Isang Misteryosong Kalaban

1580 Words
Habang abala si Reyna Lualhati sa pagbabantay at panonood sa mga nangyayaring kaganapan sa mga itinakda niya ay nagsisimula namang nagpapamalas ng kapangyarihan ang isang batang babae sa loob ng laboratoryo ni Madel. Nagising kasi ito at kaagad na dumiretso sa laboratoryo kung saan naroroon ang mga batang sugatan at ang iba pang mga bata na natutulog sa loob ng kapsula. Nang humarap ito sa mga kapsula ay lihim itong ngumiti. Bukambibig nito ang mga salitang: "Malapit na akong magising at kailangan ko ng instrumento at kakampi. Kayong lima ay bibiyayaan ko pa ng mga kapangyarihang papantay sa nakalaban ninyo." Ilang saglit pa ay agad na itinaas nito ang kanyang kaliwang daliri at lumabas sa dulo nito ang isang maitim na kapangyarihan. Isa-isa niya itong inilipat sa mga bata, papasok sa maliliit na mga tubo sa loob ng kapsula. Bawat mga bata ay pinagkalooban niya ng mga kapangyarihang hihigit pa o papantay sa makakalaban ng mga ito. Iyon lamang ang kasalukuyang paraan upang unti-unti niyang magamit ang katawan ng batang babae sa kanyang planong paghahasik muli ng lagim. Ilang daang taon na rin siyang nagpasali-salin o nagpalipat-lipat sa mga katawan ng mortal. At sa batang babaeng iyon siya tumagal at nakatulog nang mahimbing. Ngayong nalalapit na ang kanyang paggising ay sinasamantala muna niya ang pagkakataon upang palakasin ang mga bata sa loob ng kapsulang iyon hanggang sa ang mga ito ay mapasa-ilalim ng kanyang kapangyarihan. Parang kuryenteng dumadaloy sa mga ugat ng mga batang iyon ang kanyang kapangyarihan. Na kahit tulog ang mga ito ay ramdam nila ang sakit dahil sadyang malakas ang itim na kapangyarihang nananalaytay sa dugo niya. Muli, ay lihim siyang ngumiti. Nang matapos ang pagbibigay ng kapangyarihan sa mga batang iyon ay siya ring pagtigil ng mga daing ng mga bata. Ang batang babae naman ay wala na naman sa sariling tinahak ang daan palabas mula sa laboratoryong iyon pabalik sa kanyang higaan. ... SA KULUNGAN kung saan nakakulong sina Heroina at Dmitri, patuloy ang mga ito sa paghahanap ng paraan upang makatakas. Ilang beses na tinangka ni Heroina na sirain ang bakal na rehas gamit ang matatalim na sandatang nakatago sa kanyang kasuotan pero bigo pa rin siyang magawa ito. Nakaupo lamang si Dmitri sa isang sulok at tinitingnan ang ginagawa ng asawa. Kilalang-kilala niya ito. Kapag may gusto itong gawin, hindi ito napipigilan. Hindi niya pinipigilang istorbohin ang gagawin ng asawa pagkat alam na alam nito ang kanyang paraan. "Mukhang matibay ang pagkakagawa ng rehas na ito, Dmitri. Hindi ito basta-basta na lamang mapuputol," aniya habang tuloy-tuloy pa rin sa paglalagari gamit lamang ang maliit na punyal na hawak niya. "Hindi ba napakaliit naman ng iyong hawak na sandata para lagariin iyan? Huwag mo nang pilitin, Heroina. Ikaw na rin ang nagsabi na mukhang matibay ang pagkakagawa ng mga bakal sa rehas na ito. Magpahinga ka na lamang." Lumingon sa kanya ang asawa at nginitian lamang ito. Sandaling titigan ang namayani sa maikling oras na iyon. Pero hindi siya sinunod ng asawa. Muli itong sumubok. Napailing na lamang si Dmitri sa mga oras na iyon. Hindi nga talaga siya nakikinig sa kanya. ... SA BUNDOK ANGLAON naman ay sumasayaw-sayaw pa ang reyna habang kumakanta nang malamang nagtagumpay si Seraphina sa pagkuha ng Korona ng Hustisya sa bukana ng bulkan, sa maliit na lawang naroon sa mata ng Anglaon. Sumusunod din ang napakalamig na simoy ng hangin sa kanyang mga indak, maging ang mga halaman sa paligid ng Anglasya ay napapasayaw na rin sa mga indak ng reyna. Bagamat, mayroon nang kapangyarihan si Seraphina, na ipinagkaloob niya sa potion ng apoy noon pa man, nadagdagan pa ito nang silang dalawa, Ayop at Seraphina ay naging isa. Walang alam si Sera na nasa korona ang kapangyarihan ni Ayop. Ang tanging alam lang nito ay ang pagiging tagapangalaga ni Ayop o banta sa lawang iyon. Siy Ayop lang naman ang engkantadong pinagkalooban ng kapangyarihan ng apoy, na nagkubli nang matagal na panahon sa lawang iyon. Nagising lamang ito nang dumating si Seraphina upang kunin ang Korona ng Hustisya. "Maraming salamat, Ayop. Makapagpapahinga ka na mula sa matagal na paghihintay na papalit sa iyo bilang tagapangalaga ng kapangyarihan ng apoy. Ang iyong kapangyarihan ay mananatiling buhay naman sa katauhan ni Seraphina. Kahit pa sumanib ka na sa bata ay alam kong nagpahinga na ang iyong katawan sa matagal na pagbabantay sa korona sa ilalim ng napakainit at nag-aalab na lawang iyon. Muli, ay maraming salamat, Ayop." Matapos banggitin ang pasasalamat na iyon ay tinangay ng hangin ang kanyang mensahe patungo sa bunganga ng bulkan pababa sa lawang iyon, sa naging tirahan ni Ayop ng matagal na panahon. Si Seraphina naman ay pansamantalang nakatulog sa paanan ng bundok, sa ilalim ng maliit na kubong inilaan ng reyna sa mga bata habang hinihintay na makumpleto at mapagtagumpayan ng ibang mga bata ang kani-kanilang mga misyon. "Pansamantala ka munang matutulog, Seraphina nang sa ganoon ay makabawi man lamang ang iyong katawan mula sa naglalagablab na init ng tubig sa lawang iyon. Tanggapin mo ang aking muling pagbati sa iyo, anak. Ikaw ay nagtagumpay na makuha ang korona at naibalik na rin ang alaala ng iyong mapait na nakaraan. Dalangin ko sanang gamitin mo sa tamang paraan ang kapangyarihang ipinagkaloob sa iyo ni Ayop." Gaya nang ginawa nito kanina ay tinangay ng hangin ang kanyang mensahe at isang maliliit na kristal ang lumabas sa kanyang bibig at hinipan niya ito patungo sa kinaroroonan ng batang natutulog na si Seraphina. Sumabay na rin ang mensaheng iyon sa kubo at pumasok ito sa isipan ng bata. Matapos ang pansamantalang kasiyahan ng reyna ay muli siyang naging seryoso upang panoorin ang susunod na batang gagawa ng kanyang misyon at iyon ay walang iba kung hindi ay ang batang pinagkalooban niya ng kapangyarihan ng halaman, si Orchidia. ... Gulat na gulat ang mukha ni Orchidia nang makita ang sariling nasa isang bahagi ng parte siya ng Anglaon. Nang iangat ang mukha ay nakita niya roon ang pinakamataas na puno. Hindi nga lang niya alam kung ano ang kanyang gagawin nang mga sandaling iyon. Kaya naman, bago pa siya maunang magsalita ay narinig na niya ang tinig ni Reyna Lualhati upang bigyan siya ng pagkakataong mahanap at makuha ang Bulaklak ng Pag-ibig. "Orchidia, ang iyong pagsubok ay magsisimula sa napakataas na banging ito. Kailangan mong makuha ang Bulaklak ng Pag-ibig na sumisimbolo sa iyong kapangyarihan," panimula ng reyna. "Naiintindihan ko po," aniya. "Dahil isa nga itong pagsubok na kailangan mong lagpasan, hahasain nito ang iyong lakas at bilis ng pagdedesisyon sa paraang alam mo. Ikaw ay hindi ko pinapayagang gumamit ng iyong kapangyarihan sa pag-akyat pero, maaari mo namang gamitin ang kapangyarihan mo sa paggawa o paglikha ng bagay na magagamit mo sa pag-akyat sa banging ito. Dalangin ko ang iyong kaligtasan at tagumpay sa pagsubok mo." Matapos ang instruksyon at paalalang iyon ng reyna kay Orchidia ay napangiwi at napakagat labi pa ito. "Hala! Bawal gamitin ang kapangyarihan ko sa pag-akyat sa banging iyan? Oh my goodness!" Nakapangalumbaba at nakaupong saad ni Orchidia sa kanyang isipan. "Parang tiyahin ko lang si inang." Napapangiti pa ito nang maaalala ang pagtatalak ng kanyang nag-iisa at pinakamamahal na tiyahin, na sa pagkakaalala niya ay iyon ang huling alaalang mayroon siya sa tiya Becky niya. Malakas ang ihip ng hangin sa bahaging iyon ng kabundukan ng Anglaon. Kaya napapayakap si Orchidia sa kanyang katawan nang mga sandaling iyon. Kapansin-pansin din ang katahimikan ng paligid. Bagama't may mangilan-ngilan siyang naririnig na mga huni ng ibon ay hindi ito ganoon kalakas. "Ang lamig naman dito. Paano ko kaya makukuha ang Bulaklak ng Pag-ibig na iyon sa banging iyon? Ang taas! Parang labinglimang talampakan yata ang taas. Ilang tao kaya iyon kung ipagpapatong-patong ko?" Nagawa pa niyang magbiro at aliwin ang sarili habang nakatunganga sa paanan ng bangin. Nakapangalumbaba muli ito at napapanguso sa pag-iisip ng paraan kung paano makaka-akyat. "Ang sabi ng reyna, bawal gamiti ang kapangyarihan ko sa pag-akyat. Ibig sabihin, bawal gumamit ng baging at pagalawin ito patungo sa kinaroroonan ng bulaklak. Pero teka nga muna, bakit parang may nakalimutan ako?" Sa pagkakataong iyon ay muling nag-isip nang malalim si Orchidia at nang malaman kung ano ang nakalimutan niya ay napailing na lamang siya. Natampal pa niya ang noo. "Tama. Hindi ko nga pala alam kung saan ang eksaktong parte ng bangin makikita ang bulaklak. Paano na ito?" Lalo lang lumukot ang mukha ni Orchidia sa isiping iyon. Sadyang hindi nga madali ang pagsubok niya. Hindi pa niya alam kung saang banda ang kinaroroonan ng bulaklak at kung malaman man niya, paano niya aakyatin ang banging iyon? Nasa malalim na pag-iisip si Orchidia nang may marinig siyang nagsalita. "Sundan mo lamang nang tanaw sa isang direksyon ng iyong mataa pataas ang bangin, Orchidia. Kahit malayo ito sa iyong paningin ay makikita mo ang hinahanap mo." Nang lingunin ni Orchidia ang nagsasalita ay wala siyang makita ni anino nito. Puro matataas na puno at mga halaman pati na ang mga nanari-saring bulaklak sa kanyang paligid. Dahil wala siyang makitang imahe sa kanyang likuran, sinunod na lamang niya ang kanyang napakinggan. Itinuon nito ang paningin sa isang direksyon ng bangin. Pagkatapos niyon ay paakyat nang paakyat ang kanyang pananaw hanggang sa mag-iba ang kulay ng kanyang balintataw at nakita ang kanyang pakay. "Ayun! Nakita rin kita sa wakas. Ang kailangan ko na lamang ay ang akyatin ka." Ang mga mata nito ay bumalik sa normal at nakangiting naghanap na ng paraan kung paano maaakyat ang bangin at makuha ang Bulaklak ng Pag-ibig.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD