Pansamantalang Kasiyahan

1760 Words
"May balita na po ba, Hermano sa aking mga magulang?" tanong ng batang si Wyatt sa computer-generated machine na si Hermano habang nakaharap ang mukha sa malaking screen sa loob ng laboratoryo. "Hindi pa po, young master. Why don't you go out na lang po muna at makihalubilo sa mga kasama mo roon?" Hindi ito sinagot ni Wyatt. Nanatili lamang siyang tahimik at nakatingin sa malaking screen sa harapan niya. Hindi na rin muli pang nagsuhestyun si Hermano dahil alam niyang malulungkot pa rin si Wyatt sa anumang sasabihin nito. "Hindi mo kailangang magmukmok dito, Wyatt." Nilingon ng bata ang boses at nakita ang pagpasok ni Abdul-hakim, kasama si Puti. Lahat sila ay binigyan nang permiso ni Hermano na i-scan ang kani-kanilang kamay at mata bilang access codes upang makapasok at makalabas ng The Heroina's Finest at The Heroina. Muling itinuon ni Wyatt ang atensyon sa malaking screen at nangalumbaba. Pinagitnaan naman siya nina Puti at Abdul-hakim na umupo sa magkabilang gilid. "Hermano, gusto kong makatulong upang mapabilis ang paghahanap mo sa magulang ni Wyatt," suhestyun nito at nagulat ang bata sa tabi niya. Nakangiti naman si Puti nang marinig ang sinabi ni Abdul. "May kakayahan ka nga pala, Abdul-hakim. Bakit hindi natin subukan?" Sumang-ayon si Hermano at hinayaan si Abdul-hakim na gamitin ang talas ng isipan nito at memorya upang makapasok sa sistema ni Hermano. Tahimik lamang na nakatingin si Wyatt at Puti sa malaking screen habang mabilis itong naglakbay at naghanap ng kinaroroonan ng magulang ng batang si Wyatt. Ang buong akala niya ay madali niya itong matatagpuan pero hindi pala. Masyadong malaki ang buong Independencia at ang kapangyarihang mayroon siya ay limitado lamang sa layo mula sa lokasyon niya. "Maraming salamat, kuya Abdul. Ipahinga mo na po muna ang iyong mga mata. Aalis lamang po muna ako saglit upang lumanghap ng sariwang hangin sa taas. Muli ay maraming salamat po at sinubukan mo pong hanapin sila." Laylay man ang balikat nito ay nakangiti naman itong umalisa harapan ni Abdul-hakim. Sumunod naman sa kanya si Puti palabas sa loob ng laboratoryo at umakyat palabas. Naiwan namang sinubukang muli ni Abdul-hakim na gamitin ang kanyang kapangyarihan upang mahanap ang kinaroroonan ng magulang nito. Muli siyang pumukit at inalala ang hugis ng mukha at kabuuan ng taong hinahanap niya, base na rin sa litratong ipinapakita ni Hermano. "Huwag mong biglain ang iyong sarili, Abdul-hakim. Baka masira lamang ang iyong mata." Hindi nito pinansin ang mga sinasabi ni Hermano. Kahit pa naririnig niya itong nagsasalita ay nagpatuloy siya sa kanyang ginawa. Nang muling buksan ang mga mata ay lalong bumilis ang mga larawang lumalabas sa malaking screen. Tumagal din ito ng halos isang oras hanggang sa makita nila ang isang kulay pulang bilog at lumabas roon ang eksaktong lokasyon. "Magaling, Abdul-hakim. Nakita mo ang lokasyon ni Heroina, kahit pa wala namang espisipikong tracking device ito. Nakamamangha ang iyong kapangyarihan." Sasagot pa sana si Abdul-hakim nang bigla na lamang siyang mawalan ng ulirat. To the rescue naman kaagad si Hermano at doon ay nakita ang duguang ilong ng binata. Agad niya itong ipinasok sa loob ng kapsula upang magpagaling. Naroon pa rin naman kasi ang tatlong mga batang sina Seraphina, U-ri, at Bahandi na kasalukuyan ring natutulog at nagpapagaling. Nang maipasok sa loob ng malaking kapsulang iyon si Abdul-hakim ay binalikan ni Hermano ang lokasyon. Doon ay nakita niyang nasa Ezon Ave pala ito, malapit sa malakanyang o palasyo ng pinunong si Damion Kill. SA LABAS NG THE HEROINA ay masayang naglalaro sa mga paruparo at nanari-saring mga halaman si Orchidia. Kinakausap pa nito ang mga halamang nakikita niya. Nakikipaghabulan din sa mga insektong nakapaligid sa kanya. Kahit pa may parte ng The Heroina ang nawasak dahil sa pakikipaglabang nangyari sa paligid nito ay sariwa pa rin ang hanginng nalalanghap ng batang si Orchidia. Lalo pa itong naging malikot at masaya nang makita ang pinakaborito niyang orchids na kung tawagin ay Moon Flower. "Sinong mag-aakalang magkikita tayong muli, Moon Flower?" Hinihimas-himas pa nito ang mga talulot nito at inamoy-amoy ang bango ng bulaklak na kanyang paborito. Umikot-ikot pa ito at nagsasayaw na tila isang ritwal ng pagsasaya sa paborito niyang obra. Kalalabas lang din nang mga sandaling iyon nina Wyatt at Puti nang dumaan ang mga ito sa likuran ni Orchidia. Dala marahil ng lungkot at pangungulila ay hindi nito napansin ang masayang mukha ni Orchidia. Napansin ng dalagita ang lungkot sa mukha ni Wyatt at agad na nilapitan si Puti. Sumabay na rin ito sa paglalakad sa gilid niya at nagtanong. "Hindi pa rin ba natatagpuan kung saan si nanay Heroina, Puti?" "Hindi pa, Orchidia. Sinubukan na rin po ni kuya Abdul-hakim na gamitin ang kapangyarihan niya. Napagod lamang po siya. Iniwan mo po muna namin si kuya sa loob nang makapagpahinga ito." "Ganoon ba? Kaya pala malungkot pa rin si kuya Wyatt." "Oo. Kanina ko pa nga pinapangiti. Ayaw niya talagang ngumiti. Kilala ko na kasi siya. Sabay na rin kaming lumaki dito at sa bundok ng Anglaon. Alam ko kung ano ang nagpapasaya sa kanya." "Ang magulang niya?" "Oo, Orchidia. Sina inang Heroina at tatay Dmitri." "Subukan ko siyang pasayahin, Puti." "Naku. Magagawa mo naman kaya?" "Subok lang naman. Wala namang mawawala, hindi ba?" Lihim pang napahagikgik ang dalawa. Hindi man lamang ito narinig ni Wyatt na naglalakad pa rin patungo sa mataas na parte ng lugar, kung saan naroon ang daan patungo sa loob ng kagubatan ng Anglaon. Malayo-layo na rin pala ang kanilang nilakad at napansin ito ni Orchidia. "Saan tayo pupunta?" "Sa kagubatan ng Anglaon. Doon ang malimit na pahingahan ni Wyatt kapag gusto niyang makapag-isip. Bantay-sarado din naman ang lugar ni Reyna Lualhati, Orchidia. At huwag kang matakot kasi kilala ng mga hayop si Wyatt." "Talaga? Ibig sabihin ba niyan, kahit ang mababangis na hayop, kilala si Wyatt?" "Lahat ng hayop at mga halamang, at mga puno ay kilala si Wyatt. Sangtuaryo niya iyon. Masiyahing bata kasi si Wyatt at ayaw ng reyna na malungkot ito. Sa kanya kasi ibinigay ang responsabilidad na iligtas ang buong Independencia, kasama natin, mula kay Damion Kill." "Damion Kill?" "Siya ang pinuno ng bansa natin at kasalukuyang nakaupo sa malakanyang sa Ezon Ave sa Uson." "Marami ka palang alam, Puti. Ang galing mo naman." "Hindi naman, natutunan ko lang habang inoobserbahan ko ang paglaki ni Wyatt at ng mga taong nasa paligid niya. Kagaya na lamang ng kanyang magulang. Naririnig ko ang lahat ng mga sinasabi nila noong ako ay nasa anyong ahas pa lamang. Sinabihan din ako ng reyna ng tungkol sa magiging papel ninyo." "Gusto kong marinig pa ang tungkol sa atin. Ano nga tawag sa atin?" "Little Wyatt and the Rise of Underground Superheroes. Iyan ang tawag sa atin." "Ang gandang pakinggan. Sige sundan na natin ang ating lider." Muling tumawa nang palihim sina Orchidia at Puti habang papasok ang mga ito sa loob ng kagubatan. Ang hindi nila alam ay nakikita at natutuwa si Reyna Lualhati kina Puti at Orchidia, habang malungkot naman ang puso nito sa batang si Wyatt. Nang makapasok sa loob ay agad na ginamit ni Orchidia ang kanyang kapangyarihan at umawit upang pasayawin ang mga halamang naroroon sa loob ng kagubatan. Nasaksihan ito ng reyna at tuwang-tuwa siyang pagmasdan ang unti-unting paggalaw ng mga halaman at puno sa loob. Napakalamig din ng boses nito na nagpatigil kina Puti at Wyatt. "Uuwi ka rin, mahal kong ina. Sa aking yakap, mahahagkan kita. Uuwi ka rin, mahal kong ama. Sa aking mga bisig, yayakapin kita. Halina, Halina. Tayo ay magsayawan. Halina. Halina. Tayo ay magkantahan. Umindak. Umikot. Gumiling. Tayo na at magsayawan." Nakapalibot na ang mga nanari-saring mga bulaklak at mga halaman sa sumasayaw na dalagitang si Orchidia nang mga oras na iyon habang pinagmamasdan siya nina Wyatt at Puti. Napapaindak na si Puti habang si Wyatt naman ay bigla na lamang sumali sa sayaw ni Orchidia. "Sama ako!" Tuluyan na ring gumalaw ang katawan ni Puti magkahawak ang mga kamay ng tatlong sumasayaw habang sinusundan ang mga lirikong kinakanta ni Orchidia kanina. "Uuwi ka rin, mahal kong ina. Sa aking yakap, mahahagkan kita. Uuwi ka rin, mahal kong ama. Sa aking mga bisig, yayakapin kita. Halina, Halina. Tayo ay magsayawan. Halina. Halina. Tayo ay magkantahan. Umindak. Umikot. Gumiling. Tayo na at magsayawan." Ang kaninang malungkot na mukha ng batang si Wyatt ay napalitan ng walang hanggang kasiyahan sa loob ng kagubatang iyon habang nagpapatuloy sa pag-iindak, pag-iikot, at pagsasayaw. Sinasabayan nila ang pagsasayaw ng mga sanga at mga dahon ng puno maging ng mga bulaklak nang mga sandaling iyon. Hindi rin napigilan ni Reyna Lualhati na mapaindak. Kaya naman, hiniling niya sa hangin na sabayan ng mga hayop ang kanilang kasayahan. Gulat na gulat naman ang mga mukha nina Wyatt, Puti, at Orchidia nang makita ang pagsulputan ng mga iba't ibang uri ng mababangis na hayop, gaya ng baboy ramo, at makamandag na ahas at gagamba, maging ang mga Tamaraw, na minsan nang nakadaupang-palad ni Wyatt ay naroon at sumasayaw sa kanilang harapan. "Uuwi ka rin, mahal kong ina. Sa aking yakap, mahahagkan kita. Uuwi ka rin, mahal kong ama. Sa aking mga bisig, yayakapin kita. Halina, Halina. Tayo ay magsayawan. Halina. Halina. Tayo ay magkantahan. Umindak. Umikot. Gumiling. Tayo na at magsayawan." Nang mg oras na iyon ay nakalimutan ni Wyatt ang pangungulila at lungkot na kanyang nadarama sa hindi inasahang plano ni Orchidia. Natutuwa namang makita ni Reyna Lualhati ang muling pagngiti sa batang itinakda na niya noon pa man na magliligtas sa buong Independencia. Ipinapanalangin na lamang ng tagapangalaga at diwata ng Anglaon at ng buong kalikasan sa Independencia na manatili ang magandang samahan ng mga ito, nang sa ganoon ay magtagumpay sila sa kanilang misyon. SAMANTALA, wala namang kaalam-alam si Reyna Lualhati na kanina pa pala siya tinatawag ni Bathala. Nakatuon kasi ang atensyon nito sa nagsasayawang mga bata at hindi niya narinig ang boses nitong kanina pa tumatawag sa kanya. "Ipagpaumanhin po ninyo, amang Bathala. Labis lamang po akong natutuwa sa mga bata. Ano po ang maipaglilingkod ko sa iyo?" "Pumarine ka sa taas at may mahalaga tayong pag-uusapan." "Tungkol po saan, amang Bathala?" "Tungkol sa isang nakawalang diwata sa ilalim ng karagatan, Lualhati." Gulat na gulat ang mukha ni Reyna Lualhati nang marinig ang tungkol sa nakawalang diwata ng karagatan. Isang diwata lamang ang naalala niya at ang diwatang ito ay ikinulong sa pinakailalim ng parte ng karagatan sa Dagat Landia. "Ako po ay susunod sa iyong utos, amang Bathala." Hindi na nga nagdalawang-isip pa si Lualhati at agad na nawala sa bundok Anglaon, patungo sa mundo ng mga mortal na kung tawagin niya ay Tala.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD