LIEGH Tanghali na pero balewala sa akin ang mataas na sikat ng araw. Mahapdi na ang balat ko at nauuhaw na rin kaya mabigat ang mga paa na humakbang ako pabalik sa beach house na pag-aari ni Declan kahit labag sa kalooban ko. Kung pwede lang na 'wag na akong pumasok sa pintuan papasok sa bahay niya ay ginawa ko na. Baka sakaling kapag ginawa ko 'yon ay magbago ang kapalaran ko pero alam kong imposible kaya wala rin namang mangyayari kahit pa manatili ako sa labas ng bahay na ito. Mukhang tulog pa rin siya dahil walang kahit na anong ingay akong naririnig sa paligid. Parang walang ibang tao dito maliban sa aming dalawa kaya kahit hindi maganda ang pakiramdam ko ay pinili kong pumasok sa kusina para uminom ng tubig at tingnan kung ano ang pwede kong lutuin para sa almusal naming dalawa.