Chapter 3

1527 Words
"Wow, Evette? kilala mo pa pala ako? akala ko pa naman kagaya ka na ng Nanay mo na parang nabagok at nakalimot?" sarkastikong sabi ni Fina sa kaniyang pinsan na nasa harapan niya. Napayuko si Evette, tila nahiya dahil sinabi ni Fina. Lalo pa na may ilang mga tao na napatingin sa kanila dahil napalakas na rin ang boses ni Fina. "Fina, alam kong galit ka sa akin. Sa amin, lalo na kay Nanay. Naiintindihan ko iyon. Pero sana makinig ka sa akin ngayon." pakiusap pa nito at pilit na hinawakan ang kamay ni Fina pero mabilis iyong hinawi ni Fina. "Don't touch me! ayoko na madungisan ng maitim mong budhi ang makinis at maputi kong balat!" anito pa kahit na kita ang dumi sa mga braso ni Fina. Alam niyang kung titignan ay mas malinis tingnan si Evette sa kaniya. Walang-wala nga ang ayos niya sa ayos nito na pansin mo pa na mamahalin ang suot nitong damit, at nangangalingasaw pa ang amoy ng mamahaling pabango nito. Lamang lang ito sa paligo, pero kung maliligo si Fina at magsusuot ng ganitong damit, aba! p'wedeng-pwede siya na lumaban sa pageant. "Huwag mo akong daanin sa pakiusap na iyan dahil wala ka naman ambag sa buhay ko. Kahit kailan hindi ako makikinig sa kung ano man sasabihin mo." masungit pa na sabi ni Fina. Napatingin si Evette sa paligid dahil sa mga taong nakatingin, "Fina, alam ko naman. Pero sana pakinggan mo muna ako. Punta tayo sa restaurant para makapagusap tayo ng maayos. Don't worry, libre ko." --- Hinawakan ni Fina ang menu at pinakatitigan ang mga pagkain na naroon. Marunong siya magbasa pero tagalog lang at hindi masyado sa ingles. Ganoon pa man ay hindi na niya kailangan basahin dahil may mga litrato pa naman. At alam niyang lahat ng pagkain na naroon ay talagang masarap. "Orderin mo lang ang gusto mong orderin." ani ni Evette sa kaniya. Umirap si Fina, "Talagang oorder ako ng kung anong gusto kong orderin." sabi niya pa bago napatingin sa may menu. Hindi na lang nagsalita si Evette at tipid lang na napangiti. Hanggang sa lumapit ang waiter upang kunin na ang order nila. Unang nagbigay ng order si Fina. "Order ako nitong karne na ito," ani ni Fina habang turo ang steak. "Rib eye steak, Ma'am?" tanong ng waiter at tumango si Fina. "Oo, 'yang steak. Saka itong checken. Tapos kukuha rin ako nitong mga seafood platter na 'yan, tapos gusto ko rin ng lechon de leche. Tapos itong pancit guisado. Saka may dinuguan ba kayo?" "Meron po, Ma'am." sagot ulit ng waiter. Napangiti si Fina, "Yon, kuha ako non, saka nitong kanin niyo, pang maramihan na ha?" sabi niya at inilista naman ng waiter ang mga order niya habang inilipat niya ang pahina ng Menu upang tignan naman ang nasa dessert. "Ay, bet ko itong halo-halo. Paorder ako ng isa saka itong chocolate cake saka itong leche flan." sambit niya bago isinara ang menu at napangiti kay Evette. "Noted po, Ma'am. Well prepare your order po." sabi ng waiter at akmang aalis na nang pigilan ito ni Fina. "Saglit lang, order ko lang iyon, hindi mo pa kinukuha ang order ng kasama ko." aniya. Tila hindi naman inaasahan ng waiter ang sinabi niya lalo pa at akala nito na para sa kanila na ang order ni Fina, ngunit hindi naman pala. Tumingin ang waiter kay Evette. "It's okay, I'll have iced tea lang." sabi ni Evette at tumango ang waiter bago umalis na. Ngumiti si Evette kay Fina. "I'm glad na pumayag ka na makipag-usap sa akin--" "Mamaya na tayo mag-usap kapag nandyan na ang pagkain. Medyo mainit kasi ang ulo kapag hindi pa nakakain." putol ni Fina sa kaniyang pinsan. "Ah, ganon ba? ayos lang." Tahimik sila at walang nag-iimikan, hanggang sa dumating na ang mga pagkain nila. Dahil sa gutom at dahil ngayon lang rin makakakain ng ganito kasarap na pagkain si Fina ay agad niyang nilantakan ang pagkain. Habang kumakain nga ay hindi maalis ang tingin sa kaniya ni Evette dahil halos mabulunan na si Fina sa kakakain. Ngunit inintindi niya na lang ito lalo pa at alam niya rin na marahil ngayon pa lang nakakain si Fina ng ganitong klaseng pagkain. Hindi niya tuloy mapigilan na maawa sa kaniyang pinsan. Habang kumakain ito ay kinuha niya iyon na pagkakataon para kausapin na ito. "Fina, wala ka bang balak na umalis sa paninirahan sa labas ng simbahan?" Tumaas ang sulok ng labi ni Fina at sarkastikong ngumiti. "Para naman, may pagpipilian ako? saka baka nakakalimutan mo kung bakit ako napunta sa lansangan. Baka nakakalimutan mo na may bahay ako na minana sa Nanay ko pero kinamkam niya kaya nga ang gaang-gaang ng buhay niyo di ba?" Napayuko si Evette na tila nahiya sa kaniya. "I understand. At gusto ko rin na humingi ng tawad sa iyo." "Kahit humingi ka ng tawad, Evette. Hindi maibabalik non yung buhay na ipinagkait ng Nanay mo sa akin. At mas lalong hindi kita mapapatawad na sa mga nakalipas na taon, wala kang ginawa. Bagkus, dinaan-daanan mo lang ako. Na nagbingi-bingihan ka, nagbulag-bulagan sa kasamaan na ginawa ng Nanay mong panget." sumbat nito kay Evette. Sa totoo lang ay matagal na rin na hinintay ni Fina ang pagkakataon na ito para sumbatan ang kaniyang pinsan. Noon pa man, ay ilang beses niyang sinubukan na humingi ng tulong sa kaniyang mga pinsan lalo na kay Evette lalo pa at malapit sila sa isa't-isa. Ngunit naging katulad lang ito ng kaniyang ina. Lagi niyang nakikita ito sa simbahan tuwing linggo. Lagi niyang nilalapitan para humingi ng tulong lalo na sa mga sandali na kumakalam ang sikmura niya ngunit walang ginawa ang mga ito kundi ang lampasan lang siya. Na hindi pansinin na tila isa lamang hangin sa kanila. Kaya simula noon pa man, itinatak niya sa kaniyang isipan na kapag dumating ang araw na subukan nitong makipag-ayos sa kaniya ay hinding-hindi niya pagbibigyan ang nais nito. Para kay Fina ay bahagi na lamang si Evette ng kaniyang nakaraan. Isa rin sa mga taong umapi sa kaniya. At hindi na siya makapaghintay na gantihan ang mga ito balang araw. Na ipamukha sa kanila ang mga kasalanan na ginawa nila sa kaniya. At kapag nangyari iyon ay alam niyang pagsisisihan ng mga ito ang lahat ng ginawa nila sa kaniya. "Naiintindihan ko yung galit mo sa akin, Fina. At hindi kita masisisi dahil inaamin ko na pati ako ay nagkasala sa iyo. Na Oo, wala akong ginawa. Pero kaya lang naman ganon dahil wala rin talaga akong kakayanan na may gawin noon para tulungan ka." Malungkot na sabi nito bago hindi napigilan ang pagpatak ng kaniyang mga luha, subalit mabilis iyon na pinahid ni Evette. "Kagaya mo ay bata lang din ako. Maniwala ka, Fina. Nais kong tumulong. Nais kong lapitan ka, na pansinin ka lalo na sa tuwing nakikita kita sa labas ng simbahan na namamalimos. Na Madungis at mabaho." "Wow ha? talagang idiniin mo pa ang mabaho? pwede na sana yung madungis!" inis na sabi ni Fina bago muling napairap kay Evette. "Pero totoo yon--" "Na ano? mabaho ako? Nakaka-hurt ka na ng feelings, Evette ha?" putol ulit ni Fina at umiling si Evette. "What I meant is, totoo na nais kitang lapitan. Pero lagi akong pinipigilan ni Nanay. Pinagbabantaan niya kami, na sinasabihan na magagaya kami sa iyo na palaboy kapag sinubukan ka namin na lapitan at tulungan. At bilang bata, natakot ako." "So ngayon hindi ka na takot?" Umiling si Evette. "Dahil alam ko na mali si Nanay. At ngayon may kakayanan ako na tulungan ka, kahit sa simpleng paraan lang." "Hindi ko kailangan ng tulong mo." Mabilis na sabi ni Fina. Dahil wala rin naman siyang balak na tanggapin kung ano man ang tulong na iaalok nito sa kaniya. Sinabi niya na kasi sa kaniyang sarili na kung aahon siya sa buhay ay gagawin niya iyon sa sariling pagsisikap. At walang tulong nino man, lalo na ng mga bulok niyang kamag-anak. "Nagsasayang ka lang ng oras, Evette. Sayo na lang ang tulong na gusto mong ibigay na yan. Dahil huli na ang lahat." "Hindi pa, hindi pa huli ang lahat." Ani ni Evette at may kinuha sa kaniyang bulsa at inilapag sa harap ni Fina. Sobre iyon at nang buksan ni Fina ay nakita niya na pera ang laman non. "Tanggapin mo iyan, 10,000 pesos. Hindi ako mayaman pero alam ko na makakatulong sa'yo yan." "Hindi ka pala mayaman eh, bakit ka namimigay ng pera, don't tell me tatakbo ka sa politika?" sarkastikong tanong nito at nag-make face pa. Umiling si Evette. "Hindi.. inipon ko iyan para sa iyo. Dahil alam ko na kaya ko ng makatulong ngayon kaya tanggapin mo na. Magsimula ka, maari mong gamitin ang pera na iyan at umalis dito sa barrio natin. Pumunta ka ng Maynila at magsimula ng bagong buhay doon." ani ni Evette at kinuha ang kamay ni Fina upang ilagay doon ang pera. Pinisil niya iyon. "At sana sa munting paraan na ito, ng bagong pagkakataon sa buhay mo. Ay sana mahanap mo sa puso mo kahit kaunting kapatawaran para sa lahat ng nagawa ko, at lalo na ni Nanay sa iyo."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD