Kinagabihan ay hindi napahindian ni Clarissa si Karen nang yayain siya nito na dumalo sa welcome party para sa mga kalahok sa kompetisyon. Sa multi-purpose ng bayan idinaos ang nasabing pagtitipon. Kapapasok pa lang nila sa maingay na bulwagan ay gusto na niyang masuka dahil sa pinaghalong amoy ng alak, sigarilyo, at samu’t-saring pabango; palibhasa ay mga anak ni Adan ang karamihan sa mga dumalo.
Nang matapos ang formal welcome sa mga guest at ang pagtatalumpati ng mga local politician ay sumunod ang isang maingay na disco. Nakiisa si Karen sa mga nagsisipag-indayog sa dance floor samantalang siya ay kontento na lang na nakinig ng music mula sa kanyang MP3 player.
“Hey, come on, let’s dance,” yakag nito pagkatapos nitong hablutin mula sa tainga niya ang earphones. Hawak nito sa isang kamay ang jigger ng isang inumin habang walang tigil sa paggiling.
“Tipsy ka na. Halika na, umuwi na tayo,” yaya niya sabay hila sa kamay nito.
Hindi pa man ito nakakasagot ay may umagaw sa atensyon niya- isang lalaking tulad ng kaibigan ay may hawak ding inumin. Unang tingin pa lang niya rito ay alam na niyang walang gagawing mabuti ang lalaki. Ang pagkadisgusto niya ay lalo pang sumidhi nang balewalang umakbay ito kay Karen. Napaismid siya.
“And, who is this?” tanong ng lalaki. Sa kanya nakatingin na tila ba hinuhubaran siya.
“My friend, Clarissa,” sagot ni Karen.
“Ah, you friend,” makahulugang sabi nito na sa bibig ay naglalaro ang nakakabastos na ngisi. Hindi naman siya pinalaking bastos ng nanay niya kaya nagpakita pa rin siya ng respeto at magalang na tumango kahit pa gusto na niyang suntukin sa mukha ang lalaki.
“Come on, sweetheart, let’s go back to the dance floor,” yakag nito na walang anumang pumulupot ang kamay sa baywang ni Karen.
“Karen, umuwi na tayo,” mariing sabi niya. Kung hindi niya ilalayo ang kaibigan sa lalaking ito ay malamang na may hindi magandang mangyari.
“But the party has just started, sweetheart,” sabi ng lalaki.
Muli siyang napaismid. Kanina, ‘honey’, ngayon naman ay sweetheart,’ naiinis niyang himutok sa isip. Kung bakit ba naman kasi hinayaan ni Karen na magmukha itong cheap sa harap ng lalaki?
“Right, sweetheart?” tanong ng lalaki kay Karen.
Nanlaki ang mga mata niya nang walang anumang hinalikan ng estranghero si Karen sa mga labi pagkatapos ay kinagat sa earlobe ang huli. Natigilan din si Karen sa ginawang pambabastos ng lalaki.
Siya ang unang nag-react sa kabastusan nito. “Hey! Napakabastos mo!” angil niya, saka tumayo sa harap nito. Hindi na niya naitago ang inis. Kahit na nagmumukha siyang duwende sa harap nito ay nagpakatapang siya.
Nakita niya ang galit na rumehistro sa mukha nito. “Ano ka ba nito?” tanong nito na kay Karen nakaharap. “Bodyguard o boyfriend? Well, bagay naman kayo. Isang cheap at isang tomboy.” Nagpanting ang tainga niya sa narinig. “Bagay nga kayong magsama. Pare-pareho kayong abnormal,” patuloy pa nito.
Tuluyan na ngang nagdilim ang paningin niya. Huli na nang matantong nasabuyan na niya ng inumin sa mukha ang pangahas na lalaki.
“You b***h!” galit na galit na sabi nito na iniumang ang kamao sa mukha niya. Subalit bago pa man iyon makadapo sa mukha niya ay may isang mapagpalang kamay na pumigil dito.
“Easy, pare,” anang kontrolado at baritonong boses ng lalaki.
Hindi na niya napag-ukulan ng pansin kung sino man ang “knight in shining armor” niya dala ng galit na bumalot sa sistema niya.
“Sige, ituloy mo,” galit na galit na hamon niya sa lalaki na nang mga sandaling iyon ay hindi na makapalag. “Babae lang naman pala ang kaya mong patulan, eh!”
“Enough!” dumagundong sa bulwagan ang malakas na sigaw na iyon. Noon lang niya napagtanto na pansamantala na palang pinatay ang music at lahat ng atensyon ay sa kanila na nakatuon. Saka lang din siya nakaramdaam ng hiya. Lumikha sila ng scenario na sila mismo ang pangunahing kasangkot.
“Be calm, Alec,” muli ay sabi ng baritonong tinig.
Sa pagkakataong iyon, bagaman nanggagalaiti siya ay hindi na niya napigilang sinuhin ito. Of all people, si Lester na naman ang nakita niya. Fate was playing tricks on her. Gusto sana niyang matuwa sa pagpagitan nito sa nangyari ngunit nakaramdam siya ng pagkabalisa. Sa mga mata ni Lester ay naroroon ang kontroladong galit na alam niyang patungkol sa kanya. She had been judged unfairly.
“Jonas, ihatid mo ang babaeng ito sa tinutuluyan nila.” Si Karen ang tinutukoy nito samantalang ang tinawag nito na “Jonas” ay tila sundalong kaagad na inalalayan si Karen palabas ng dance floor.
Tinangka niyang humakbang pasunod sa direksyong nilabasan ni Karen ngunit maagap na napigil ni Lester ang braso niya. Mariin ang naging paghawak nito. Nagpakahinahon na lang siya upang hindi madagdagan ang eskandalong kinasadlakan. Ang gumawa pa ng karagdagang eksena ay kalabisan na sa gabing puno ng kahihiyan. Bago pa man niya namalayan ay nakaladkad na siya ni Lester palabas at pabalag siyang binitiwan na halos ikabuwal niya.
“You are such a pitiful thing,” bulalas nito sa nanggagalaiting tinig. Halatang tinitimpi nito ang galit. “You’re disgusting, Clarissa.”
Masakit na marinig iyon sa mismong bibig ni Lester.
“Ako na nga ang nadehado, sa akin mo pa ibubunton ang sisi.” Nang mga oras na iyon ay higit ang hinanakit na nararamdaman niya para kay Lester kaysa sa galit kay Alec. “Binastos kami ng kaibigan mo kaya napilitan akong ipagtanggol ang mga sarili namin,” pangangatwiran niya.
“Only because bastusin naman talaga kayo,” pahayag nito. “Or have you forgotten what type of people you are," sarkastikong sabi nito. Parang discrimination ang dating niyon sa kanya. Below the belt iyon at nakakapingas sa dati nang sugatang puso niya. “I have known Alec since we were kids and he is not the type na mambabastos ng babae o ninuman.”
Bumuka ang bibig niya upang mangatwiran ngunit hindi pa man ay nadugtungan na ni Lester ang gusto nitong sabihin.
“Ang mga babaeng tulad mo, Clarissa, at ng mga kaibigang sinasamahan mo na walang finesse, walang breeding, clumsy, at God knows kung anong deskripsyon pa ang maaaring ikabit sa iyo, ay hindi karapat-dapat na respetuhin o galangin. You are not worthy of respect. Kahit kailan, you are such a pain in the ass. And I don’t understand na sa tinagal-tagal ng pamamalagi mo sa tahanan ng mga dela Merced ay isa pa ring barbaro kung umasta ka. Nadadala mo pa rin ang pagiging iskuwater mo.”
Hanggang kailan ba niya hahayaang insultuhin siya nito? Everything that Lester said was more than she could take.
“Bakit, Lester, anong kasalanan ba ang nagawa ko sa ‘yo at ganoon na lang kalaki ang galit mo sa akin? Kahit noong mga bata pa lang tayo? Kay Jillian lang naman ako nagkasala, ah,” mahina ngunit puno ng hinanakit na sumbat niya. Ang luhang nangilid sa mga mata niya ay pasimple niyang pinahid. Ang makita ni Lester na lumuluha siya ay makakadagdag ng self-satisfaction ng huli. Daan iyon upang ihayag naman niya ang mabigat na saloobin. “Sa abot naman ng makakaya ko ay pilit akong umiiwas sa inyo ni Jillian. I never stood in your way pero gayunman, you somehow managed to make me feel so inferior. Pakiramdam ko tuloy, isa akong walang kakuwenta-kuwentang tao.” Hindi na niya napigilan ang bugso ng damdamin. Who cares anyway kung iiyak siya. Nobody cared for her in the first place. “Well, I guess, you just simply abhor me.”
Hindi nakasagot si Lester. For a while ay naging speechless ito.
“I’ll stay out of your way and you stay out of mine,” pinal na sabi niya. Iyon lang at walang lingon-likod siyang humakbang pabalik sa tinutuluyan. Habang daan ay hinayaan niyang umagos ang mga masasaganang luha sa sa mga pisngi niya.
I’m done with you, Lester.