"Wow!" hindi makapaniwala na sabi ni Fina at natawa. Ang mga tao roon sa paligid ay nakatingin sa kanila kaya naman kinuha niya iyon na pagkakataon para isiwalat sa mga naroon kung sino talaga ang kaniyang Tiyahin. "Narinig niyo iyon? hindi na kamaganak, so inamin din ng mga banal-banalan na ito na naging kamag-anak nila ako. Gusto niyo ba malaman kung anong nangyari? well. Itong tiyahin ko lang naman na pangit na ito, noong pumanay ang Nanay ko sa sakit, ginamit ang bangkay ng nanay ko para sa sugalan. Tapos nang ilibing ang Nanay ko, kinamkam ang bahay na iniwan sa akin at pinalayas ako upang maging batang palaboy. Almost 20 years akong nanirahan dito sa labas ng simbahan, namamalimos, nagbebenta ng kung ano-ano. Habang siya, nagpapakasasa sa pera ng nanay ko, at dinadaan-daanan lang ako rito na parang isang bula at hindi kilala." galit na pagsisiwalat ni Fina kaya nagbulungan ang mga naroon.
"Ikaw, bunganga mo ha!" sigaw ng tiyahin niya at lumapit sa kaniya na akmang susugod.
"Oh bakit? nahihiya ka na malaman ng buong barrio na may demonyong nakakapag-simba sa simbahan? buti nga hindi ka nasusunog kapag pumapasok ka diyan eh!"
"Aba! putangina mo ha!"
"Putangina ka rin!"
Naging mainit ang alitan, hanggang sa hindi na nga naiwasan at nagsabunutan sila. Nagkagulo ang mga naroon, ang iba ay pilit silang inaawat ngunit buo rin ang determinasyon ni Fina na masabunutan ng matindi ang kaniyang tiyahin.
"Josefina!" sigaw iyon ni Nanay Rusing niya na tumakbo upang patigilin sila. "Fina, tama na iyan!"
"Hindi, Inang! hindi ako titigil hanggat hindi nakakalbo itong demonyitang pangit na ito!" sigaw ni Fina at patuloy na sinabunutan ang kaniyang Tiya na halatang masakit na ang anit.
"Tama na! tama na yan!" sugaw ulit ni Rusing at pumagitna. Ngunit naitulak siya ni Babeng. Napaatras si Rusing, at hindi napansin ang hagdan. Sinubukan niyang kumapit sa may gilid ngunit wala siya agad nahawakan, dahilan upang tuluyan siyang malaglag sa hagdan. At nang marating niya ang ibaba ay mapuruhan ang kawawang matanda nang tumama ang ulunan nito sa malaking bato, dahilan para tumagas ang dugo mula sa ulo nito.
Napasigaw ang mga naroon, nag-panic ang ilan lalo pa nang makita ang kinahinatnatan ng matanda. Dahilan para mapatigil si Fina at mapalingon. Nanlaki ang mga mata niya nang makita ang itinuring na ina sa mga nakalipas na taon na nasa dulo ng hagdan habang tumatagas ang dugo sa ulo nito sa malamig na cemento.
"Inay Rusing!"