Pagdating nila sa barong-barong ni Nanay Alona ay naabutan nila ang isang dalagita at binatilyo at isang batang mataba na sa tingin niya ay nasa mga sampung taon na rin ang edad.
Agad na nag-unahan ang mga itong lumabas ng bahay ng makita sila. Pinakilala naman sa kanya ni Nanay Alona ng mga ito.
Magagalang naman ang mga bata at sa katunayan eh nag-bless pa nga sa kanya kahit na hindi pa naman siya mukhang Tita. Hinayaan na lamang niya ang mga ito at nakangiti pa niyang ginulo ang buhok ng mga ito.
Ang matabang batang lalaki ang pinakamagiliw at yumakap pa sa kanya. Ni hindi ito nahiya, sinabihan pa nga siyang maganda daw siya.
"Pano ba iyan Issay, dito ka na lang muna ha. Manood ka ng tv habang nagluluto ako. Pasensya na kung wala akong mai-offer sa iyong makakain agad. Budget na lang kasi ng mga apo ko itong pera ko dito para bukas. Pero itong pananghalian mapapagkasya naman natin itong lima." Nahihiyang wika ng matanda.
"Naku, Nanay okey lang po ako. Sa katunayan busog pa nga po ako eh. Sige lang po, dito na lang po ako sa sala." Nakangiting wika niya sa matanda.
Talagang napakabait ng matanda, inaalala pa siya nito kahit na mukhang may gagawin pa ito.
"Ay sige hija, maiwan na muna kita ha. Bibilisan ko na lang itong pagluluto para makakain na tayo." Wika ng matanda tsaka tumalikod na.
Nagsimula ng magluto ng pananghalian nila at ang dalagita at binatilyo naman ay nagpatuloy na ang mga ito sa ginagawa. Mukhang nag-aaral ang mga ito at ang batang mataba naman ay lumapit sa lola nito at humingi ng pambili ng meryenda daw dahil nagugutom na. Binigyan naman ito ng butihing matanda at tuwang-tuwa naman ang matabang bata nayakap pa nito ang lola nito at hinagkan sa pisngi bago ito tumalikod na.
Nakaramdam tuloy siya ng pagkainggit sa mga ito dahil may lola pa na kasama ang mga ito na maaaring yakapin at hagkan.
Samantalang siya na matagal din naman niyang kasama ang kanyang lolo ay hindi niya magawa iyon dito. Napakaistrikto kasi nito at hindi basta basta maaari siyang lumapit dito.
Kapag gumawa siya ng hindi nito nagugustuhan ay talagang bubulyawan siya nito ng bonggang-bongga. At wala rin itong pakialam kahit na may makarinig, para bang wala siyang karapatan na magreklamo dito.
Sabagay lagi lang naman siyang sunod-sunuran sa kanyang lolo ngayon lang talaga nangyaring sumuway siya dito kaya nga natatakot talaga siya. Pero hindi sillya magpapatalo sa takot na kanyang nararamdaman.
Kailangan niyang panindigan ang kanyang desisyon para maging maayos ang kanyang buhay.
Kinagabihan.
Sa makitid na sala ng bahay na iyon siya pinatulog ni Aling Alona. Wala namang ibang mapwestuhan kundi sa masikip na sala lamang ng bahay. May isang silid man doon pero doon natutulog si Aling Alona kasama ang matabang apo nito.
At ang dalawang apo pa nito ay nasa gilid naman sa may kusina, meron doon kasi na lumang double deck at doon nakahiga ang dalawa.
Sobrang hirap pero kakayanin niya, iyon nga lang namamahay talaga siya ng sobra. Kanina pa siya pabiling-biling hindi talaga siya makatulog, idagdag pa ang mga lamok na kanina pa kagat ng kagat sa kanya.
Lumilikha pa iyon ng ingay sa kanyang tenga kaya panay ang taboy niya doon. Parang nais na niyang maiyak talaga. Pero kailangan niyang magtiis, hindi na siya ang dating si Isabel na halos hindi padapuan sa langaw ng kanyang lolo.
Kaninang pananghalian halos hindi niya malunok ang pagkain dahil para bang sapat lamang ang pagkain na iyon sa mag lola. Lalo na ang apo ni Nanay Alona na bunso. Iyong mataba, sobrang lakas kumain.
Tapos yung dalawa na medyo payat naman ay gano'n din. Kahit na sinabi ni Nanay Alona na kasya pero batid niya na hindi eh. Kaya ang ginawa niya ay sumubo lang siya ng ilang piraso tsaka umayaw na siya.
Hindi niya maintindihan kung bakit kahit na gano'n na ang edad ng matanda ay nagtatrabaho pa rin ito. Hindi niya alam kung anong kwento ng mga apo nito.
Bakit ito na lamang ang nag-aalaga pero nakakahanga pa rin ang matanda dahil sobrang mahal na mahal nito ang mga apo.
Iyon ngang isusubo na lamang nito kanina ay ibinigay pa sa apo nito kaya naman kaninang hapunan ay inaya niya si Aling Alona na lumabas sila para bumili ng makakain.
At doon namili siya ng ilang grocery at ulam na rin nila pati na bigas. Bale pasasalamat na lamang niya iyon sa matanda dahil sa pagpapatuloy nito sa kanya at ito pa nga ang tutulong sa kanya para makahanap ng trabaho.
Hindi man kalakihan ang kanyang pera ay kapag makapasok naman siya ng trabaho at maging stay-in ay alam niya na hindi na niya iyon kakailanganin. Wala rin naman siyang balak na maglabas-labas pa ng bahay ng magiging amo niya para ligtas na rin siya sa kanyang Lolo.
Siguro para sa mga katulad ni Aling Alona malaki na ang perang dala-dala niya, mahigit 200,000 din kasi ang naitabi niyang cash at iyon ang baon niya ngayon.
Sa totoo lang pambili lamang niya iyon ng gadgets o alahas. Bihira kasi siyang bumili ng mga luxury bags, ang kadalasan kasing bumibili niyon ay ang kanyang lolo.
Pero sa totoo lang mahilig talaga siya sa mga alahas, sa katunayan ang mga favorite niyang alahas ay dala-dala niya. Pero hindi niya iyon isinusuot dahil alam niya na kapag nasa siyudad ay hindi ligtas na magsuot ng ganong mga alahas.
Gulat na gulat nga ang matanda sa mga pinamili niya dahil nagtataka ito na nakabili siya ng mga ganong grocery pati na isang sakong bigas eh samantalang daw na naghahanap siya ng mapapasukan.
Ipinaliwanag na lamang niya sa matanda na ang naiwang ari-arian ng kanyang mga magulang ay naibenta nila. Kapirasong lupa iyon at dahil siya lamang naman ang nag-iisang anak ay ibinigay sa kanya ang pinagbentahan.
Iyon nga daw ang pagsisimulan sana niya dito sa siyudad pero dahil sa may trabaho naman na siyang mapapasukan at sigurado na iyon ay babawasan na lamang niya para naman makatulong din sa mag lola.
Halos mangiyak-ngiyak pa nga si Aling Alona ng mamili sila. Naikwento nga nito na sa totoo lang nga daw ay hirap na hirap ito sa pagtataguyod sa tatlo nitong apo.
Pero dahil sa mahal na mahal nito ang mga apo ay ginagawa nito ang lahat para mapakain ng maayos at mapag-aral ang mga ito.
Sobrang laking tulong daw ng mga pinamili niya sa mga ito, kahit papaano daw ay nakakaluwag-luwag na ang matanda. Sabi pa nga nito babayaran na lamang daw siya kapag nakasahod na.
Ipinaliwanag naman niya dito na iyon ay bali pasasalamat na lamang sa matanda dahil sa pagpapatuloy nga sa kanya nito.
At naging magarbo nga ang hapunan nila, tuwang-tuwa ang mga apo ni Aling Alona. Lalo na ang matabang apo nito na nilanta ka agad ang binili nilang lechong manok sa labasan.
Iba pa ang nilutong pork chop ng matanda kaya naman enjoy na-enjoy talaga ang mga bata. Siya naman ay nasisiyahang pagmasdan ang mga bata.
Noon lang siya nakaramdam ng ganong kasiyahan, masarap pa lang rumulong sa kapwa. Lalo na iyong mabubuting tao at talagang kapos sa pamumuhay.
Noon kasi, wala siyang pakialam sa lahat ng tao sa paligid at sa lahat ng nangyayari sa mundo.
ITUTULOY