Zoe’s POV
Kasalukuyan akong nakaupo sa isang bench at nagrereview para sa exam bukas. Nagkataon naman na vacant period ng mga oras na ito, dahil hindi nakapasok ang aming professor para sa next subject kaya sinasamantala ko na ang pagkakataon dahil ngayon lang ako nagkaroon ng libreng oras.
Natigil ako sa pagbabasa ng aking libro ng biglang tumunog ang cellphone ko, kaagad kong dinukot ito mula sa bulsa ng suot kong uniform at sinagot ang tawag.
“Hello Ma’am Zoe! Nagkaroon po ng sunog sa kabilang shop at nadamay ang grocery.” Anya ng supervisor na naka-assign sa branch nang grocery ko sa Marikina. Hindi pa ako nakakapag salita ay ito na kaagad ang narinig ko mula sa kabilang linya, bakas sa tinig nito ang labis na pagkabahala.
Napatayo ako ng wala sa oras kaya nahulog ang mga gamit ko sa lupa na nakapatong sa aking kandungan.
“Ha!? Anong nangyari!? Wait, papunta na ako ngayon d’yan.” Ang natataranta kong sabi bago pinatay ang tawag. Mabilis kong pinulot ang aking mga gamit at dali-dali na akong tumakbo patungo sa parking lot. Nang makita ko ang aking sasakyan na 2020 Mercedes-Benz black ay nagmamadali akong sumakay. Pagdating sa loob ng kotse ay basta ko na lang hinagis ang aking mga gamit sa kabilang side ng passenger seat bago mabilis na umupo at ikinabit ang aking seatbelt nagmamadaling pinaandar ang sasakyan.
Halos manlumo ako ng makita ko na sunog ang kalahati ng aming shop, makapal ang usok sa loob kaya hindi pa pwedeng pumasok. Malaking kawalan ito sa aming magkapatid, lalo na at dito lang kami umaasa ng aming ikinabubuhay.
Nang sumagi sa isipan ko ang aking kapatid ay mabilis kong hinanap ang cellphone ko sa loob ng bag. Tinaktak ko na ang laman nito sa upuan ngunit hindi ko pa rin ito makita.
“s**t naman oh, saan ko ba nailagay yung cellphone ko, ang tanda ko ay sinilid ko ‘yon sa loob ng aking bag kanina.” Hindi ko maintindihan ang aking sarili parang biglang lumakas ang kabog ng aking dibdib at medyo natataranta na rin ako.
Nakakaramdam na ako ng pagkairita ng biglang marinig ko ang pagring ng aking cellphone, nakahinga naman ako ng maluwag ng makita ko ito sa ibabaw ng dashboard ng sasakyan.
“Haytss! Napakatanga ko talaga, nasa harapan ko lang pala hindi ko pa makita.” Ang panenermon ko sa aking sarili at kaagad na sinagot ang tawag.
“Zoe, nasaan ka?” Ang tanong sa akin ni Niel mula sa kabilang linya.
“Buti tumawag ka Niel, ipapasuyo ko sana sayo na isabay mo muna si Collin pauwi kasi nagkaroon ng emergency kararating ko lang dito sa Marikina at kakausapin ko pa ang mga tauhan namin. kaya, baka matagalan ako ng uwi.” Ang pakiusap ko sa aking kaibigan.
“Ok, no problem, pupuntahan ko na lang si Collin ngayon para ako na lang ang magsabi sa kan’ya.” Napangiti ako sa sinabi nito, kahit kailan talaga ay maaasahan ko ang kaibigan kong ito.
“Maraming salamat Niel, mag-iingat kayo sa pag-uwi,” pagkatapos magpaalam sa isa’t-isa ay pinatay ko na ang tawag. Lumabas na ako ng kotse at ng mailock ang sasakyan ay lumapit ako sa aking mga tauhan.
“Ma’am, nahihirapan po ang mga bombero na makontrol ang apoy sa kabilang side, dahil maraming establisyimento na ang nadamay at lalo pang kumalat ang apoy.” Ang naluluhang wika ng isa sa mga tauhan ko.
Nilibot ko ang aking paningin sa buong paligid at nakaramdam ako ng malaking panghihinayang malaki na ang kinain ng apoy dahil karamihan sa mga katabing pwesto nito ay mga light materials lang ang gamit kaya halos ilang gusali na rin ang natupok nito.
Parang gusto kong panghinaan ng loob ng makita ko ang malaking pinsala ng sunog sa aming negosyo. Naapula nga ang sunog ngunit hindi na mapapakinabangan pa ang mga panindang items sa loob ng shop, dahil halos nangitim na ang lahat ng ‘yon.
Nasa sampung empleyado rin ang mawawalan ng trabaho kaya nakaramdam ako ng lungkot para sa kanila, ngunit wala na akong magagawa dahil mas malaki ang nawala sa akin.
“P-Pasensya na kayo kung wala akong maitulong sa inyo, ibibigay ko na lang ang mga huling sahod nyo, kung sakali naman na makabangon muli ang shop ay tatawagan ko na lang kayo. Pero sa tingin ko, mukhang matatagalan pa bago mangyari ‘yon dahil malaki din ang nawala sa akin.” Ang malumanay kong wika.
Hindi ko maiwasan ang hindi maluha dahil sa matinding emosyon, lalo na ng makita ko ang matinding lungkot sa kanilang mga mukha, bagsak din ang kanilang mga balikat.
Aware kasi ako sa sitwasyon ng mga empleyado ko, alam ko na ang ilan sa kanila ay dito lang din umaasa ng kanilang ikinabubuhay.
Malungkot na nagpaalam sa akin ang aking mga empleyado. Nang mawala na ang mga ito sa aking paningin ay muli kong pinasadahan ng tingin ang aking shop. Nangingitim na ang loob nito dahil sa kapal ng usok sa loob milyong halaga din ang nawala sa aming magkapatid.
Napatingin ako sa ilang taong nag-iiyakan sa aking tabi ang ilan sa kanila ay sumisigaw habang umiiyak, hinimatay pa ang dalawang ale dahil hindi na kinaya ang matinding emosyon. Marahil ay hindi matanggap ang nangyari sa kanilang kabuhayan.
Ramdam ko ang pinagdadaanan nila, kaya nauunawaan ko ang mga problemang kinakaharap nila.
Nakasandal lang ako sa aking kotse habang nakamasid sa buong paligid, hindi magkandatuto sa pagpatay ng apoy ang mga bumbero, gustuhin ko mang pumasok sa loob ng shop ngunit hindi pa pwede. May ilang awtoridad din ang pumipigil sa ilang mga residente na nagpupumilit na pumasok sa loob.
Kailangan na naming magtipid ng husto dahil sa isang grocery na lang kami aasa. Ilang buwan pa ang bubunuin ko bago ako makagraduate kaya malaki pa ang kakailanganin naming halaga para sa pag-aaral ng aking kapatid.
Ngayon pa lang ay namomroblema na ako lalo na‘t may mga tauhan pa akong pinapasahod, bahala na, ipapaliwanag ko na lang kay Collin ang magiging sitwasyon namin.
Sa lalim ng iniisip ko ay hindi ko na napansin ang cellphone ko na nasa loob ng kotse na walang tigil pagring.
Nagstay pa ako ng treinta minuto sa labas ng kotse bago ako nagdesisyon na pumasok na sa loob ng sasakyan medyo madilim na dahil palagay ko ay 6:30 na ng hapon.
Kauupo ko pa lang ng maagaw ang atensyon ko sa aking cellphone na umiilaw, kaagad ko itong dinampot at chineck kung sino ang tumawag o nag message.
Nagulat ako na halos 20 messages at 40 misscall ang natanggap ko mula kay Niel kaya naman biglang dinagsa ng kaba ang dibdib ko.
Mabilis na idinial ang numero nito at nakakaisang ring pa lang ay kaagad nitong sinagot ang aking tawag.
“Zoe, hindi ko makita si Collin naikot ko na ang buong Campus wala talaga ang kapatid mo, hindi rin niya sinasagot ang tawag ko!” Bakas sa boses nito ang labis na pag-aalala para sa aking kapatid.
“Paanong nawawala!? Niel kilala ko ang kapatid ko, hindi ‘yon lalabas ng school hanggat wala ako! Diyos ko! Niel ang kapatid ko hanapin mo, Niel! Please hanapin mo...” hindi ko na napigilan ang aking sarili at napahagulgol na ako ng malakas. Mabilis kong pinatay ang tawag at nagmamadaling pinaandar ang aking kotse, halos paliparin ko na ito sa sobrang bilis ng pagmamaneho ko.
Sari-saring emosyon ang nararamdaman ko ng mga sandaling ito naroon ang takot, kaba, at labis na pag-aalala para kay Collin. Kapag may masamang nangyari sa kapatid ko ay hindi ko mapapatawad ang aking sarili.
Siya na lang ang meron ako kapag nawala pa siya sa akin ay hindi ko na kakayanin.
Kung ano-ano na ang tumatakbo sa utak ko habang nagdadrive, walang tigil naman sa pagpatak ang aking mga luha habang mahigpit na nakakapit ang aking mga kamay sa manibela.
Tinitingnan kong mabuti ang bawat madaanan ko, nagbabakasakali na makita ko ang aking kapatid.
Hindi ko na naiparada ng maayos ang aking sasakyan at nagmamadali na akong bumaba.
Halos takbuhin ko ang kinaroroonan ni Niel ng makita ko itong palakad-lakad sa pasilyo ng University.
“Niel!” Ang tawag ko sa kan’ya na kaagad naman itong lumingon sa akin.
“Anong nangyari? pa’nong nawala ang kapatid ko!?” Hilam na sa luha ang aking mga mata at halos hindi ko na makita ng malinaw ang mukha nito.
“Zoe, pumunta ako sa room ni Collin ngunit wala na s’ya roon. Ang sabi ng mga kaklase n’ya ay umuwi na raw ito, nanggaling ako sa bahay ninyo pero wala ang kapatid mo ron.”
Makikita rin sa mukha ng aking kaibigan ang labis na pag-aalala para sa aking kapatid.
Sinubukan kong tawagan ang cellphone ni Collin ngunit panay lang ang ring nito at hindi sinasagot ang mga tawag ko.
Inabot na kami ng 11:30 ng gabi sa paghahanap, kung saan-saan na kami napadpad ngunit hindi pa rin natagpuan si Collin.
Sinubukan din naming magreport sa pulisya ngunit ang sabi lang sa amin ay kailangan munang umabot ng 24hours bago ideklarang missing ang isang tao.
Sa bawat oras na lumilipas ay para akong unti-unting pinapatay, nilalamon ng matinding pangamba ang puso ko.
“Niel! Ang kapatid ko...” humahagulgol na ako sa dibdib ng aking kaibigan, naramdaman ko naman ang mahigpit na yakap nito sa akin.
“Huwag tayong mawalan ng pag-asa makikita rin natin si Collin, magdasal lang tayo.” Ang pampalubag loob nitong sabi habang hinihimas ang aking likod at pilit na pakalmahin ako. Ngunit sa tuwing sumasagi sa aking isipan ang aking kapatid ay parang gustong magwala ng sistema ko.
“Diyos ko sana ligtas ang kapatid ko at walang mangyaring masama sa kan’ya.” Ang piping dalangin ko.”