Chapter 5

1357 Words
Dead on arrival nang dalhin si Manang Rusing sa hospital. Aksidente ang nangyari at walang may gusto kaya wala rin maituro kung sino ang dapat sisihin. Ngunit para kay Fina, isa lang ang dapat sisisihin, at iyon ang Tiya Babeng niya lalo pa at ito ang dahilan kung bakit napaatras si Nanay Rusing at nahulog sa may hagdan. Punong-puno siya ng galit, lalo pa na ang kaisa-isang tao na siyang nag-mahal at nagbigay aruga sa kaniya simula nang mawala ang kaniyang ina ay nawala na rin. Na ang natatanging tao na nagbibigay sa kaniya ng lakas ng loob para magpatulong ay wala na rin. Ngayon, para kay Fina, hindi na lamang ang bahay o ang kabataan at magandang kinabukasan niya ang kinuha sa kaniya ng kaniyang Tiya Babeng, kundi maski na rin ang nag-iisang tao na nagsilbi niyang kakampi sa buhay na mayroon siya. Napakasakit sa kaniya na mawalan muli ng pangalawang ina. Labis ang paghihinagpis niya lalo pa at hindi deserved ng kaniyang Nanay Rusing na pumanaw sa ganoong paraan. Muling pumatak ang kaniyang mga luha, nakaupo sa sulok ng kubo kung saan nakatira si Nanay Rusing. Ang masaklap pa ay wala sa burol na ito ang anak nito para manatili sa tabi nito kahit sa huling sandali. Mas inuna pa nito ang bisyo, ang saya lalo pa at wala na ang matandang ina. Sa isip niya, may ganoon palang klaseng anak? na gugustuhin na mawala ang mga magulang nila. Samantalang may mga tao na gagawin lang ang lahat madugtungan lang ang buhay ng kanilang mga magulang. Na hinihiling ang isa pang pagkakataon para mas makasama ang mga magulang nila. Parang siya ngayon, ilang taon siyang binabangungot sa mga ala-ala na nais niya sanang baguhin, na sana ay mas naiparamdam niya sa kaniyang Ina ang kaniyang pagmamahal. Na sana ay mas pinigilan niya pa ito sa mga araw na sobra na ang pagod dahil sa pagtatrabaho. At ngayon naman ay kay Nanay Rusing. Paulit-ulit niyang hinihiling na sana ay maibalik niya ang oras nang umawat ito sa kanila. Na sana ay huminto na siya, na sana ay hindi na siya pumatol sa Tiya niya, na sana ay nahawakan niya agad si Nanay Rusing upang hindi ito nalaglag sa hagdan. Pero huli na ang lahat, nangyari na ang nangyari. Wala na si Nanay Rusing. Wala na ulit ang Nanay niya. At kahit na anong gawin niya ay hindi niya maibabalik ang mga nangyari sa nakaraan. Pinunasan ni Fina ang kaniyang luha at muling napatingin sa kabaong ni Nanay Rusing. Hindi niya magawang tignan muli ang loob non dahil alam niyang hindi na naman siya titigil sa pag-iyak. "Kailan ang libing niya?" rinig niyang tanong ng isa sa mga nakiramay. "Hindi pa namin alam kung kailan. Bukod sa hindi kami ang makakapag-desisyon lalo pa at hindi naman pumupunta ang kaniyang anak ay kulang pa ang pampalibing niya." sabi ng pamangkin ni Nanay Rusing na si Maymay. "Ganoon ba? kawawa naman si Inday Rusing." sabi pa ng nakikiramay bago nagpunta sa harap at sinilip ito sa kabaong. Tumayo si Fina at lumapit kay Maymay, agad naman napalingon ito sa kaniya at tila natuwa na nakita na siyang tumayo at hindi lumuluha. "Hay, Fina. Nag-aalala ako sa iyo. Kumain ka muna kaya? Ilang araw ka ng walang kain. Baka naman magkasakit ka niyan." nag-aalala pang sabi nito sa kaniya. "Ayos lang ako." aniya at kinuha ang palad ni Maymay at inilagay roon ang pera na inipon niya. "Ate, alam ko na kulang 'yan, pero ipandagdag niyo na po iyan sa mga gastusin. Isa pa, ipalibing niyo na si Nanay Rusing, huwag niyo nang hintayin ang anak niya dahil wala naman pakialam ang lalaking iyon kay Nanay Rusing." sambit niya habang maluha-luha. Ngunit mabilis niyang pinahid ang kaniyang mga luha at muling napatingin sa Maymay. "Ito na rin po ang huling araw ko rito. Masakit man, hindi ko rin siya maihahatid sa huling hantungan." "Ha? anong ibig mong sabihin? hindi ka pupunta sa libing?" gulat na tanong nito. Tumango si Fina at pilit na kinontrol ang mga luha na pabagsak na. "Opo, aalis ako sa lugar na ito kagaya ng ilang beses nang bilin sa akin ni Nanay Rusing. Siya lang naman ang dahilan kung bakit hindi ako makaalis. Dahil ayaw ko na malungkot siya kapag umalis ako para maghanap ng mas magandang buhay, dahil nais ko siyang samahan at nais kong ibalik sa kanya lahat ng pagaaruga na ginawa niya sa akin noon pa man. Bago siya naaksidente, kinausap niya ako at sinabihan na tanggapin na ang alok ng pinsan ko pero tumanggi ako dahil ayaw ko talaga siyang iwan. Sa huling pagkakataon ay nakiusap siya, pero sumuway pa rin ako. Kaya ngayon, ngayon na ang pagkakataon ko para sundin ang nais niya para sa akin. Ayoko na dalhin siya sa kaniyang huling hantungan na narito pa rin ako," Tumango si Maymay sa kaniyang sinabi bago niyakap siya nito ng mahigpit. "Naiintindihan ko, at alam kong magiging masaya si Nanay Rusing sa gagawin mo. At salamat din dito sa pera, malaking tulong ito. Ngunit higit sa lahat, maraming salamat sa mga ginawa mo kay Nanay Rusing, kahit paano ay naramdaman niya ang pagmamahal ng isang anak mula sa iyo." Dahil sa sinabi ni Maymay ay muling pumatak ang mga luha ni Fina, "Ipinaramdam niya rin sa akin Ate ang kalinga at pagmamahal ng isang ina. At malaking pasasalamat ko iyon sa kanya, dahil kung hindi, baka matagal na rin po akong wala." Dahil sa kaniyang sinabi ay hindi na rin napigilan ni Maymay ang kanyang emosyon at pati rin ito ay naluha. Naging isang ina para sa lahat si Nanay Rusing. Ito rin ang halos na nagpalaki kay Maymay na lagi niya rin kasamang nagtitinda ng plastic noon. Kaya naman ramdam niya rin na nagiging emosyonal ito ngayon. "Salamat Fina. Nakakalungkot na aalis ka na pero siguro nga tama si Nanay. Malayo ang mararating mo, hindi ka para dito sa Barrio Latin aasenso. May mas magandang buhay ka sa ibang lugar, hindi rito." maluha-luha na sabi nito. "Itong pera na ito, sapat na ito pambayad para maayos ko na ang pagpapalibing kay Nanay lalo pa at pumayag si Father na sa sementeryo ng simbahan na lamang siya ilibing at walang dapat ibayad sa pwesto. Iyong ibang gastusin pumayag naman ang baranggay na tumulong at ipautang. At makakaasa ka na kapag umayos ang panahon ay ipapalibing na namin siya." "Salamat, Maymay." muli ay niyakap niya ito. "Kampante na ako dahil nandyan ka. Ikaw na rin magpaliwanag sa iba, ayoko na magpaalam dahil ayoko ng dagdagan ang lungkot na nararamdaman ko. Kaya naman ay aalis na ako." Sabay silang napatingin sa labas nang marinig ang malakas na hangin. Agad naman na nag-alala si Maymay. "Talaga bang ngayon ka na aalis? may bagyo at masama ang panahon, sigurado ako na kung nagbabalak ka na magpunta sa Maynila ay suspendido rin ang mga biyahe ng bus sa terminal." "Kailangan ko ng umalis ngayon, dahil kung hindi ay baka magbago ang isip ko. Kaya mas mabuti na ngayon na buo ang loob ko." --- Napakalakas ng ulan, sumabay pa ang lakas ng hangin na halos pumipito na tunog. Basang-basa si Fina habang nakatayo sa may tulay at pinagmamasdan ang agos ng tubig mula sa ibaba. Dahil probinsya at ganitong may bagyo, normal na wala ng mga tao sa labasan. Kaya ngayon, habang nakatayo siya sa may tulay at iniisip ang isang bagay para wakasan ang buhay niya ay walang tao na maaring umawat sa kaniya para gawin ang kaniyang pinaplano. Sa kaniyang isipan ay, sa labis na lakas ng current ng tubig sa ibaba na siyang dumudugtong sa may dagat at ilog rito sa barrio, tiyak na ang diretso niya ay sa dagat. At sa tindi ng bagyo at lakas ng agos ng tubig ay hindi siya makakaligtas. "Tatalon ako para matapos na ang lahat. Wala na si Inay, wala na si Nanay Rusing. Walang-wala rin ako para magsimula. Kung ganon ay paano? wala na rin silbi ang buhay ko, at isa pa pagod na ako. Sawang-sawa na ako sa buhay ko." iyan ang mga sinabi niya habang pinagmamasdan ang current ng tubig sa ilalim.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD