CHAPTER 5

3145 Words
Kinabukasan ay nagising ako na may humahalik sa aking pisngi. “Anak, gising na,” masayang sabi ng aking daddy habang nakatitig sa akin. Tumingin ako sa aking ama. “Daddy, inaantok pa po ako,” reklamo ko dahil gusto ko pang matulog. Ngumiti si daddy at tinitigan ako. ‘‘Anak, ang gusto ko, habang bata ka pa’y matuto ka nang maging responsable. Dahil hindi habambuhay— kasama mo kami ng mommy mo. Darating ang panahon na mawawala kami sa buhay mo, dahil maikli lang ang buhay ng tao. Kaya ngayon pa lang matuto ka nang maging responsableng tao,” mahabang litanya ng aking ama na hindi ko maunawaan. Kinusot ko ang aking mga mata at tinitigan ko ang aking ama. “Daddy, bakit ganyan ka po magsalita?” seryosong tanong ko sa aking ama. Umiling ang aking ama at niyakap niya ako nang mahigpit. “Anak, basta lagi mong tatandaan. Mahal na mahal ka ng daddy. Lahat gagawin ko para sa ‘yo,” muling pahayag ng aking ama. “Mahal na mahal din po kita, Daddy.” Kumalas ako sa pagkakayakap sa kanya at tumingin. ‘‘Daddy, gusto ko pong makita si Lolo Raphael,” sambit ko. Kung ang Lola Prima ko ay hindi niya ako matanggap bilang isang apo. Si Lolo Raphael naman ay mahal na mahal ako bilang nag-iisang apo at tagapagmana ng Lopez Corporation, at lahat nang hilingin ko sa kanya ay ibinibigay niya sa akin. Ganoon ako kamahal ng aking lolo kaya hindi ko kakayanin kung mawawala siya sa amin. Huminga muna nang malalim ang aking ama bago muling nagsalita. “Sige, anak, pupuntahan natin ngayon ang lolo mo. Kaya bumangon ka na diyan at nang makapaghanda na tayo papunta sa hospi—” Hindi na naituloy ni daddy ang sasabihin niya nang bigla akong magsalita. “Daddy, ano po ‘yang kulay pula sa leeg mo?” tanong ko sa aking ama nang makita ko ang parang kamot sa kanyang leeg na pulang-pula. Natigilan ang aking ama nang dahil sa aking tanong. Tumayo siya at humarap sa salamin at tiningnan ang kanyang leeg na may bahid na kulay pula. Napailing ang aking ama habang napapangiti. Lumapit sa akin si daddy at ngumiti. ‘‘Anak, kagat lang ito nang malaking lamok,’’ pabirong sabi ng aking ama at kinalong na niya ako. Pagkatapos ay dinala ako sa banyo at tinulungan niya akong maglinis ng aking mukha at magsipilyo na kalimitan ay si mommy ang gumagawa nito sa akin dahil busy siya sa trabaho. Nang matapos niya akong linisan ng aking katawan ay binihisan na niya ako ng magandang damit na paborito ko sa lahat. Pagkatapos ay lumabas na kami sa aking silid at nagpunta na kami sa dining area kung saan abalang hinahanda ni mommy ang breakfast namin. “Wow! Strawberry pancake!” sabi ko nang maiupo ako ni daddy sa aking p’westo. “Hon, bakit ang tagal mong gisingin ang anak mo?” tanong ng aking ina sa aking ama. Ngumiti si daddy. “Eh, kasi po— ‘yang prinsesa mo ayaw pang bumangon,” pabirong sabi ng aking ama habang nakatitig sa akin. Sumimangot ako dahil ako pa talaga ang itinuro kung bakit matagal kaming lumabas ng aking silid. Tumingin ako sa aking ina at nagulat naman ako nang makita ko na may kulay pula rin ito sa kanyang leeg. “Mommy, kinagat ka rin po nang malaking lamok? Katulad ni daddy?” Nagulat ang aking ina nang dahil sa aking tanong at tila nag-isip nang sasabihin sa akin. “Malaking lamok?” balik na tanong ng aking ina sa akin. Tumango ako. “Opo, Mommy, kasi si daddy may kulay pula rin po sa kanyang leeg. Ang sabi po niya sa akin kinagat daw po siya nang malaking lamok,” diretsong tugon ko sa aking ina na ikinagat-labi ng aking ama. Tumingin si mommy kay daddy. “Hon, ano bang pinagsasabi mo sa anak mo?” pabulong niyang tanong na nginitian lang ng aking ama. Natutuwa akong makita na masaya ang aking mga magulang na parang walang problema sa kanilang relasyon. Alam ko na hindi madali para kay daddy na talikuran ang aking Lola Prima para sa aming mag-ina. Ngunit ginawa niya para sa amin dahil kami ang buhay niya. “Hon, ano naman ang gusto mong sabihin ko sa ating anak? Na ikaw ang ku—” Hindi na naituloy ni daddy ang kanyang sasabihin nang bigla siyang paluin ni mommy sa kanyang braso. “Tumigil ka nga sa mga pinagsasabi mo. Umupo ka na diyan at nang makakain na tayo,” saway ni mommy sa aking daddy. Tumango si daddy at sa halip na umupo siya ay pinaghila niya ng upuan si mommy at tinulungan niya na itong umupo. Pagkatapos ay siya naman ang umupo at nilagyan niya ng pancake ang plato ko at ganoon din ang ginawa niya sa plato ng aking ina. Habang kumakain kami ay nakatitig ako sa aking mga magulang na parehong nagniningning ang mga mata na hindi ko alam ang dahilan kung bakit. Bata pa lang ako kaya may mga bagay na hindi pa rin ako nauunawaan, pero hindi na importante ‘yon. Ang mahalaga’y nakikita ko na masaya ang aking mga magulang, at kung magkakaroon ako ng sariling pamilya pagdating ng panahon sana’y katulad ni daddy ang makasama ko sa buhay. Lumipas ang ilang sandali ay natapos na kami mag-almusal. “Hon, kayo na lang ni Celine ang pumunta sa hos—’’ Hindi na naituloy ni mommy ang kanyang sasabihin nang bigla siyang tumakbo papunta sa common toilet at nagduduwal. Sinundan namin ni daddy si mommy na hanggang ngayon ay hawak-hawak ang kanyang sikmura at nagsusuka. Magsasalita na sana si daddy ngunit dinampot niya ang maliit na bagay na nakapatong sa may toilet sink. Tuwang-tuwa si daddy nang mahawakan niya ito at napansin ko na may dalawang guhit ito sa gitna. Naguguluhan ako kung bakit tuwang-tuwa si daddy ngayon. Habang ang aking ina ay nahihirapan sa pagsusuka. Kinurot ko ang aking daddy dahilan upang tumigil siya sa pagtawa. “Anak, bakit mo naman ako kinurot?” takang tanong sa akin ni daddy. “Eh, kasi po, Daddy, ang bad-bad mo! Nagagawa mo pa talagang tumawa habang nahihirapan si mommy!” Sabay ismid ko sa kanya na tinawanan lang din niya. Tumingin sa akin si daddy at kinalong niya ako. Huminga muna nang malalim si daddy bago magsalita. “Anak, hindi ko tinatawanan ang mommy mo.” Tumingin siya kay mommy na ngayon ay nahimasmasan na sa kanyang pagsusuka. “Masaya lang ako kasi po—’’ “Kasi po ano?” pagputol ko sa sasabihin ni daddy. Ngumiti si daddy. ‘‘Kasi po magiging ate ka na,’’ masayang sabi niya at niyakap niya si mommy habang kalong-kalong ako. Hindi ko alam kung matutuwa ba ako sa aking nalaman. Dahil natatakot ako na kapag nagkaroon na ako ng kapatid ay hindi na ako pansinin ng aking mga magulang. “Hon, bakit hindi mo sinabi sa akin na buntis ka?” tanong ni daddy sa aking ina. “Hon, ngayon umaga ko lang nalaman dahil mag-iisang buwan na akong hindi dinadatnan, kaya nag-pregnancy test na ako,” mabilis na tugon ng aking ina kay daddy. Habang masaya ang aking mga magulang ay may lihim na lungkot akong nararamdaman sa aking dibdib na hindi ko ipinapahalata sa kanila. “Hon, sumama ka na sa amin ni Celine sa hospital, para makapagpa-check up ka na rin sa OB mo,” muling pahayag ng aking ama na mabilis na tinanguan ng aking ina. Kasalukuyang tinatahak namin ang kahabaan ng Edsa nang may makasalubong kami na humaharurot na truck na sumalpok sa aming sasakyan. “Anak!” salitang narinig ko nang yakapin ako ng aking ina bago ako tuluyan na mawalan ng malay. NAGISING ako sa isang silid na napapalibutan ng puting kurtina. Hinanap ko agad ang aking mga magulang ngunit wala sila rito. Kasabay nang pagpatak ng aking mga luha ay naramdaman ko ang kirot sa aking ulo at braso. Ngayon ko lang din napansin ang dextrose na nakakabit sa akin at nakita ko ang maraming galos sa aking braso at binti. ‘Mommy, Daddy, nasaan kayo?’ tawag ko sa aking mga magulang nang maalala ko na nabunggo ng truck ang aming sasakyan. Patuloy ako sa pag-iyak nang bumukas ang pintuan. “Mo—” Hindi ko na naituloy ang sasabihin ko nang pumasok ang nurse. “Mabuti naman at nagising ka na, hija,” masayang sambit ng nurse at pinindot niya ang intelcom at nagsalita. “Doc, gising na ang pasyente.” Sabay lapit nito sa akin tiningnan ako. Maya-maya ay dumating na ang doctor na pamilyar sa akin na walang iba kung ‘di si Doctor Aldana na siyang doctor ng Lolo Raphael. “Hija, kumusta na ang pakiramdam mo? May masakit ba sa ‘yo? O kakaibang nararamdaman sa ulo?” sunod-sunod na tanong ng doctor sa akin. Umiling ako. “Wala po, doc, gusto ko lang po makita ang mga magulang ko,” walang buhay kong tugon. Natahimik ang doctor at nurse na tila ba parehong nag-isip nang sasabihin sa akin. “Doc, nasaan po ang mga magulang ko?” tanong ko sa doctor na ikinalungkot nito. Hinaplos ng doctor ang aking pisngi. “Hija, natatandaan mo ba ang nangyari nang huli kayong magkakasama ng mga magulang mo?” balik na tanong sa akin ng doctor. Tumango ako at nagsimula na naman akong umiyak. “Opo, papunta po kami sa hospital nang mabunggo ng truck ang kotse namin,” mabilis kong tugon. Tinitigan ako ng doctor at huminga muna siya nang malalim bago muling magsalita. “Hija, sa nangyaring aksidente sa inyo. Ikaw lang ang maswerteng nakaligtas dahil pareho kang hinarangan ng mga magulang mo. At isang himala rin ang nangyari na nakaligtas ka,” mahabang litanya ng doctor na hindi ko maunawaan. “Doc, a—ano po ang ibig sabihin n’yo? Hin—hindi ko po kayo maintindihan,” nauutal kong tanong sa doctor. Hindi ko alam kung ano ba ang nangyari sa mga magulang ko pagkatapos ng aksidenteng nangyari sa amin. Nagkatinginan ang doctor at nurse at parehong nalungkot nang tumingin sa akin. Magsasalita pa sana ako nang biglang bumukas ang pintuan at iluwa nito ang galit na galit kong lola. “Lola Pri—” Hindi ko na naituloy ang sasabihin ko nang isang malakas na sampal ang binigay sa akin ng sarili kong lola na ikinagulat ko. “Lola, ano pong kasalanan ko sa ‘yo?” tanong ko sa ina ng aking ama. Ngumisi ang lola ko. “Nagtanong ka pa talaga? Manang-mana ka talaga sa malandi mong ina!” Tumulo ang mga luha niya. “Nang dahil sa ‘yo! Namatay ang anak ko!” singhal niya sa akin na ikinabingi ko. Sasampalin pa sana ako ng aking lola nang pigilan siya ng nurse at doctor. “Mrs. Lopez, walang kasalanan ang apo mo. Aksidente ang nangyari! Dapat pagpakitaan mo siya nang kalinga ngayon, dahil ulilang lubos na ang apo mo,’’ seryosong saad ng doctor sa aking Lola Prima. Umiling ang aking lola. ‘‘Hindi!” Nanlilisik ang mata ni Lola Prima na tumingin sa akin. “Hinding-hindi kita kakalingain! Dahil ikaw ang pumatay sa anak ko!” galit na sigaw ng aking lola at iniwan na niya akong nag-iiyak. Ayokong maniwala sa mga sinabi ni lola hangga’t hindi ko nakikita ang daddy ko. Pinahid ko ang aking mga luha at tumingin ako sa doctor. “Doc, totoo po bang patay na ang daddy ko?” Huminga nang malalim ang doctor bago nagsalita. “Hija, totoo ang sinabi ng lola mo. At hindi lang ang daddy mo ang nawala. Pati na rin ang mommy mo,” mga katagang binitawan ng doctor. Halos mabingi ako sa sinabi ng doctor at pakiramdam ko’y pinasakluban ako ng langit at lupa nang dahil sa aking nalaman. Bigla akong nalungkot dahil tanging sina Lola Prima at Lolo Raphael lang ang alam kong kamag-anak ko. Pero ngayong comatose ang lolo ko malabong kupkupin ako ng aking Lola Prima. Kung may kamag-anak man ako sa side ni mommy ay hindi ko sila kilala. Kaya hindi ko alam kung saan ako titira ngayon. Pinahid ko ang aking mga luha at muling nagsalita. “Gusto ko pong makita ang mommy at daddy ko,” pahayag ko. Sabay na tumango ang doctor at nurse. Pagkatapos ay lumabas ang nurse upang kumuha ng wheelchair, at maya-maya’y bumalik ito na tulak-tulak ang wheelchair na uupuan ko. Tinulungan ako ng doctor at nurse na umupo at inilabas na nila ako sa silid upang puntahan ang aking mga magulang. Habang tinatahak namin ang hallway ay walang tigil ang aking mga luha sa pagpatak. At nanginginig ang aking katawan nang mabasa ko ang morgue kung nasaan ang aking mga magulang. Nang makarating kami sa morgue ay nabasa ko pangalan ng aking mga magulang, at maya-maya ay inilabas na ang kanilang katawan na parehong may takip ng puting kumot. Dahan-dahan na tinanggal ng lalaki ang kumot na nakatakip sa kanila. Halos gumuho ang mundo ko nang makita ko ang aking mga magulang na parehong wala ng buhay. “Mommy, Daddy!” hagulhol ko. Tinulungan ako ng nurse na tumayo upang mayakap ko ang aking mga magulang. “Mommy, Daddy, gumising kayo! Huwag n’yo ko iwan!” sabi ko habang umiiyak. Wala akong tigil sa pag-iyak dahil hindi ko alam kung paano ko haharapin ang aking buhay na mag-isa. Napakasakit na mawalan ng magulang, lalo na sa katulad kong bata na wala pang alam sa buhay. “Mommy, Daddy, paano na ako? Isama n’yo na lang ako,” muling sabi ko habang umiiyak. Tumingin ako sa aking ama at bigla kong naalala ang mga sinabi niya sa akin nang umagang ‘yon. Kaya siguro sinabi niyang mawawala sila sa tabi ko ayramdam niya na malapit na silang kunin ng Diyos sa akin. Pero bakit kailangang pareho silang bawiin sa akin ng Diyos, sobrang lupit naman sa akin ng tadhana. Patuloy ako sa pag-iyak habang yakap-yakap ko ang aking mga magulang. “Hija, tayo na sa silid mo. Kinakailangan mo nang magpahinga,” pag-aya sa akin ni Doctor Aldana. Umiling ako at niyakap ko nang mahigpit ang aking mga magulang. “Ayoko! Gusto ko lang sa mommy at daddy ko!” pagtutol ko. Pinagtulungan ako nina Doctor Aldana at Nurse Mildred na ilayo sa aking mga magulang. Pagakatapos ang lalaki naman ay mabilis na ibinalik sa freezer ang katawan nina mommy at daddy. Iyak ako nang iyak habang tinatahak namin ang hallway patungo sa aking silid. Wala akong pakialam kung pagtinginan ako ng mga tao dahil hindi nila alam ang sakit na nararamdaman ko ngayon. LUMIPAS ang mga araw ay nalaman ko na hindi gagastusan ng Lola Prima ang pagpapalibing sa mga magulang ko. Ang sabi ni Doctor Aldana ay hahanapin nila ang mga kamag-anak ko sa Quezon Province upang ipaalam sa kanila ang nangyari sa mga magulang ko. Kaya habang pinapahanap niya ang mga kamag-anak ko’y ilalagay muna sa freezer dito sa morgue ang katawan ng aking mga magulang. At ako’y dadalhin din muna niya sa bahay ampunan upang may mag-alaga sa akin. Malungkot ako habang binabaybay namin ni Doctor Aldana ang Ayala Bridge patungo sa Hospicio de San Jose, kung saan niya ako papaalagan habang hindi pa nahahanap ang aking mga kamag-anak sa Quezon Province. Hindi ko lubos akalain na ang sarili kong lola ay ipagtatabuyan ako. Siguro kung walang sakit ang Lolo Raphael ay hindi ito mangyayari sa akin. Hindi nagtagal ay nakarating na kami sa bahay ampunan. “Celine, sorry ha! Hindi kita p’wedeng iuwi sa bahay ko kasi wala naman akong asawa na p’wedeng mag-alaga sa ‘yo. Kaya sa ngayon, dito muna kita iiwan habang hindi ko pa natatagpuan ang mga kamag-anak mo,” pahayag ni Doctor Aldana. Tumango ako kay Doctor Aldana at ngumiti. “Okay lang po ‘yon. Alam ko naman na kasama ko pa rin ang mga magulang ko at hindi nila ako pababayaan,” walang buhay kong tugon at bumaba na ako sa sasakyan na yakap-yakap ang manika kong si Erika na binili pa ni daddy nang pumunta kami sa Hongkong Disneyland. Hindi na muling nagsalita pa si Doctor Aldana at bumaba na rin siya ng kotse na dala-dala ang aking bag. Nang makarating na kami sa loob ay sinalubong kami ng isang madre. “Kuya Gabby, narito na pala kayo,” bati sa amin ng madre. Tumango si Doctor Aldana at tumingin sa akin. “Celine, siya si Sister Paula, kapatid ko siya at siya ang mag-aalaga sa ‘yo habang narito ka,” ani niya. Ngumiti lang ako sa madre na kapatid pala ni Doctor Aldana. Kahit ayokong tumira dito ay wala naman akong choice, dahil ayaw sa akin ni Lola Prima. Napailing na lang si Doctor Aldana at iniwan na niya ako rito sa bahay ampunan. Nang tuluyan nang nakaalis si Doctor Aldana ay dinala na ako ni Sister Paula sa magiging silid ko, at habang naglalakad kami ay sinalubong kami ng isang batang lalaki na sa tingin ko ay matanda sa akin ng apat na taon. “Sister Paula, ako na poa ng magdadala ng gamit niya,” sabi ng batang lalaki habang nakatitig sa akin. Tumango si Sister Paula. “Napakabait mo talagang bata, Alfred,” masayang wika ng madre at ibinigay na nito ang aking bag. Habang naglalakad kami ay napansin ko na paulyap-sulyap sa akin si Alfred at hindi ko alam kung bakit ganoon siya makatingin sa akin. Hindi nagtagal ay nakarating na kami sa isang silid. “Celine, ito ang magiging silid mo. At kung may kailangan ka, huwag kang mahihiyang magsabi sa akin,” pahayag ni Sister Paula. “Opo, sister,” tanging nasabi. Ngumiti si Sister Paula at muling nagsalita. ‘‘Oh sige, Celine, iwan muna kita dito. At tutulungan ka ni Alfred na ayusin ang mga gamit mo.” Sabay haplos niya sa aking buhok at iniwan na niya kami ni Alfred. Hindi ako nagsasalita habang inaayos namin ni Alfred ang aking mga gamit dahil bigla ko na naman naalala ang mga magulang ko. Tumingin sa akin si Alfred. ‘‘Celine, bakit ka umiiyak?’’ tanong sa akin ni Alfred. Pinahid ko ang aking mga luha gamit ang aking kamay. “Naalala ko lang ang mommy at daddy ko. Pati na rin ang magiging kapatid ko sana,” mabilis kong tugon kay Alfred. Ngumiti si Alfred at hinawakan niya ang aking kamay. “Alam ko ang nararamdaman mo. Kasi wala na rin akong mga magulang. Kaya narito ako ngayo sa bahay-ampunan.” Tinitigan niya ako. “Huwag kang mag-alala, hangga’t narito ako, aalagaan kita, Celine,” sabi niya. Tumango na lang ako kay Alfred bilang tugon. Alam ko na hindi habambuhay ay narito ako sa bahay-ampunan, dahil naniniwala ako na magigising din ang Lolo Raphael ko at kukunin niya ako rito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD