“Kumusta ang pag-aalaga mo sa prinsesa?”
Napaangat ako ng tingin no’ng marinig ko si James, isa siya sa bodyguard ni Mr. Villaluna.
Naabutan niya ‘ko rito sa outdoor patio.
Inabutan niya ‘ko ng kape bago naupo sa ‘king tabi.
“Ano? Kumusta ang pag-aalaga mo sa prinsesa?” natatawang ulit ni James.
Napailing na lang ako. “Maayos naman, medyo masakit lang sa ulo.”
“Pero tumatagal ka sa kanya, ah. Dahil diyan, congrats!” masayang aniya.
Napailing akong muli. “Malaki ang utang na loob ko kay Mr. Villaluna, maliit na bagay lang din ‘to kompara sa mga naitulong niya.”
“Mabuti at hindi ka niya ibinibilang sa mga nagiging lalaki niya.”
Natigilan ako sa sinabi ni James, hindi ko tinuloy ang paghigop sa kape.
“Lahat-lahat nakukuha niya kay Mr. Villaluna, kapag sinabi kong lahat, hangga’t kaya ni Mr. Villaluna ibibigay niya sa anak. Kahit pa nga tao ‘yong gusto niya. Hangga’t kayang bilhin ng pera, bibilhin niya para sa anak.”
Iyon din naman ang napansin ko. Lahat ng gusto ni Chanel walang kahirap-hirap na ibinibigay ng ama. Kahit din ang tungkol sa papalit-palit niya ng lalaki ay alam ng ama pero puro bantayan lang ang sinasabi nito. Kahit kailan, hindi nito ‘yon ikinagalit kahit kaunti na parang sanay na ito.
Hindi lalaki si Chanel, babae siya at bilang ama, hindi ba dapat mag-alala siya sa anak?
Hindi ba dapat pagsabihan niya?
“Pero gusto talaga ni Mr. Villaluna na magkaroon na siya ng maayos na relasyon? Nag-aalala siya nang husto kay Ms. Chanel, pero hindi niya rin gustong magalit ang anak niya kaya hinahayaan na lamang niya. Pero sinasabi ko sa ‘yo, malaki ang pasasalamat ni Mr. Villaluna sa ‘yo dahil para ka raw tatay mo na maaasahan.”
Nangiti ako, nabanggit kasi si tatay. Kahit paano gumaan ang loob ko dahil nagagawa ko ng tama ang gawain ko. Pero kaagad kong nalagok ang kape nang maalala ko kung paano kami nagkasiping ni Chanel.
Iniisip ni Mr. Villaluna na maaasahan ako pero isa rin ako sa bantay-salakay sa kanyang anak.
Hanggang ngayon, hindi ko alam kung paano ako nadala ng ganoon. Bakit kami umabot doon at nagpakontrol pa ‘ko nang husto sa init na nararamdaman ko.
Naiwanan na ‘ko ni James matapos ang ilang minutong usapan dahil pinatawag na siya ni Mr. Villaluna.
Pinalitan siya ni Chanel pagkalipas ng sampung minuto.
Nakalugay naman siya at hindi ipinakita sa ama ang mga kissmark niya.
Hindi ko na naman maiwasan pag-initan ng ulo dahil sa mga kissmark na ‘yon. Kapag nakita ko ang lalaking ‘yon baka masapak ko siya sa mukha.
“Dito na tayo magpapalipas, sa ‘kin mo ba gusto tumabi?” tanong ni Chanel.
Hindi ko siya kinibo.
Siniko niya ‘ko.
“Napakasungit mo!”
“Matulog ka na, hindi ka ba napagod?” walang emosyong tanong ko.
Sumandal siya sa ‘kin kaya nabigla ako.
“Miss—” naalarma ako.
“Hindi magagalit si daddy, don’t worry.” Lalo pa siyang umusog palapit sa ‘kin.
“Ginagawa mo na ‘to kapag tayo lang, huwag hanggang dito. Kahit pa—”
“Umuwi na tayo para mayakap pa kita,” suhestiyon niya.
“Sinabi ko na sa ‘yo—”
“Nye,nye,nye—”
Hindi ko alam ang magiging reaksiyon do’n.
Nag-angat siya ng tingin para alamin ang reaksiyon ko.
Natawa siya bigla.
“Ms. Chanel, good evening.” Tumungo sa harapan namin ang isang unipormadong kasambahay.
“Yes?” Umayos si Chanel ng upo.
“Ipinapatawag ni Mr. Villaluna ang bodyguard mo,” anito na tila kinakabahan pa. Siguro bago lamang siya. Iyong iba namang kasambahay ay kinakausap at nakikipagtawanan kay Chanel.
“Puntahan mo na si dad, isumbong mo na lahat tungkol sa ‘kin.” Natatawang sabi ni Chanel.
Alam niyang may hindi ako puwedeng sabihin sa ama niya.
Tumayo na ‘ko para sumunod sa kasambahay.
“Ellie, tama ba? Ellie ang pangalan mo?” tanong ni Chanel sa kasambahay.
“O-opo…”
“Okay.” Ngumiti si Chanel. “Ihatid mo ng maayos ‘yong boyfriend ko.”
“Miss!” nagulat na reaksiyon ko.
Tiningnan ko si Ellie halata ring nabigla siya.
“Huwag mong seryosohin, nagbibiro lang si Ms. Chanel.”
Nang balikan ko ng tingin si Chanel ay ngiting-ngiti siya.
Sumunod na ‘ko kay Ellie. Naimasahe ko pa saglit ang gilid ng ulo ko dahil nabigla yata sa sinabi ni Chanel.
Sa office type na kuwarto ni Mr. Villaluna ako inihatid ni Ellie at iniwanan din nang maisara ang pintuan.
“Magandang gabi, sir.”
Nakangiti kaagad siya sa ‘kin.
“Maupo ka,”alok niya sa upuan.
Naupo naman ako. “Salamat, sir.”
“Kumusta? Pinasasakit ba nang husto ng anak ko ang ulo mo?”
Gusto kong sumagot ng malakas na oo pero hindi ko magawa.
Nakangiti si Mr. Villaluna, walang tensiyon na ibinibigay.
“Pagpasensiyahan mo na ang anak ko. Maging ako ay nalulungkot din naman sa mga ginagawa niya sa kanyang sarili.”
Biglang nagbago ang pakiramdam sa silid, para siyang nalungkot nang husto.
“Gusto ko rin na magkaroon siya ng relasyon sa iisa lamang na lalaki. Marami na ‘kong nabalitaan tungkol sa ‘king anak sa bibig ng ibang tao pero madalas ay nagkukunwari akong hindi ko ‘yon narinig.”
Kahit hindi niya sabihin kung anong nabalitaan niya, malamang na malaking bahagi no’n ang pakikipaglaro ni Chanel sa iba’t ibang lalaki.
“Emil, I know you are a good person, and this request I’m about to tell you is out of your responsibility for my daughter’s safety.”
Hindi ko alam kung anong isasagot. Wala akong ideya sa gusto niyang sabihin. Pero kinakabahan ako sa gusto niyang tukuyin.
“I’ll increase your salary, just stay by my daughter’s side no matter what.”
Nakahinga ako ng maluwag, akala ko ay kung ano na. Kakape ko ‘to kaya ako nagiging kabado.
“…even if, my daughter and you got a thing, it doesn’t matter.”
Natigilan ako at napatitig kay Mr. Villaluna. Mukhang nagkamali ako ng dinig.
Pinagsalikop niya ang palad sa mesa.
“Kung gugustuhin ka ni Chanel hanggang huli, wala akong problema. I’ll be more willing to let her marry you.”
Hindi ko alam kung ano ang dapat kong maging reaksiyon.
“Sir, hindi ko tatawirin ang boundary—”
“I told you, it doesn’t matter,” mariing aniya.
“Emil, alam ko na wala naman akong masisirang relasyon sa ‘yo, hindi ba? Bago kita kuhanin sa inyo, inalam ko sa ‘yo mismo kung may nagugustuhan o nobya ka. Ito ‘yong dahilan, dahil no’ng makita pa lang kita, naisip ko na kaagad na gusto kita para sa ‘king anak lalo na at maganda at maayos ang pamilya mo kahit simple ang pamumuhay ninyo. Pero hindi ko naman mapipilit si Chanel na gustuhin ka, pero kung may pagkakataon at maaari mo siyang pigilan sa mga ginagawa niya, kahit iyon lang, Emil, maibigay mo sa ‘kin.”
Ito na ba ‘yong kabayaran ng utang na loob? Iyong tinatawag nilang selfish request?
“Kung magagawa mong paibigin at gustuhin ang anak ko, wala akong problema kung umabot kayo hanggang kasalan. Kung sakali man na hindi ninyo maabot ang ganoon kaseryosong relasyon, kahit turuan mo na lamang siya at pahintuin sa pakikipagtalik sa kung sino-sinong lalaki. Nag-aalala ako sa kanya. At nagiging malaking usapin na siya sa ibang kalinya ko na mayroong anak na around her age.”
**
Hindi ko pa rin makuha kung bakit naisip ‘yon ni Mr. Villaluna. Pero hindi kami patungo ni Chanel doon. Kung hindi na suportado ni Mr. Villaluna ang ginagawa ni Chanel, kailangan ko lang mas maging mahigpit sa kanya. Sa iba pang napag-usapan namin, binibigyan niya ‘ko ng karapatan na mamagitan sa anak niya at sa ginagawa nito.
Kailangan ko lang siyang paghigpitan.
Kinabukasan, nanatili pa rin si Chanel sa mansion nila. Nauna naman na si Mr. Villaluna dahil sa business meeting.
“Magkaedad lang pala tayo,”nakangiting sabi ni Ellie.
Nag-aalmusal si Chanel at nakatayo naman kami ni Ellie para i-assist siya. Hindi ako umupo kahit pinipilit niya ‘ko dahil maraming makakikita.
“Ibig sabihin na hindi ka naman magtatagal dito?” tanong ni Ellie.
“Hindi gaano, mas gusto ko pa rin sa bukid.”
Kanina pa kami nagkukuwentuhan, madaldal naman pala siya. Pero tama ako na bago lamang siya dahil nakakaapat na araw pa lang daw siya.
Nilingon kami ni Chanel, inirapan niya ‘ko.
Ano na namang problema niya?
“Maya-maya pupunta ‘ko sa shooting, ipakikilala na ‘ko sa mga crew,”ani Chanel.
Tumango naman ako.
“Ellie, ikuha mo pa nga ‘ko ng pinya sa loob,” utos ni Chanel.
“Yes, ma’am!” Mabilis naman na sumunod si Ellie.
“Wow, mukhang nagkakamabutihan kayo ni Ellie, ha?”
Hindi ko kinibo si Chanel kaya lalo siyang nairita.
“Kumain ka na, ‘wag mo ng punahin ang paligid.”
Sumimangot siyang lalo.
“Mabuti pa, makahanap na lang ng boy toy mamaya.” Kinuha niya ang cellphone. “Pero parang gusto ko pa rin si Scoth.” Nangiti pa siya.
Kinuha ko ang cellphone niya na ikinabigla niya.
“Safety mo ang kailangan kong protektahan. At hindi siya mabuti sa ‘yo. May mga marka siyang iniwan sa leeg mo, may pasa ka sa braso at balikat.” Nagngingitngit na naman ako nang maalala ko ‘yon.
Tiningnan ni Chanel ang braso.
“Napansin mo rin ‘to?” nangingiting tanong niya.
“Hindi ko alam kung bakit masaya ka pa na nasasaktan ka.”
“Hindi mo alam kung bakit masaya pa rin ako dahil hindi mo naman nararamdaman ang satisfaction na nararamdaman ko pagkatapos.”
“Oh.”
Inirapan niya ‘ko. “Kung pumapayag kang tayo na lamang dalawa, edi sana hindi ka naiinggit ng ganyan.”
“Ms. Chanel,” si Ellie ‘yon, palapit na siya.
Hindi ko na ginulo si Chanel pero hindi ko ibinalik ang kanyang cellphone.
Kagabi lang, buwisit na buwisit ako. Hindi ko na siya hahayaang makipagkita sa lalaking ‘yon. Hindi na rin sa kahit na sino. Kailangan na siyang limitahan. Masyado na siyang nagiging komportable.