Sa Mundo Ng Tala

2063 Words
Sa isang malawak, tahimik, at napapaligiran ng mga ulap, doon nakatayo ang isang malaking palasyo ng mga imortal na kung tawagin ay Tala. Napapaligiran man ito ng mga malalaki at mabibigat na ulap, at nakalutang sa pinakamataas na bundok ng Haliya, sa hilagang bahagi ng Tala, isa naman itong santuaryo sa Bathalang matagal na panahon nang nagbabantay. Sariwa ang hangin sa paligid nito. May mangilan-ngilan ding mga hayop na naroroon. Pero hindi literal na hayop kundi nasa anyong mga hayop ang mga ito pagkat sila ay minsang naging isang diwata at engkantadong nakagawa ng kasalanan sa Tala. Nakababalik lamang sila at ang kani-kanilang mga kapangyarihan kapag natapos na nila ang isanglibong taong parusa bilang isang hayop. Ang Tala ay hango ang pangalan nito sa mga bituing nagniningning sa kalangitan. Si Bathala, na kung tawagin ng mga diwata at diyos ang siyang tumitingin, hindi lamang sa lahat ng mga malalakas, mababait, at may pusong mga diwata at engkantado sa buong Independencia, kundi pati na rin ang mga pilyo, masasama, at ubod ng samang mga engkantado at diwata, mapa-himpapawid man o karagatan. Sa loob ng mahabang panahon, daang taon at dekada man ang lumipas ay wala ni isang nagtangkang gumambala sa tahimik na lugar ng Tala. Takot kasi ang mga ito kay Bathala. Bihira kasi nilang makita itong nagagalit. At kapag nagalit siya ay walang makapipigil sa kaniya o makababali sa kanyang desisyon na parusahan ang mga may kasalanang mga diwata at engkantado. Ang parusahang gawing mga hayop ay nagawa lamang niya nang pumagitna noon si Lualhati sa kanya. Papatawan na sana niya ng kamatayan ang isang diwatang lumabag sa kasunduan ng Tala na huwag na huwag iibig sa mga mortal. Kung iibig man ang mga ito ay dapat sa mortal na may busilak ang puso lamang at hindi sa isang mortal na ganid at sakim. Decapitation o pagpuputul-putulin ang buong katawan at itapon sa naglalagablab at kumukulong bulkan ang mga abo nito ang sana ay parusa ni Bathala sa kanila. Pero dahil sa pakiusap ni Lualhati ay binigyan niya ng pagkakataong mabuhay ang mga ito sa kanyang teritoryo. Subalit, ang kalaguyo naman nitong mortal ay pinarusahan sa Independencia sa pamamagitan ng pagtutugis at pagbaril sa kanila. Ang isa sa hindi malilimutang pangyayari ni Bathala ay ang mismong kawalang hiya ng isang diwata sa kalupaan ng Independencia, limang daang taon na ang nakararaan. Si Lualhati pa nang mga panahong iyon ang bukod-tangi at nag-iisang diwatang pinagkakatiwalaan niyang magbantay sa kalupaan ng Isaya, sa Independencia. Sa kagustuhang magkaroon o bigyan ng isa pang tagapangalaga ang Isaya, lumikha siya ng isang diwata galing sa kanyang tagiliran at binuhay ito upang magbantay sa karagatan ng Dagat Landia. Hindi naman inakala ni Bathala na iba pala ang intensyon nito. Sa halip na tulungan si Lualhati na pangalagaan ang katahimikan ng buong karagatan ng Dagat Landia ay naging sakim ito sa kapangyarihan. Hindi makapaniwala si Bathala na kahit pa mula sa kanyang tagiliran at kapangyarihan ang diwatang pinangalanan niyang Marisol ay nagawa pa ri nitong maging masama. Bagay na nagbigay sa kanya ng leksyon na maging siya ay may nakatago rin palang kasamaan at naipasa nito sa katauhan ng diwatang si Marisol. Walang magawa si Bathala kundi ang utusan si Lualhati na kalabanin at gawin ang lahat mapigilan lamang si Marisol sa paghahasik ng lagim, hindi lamang sa Dagat Landi kung hindi pati na rin sa kapaligiran at karagatan ng Anglaong pinangangalagaan niya. Nagawa namang matalo ni Lualhati si Marisol at iniharap ito sa konseho ng mga imortal sa Tala. Ipapataw na sana ni Bathala ang karampatang parusa sa diwatang kanyang nilikha na kamatayan at tuluyang pagsunog nito sa lumalagablab na apoy sa bulkang Anglaon nang muli na naman siyang pinigilan ni Lualhati ang parusa sa kanya. "Ipagpaumanhin po ninyong muli, amang Bathala kung muli ko kayong pipigilan sa pagpataw ng parusa kay Marisol. Alam ko pong mula sa iyong tagiliran siya nanggaling at nais ko po sanang hilingin na bigyan siya parusang ikulong sa kailaliman ng karagatan ng Dagat Landia." Hindi agad nakapagsalita si Bathala sa hiling ni Lualhati. Pinag-iisipan niya iyong nang mabuti bago pumayag. "Kung iyan ang gagawin kong parusa kay Marisol, Lualhati, papayag ka bang ikaw na ang magkulong sa kanya sa pinakailalim na parte ng Dagat Landia?" "Pumapayag po ako, amang Bathala," mabilis ang pagsagot nito at kitang-kita sa kanyang mga mata ang labis na kabaitan. Tumagal din ng halos labinglimang minuto ang pag-iisip ni Bathala bago nagdesisyong ipataw ang parusa kay Marisol. "Sa bisa ng aking kapangyarihan, ikaw, Marisol ay pinapatawan kong ikulong sa madilim, at pinakailalim na parte ng karagatan ng Dagat Landia. Habambuhay kang makukulong roon nang walang kahit anumang kumunikasyon sa loob at labas." Sa tuwing papatawan ng parusa ang isang diwata ay hindi ito tumitingin sa mukha ng Bathala. Tanging ang kanyang anak lamang na si Lualhati ang may karapatang harapin o kausapin siya sa paraang gusto niya. Nakikita kasi ni Bathala ang sarili kay Lualhati bilang isa sa pinakamabait at maalalahaning anak na nilikha niya. Mula kasi ito sa maliit na bahagi at ugat ng kanyang puso. Kaya ganoon na lamang ang kabaitang namumulaklak sa kanya. Si Marisol ang kabaligtaran ng kanyang ugaling may kasamaan habang si Lualhati naman ang simbolo ng kanyang matagal nang pinangangalagaang kabaitan. "Nasa iyong mga kamay na si Marisol, Lualhati. Ikaw na ang bahalang magdala sa kanya roon sa ilalim ng karagatan ng Dagat Landia." "Masusunod po, amang Bathala." At sa isang iglap nang mga panahong iyon ay naglaho sa kanyang harapan ang dalawa. Pinanood na lamang niya mula sa maliit na hugis bilog na ulap ang pangyayari sa kailaliman ng Dagat Landia. Mabilis ang paglangoy at pagbulusok paibaba ni Lualhati habang hawak-hawak ang nakaposas na si Marisol, na sa pagkakataong iyon ay pilit na kumakalas sa kanya. Napapailing na lamang si Bathala sa inasal ni Marisol. Ayaw pa rin yata nitong magbago kahit pa binigyan na siya ng pagkakataong mabuhay. Ipinagpatuloy na lamang ng Bathala ang panonood at doon ay kanyang nasaksihan ang isa na namang labanan sa pagitan ng kanyang nilikhang dalawang diwata. GAMIT ang kapangyarihan ng tubig ay nagawang makalas ni Marisol ang mga taling gawa sa bakal sa kanyang mga kamay at agad na itinulak palayo si Lualhati upang tanggalin naman ang nakapulupot sa kanyang dalawang paa. Nang makalas ang mga ito ay muling nagharap ang dalawa. "Hindi ka pa rin nadadala, Marisol. Binigyan ka nang pagkakataong mabuhay pero ngayon nagawa mo pang kalasin ang mga bakal na posas sa iyong mga kamay at paa." "Baka nakakalimutan mo, Lualhati na tubig ang aking kapangyarihan at walang puwang ang isang katulad mo sa aking teritoryo!" "Iyon ang pag-aakala mo, Marisol!" Sa ilalim ng karagatang Dagat Landia ay parang ipuipo si Marisol. Nagngangalit. Naglalagablab na parang apoy ang kanyang mga mata sa galit. Kalmado namang nanonood lamang si Lualhati sa kanya habang ang nauna ay nagpatuloy sa paggawa ng isang malaking ipuipo upang ikulong si Lualhati. Nang mabuo nito ang nais na sandata ay agad nitong iwinasiwas sa harapan ni Lualhati. Hindi man lamang umiwas ang diwata ng kalikasan sa paparating na malaking delubyo sa karagatan. Pumikit na lamang ito at ilang saglit pa ay ginamit nito ang kapangyarihan niyang makawala at gulat na gulat ang mukha ni Marisol nang bigla na lamang lumitaw sa kanyang harapan si Lualhati. Nakangiti pa ito sa kanya at muling naglaho. Huli na nang namalayan ni Marisol na sa bumalik sa kanya ang kanyang kapangyarihan at ang ipuipong kanyang binuo ay tumama sa kanya, dahilan upang masugatan siya at mawalan nang malay. Nang kumalma na ang karagatan ay muling ginamit ni Lualhati ang kanyang kapangyarihan upang posasang muli ang mga kamay at paa ni Marisol. Ang nakapulupot sa kanyang posas ay gawa na sa yelo at mga buhangin, kaya kung magising man ito ay hindi na nito magagawa pang makalas. Gamit din ang kanyang kapangyarihan ay inutusan nito ang tubig na dalhin si Marisol sa pinakailalim na parte ng karagatan. Hinati niya rin ang lupang naroon at doon ay itinapon ang katawan ni Marisol. Nakahinga namang nang maluwag si Bathala nang makita ang ginawa ni Lualhati. Masaya siyang napagtagumpayan nitong maikulong sa ilalim ng karagatan si Marisol. NASA GANOONG PAGMUMUNI-MUNI SI BATHALA nang maramdaman niyang dumating na si Lualhati. "Ikinagagalak ko po kayong makitang muli, amang Bathala matapos ang mahigit limang daang taong pamamalagi ko sa lupa." Humarap ito sa kanya at nakita ang pagyuko at pagluhod nito, tanda ng pagrespeto sa kanya bilang pinuno ng Tala. "Ikinagagalak din kitang makitang muli, Lualhati. Tumayo ka at nang masimulan natin ang ating pagpupulong." Tumayo si Lualhati at inangat ang mukha. Iginala pa niya ang mga mata sa loob ng konseho. Wala pa ring nagbago. Siyang tunay na kulay puti at gawa sa mga ginto ang pader, maging ang trono nito na may hugis koronang hawakan sa magkabilang dulo. Pinagmasdan pa niyang muli ang entrada at ang latagan ng alpombrang kulay pulang tinatapakan niya. Nang mapansing siya lamang ang nasa loob ay doon nagtaka si Lualhati. "Paumanhin, amang Bathala, pero bakit ako lamang po ang naririto ngayon? Ang buong akala ko ay isa itong pagpupupulong ng mga pinagkakatiwalaan mong diwata at engkantado." Napangiti naman si Bathala sa mabilis na pagkakapansin nito sa loob ng kanyang pahingahahan, na isang konseho kung tawagin sa Tala. "Tama ang iyong tinuran, Lualhati. Ikaw lamang at ako ang naririto. Sa kadahilanang ang dahilan ng pagpunta mo rito ay tungkol kay Marisol." "Hindi ko rin ipagkakailang tungkol nga sa kanya ang nais kong malaman nang magpadala ka po ng mensahe sa aking isipan, amang Bathala. Ano po ang nangyari at bakit tungkol po ito kay Marisol. Hindi po ba ay nakakulong pa rin siya sa loob, sa ilalim ng karagatan ng Dagat Landia?" "Tama ka, Lualhati. Nasa kailaliman pa rin ng karagatan ng Dagat Landia si Marisol, pero ang kanyang diwa ay nagising na bago pa man manungkulan si Damion Kill sa buong Independencia." Tila nahiwagaan si Lualhati sa narinig at pilit na iniintindi ang mensahe ni Bathala. "Ang ibig po ninyong sabihin, naglakbay ang kaluluwa ni Marisol? Sa papaanog paraang, amang Bathala?" "Kapangyarihan ng tubig ang mayroon kay Marisol pero huli na nang malaman kung kaya pala nitong humiwalay sa kanyang katawan at maghanap ng bagong katawan. Dahil nang tingnan ko sa hugis bilog na ulap kong bolang kristal ay abó na lamang ang natira sa katawan niya sa lugar na itinapon mo. Tuluyan na rin itong nawala sa ilalim ng karagatan at nakahanap ng bagong katawan sa mga mortal." "Ang ibig po ninyong sabihin ay may kinalaman ang paghahasik ng lagim ni Damion Kill sa Irina Arena sa nawawalang kaluluwa ni Marisol?" "Iyon ang dapat mong tuklasin, Lualhati." "Kung ganoon, may kinalaman din si Marisol sa mga batang makakalaban ng itinakdang pupuksa kay Damion Kill. Pero hindi sumagi sa isipan kong nasa katawan nito si Marisol." "Marahil ay natutulog lamang siya sa katawan ni Damion Kill o lumipat sa ibang katawan, Lualhati at naghihintay ng tamang panahon para magising sa napakahabang pagkakatulog." "Maaari." "Nasa iyong mga kamay na ang pagtuklas, Lualhati. Nawa ay mapigilan mo nang maaga ang paggising ni Marisol. Kung nasa katawan man siya ni Damion Kill, kailangang mapaslang na siya sa lalong madaling panahon. Kung hindi man ay wala tayong magagawa kundi ang iasa ang kapalaran ng Independencia sa kamay ni Wyatt at ng iba pang mga bata. Iyan lamang ang nais kong sabihin sa iyo, Lualhati. Humayo ka na sa Anglaon at pag-isipan ang susunod mong mga hakbang." "Marami pong salamat, amang Bathala. Ako po ay babalik na sa Anglaon. Hanggang sa muli nating pagkikita." At naglahong kaagad si Lualhati sa kanyang harapan at bumalik sa pahingahan nito sa Anglaon. Sa bundok na iyon ay malalim na nag-iisip si Reyna Lualhati. Pilit na hinahanap sa kanyang isipan ang araw na una silang magtuos ni Marisol at ang mismong araw kung saan minasaker ni Damion Kill ang mga Independens sa Irina Arena. Panibagong tinik na naman ito sa buhay ng mga Independens kung magkatotoo ngang si Marisol ang nasa katawan ni Damion Kill. Kung hindi man, saan naman niya hahanapin at paano naman magigising si Marisol sa katauhan ng ibang tao? Kung nagkataon mang sa isang bata ito pumasok, wala siyang magagawa kung hindi ang hayaan si Wyatt na matalo ito, nang sa ganoon ay tuluyan na ngang magising si Marisol, at mapuksa nang tuluyan, o mawala nang hindi na maghasik pa ng lagim sa buong Independencia at Tala.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD