Chapter Three

2199 Words
ALLIE could feel the positive energy in her veins. Maganda ang gising niya. Napanaginipan kasi uli niya ang misteryosong lalaking iyon. Ang higit na ipinagtataka niya ay kung bakit iisang scenario ang laging lumalabas sa panaginip niya. Hindi pa rin malinaw kahit na ang mukha niyon. Sino kaya ang lalaking iyon? Sumulyap siya sa wall clock. Alas-nuwebe na pala ng umaga kaya medyo kumakalam na ang sikmura niya. At dahil wala siya sa mood na magluto, nagpasya siyang doon na lang kumain sa Rio's Finest. Habang naglalakad siya patungo sa kanto ng Tanangco ay may nadaanan siyang nagbebenta ng diyaryo. Bumili siya ng isang broadsheet. Kailangan niya iyon para sa pag-a-apply niya ng trabaho. Pagdating niya sa Rio's Finest ay sinalubong siya ng masiglang pagbati ng mga crew. Hindi na rin siya nagtaka nang banggitin ng mga ito ang pangalan niya. Nakilala na rin siya ng mga ito dahil naging kaibigan na niya ang amo ng mga ito, bukod pa sa madalas siyang kumain doon dahil masarap ang mga pagkain na si Vanni mismo ang nagluluto. "Good morning, Miss Allie! Ano po ang order n'yo?" tanong ng isang crew sa counter paglapit niya roon. "One cup of black coffee and one blueberry muffin," sagot niya. "Okay, Ma'am." Sinabi nito ang presyo ng mga in-order niya. Pagkatapos niyang magbayad ay umupo na siya sa isang bakanteng mesa at doon sinimulan ang pagbabasa ng diyaryo. Abala siya sa pagbabasa nang may narinig siyang tumawag sa pangalan niya. Mula sa diyaryo ay nagtaas siya ng mukha. Nagtama ang tingin nila ni Jared. Kataka-takang hindi nito dala ang sketchbook nito na laging bitbit nito. "Magandang umaga, Allie." "Magandang umaga rin," ganting-bati niya. "Kumusta na?" "Ayos lang. Job hunting?" tanong nito, sabay turo sa diyaryo na nakabukas sa classified ads section. "Ha? Ah... Oo, eh. Kailangan ko nang makahanap ng work." "Okay," tumatangu-tangong sabi nito. "Good luck. Sige, o-order na ako." "Thanks." Iyon lang at tumalikod na ito. Siya naman ay ipinag-patuloy ang ginagawa. Hindi niya naiwasang mapangiti tuwing nakakakita siya ng ad na tumutugma sa mga qualifications niya. Binibilugan agad niya iyon gamit ang dala niyang red ball pen. Naputol uli ang pagbabasa niya nang i-serve na ang mga in-order niya. Ibinaba niya ang ball pen at hinawakan ang tasa ng kape. Akmang iinom na siya nang biglang may tumawag sa kanya. "Ay, kamote!" aniyang gulat na gulat. Sa sobrang pagkabigla ay muntikan na siyang matapunan ng kape. Bago pa siya mabuhusan ng kape ay ibinaba na niya sa mesa ang tasa. "Oh, God! I'm sorry! Napaso ka ba?" Natigilan siya. That voice... Isa lang ang kilala niyang nagmamay-ari niyon. Dahan-dahan siyang nagtaas ng tingin. Kumabog ang dibdib niya nang makita niya si Darrel at nagtama ang mga mata nila. "Allie, are you okay? Natapunan ka ba ng kape?" tanong nito. "Ha? N-no... no. Okay lang ako." "Are you sure?" "Oo, huwag kang mag-alala. Nagulat lang ako kasi bigla kang sumulpot." Ngumiti ito nang marahil ay makitang nagsasabi siya ng totoo. Kapagkuwan ay umiling ito. "Kinabahan naman ako sa 'yo, eh. Akala ko, napaso ka na." Ako rin, kinabahan nang makita ka... "Okay lang ako," aniyang hindi pa rin inaalis ang tingin sa guwapong mukha nito. Sinasabi na nga ba at magiging maganda ang umpisa ng araw niya. Maraming salamat sa positive energy. She stared at Darrel. He looked outrageously handsome and fresh in his plain white T-shirt and board shorts. Parang lagi itong mabango. Lumipat ang tingin niya sa mga braso nito. Parang kay sarap magpakulong sa mga bisig nito. Then she wondered what was it like to be wrapped in his arms? "Ang guwapo ng kaibigan ko, 'no?" Sukat sa narinig na ibang boses ay napakurap-kurap siya. Nilingon niya ang nagsalita. Isang nakangisi at nanunuksong Jared ang nakita niya. "Ha?" wala sa sariling sabi niya. "Back off, Jared," sabi ni Darrel. Hindi nagsalita si Jared. Bagkus ay bumalik na ito sa mesa nito at saka ipinagpatuloy ang pagkain. Iniwanan pa sila nito ng nanunuksong ngiti. "Huwag mo nang pansinin 'yon," sabi sa kanya ni Darrel. "Nag-breakfast ka na ba?" "'Eto..." Itinuro niya ang kape at tinapay na in-order niya. "Breakfast mo na 'yan?" tila hindi makapaniwalang tanong nito. "Oo naman." "Ang hina mo namang kumain. Magugutom ka pa rin niyan. Don't you know that breakfast is the most important meal of the day?" "Alam ko 'yon." Hindi niya alam kung bakit pati ang kinakain niya ay pinapansin nito. Gusto niyang isipin na concerned ito sa kanya. Pero bakit? Kailan lang naman sila nagkakilala. "Okay na ako sa ganitong breakfast." "No. Dapat, hindi lang iyan ang kakainin mo. Lalo't ganyan na naghahanap ka ng trabaho. You need strength—physically and mentally." Ano ba'ng problema ng isang 'to? Bigla itong tumayo at lumapit sa counter. Ilang sandali pa ay bumalik ito. May bitbit na itong dalawang paper bag na puno ng pagkain. Walang babalang hinawakan nito ang kanang kamay niya. "Let's go. Forget the bread." Itinaas nito ang dalawang paper bag na hawak nito sa kaliwang kamay. "Ito ang totoong breakfast." Tatanggi sana siya pero hindi niya maintindihan kung bakit tila may sariling isip ang mga paa niya dahil kusang humakbang ang mga iyon nang hilahin siya nito palabas ng restaurant. Nakalabas sila ng establisimyento na hindi pa rin nito binibitawan ang kamay niya. And it felt good. Damn good. "ANO'NG ginagawa natin dito? Kaninong bahay 'to?" tanong ni Allie kay Darrel. Pagkagaling nila ng restaurant ay dumiretso sila sa bahay na iyon. Habang naglalakad sila ay halos sa kanila nakapako ang mga mata ng mga taong nadaraanan nila. Nang tingnan niya si Darrel ay tila walang anuman dito ang bawat tingin na ipinupukol sa kanila. Samantalang siya ay tinatablan ng pagkailang. Hindi kasi siya sanay na binibigyan ng sobrang atensiyon. Nasanay na siyang mag-isa. She was used to being independent. Both of her parents had already passed away. Tanging ang nag-iisang kapatid na babae ng kanyang ama ang nagpalaki at nag-alaga sa kanya. Pero iniwan niya ang Tita Beth niya sa Baguio kasama ang anak nito. Bigla ay na-miss niya ang tiyahin niya. "Allie, are you okay?" pukaw sa kanya ni Darrel. "Ha?" Napakurap siya. Natulala pala siya. Naroon na sila sa harap ng gate ng bahay na may pinturang puti at itim ang gate. "Hobby mo ba ang matulala?" may himig ng pagbibirong sabi nito. Napangiti siya. Nahalata na rin pala nito na lagi siyang natutulala. Ang hindi nito alam, tuwing nakikita niya ito lang siya nagkakaganoon. Wala siyang planong ipaalam dito iyon. "Sorry, may naalala lang kasi ako." "Ah, okay. Akala ko, namatanda ka na riyan, eh. Let's go! Lumalamig na itong pagkain." Hinila na siya nito papasok sa gate. "Saglit nga." Pinigilan niya ang kamay nitong humihila sa kanya. "Kanino bang bahay 'to?" Bumuntong-hininga ito. Nabigla pa siya nang pisilin nito ang ilong niya. "You worry too much. This is my house. Huwag kang mag-alala, may kasama tayo sa loob. Nariyan si Manang Yolly." "Okay," matipid na sabi niya. "Panatag na ba ang loob mo?" tanong nito. Tumango siya bilang sagot. Nahulaan yata nito ang tumatakbo sa isip niya. "Pasensiya ka na, ha? Alam mo naman, umiiwas lang ako sa maaaring sabihin at isipin ng mga tao, lalo na at bago pa lang ako rito." "It's all right. I understand. Now, puwede na ba tayong tumuloy sa loob at nang makakain na tayo? kasi talagang nagugutom na 'ko." Natawa siya dahil mukha ngang gutom na ito. "Sige na nga, tara na!" "NASAAN ang parents mo? Sino'ng kasama mo rito?" curious na tanong ni Allie kay Darrel habang nasa kalagitnaan sila ng pagkain ng spaghetti, fried chicken, garlic bread, at café latte. "Wala, eh. Pero nariyan naman si Manang Yolly. Siya ang nag-alaga sa akin mula noong bata pa ako," sagot nito. pagkatapos ay kumagat ito sa garlic bread. "Nasaan na ang parents mo?" ulit niya sa naunang tanong niya. "They've separated," sagot nito. "May kanya-kanya na silang pamilya. My dad, he's now living in London. And my mom, she's in Bacolod." Gusto niyang malungkot para dito dahil alam niya ang pakiramdam kung paano lumaki nang mag-isa. She know what it was like growing up without any form of guidance from parents. "Ilang taon ka noong naghiwalay sila?" "Nine years old, I guess." Huminga siya nang malalim. "Ang hirap lumaking mag-isa, 'no?" "Ikaw rin?" hindi makapaniwalang tanong nito. Tumango siya at ikinuwento niya rito ang mga nangyari sa mga magulang niya at kung paano siya natuto na tumayo sa sarili niyang mga paa. She felt strange. Hindi siya madaling mag-open up sa ibang tao, lalo na sa mga bagong kakilala. But with Darrel, she felt comfortable. Panatag ang loob niya na ikuwento rito ang buhay niya. Maybe because they went through the same struggles in life. "But we're still lucky, aren't we? Mabubuting tao pa rin ang mga nagpalaki sa atin." "Right," nakangiting pagsang-ayon niya. "Enough of these sad stories. Ang mahalaga ngayon ay maayos ang buhay natin." "Tama. Thank you dahil mabait kayo sa akin ng mga kaibigan mo." "Wala 'yon. Mukha lang bolero at hayok sa babae ang mga 'yon pero maaasahan mo kami sa lahat ng oras. Magkababata kami kaya maliliit pa lang ay magkakasama na kami. Kabisado ko na ang likaw ng bituka ng mga 'yon." Ilang saglit pa ay naubos na nila ang mga pagkaing binili nito. Pareho rin nilang hinihimas ang mga tiyan nila pagkatapos. "Ayaw na kitang kasabay na kumain. Baka sa susunod, eh, maimpatso na ako," pabirong reklamo niya. "Dapat lang sa 'yo na kumain nang marami para hindi ka magkasakit at para malakas ang resistensiya mo." Kinilig siya sa sinabi nito. Pero hindi niya ipinahalata iyon dito. "Basta iiwas na akong sumabay na kumain sa 'yo. Ayokong maging lumba-lumba." Tumawa ito. "You're funny. Kahit maging lumba-lumba ka, you'll always be beautiful in my eyes." May kung anong bumundol sa dibdib niya sa sinabi nito. Oh, my God! Maganda raw ako! Ngumiti siya kahit na ramdam niya ang kakaibang tensiyon sa pagitan nila. Tumikhim siya dahil naiilang na siya. Kanina pa ito kasi nakatitig sa kanya. Mabuti sana kung walang epekto sa kanya ang lahat ng mga sinasabi nito. Ang kaso ay hindi. Katakut-takot na kaba ang pumupuno sa dibdib niya tuwing pinupuri siya nito. Kung alam lang nito ang epekto sa kanya ng lahat ng ginagawa at sinasabi nito. "Uhm... Paano? 'Una na ako," pag-iiba niya sa usapan. "Uuwi ka na?" tanong nito na may halong lungkot ang tinig. "Oo sana, eh. Kung okay lang sa 'yo. May gagawin pa kasi ako. Alam mo na, hindi pa ako tapos magbasa ng diyaryo. Kailangan ko pang maghanap ng mapa-pasukan." "O, sige," usal nito. Tumayo na siya. "Sige, ha? Thank you uli sa breakfast!" Iyon lang at nagmamadali na siyang lumabas ng bahay. Kailangan niyang makalayo kay Darrel. Ayaw niyang kumpirmahin o pangalanan ang kabang sa tuwina ay nararamdaman niya tuwing malapit ito sa kanya. Hindi pa uli siya handang masaktan. Tama nang minsan siyang nagtiwala at lumuha nang dahil sa isang lalaki. Pagkauwi niya sa apartment ay saka niya naalala ang diyaryo na binili niya. Naiwan niya iyon sa Rio's Finest nang basta na lang siya hinila ni Darrel at dinala sa bahay nito. Napakamot siya sa kanyang batok. Lalabas pa pala uli siya kung ganoon. Sana lang ay wala sa restaurant ang isa sa mga kaibigan ni Darrel. Dahil sigurado siyang alam na nito ang nangyari. Naroon si Jared kanina nang hilahin siya ng binata palabas ng Rio's Finest. Abut-abot ang dasal niya na sana ay wala ang mga ito sa restaurant. Dahil kapag naroon ang kahit isa sa kaibigan nito, tiyak na tutudyuhin siya. Pagpasok niya sa restaurant ay agad siyang nagtanong sa crew na unang nakita niya roon. Nakahinga siya nang maluwag nang malaman niyang itinabi ng mga ito ang broadsheet. Nagpasalamat siya nang ibinigay nito iyon sa kanya. Palabas na siya ng restaurant nang maka-salubong niya sina Jared, Ken, at Dingdong. "O? Nakauwi ka na?" gulat na tanong sa kanya ni Jared. Pero mababakas sa mukha nito ang panunudyo. "Saan ka ba galing?" tila painosente namang tanong ni Ken. "Ang balita ko, binilhan ka ni Darrel ng breakfast," sabi ni Vanni na biglang sumulpot mula sa likuran niya. "Ngayon lang bumili ng ganoon karaming pagkain ang kaibigan naming 'yon, 'di ba, mga pare?" "Right," pagsang-ayon ni Dingdong. "Would you believe, dalawang paper bag na pagkain?" "You must be special, Allie," sabi ni Ken na may nakaloloko ring ngiti sa mga labi. "Hay, naku, kayo talaga. Para breakfast lang, eh. Walang ibig sabihin 'yon," depensa niya. "Okay," nagkibit-balikat na sabi ni Jared. "Sabi mo, eh." Alam niyang hindi kumbinsido ang mga ito sa sagot niya. Dahil maging siya ay ganoon din ang pakiramdam. Pero iyon ang dapat niyang isagot para sa ikabubuti niya at ng puso niya. "So, paano? I have to go. Maghahanap pa ako ng maa-apply-an ko bukas." "Hey, if you ever need help, sabihin mo lang sa amin. Puwede ka naming tulungan," ani Ken. "Oo nga," pagsegunda nina Jared at Vanni. "Thanks, guys. I appreciate it. Pero kaya kong maghanap ng trabaho nang mag-isa. Don't worry, kapag wala talagang nangyari sa paghahanap ko, lalapit ako sa inyo." Tumango ang mga ito. "Sige, uwi na muna ako."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD