CHAPTER 6

1546 Words
Ilang araw ang lumipas simula nang dalhin ako rito sa ampunan ni Doc. Aldana ay wala akong ibang naging kaibigan dito kung ‘di si Alfred lang, dahil hindi ako nakikipag-usap sa iba sa kagustuhan kong makapag-isa. Narito ako ngayon sa hardin at tahimik na pinagmamasdan ang mga bulaklak nang lumapit sa akin si Alfred. ‘‘Anong ginagawa mo rito? Bakit hindi ka nakikipaglaro sa ibang bata?” sunod-sunod na tanong sa akin ni Alfred. Tumingin ako kay Alfred. “Mas gusto ko kasi ang tahimik. At nawawala ang lungkot ko kapag nakikita ko ang mga rosas,” tugon ko kay Alfred. Ngumiti si Alfred at tinitigan ako. “Mas bagay sa ‘yo ang ngumingiti.” At tumingin siya sa isang rosas at pinitas niya ito. “Alfred, bakit ka pumitas ng rosas?” tanong ko kay Alfred. Hindi siya nagsalita habang inaalisan niya ng tinik ang tangkay ng rosas. Lumapit sa akin si Alfred at inipit niya ang aking buhok sa aking tainga at inilagay niya ang rosas. Ngumiti si Alfred. “Ang ganda mo talaga, Celine,” puri niya sa akin habang tinititigan niya ako. Sa edad kong walong taon ay normal lang ang pagpuri na binibigay sa akin ni Alfred, at dahil bata pa ako ay wala pa akong muwang sa mga lagkit ng tingin niya sa akin. Alam ko na sa edad niyang dose anyos ay nagsisimula na siyang magbinata. “Salamat, Alfred,” matipid kong tugon sa aking kaibigan. Huminga muna nang malalim si Alfred bago muling nagsalita. “Celine, kapag dalaga at binate na tayo, ikaw ang gusto kong maging girlfriend.” Sabay abot pa niya sa akin ng mga rosas. Hindi agad ako nakapagsalita dahil sa edad kong ito ay hindi ko pa naiisip ang tungkol sa mga bagay-bagay na hindi pa angkop sa edad kong ito, dahil ang kabilin-bilinan sa akin ni daddy ay bata pa raw ako para sa mga crush-crush. Inaamin ko na naga-gwapuhan ako kay Alfred ngunit hanggang doon lang ‘yon. “Alfred, bakit mo ba sinasabi sa akin ang bagay na ‘yan?” seryoso kong tanong kay Alfred na mabilis niyang  sinagot. “Siyempre, crush kita! At ngayon pa lang aalagaan na kita.” Sabay ngiti niya sa akin na ikinatuwa ko dahil pakiramdam ko ay nagkaroon ako ng kakampi sa katauhan ni Alfred. SIMULA nang sabihin sa akin ni Alfred na aalagaan niya ako ay wala siyang ginawa araw-araw kung ‘di ang samahan ako. Hindi na rin siya nakikipaglaro sa ibang kabataan na kasing edad niya. Katulad nang madalas namin na ginagawa ni Alfred ay nandito lang kami sa garden at nagdidilig ng mga bulaklak. Pagkatapos kong magdilig ng mga rosas ay natuwa ako hawakan ang isa nito hanggang sa aksidente akong matinik sa tangkay nito. “Aray!” daing ko nang masaktan ako. Nakita ko ang labis na pag-aalala sa mga mata ni Alfred. Mabilis niyang dinampot ang aking daliri at walang ngiwi niyang sinipsip ang dugo nito upang maibsan ang sakit. At pagkatapos ay iniluwa niya ang dugong nasipsip niya. Tumingin sa akin si Alfred. ‘‘Huwag mo kasing basta-basta hahawakan ang mga rosas, nang hindi ka matinik,” sabi niya na may kasamang pag-aalala. Ngumiti ako kay Alfred, dahil sa simpleng pagdampi ng kanyang labi sa aking daliri, pakiramdam ko ay may kuryenteng gumapang sa aking braso na ngayon ko lang naramdaman. Habang hawak-hawak ni Alfred ang aking kamay ay may narinig kami na nagsalita. “Uy! Si Alfred, hinahalikan ang kamay ni Celine,” sabay-sabay na biro sa amin nina Xander at Drake, ang mga kaibigan ni Alfred. Mabilis kong inalis ang mga kamay ko sa pagkakahawak ni Alfred at tumungo ako dahil sa pagkapahiya na naging dahilan upang singhalin ni Alfred ang kanyang mga kaibigan. “Nagkamali kayo ng iniisip. Natinik si Celine ng rosas kaya inalis ko ang tinik sa kanyang daliri!’’ paliwanag ni Alfred sa kanyang mga kaibigan na mas naging dahilan upang asarin siya ng mga ito. “Ang sabihin mo, Alfred, gustong-gusto mo na matinik siya sa rosas,” pabirong wika ni Xander. “Oo nga, Alfred, para mahalikan mo ang kamay niya,” segunda naman ni Drake habang tatawa-tawa. Ikinuyom ni Alfred ang kanyang kamao at muling hinarap ang kanyang mga kaibigan “Hindi to—“ Hindi na natapos ni Alfred ang sasabihin niya nang lumapit sa amin si Sister Paula. ‘‘Celine, may magandang balita ako sa ‘yo,” masayang pahayag ni Sister Paula. “Ano po ‘yon, Sister Paula?” tanong k osa kapatid ni Doctor Aldana.            Ngumiti si Sister Paula at muling nagsalita. ‘‘Celine, tumawag si Kuya Gabby. At sinabi niya sa akin na nahanap na raw nila ang mga lolo at lola mo sa Quezon Province.” Sabay ngiti niya habang hinahaplos niya ang aking buhok.            “Talaga po?” paniniguro ko na mabilis niyang tinanguan.            “Oo, Celine, at bukas na bukas din ay susunduin ka na ng mga lolo at lola mo. At nang maihatid n’yo na rin sa huling hantungan ang mga mommy at daddy mo,” pagtatapat niya sa akin na ikinalungkot naman ni Alfred.            Halos maglulundag naman ako sa tuwa nang malaman ko na nahanap na ni Doctor Aldana ang mga magulang ni mommy. Ngunit nalungkot din ako nang makita ko ang malungkot na mukha ni Alfred.            Ngumiti ako nang bahagya. “Alfred, na—“            Hindi ko na natapos ang aking sasabihin nang biglang tumakbo si Alfred papalayo sa akin na ikinagulat ko.            Napailing naman si Sister Paula nang dahil sa inasal ni Alfred.            ‘‘May problema ba ang bata na ‘yon?” takang tanong ni Sister Paula sa amin na walang nakapagsalita sa amin dahil wala naman kaming maiisagot sa kanya.            Hindi na muling nagtanong pa si Sister Paula at inutusan na lang niya akong ayusin ang aking mga gamit. Dahil bukas ng umaga raw darating ang mga lolo at lola ko upang sunduin ako.            Sinunod ko ang utos sa akin ni Sister Paula at mabilis kong inayos ang aking mga gamit.            Sinadya kong bilisan ang pag-e-empake ng aking mga gamit. Dahil gusto kong kausapin si Alfred, upang magpasalamat sa pag-aalaga niya sa akin dito sa ampunan.            Nang matapos ako sa aking ginagawa ay hinanap ko agad si Alfred ngunit hindi ko siya makita. Halos nilibot ko na ang buong ampunan ngunit bigo ako na makita siya. Malungkot akong naglakad pabalik sa aking silid dahil pakiramdam ko ay ayaw na akong makita ni Alfred.            Lumipas ang oras ay hindi pa rin nagpapakita sa akin si Alfred hanggang sa dumating ang oras ng hapunan ay hindi ko pa rin siya nakikita.            Kahit wala akong gana kumain ay nagpatuloy pa rin ako sa pagkain dahil ang kabilin-bilinan nina sister ay huwag aayawan ang pagkain na nasa harap ng hapag-kainan. Nang matapos akong kumain at mag-impis ng aking pinagkainan ay naglakas-loob akong lumapit kina Xander at Drake.            “Celine, anong ginagawa mo rito?” sabay na tanong sa akin ng magkaibigan.            Tumingin ako sa dalawa. “Nakita n’yo ba si Alfred?” tanong ko sa dalawa.            Nagkatinginan sina Drake at Xander, pagkatapos ay sabay na tumango sila sa akin.            “Oo, Celine,” sabi ni Drake.            Nagningning ang mga mata ko dahil nabuhayan ako ng loob na makausap si Alfred ang lalaking itinuring kong malapit na kaibigan.            ‘‘Nasaan siya?’’ muling tanong ko sa dalawa.            Ngumiti si Xander at nagsalita. ‘‘Naroon siya sa gumamelahan.’’            ‘‘Salamat, ha!’’ matipid kong tugon sa dalawa at pinuntahan ko na ang halamanan na tinutukoy ni Xander.            Nang makarating ako sa may gumamelahan ay nakita ko si Alfred na nag-iiyak.            “Bakit n’yo po kailangan na ilayo sa akin si Celine? Kinuha mo na nga po ang mga magulang ko! Pagkatapos ngayon, ilalayo mo sa akin si Celine?!’’ mga sumbat ni Alfred sa kawalan.            Hindi ko lubos akalain na magiging masakit kay Alfred ang pag-alis ko rito sa ampunan. Ngunit hindi ito naging hadlang na kausapin ko ang aking kaibigan.            “Alfred,” tawag ko sa aking kaibigan.            Tumigil sa pag-iyak si Alfred at lumingon siya sa akin.            ‘‘Celine,’’ malungkot niyang tawag sa akin.            Lumapit ako kay Alfred. ‘‘Anong ginagawa mo rito? At bakit hindi ka naghapunan?” malungkot kong tanong sa aking kaibigan.            Pinahid ni Alfred ang kanyang mga luha at pagkatapos ay nginitian niya ako. “Nakatulog kasi ako rito,” pagdadahilan niya.            Tumango na lang ako tumingin sa langit.            ‘‘Alfred, gusto kong magpasalamat sa ‘yo dahil hindi mo ako pinabayaan dito sa ampunan,” pilit kong saad habang pinipigilan kong pumatak ang aking mga luha. Kinagat ko ang aking ibabang labi at muling nagsalita. ‘‘Alfred, pumapayag na ako na maging girlfriend mo paglaki natin.” Sabay tulo ng aking mga luha dahil ngayon ko lang naramdaman ang lungkot sa puso ko dahil sa nalalapit namin na paghihiwalay ng aming kaibigan.            “Celine, ma-mi-miss kita,” pagtatapat ni Alfred sa akin.            Alam kong mga bata pa kami nina Alfred para sa mga ganitong usapan. Ngunit itatanim ko sa aking puso at isip ang mga masasayang pinagsamahan namin ni Alfred. At kung darating man ang panahon na muli kaming pagtagpuin ni Alfred ay siya ang pipiliin ko na mahalin at makasama habambuhay.        

Great novels start here

Download by scanning the QR code to get countless free stories and daily updated books

Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD