NAKAGAWIAN na nina Clarissa at Karen ang maghandog ng munting salu-salo para sa mga batang tinutulungan nila sa Payatas tuwing December 18. Napanood nila sa TV ang isang batang basurero na hindi nakapag-aral kapalit ng paghahanapbuhay para sa pamilya. From then on ay nabuo ang community program nila.
“Handa na ba ang kakailanganin natin?” tanong ni Karen sa kanya.
Tsinek niya ang mga panregalo at ang lahat ng sisidlan ng pagkain sa likuran ng pick-up. “Kompleto na.”
Nasa kalagitnaan na sila ng paglalakbay nang bigla ay tumirik ang makina ng kotse. Kahit anong gawing maniobra ni Karen ay ayaw talagang umandar ng sasakyan. Bumaba sila ng sasakyan at despreradong nagpalinga-linga sa paligid.
Sa malas ay pareho nilang nakalimutan ang cellphone sa bahay kaya wala silang nagawa kundi ang mag-abang ng maaaring magmagandang-loob na maghatid sa kanila sa pupuntahan. Hindi matao sa lugar na iyon at iilan din lang ang dumaraang sasakyan. Nakailang hitch sign na sila pero walang nangyari.
Tumatagaktak na ang pawis niya dahil sa mataas na sikat ng araw. Kahit si Karen ay lukot na ang mukha. Pareho silang pasalampak na umupo sa gilid ng pick-up at naghintay ng posibleng good Samaritan.
“Hayun!” tuwang-tuwang sabi niya habang itinuturo ang paparating na sasakyan. Napatayo siya at nagtungo sa gilid ng kalsada. Ngunit sa malas ay nilampasan lang sila ng sportscar na pinara niya. Muli siyang bumalik sa kinauupuan na laglag ang mga balikat.
“Bumalik, Clar!” bulalas ni Karen.
Nakita niyang umatras ang kotse at huminto sa mismong tapat nila. Bumaba ang glass window niyon at parang sumirko ang kanyang puso nang makitang si Lester ang lulan niyon.
“Saan kayo pupunta?” tanong nito.
“Sa Payatas,” sagot ni Karen.
Bumaba ito ng kotse at tsinek ang gulong ng sasakyan nila. “Totally wrecked.” “Heto, nadaanan ang isang pako.” Itinaas nito ang isang malaking pako. “Come on, ihahatid ko na kayo.”
Nagkatinginan sila ni Karen. “Hindi ba nakakaistorbo sa ‘yo?” tanong niya.
“May practice lang ako, pero hindi naman importante.” Hindi na sila nakasagot at pinanood na lang nila ang ginawa nitong pagbuhat ng mga gamit nila, saka inilulan sa sasakyan nito. Nang matapos ito ay niyaya na sila nitong sumakay na rin. Siksikan sila sa unahang bahagi ng kotse. Mabuti na lang at si Karen ang nakapuwesto sa tabi nito. Kung nagkataong siya ang naroon ay siguradong hindi siya makakaakto ng tama.
Habang nasa daan sila ay kung anu-anong bagay ang napag-usapan nilang tatlo. Kakatwa subalit wala ng trace ng pagkailang sa parte niya.
Ang akala niya ay aalis na ito pagkahatid sa kanila but Lester stayed behind. Game na game itong nakisaya sa ,mga parlor games na inihanda nila.
“Tingnan mo ‘yan. Parang simpleng tao lang kung makipagharutan sa mga bata,” natutuwang puna ni Karen. Siya man ay lubos na nagulat sa nakikitang side ng personality nito.
******
“How’s life after Siargao?”
Napatingin si Clarissa sa gawi ni Lester. Nasa loob sila ng kotse nito ng mga sandaling iyon. Ihahatid siya nito sa bahay nila. Mas malapit ang bahay ni Karen kaya una itong inihatid ni Lester.
“Mabuti,” nakangiting sagot nito.
Napatango-tango ito. “Mabuti naman. Alam mo, magkakasundo kayo ni Mama. Tulad mo, may foundation din ang kompanya naming at mga batang mahihirap ang recipients naming. Kailan ninyo pa nga pala ginawa ito?” tanong nito na hindi inaalis ang tingin sa daan.
“Three years na.”
Tila nasorpresa ito sa kanyang sinabi. “Akala mo siguro pulos na lang ako lakwatsa ‘no?” hindi maiwasang mamutawi sa kanyang bibig.
“Wala ka rin naman kasing ibang ipinakita kundi ang kagaspangan ng pag-uugali mo,” depensa nito. “Naalala mo ba noon? Nilagyan mo ng palaka ‘yong inumin ko.” Hindi niya napigilang humagikhik nang sumagi sa isip niya ang hitsura ni Lester noon. “Ah, maybe we need to start all over again. Bilang magiging mag-in-laws ay mas makakabubuti kung maging magkaibigan tayo.”
Mag-in-laws. Oo nga naman pala. Dapat lang na maging magkaibigan sila. Inilahad ni Lester ang kanang kamay nito para makipagkamay sa kanya. So, we will become friends after all these years na inalagaan ko sa puso ko ang lihim kong nararamdaman para sa ‘yo? Inabot niya ang palad nito.
“To friendship,” sabi pa nito.
“To friendship.”
Mas maigi na rin siguro ang ganoon. Who knows, kapag naging magkaibigan sila ay unti-unti ring mawawala ang nararamdaman niya para dito.
“At bilang magkaibigan ay may simpleng initiation.”
Napaangat ang kilay niya sa sinabi nito. Anong initiation kaya ‘yon?
******
Ang initiation na tinutukoy ni Lester ay ang sinmpleng pagpapatulong nito kay Clarissa sa paghahanap ng regalo para sa ina nito. kaarawan ng ginang kinabukasan.
“Ano ba ang hilig ng mama mo?” tanong niya nang isang oras na ay wala pa rin itong napiling regalo.
Napaisip ito. kapagkuwan ay lumiwanag ang mukha pagkatapos, ipinitik ang daliri. “Music.”
Isang compilation ng 1960’s at 1970’s songs ang napili niya para sa ina nito dahil mahilig daw ito sa lumang musika. Siya pa mismo ang nagbalot niyon at si Lester naman ang personal na nagsulat ng dedication.
“Wow, this is perfect,” masayang bulalas ni Lester matapos ang pagbabalot niya. “Magugustuhan talaga ito ni Mama. Hindi rin niya maiwasang matuwa habang nakikita itong nasisiyahan.
“Thank you,” taos-pusong pasasalamat nito na ginantihan lang niya ng isang matipid na ngiti. Pero sa totoo lang ay labis na ligaya ang idinulot ng simpleng pasasalamat na iyon sa puso niya.
‘Ayan ka na naman, Clarissa, sawata niya sa nagsimula na namang pagrigodon ng kanyang puso nang masilayan ang matamis na ngiti nito.
“In return of your kindness, pumili ka ng kahit anong gusto mo.”
“Wala naman akong hilig sa regalo.”
“What about dinner? Treat ko.”
“May alam akong kainan.”
Dinala niya si Lester sa hanay ng mga nagtitinda ng street foods sa kalye. “Libre ko ‘to.” Isaw at balot ang in-order niya para kay Lester.
“Masarap ‘yan, tikman mo,” suhestiyon niya.
Nagdalawang-isip man ay inubos nito ang pagkain.
“Ayan!” Napapalakpak siya nang maubos nito ang pagkain. “So, ano?”
“I never knew this was good.”
Hindi niya maiwasang mapahagikgik. “Ngayon lang ako nakakita ng isang sports enthusiast na napakaselan.”
Natawa na rin ito. “Blame it on my mother na laging pinipili ang anumang kakainin naming.”
“Kasi naman, mga sosyal ang kakilala mo. Siguro pulos five-star ang kinakainan n’yo ni Jillian. Hayaan mo, dadalhin kita sa mga jologs na kainan.” Habang tinitingnan niya ito ay hindi mapigilang matuwa ang kanyang puso. Ang Lester na dati ay napakahirap abutin, abot-kamay na niya nang mga sandaling iyon, kagaya noong mga bata pa sila.
******
Ang unang pagtatagpo nila ni Lester ay nasundan pa ng maraming beses. They just bumped into each other. Sa mga pagkikitang iyon ay nabuo ang isang mas malalim na pagkakaibigang ni sa hinagap ay hindi niya inakalang uusbong.
Suddenly, they become close buddies. Sa mga kompetisyon nito ay naroroon siya at matiyagang nagchi-cheer para dito. Minsan na rin siyang nakadalo sa isa sa mga gathering na dinaluhan nito. Wala mang kaakibat na intimacy ang paglalapit nila ay natuto siyang makontento. Ilang buwan na lang at magiging pamilya na niya ang binata.
My little sister. Iyon ang pakilala nito sa kanya sa mga kakilala nito. Noong una ay nahirapan siyang tanggapin iyon subalit kalaunan ay nakasanayan na rin niya. At least, being with him, as his little sister, ay nag-e-enjoy siya.