FLASHBACK
"Ate Gemma, kailan ka babalik?" tanong ko kay Ate Gemma, nang makita kong tapos na 'tong mag-impake ng mga gamit nitong dadalhin sa Manila.
Sa lugar na 'yon gusto ni Ate Gemma ipagpatuloy ang pag-aaral nito sa kolehiyo, dahil nakakuha ito ng full scholarship sa isang sikat na unibersidad.
At dahil sa angking talino at dedikasyon ni Ate Gemma, ay hindi rin naging mahirap dito ang lahat, dahil bawat kilos, galaw at mga plano nito sa buhay ay pinag-iisipan muna nitong mabuti, na isa sa katangiang iyon ni Ate Gemma ang aking hinahangaan.
Naipangako ko sa aking sarili na balang araw gusto ko rin maging kagaya n'ya, na sa murang edad ay kaya na nitong maging independent.
"Ikaw talaga...hindi pa nga ako nakaka-alis, eh, tapos pagbalik ko agad ang itinatanong mo," tumatawang sagot ni Ate Gemma, 'tsaka ako hinawakan sa aking ulo.
Agad naman akong napayakap dito at tuloyan na nga akong napa-iyak dahil ngayon pa lang nararamdaman ko na ang lungkot.
"Mami-miss po kita, Ate Gemma, wala na akong kalaro tapos wala na rin pong tutulong sa akin, sa pag-gawa ng mga project at mga homework ko. Bakit po kasi sa Manila ka pa mag-aaral ng kolehiyo, eh, ang layo-layo po do'n," umiiyak kong sambit kay Ate Gemma, habang nakayakap pa rin dito.
Naramdaman ko naman ang pagpatak ng luha nito sa aking kaliwang braso na alam kong kahit ito ay nalulungkot rin kagaya ng aking nararamdaman, dalawa lang kaming magkapatid ni Ate Gemma at anim na taon ang agwat ng edad namin sa isa't-isa.
"Gustuhin man ni Ate na manatili rito sa probinsya natin at dito na lang ipagpatuloy ang aking pag-aaral, kaso kasi bunso, sayang din ang libreng pag-aaral ko na nakuha sa Manila, laking tulong din natin 'yon kina Nanay at Tatay, 'tsaka para pagnatapos ako sa magandang eskwelahang 'yon, ay agad rin akong makakakuha ng magandang trabaho, at pag nangyari 'yon, ikaw naman ang aking pag-aaralin, tapos do'n na rin kayo titira nina Nanay at Tatay, bibili tayo ro'n ng magandang bahay at do'n na tayo titira, para sama-sama na tayo, 'di ba masaya 'yon, Gene? 'Yon ba gusto mo?" nakangiting sambit ni Ate Gemma, kahit pa mababakas sa mga mga mata nito ang matinding lungkot.
Agad naman akong napabitaw mula sa pagkakayakap ko rito dahil sa huling mga sinabi nito.
"Talaga, Ate? Kukunin mo na kami nina Nanay at Tatay? Pag maganda na ang trabho mo?" hindi makapaniwalang sambit ko. "Yehey! Sige, Ate, gusto ko 'yon. Yehey! Makakarating na rin ako sa Manila, tapos makikita ko na rin 'yong mga building na nakikita ko sa TV, tapos 'yong park, Ate, na may tubig tapos may ilaw...ano nga po ang pangalan no'n, Ate? 'Yong nakita po natin sa TV?"
Napatawa naman si Ate Gemma, at alam kong natutuwa ito sa nakikitang reaksyon mula sa akin.
"Ikaw talaga!" 'tsaka ito humalakhak. "Sa Luneta Park 'yong sinasabi mo, bunso. At oo, araw-araw tayong pupunta ro'n nina Nanay at Tatay," natatawang sabi ni Ate Gemma, dahilan naman upang muli akong makaramdam ng kasiglahan sa aking dibdib, 'tsaka ako tumayo at nagtatalon kasabay ng aking pagpalakpak.
Ngunit sabay naman kaming napalingon ni Ate Gemma sa pintuan ng silid nang magsalita si Nanay, "Gemma, anak? Tapos ka na ba? Naghihintay na ang Tatay mo sa labas," rinig naming sambit ni Nanay sa pintuan ng silid namin ni Ate, na mababakas din sa mukha ni Nanay ang waring kalungkutan, na marahil ay dahil din sa naging desisyon ni Ate Gemma na lumayo sa amin upang ipagpatuloy ang pangarap sa ibang lugar.
Agad namang sumagot si Ate Gemma, "Opo, tapos na po." 'Tsaka ito tumayo at kinuha ang dalawang malaking bag na dadalhin sa pag-alis.
Pagkatapos ay lumabas na rin ito na sinenyasan akong sumunod, na agad ko namang ginawa.
"Mag-iingat ka, Gemma, ha? Malayo rin ang Manila. At kung ano man ang mangyari o ano aman ang problema'y tumawag ka kaagad sa amin, para agad kaming luluwas ng Tatay at kapatid mo ro'n," naluluhang sambit ni Nanay kay Ate Gemma.
"Mag-iingat ka ro'n, Gemma, tawagan mo agad kami pag nakarating ka na sa Manila at sa eskwelahang pupuntahan mo, para alam namin kung nasa maayos kang kalagayan," sambit naman ni Tatay kay Ate na mababakas din ang lungkot sa mukha.
Ngumiti naman si Ate Gemma at tumango, 'tsaka yumakap kina Nanay at Tatay, maya-maya'y marahan akong hinila ni Ate papalapit at kagaya nina Nanay ay niyakap din ako nito.
"Opo, Nanay at Tatay, mag-iingat po ako ro'n, at lahat po ng bilin n'nyo ay aking tatandaan at aalalahanin. Mag-iingat rin po kayo palagi rito, at palagi rin po akong tatawag," mahinahong sambit ni Ate sa aming magulang. "At Ikaw naman bunso, 'wag kang pasaway kina Nanay at Tatay, ha? Pag nalaman kong nagpapasaway ka, sige ka, hindi na kita ipapasyal sa Luneta Park, sina Nanay at Tatay na lang," sambit ni Ate Gemma, 'tsaka ito tumawa at gano'n na rin sina Nanay at Tatay.
Bigla naman akong napasimangot, "Ate naman, eh. Nangako ka nga po kanina, 'di ba? At saka 'di naman po ako pasaway kina Nanay at Tatay, eh."
Ngunit lalo lamang ikinatawa ng aking mga magulang at kapatid ang aking naging reaksyon.
MABILIS na lumipas ang mga araw, linggo, at buwan, at ang mga panahong 'yon na wala sa aming tabi si Ate Gemma, ngunit gano'n pa man ay palagi pa rin itong tumatawag sa amin, kaya't kahit paano ay napanatag na rin ang loob nina Nanay at Tatay sa kaalamang maayos lang din ang nagiging kalagayan ni Ate sa lugar na tinungo nito.
Palagi pa ring pinadadalhan nina Nanay at Tatay si Ate ng panggastos nito dahil kahit paano naman ay maayos din ang trabaho ng aking mga magulang sa isang malaking factory rito sa Bicol, isang production operator si Nanay sa isang pagawaan ng langis, sa 'Legazpi Oil Company, Inc., habang si Tatay naman ay isang security guard sa pagawaan ding 'yon, sabay na pumapasok at umuuwi sina Nanay at Tatay, habang ako naman ay inihahabilin sa aming kapitbahay, at dinadaanan na lang nila ako pag-umuuwi na sila.
Subalit isang pangyayari o trahedya ang nangyaring kahit minsan ay hindi ko naiisip na mangyayari sa amin, lalong higit sa aming mga magulang.
At ang pangyayaring 'yon na aking nasaksihan ay kailanman ay hindi ko makayang paniwalaan.
Nasa daan kami papunta sa simbahan dahil araw ng linggo at kagaya ng nakaugalian namin na tuwing linggo ay araw namin mag-anak na pagkatapos magsimba ay pupunta kami sa isang park at doon magpapalipas ng oras habang pinagsasaluhan namin ang mga pagkaing inihanda ni Nanay.
Subalit ng araw na 'yon, habang nasa daan kami nina Nanay at Tatay sakay ng owner type jeep ni Tatay, na s'ya ring bagay na naipundar din ng aming mga magulang kasabay rin ng maliit na lupang kinatitirikan ng aming bahay, nang biglang may nagpaputok sa aming sinasakyan, dahilan upang mapasigaw ako, na ikinataranta naman ni Nanay at agad akong pinayuko sa ibaba ng upuan, at habang nakasiksik ako sa ilalim ng upuan, ay kitang kita ng aking mga mata kung paano sumirit sa loob ng sasakyan namin ang mga dugong lumalabas mula sa mga katawan ng aking mga magulang, at kitang-kita ko rin na pinipilit pa rin na Tatay na patakbuhin ng mabilis ang sasakyan hanggang waring hindi na rin nito kinaya pa at tuloyan na nga kaming bumangga sa kakahuyan.
Ngunit bago pa man tuloyang mawalan ng buhay ang aking mga magulang ay pinilit pa rin ng mga itong maibaba ako ng sasakyan.
"A-Anak, Ge-Gene, ma-makinig ka... Ka-Kailangan mong tu-tumakas, a-nak, para mailigtas mo ang sarili mo. Lumayo ka rito at humingi ka ng tulong...kunin mo 'to, a-anak, at ibigay mo sa Ate mo," Waring nahihirapang sabi ni Tatay, habang halo ang mga luha at dugo na lumalabas sa bibig nito, 'tsaka nito iniabot sa akin ang cellphone ni Tatay at isang susi na nakasabit sa isang kuwintas, na hindi ko alam kung para saan.
Naramdaman ko naman ang mahigpit na paghawak ni Nanay sa aking kamay na pinilit pa rin itong ngumingiti kahit kitang-kita na sa itsura nito ang matinding hirap ng nararamdaman.
"Tu-Tumakbo ka na, a-anak...I-Iligtas mo ang sa-sarili mo, at pa-pagdating ng araw malalaman o mauunawaan mo rin ang....ang da-dahilan o mga na-nangyayari. Si-Sige na, a-anak...tu-tumakbo ka na, ba-bago pa man si-sila makalapit..." nahihirapang sambit rin ni Nanay at kagaya ni Tatay at naghahalo na rin ang mga luha nito at dugo na lumalabas sa bibig nito, na kahit mang piliting ngumiti ay hindi maitatago ang hirap at sakit na nararamdaman nito.
"Na-Nanay, Ta-Tatay, na-natatakot po ako. A-Ayaw ko po ka-kayong iwan. Sumama na lang po ka-kayo sa akin..." u
Umiiyak kong sambit, 'tsaka ako yumakap ng mahigpit sa mga 'to, ngunit kahit nanghihina na ang mga 'to ay pilit pa rin akong itinutulak palayo, kasabay no'n ay ang muling pagpapaputok ng baril sa aming kinaroroonan.
"A-anak, pa-pakiusap, u-umalis ka na, a-yaw na-naming pati ikaw ay ma-mapahamak. Si-Sge na a-anak... Ma-mahal na ma-mahal namin ka-kayo ng A-Ate mo, 'yan ang pa-palagi n'yong tatandaan, ha?" Umiiyak na sabi ni Nanay, habang si Tatay ay pinipilit na akong itulak palayo, at nang muli na naman nga kaming makarinig ng ilan pang mga putok at papalapit na sasakyan, ay tuloyan na nga rin akong napatakbo habang umiiyak at kasabay ng pag-agos ng aking mga luha ay ang matinding takot at awa para sa aking mga magulang dahil kahit hindi ko man nakikita ang sitwasyon o kalagayan ng mga 'to ay alam kong hirap na hirap na mga 'to sa paraan ng pag-igik sa tuwing muling tumatama ang mga bala sa katawan ng mga 'to.
"AYON!!! HABULIN N'YO 'YONG BATA!!! SIGURADUHIN N'YONG HINDI MAKAKATAKAS!!!" Sigaw ng mga lalaking bumabaril sa akin kasabay ng ramdam kong mabilis na pagtakbo upang habulin ako.
Ngunit dahil sa matinding takot at pag-iyak, ay naramdaman kong waring umiikot na aking paningin hanggang sa hindi ko na rin kinaya dahil sa panlalambot at panginginig na bumabalot sa aking katawan ay tuloyan na nga akong natumba, kasabay no'n ay ang pagdilim ng aking paningin.
Subalit bago pa man ako tuloyang mawalan ng malay ay naramdaman kong may bumuhat na kung sino sa aking maliit na katawan, at kasabay no'n ay narinig ko ang muling putukan ng mga baril na waring mula sa aking puwesto ay may nagpapaputok na rin ng baril o nakikipagpalitan ng mga putok.
"PAPUTOKAN N'YO!!!! MAGTIRA LANG KAYO NG ISA AT DALHIN SA HIDEOUT!!" huling mga salitang narinig ko sa taong may hawak sa akin, at hindi ko na namalayan pa ang mga sumunod na nangyari.
NAGISING ako sa isang magandang silid, malawak at magaganda ang mga gamit, na halatang pang mayaman o mayaman sigurado ang nagmamay-ari nitong silid na aking kinaroroonan, at sa edad kong sampung taon alam ko na rin naman ang kaibahan ng mayayaman sa mahihirap, dahil madalas kong naririnig 'yon sa aking mga magulang.
Maya-maya'y agad akong napabalikwas ng bangon nang maaalala ko ang aking mga magulang, at muling bumalik sa aking isip at damdamin ang matinding takot at awa na naramdaman ko kanina, lalo na no'ng makita ko mismo o ng aking dalawang mata ang kalunos-lunos na dinanas ng aking mga magulang.
Agad akong bumaba ng kama at nagsiksik sa likod ng kurtina at doon ako umiyak nang umiyak, ngunit dahil sa takot na baka marinig ako ng mga taong kumuha sa akin, ay tahimik lang akong umiyak nang umiyak habang nagkukubli sa likod ng kurtina, na lalo lamang nakadagdag sa takot na aking nararamdaman, ay ang katanungang paano ako makakatakas sa lugar na 'to o kung makakatakas pa rin ba ako sa kinaroroonan ko ngayon.
Nanay, Tatay, tulungan n'yo po ako, hindi ko po alam ang aking gagawin, natatakot po ako. Nanay, Tatay ko... natatakot po ako...
Pagkatapos ay agad kong tinakpan ang aking bibig nang maramdaman kong waring may nagbubukas ng pinto, at 'di nga nagtagal ay narinig kong tuloyan na ngang bumukas ang pinto, dahilan naman upang lalong manginig ang aking katawan, na kahit ang pagkabog ng aking dibdib ay waring naririnig ko na rin.
"WHERE IS SHE?? AUSTINNN!!! DAMN IT!! WHERE IS SHE?? FIND HER!! FVCK!!!" rinig kong sigaw ng isang lalaki, na lalo lamang nakadagdag ng takot na aking nararamdaman.
Maya-maya pa'y naramdaman ko na ang muling pagsara ng pinto, at sa pagkakataong 'yon ay para bang nakahiga na ako ng maluwag, dahilan naman para lumabas ang mahihinang tunog ng aking pag-iyak, na kahit ano'ng pigil ko ay hindi ko na mapigilan pa dahil sa matinding takot na bumabalot sa aking katawan.
"Oh...there you are, Sweetie. Masyado mo akong pinag-alala," malambing na sambit ng isang lalaking hindi naman matanda ang itsura, at parang kaedad lang din ng Ate Gemma ko, 'tsaka nito ini-angat ang kurtinang tanging nagkukubli sa akin.
Napa-angat ako ng mukha, "P-Po? 'Wa-'Wag po...'wag n'yo po a-akong sasaktan...'wa-'wag po..." umiiyak kong sambit kasabay ng lalo pang panginginig ng aking buong katawan.
Umupo naman ito sa aking harapan, kaya't, "Sshhhh...dn't be scared, Sweetie. Come here, I will not hurt you," Mahinahong sambit ng lalaki 'tsaka ako nito kinalong, pagkatapos ay niyakap ng mahigpit, nang tuloyan na itong makaupo sa kamang kanina lang ay aking hinihigaan.
Hindi ako nito binibitiwan at nananatili pa ring yakap ako ng mahigpit, saglit pa ay naramdaman ko ang marahang paghagod ng kamay nito sa aking mahabang buhok.
"Si-Sino po ka-kayo? A-Ano po ang ka-kailangan n'yo sa akin? 'Wa-'Wag n'yo po akong sasaktan," mahina kong sambit, habang patuloy pa rin sa aking pag-iyak, ngunit hindi na kagaya kanina na dahil sa matinding takot kundi dahil sa pakiramdam ko'y para bang nagkaroon ako ng kapanatagan sa aking kalooban.
Umiling ito, "I don't need anything from you, pero 'yong mga taong humahabol sa 'yo at pumatay sa magulang mo, 'yon ang may malaking kailangan sa 'yo. But I am here, Sweetie. I will not harm you because I am here to protect you," mahinang sambit ng lalaki, pagkatapos ay naramdaman kong hinalikan ako nito sa aking ulo, at sa murang edad ko'y hindi ko naman maintindihan ang aking sarili, para bang nagkaroon ako ng kapanatagang nararamdaman sa aking dibdib, na wari bang lahat ng takot at pangamba ay agad naglaho dahil sa presensya ng lalaking ito, at sa presensya nito'y nararamdaman kong nagkaroon na ako ng kakampi.
LUMIPAS na ang tatlong araw ngunit hanggang ngayo'y nananatili pa rin ako sa lugar na 'to, sa bahay na 'to, na hindi ko alam kung saang lugar ito o kung kaninong pagmamay-ari ito.
Lumabas ako ng silid kung saan ako namamalagi sa mga nakaraang araw, at sa tatlong araw na 'yon, masasabi kong kahit paano, medyo nakakaramdam naman ako ng kapanatagan o nabawasan ang pangambang aking nararamdaman, na kahit hindi ko kilala 'yong lalaki ay sobra-sobra pa rin ang pag-aalaga nito sa akin.
At hanggang ngayon hindi ko pa rin alam ang pangalan nito, dahil pag tinatanung ko'y hindi naman ako sinasagot at nginingitian lang ako, kaya ngayon Kuya na lang ang itinatawag ko sa kanya na agad namang tinutulan ng lalaki, ngunit Kuya pa rin ang tawag, dahil hindi ko alam kung ano ang itatawag sa lalaki.
Samantalang ang pangalan ko'y alam na nito, na kahit hindi ko pa man sinasabi, at nagtaka na lang ako nang tawagin ako nito sa pangalan kong Gene, na tanging pamilya ko lang ang tumatawag sa akin ng gano'ng pangalan.