Ang Korona Ng Hustisya

2047 Words
Sa bukana o bunganga ng bulkang Anglaon ay lumitaw si Seraphina. Lumingon-lingon pa siya sa paligid kung may kasama pa ba siya o wala na. Kahit pa nasa panaginip lamang siya ay malalaman at mararamdaman pa rin niya kung may panganib na nakaamba sa kanya. Tahimik ang paligid. Tila isang lawa ito sa bunganga ng Anglaon. Nang kanyang iangat ang tingin sa itaas ay doon nakita niyang nasa mata na nga siya ng bulkan. Hindi na niya abot ang tanaw o kung ilang talampakan ang taas mula sa ibaba. Tanging mga puting ulap lamang ang bumabati sa kanyang pagdating sa loob ng bukana ng bulkan. Kung tahimik ang kapaligiran ay siya namang kabaligtaran ng tubig sa lawang naroroon. Sinong mag-aakalang ang bunganga o mata ng bulkan ay mayroon palang isang maliit at kumukulong lawa? Muling nakiramdam si Seraphina kung may nakamasid sa kanyang paligid. Tinalasan din niya ang pakiramdam kung mayroon ngang kakaibang nilalang na nagbabantay sa buong lawa. Nang wala naman siyang makita o maramdaman ay sinimulan na niya ang kanyang misyon upang hanapin ang Korona Ng Hustisya. Hindi man lamang siya binigyan ng kahit na ano palatandaan kung saan matatagpuan ang eksaktong lokasyon ng hinahanap niya. Nagsimula siyang maglakad-lakad sa paligid upang maghanap ng bakas. Kung normal na tao lamang ang mapapadpad sa lawang iyon ay tila hindi ito tatagal dahil sa init o singaw ng init na nagmumula sa kumukulong tubig sa gitna ng lawa. Nasa kanya ang kapangyarihan ng apoy kaya, wala siyang dapat na ikababahala. Ang kailangan lamang niyang makita ay ang lugar kung saan nakatago ang korona. Wala man lamang siyang mapagtatanungan sa paligid ng lawa. Hindi yata ipinaalam sa kanya ni Reyna Lualhati. "Kung may isa man lang sana akong makakausap rito ay matutulungan niya akong mahanap ang kinaroroonan ng Korona ng Hustisya." Naisatinig na lamang ni Seraphina ang kanyang nais na sabihin at ipinagpatuloy ang paghahanap. Lumipas pa ang halos isang oras na paghahanap ay may nakita siyang isang yungib at nakadaupang palad niya ang isang ermitanyo. Napakalapad ng ngiti ni Seraphina nang malamang nadinig ang panalangin niya. Agad niya itong nilapitan at nagtanong. "Ano ang ginagawa mo rito sa bukana ng bulkan, ineng?" Kahit nakapikit ito ay tila naramdaman niya ang kanyang pagdating. "Magbabakasakali lamang po ako, lolo ermitanyo," naputol ang kanyang nais na sabihin nang magsalitang muli ang ermitanyo. "Ikaw pa lamang ang batang tumawag sa akin na lolo. Napakagandang pakinggan. Ipagpatuloy mo." Muli munang pinagmasdan ni Seraphina ang kabuuan ng matanda. Ang mga buhok nito ay nakatakip na sa kanyang buong mukha at tila isang kasuotan na itong tumatakip sa kanyang buong katawan. Nakaupo lamang ito sa isang hugis-parihabang malaking bato sa entrada ng yungib. Pansin na pansin na rin ang mahahabang mga kuko nito na may hawak pang sungkod, na malapit na rin maputol. "Gusto ko lamang po malaman, lolo ermitanyo kung saan ko po mahahanap ang Korona ng Hustisya," pagpapatuloy nito sa naudlot niyang sasabihin. "Mapanganib kung sasabihin ko pa sa iyo ang kinaroroonan ng hinahanap mo, ineng. Umuwi ka na lamang at baka hinahanap ka na ng iyong magulang." "Ipagpaumanhin po ninyo, lolo. Wala na pong maghahanap sa akin. Wala na rin po akong magulang. Nais ko lamang pong tapusin at pagtagumpayan ang misyon kung inihabilin sa akin ng reyna ng kalikasan at ng kagubatang ito na si Reyna Lualhati." Pansamantalang nanahimik ang matanda matapos marinig mula sa bibig ni Seraphina ang pangalan ng reyna. Ilang saglit pa ay hinawi ng kanyang kaliwang kamay ang buhok na nakatakip sa kanang mukha niya at doon nakita ni Seraphina ang kulay pulang mata nito. "Nararamdaman kong hindi ka ordinaryong dalaga, ineng. Kung inatasan ka ng reyna na kunin ang Korona ng Hustisya, nasa gitna ito ng lawa. Alam kong nakita mo na ang kumukulong tubig sa lawang ito. Ang Korona ng Hustisya ay literal ng hugis korona. Ito ay ang huling korona ng tagapangalaga ng kapangyarihan ng apoy. Tutuloy ka pa ba upang kunin ito?" "Nang sabihin sa akin ng reyna na ang katumbas ng misyong ito ay panganib, nakahanda na po ako sa kahit ano pang pagsubok na dadanasin ko. Kung kinakailangan kong sisirin ang kailaliman ng lawa ay gagawin ko, makuha lamang ang korona, lolo." "Matapang ka, ineng. Kung ganoon ay ipapanalangin ko na lamang na gabayan ka ng kapangyarihan ng apoy upang hindi ka tuluyang matusta o masunog ang iyong balat sa ilalim ng kumukulong tubig ng lawa." "Gagawin ko po ang lahat, lolo. Maraming salamat po." "Walang anuman. Nawa ay magtagumpay kang makuha ang korona." Matapos magpasalat muli ay tumalikod na si Seraphina. Nang lingunin ang yungib ay wala na ito. Hinanap ng kanyang mata ang matandang ermitanyo pero nawala na rin itong bigla. Napakamot na lamang sa ulo si Seraphina at napailing. Ipinagkibit-balikat na lamang niya ang nangyari at tinahak ang daan pabalik sa kumukulong lawa. Nang marating ang lawa ay doon napalunok si Seraphina. Muli kasi niyang napagmasdan ang gitnang bahagi nito na mas mainit pa sa kumukulong tubig sa takure o sa naglalagablab na nasusunog kagubatan. Bago lumusong sa mainit na tubig ay nanalangin muna it sa kanyang isipan. "May tiwala po ako sa kapangyarihan ng apoy at sa iyo inang Reyna. Gabayan mo po sana ako." Matapos ang maikling panalanging iyon sa kanyang isipan ay agad na sumisid si Seraphina sa ilalim hanggang matagpuan niya ang pinakasentro nito. Sa tulong ng kanyang kapangyarihan, nagkaroon ng kaunting mga hasang ang kanyang tainga upang makatulong sa kanyang paglangoy. Hindi rin niya halos makita ang nilalanguyan niya dahil sa usok na nanggagaling sa gitnang bahagi ng lawa. Sa tulong muli ng kanyang kapangyarihan ay hinawi niya ang mga usok na iyon at lumitaw sa kanyang harapan ang limang maliliit na aktibong bulkan na siyang dahilan ng pagkulo ng tubig sa itaas. Ang pagbubuga ng mga ito ay nakasentro sa pinakagitnang bulkan na umiikot-ikot na parang maliliit na tsunami. Nang hawiin pa ni Seraphina ang mga usok na iyon ay tumambad sa kanyang harapan ang koronang lulutang-lutang pataas at pababa sa pinakagitnang maliit na bulkan. Isang napakabigat nga na pagsubok ang kailangang harapin ni Seraphina dahil walang tigil ang pagbubuga ng mga bulkang iyon ng maiinit na mga bato na kinalaunan ay naging puntirya siya. Sunod-sunod ang pagbubuga ng mga maiinit na bato sa apat na maliliit na bulkan sa kanyang harapan. Panay ang iwas nito upang hindi siya matamaan pero sadyang hindi niya napigilan ang ilan sa mga ito at tinamaan siya sa braso at binti. Patuloy sa paglalabas ng mga maliliit na bato ang mga ito at kailangang sanggain iyon isa-isa ni Seraphina. "Hindi ako magpapatalo. Kailangan kong makuha ang korona upang madagdagan pa ang kapangyarihan ko. Nasa akin ang kapangyarihan ng apoy at alam kong magagawa kong mapasunod ito sa akin." Buo ang kumpiyansa ni Seraphina na magtatagumpay siyang makuha ang Korona ng Hustisya. Upang matigil ang pagbubuga ng mga bulkang iyon ng maiinit na mga bato, kailangan muna niyang kontrolin ang apoy na nanggagaling sa mga ito. Ipinikit ni Seraphina ang kanyang mga mata at nagpokus sa kapangyarihang taglay ng apoy. Ilang sandali pa ay unti-unting nagliliyab ang kanyang mga kamay at pati na ang buo niyang katawan. Nang dumilat siya ay naglalagablab na rin ito at nagsalita ng hindi maintindihang lenguahe. "Akina Akong Apangarihan Apoy! Ikawi nudsumo akina apoy! (Akin ang kapangyarihan ng apoy. Ikaw ay sumunod sa akin apoy!)" Muli itong nagsalita pero hindi na katulad ng kanina dahil buo na ang mga salitang kanyang binibitiwan. "Tinatawagan ko ang kapangyarihan ng apoy na bumabalot sa akin at ihatid sa akin ang Korona ng Hustisya!" Matapos banggitin ang mga salitang iyon ay ikinumpas ni Seraphina ang dalawa niyang kamay at lumabas ang nag-aalab na kapangyarihan nito sa kanyang katawan. Pansamantalang tumigil ang pagbubuga ng mga bulkang iyon at kusang lumapit ang Korona ng Hustisya sa kinaroroonan ng dalagang si Seraphina. Nang tumigil ito sa kanyang harapan ay nagkaroon ito ng sariling isip at ipinatong ang korona sa kanyang ulo. Ang sumunod na nangyari ay hindi inasahan ni Seraphina. Bigla na lamang naging pula ang kulay ng kanyang mga mata at ang nag-aalab na kapangyarihan sa koronang iyon ay naglakbay sa kanyang utak. Ang nakatagong alaala ng dalaga ay tuluyang nabuksan at doon sa alaalang iyon ay ipinaalala sa kanya ang mapait na sinapit ng kanyang ina. ... "HUWAAGG! Huwag ninyong sasaktan ang aking ina!" "Sera!" "'Yang nanay mong yan kasi, ayaw magparehistro sa bayan. Kailangan namin ng mananayaw sa club. Pero dahil dumating ka naman at sadyang likas na makinis at maputi ang iyong balat, ikaw na lang ang aming ipaparehistro. Ikaw ang hahalili sa iyong tampalasang ina. Sigurado akong magugustuhan ka ng mga boss namin." "HINDI! HINDI AKO MAKAPAPAYAG!" "A-aanak." "Nay, papayag na po ako sa gusto nila basta't huwag ka lang nilang sasaktan." "Madali naman palang kausap ang anak mo e. Kay bait at kay gandang babae. Masunurin pa." "Sasama ako! Sasamahan ko ang anak ko. Magpaparehistro rin ako." "Kung 'yan ang nais mo, sige, papayagan kita. Mga kasama, kayo na ang bahala sa kanya. Dadalhin ko na 'tong babaeng ito kay boss." "Sandali! Hindi ko puwedeng iwan ang nanay ko! Bitiwan mo ang kamay ko!" "Anong ginawa mo sa nanay ko? Bitiwan mo ako! Hayop ka! Wala kayong puso! Hayop! Hayop!" "Nasaan ang nanay ko?" "Boss, nagawa na po namin ang pinagawa mo. Malinis at walang nakakita." "Magaling! Sige, sumakay na kayo sa sasakyan at umalis na tayo rito. Ikaw namang babae ka, sumunod ka na lamang sa utos namin. Kapag sinunod mo kami, walang mangyayari sa iyo pero kapag sinuway mo kami, magiging katulad ka rin ng nanay mo!" ... "INA!" Nagising si Seraphina sa alaalang iyon at natagpuan na lamang ang sarili na kaharap na ang isang nagliliwanag na nilalang. "Ikinagagalak kitang makitang muli Seraphina." "Kayo po ba ang tumulong sa akin na makaahon mula sa lawa?" "Hindi. Ang kapangyarihang dumadaloy sa iyong katawan ang tumulong sa iyo." "Kung ganoon po ba nagtagumpay ako?" "Nagtagumpay ka nga sa iyong misyon." Agad na tumayo nang maayos si Seraphina at inalala ang kanyang pagsubok nang biglang sumagi sa kanyang isipang kilala siya ng nilalang na kausap niya ngayon. "Maaari po bang malaman kung sino kayo?" "Hindi mo na ba ako natatandaan?" Napailing pa ang dalaga. Nang ikumpas ng nilalang na iyon ang kanyang mga daliri ay naging matandang ermitanyo ito. Lumuwa naman ang mata ni Seraphina at agad na nagpaumanhin matapos bumalik ang anyo nito bilang isang engkantado. "Ipagpaumanhin po ninyo, lolo. Hindi ko po kayo nakilala." "Ako si Ayop, ang tagapangalaga ng lawang ito at ng Korona ng Hustisya. Ako ay isa lamang sa mga engkantadong binigyan ni Reyna Lualhati ng karapatan na pangalagaan ang korona. At dahil nagtagumpay ka sa iyong misyon, ikaw na ang bagong may-ari ng koronang ito." Iniabot ito ni Ayop kay Seraphina at nang kanyang tanggapin ay bigla itong naglaho. "Hala, lolo Ayop. Nawala na po?" Lihim namang natawa si Ayop. "Hindi ito nawala, Seraphina. Tingnan mo ang iyong kanang braso." Sinunod naman ng dalaga ang utos sa kanya at doon nakita niya ang hugis apoy na marka sa kanyang braso. "Ikaw na ang bagong tagapangalaga nitong lawa, Seraphina. Nasa iyo na rin ang Korona ng Hustisya. Kung ano at para saan mo gagamitin ang kapangyarihang ipinagkaloob sa iyo ng apoy, gamitin mo ito sa tamang paraan. Gaya ng salitang hustisya, ang koronang iyan ang magsisilbing gabay mo sa tamang paghahatol sa mga taong nanakit sa iyong nakaraan." "Asahan po ninyong aalagaan ko ang kapangyarihang ipinagkaloob sa akin. Babaunin ko po ang mga salitang binitiwan ninyo sa aking puso at isipan. Makakaasa ka pong mabibigyan ko ng hustisya ang bawat bagay may kinalaman sa aking nakaraan, lolo Ayop." "Kung kinakailangan mong timbangin ang mga bagay-bagay, tawagin mo lamang ang kapangyarihan ng apoy at tutulungan ka nitong maintindihan kung ano ang tama sa mali." Magpapasalamat pa sanang muli si Seraphina nang bigla na itong naglaho sa kanyang harapan. Sa isipan na lamang niya binigkas ang pasasalamat na iyon pagkat narinig na niya ang tinig ni Reyna Lualhati. "Nagtagumpay ka sa iyong misyon, Seraphina. Ako ay labis mong pinahanga. Ibabalik na muna kita sa paanan ng bundok at doon mo muna hintayin ang iba." "Masusunod po, inang reyna." Nilamon nang muli ng liwanag si Seraphina at nilisan ang lawa o bukana ng Anglaon upang bumalik sa paanan ng bundok.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD