Ang Pagsisimula ng Pinakamatinding Pagsubok

1584 Words
Bago gisingin magpakita sa mga itinakda sa kani-kanilang mga panaginip ay minabuti munang ayusin ni Reyna Lualhati ang nakatakdang plano niya para sa kanila. Ang pinakahuling pagsubok na susubok sa kani-kanilang mga lakas at kapangyarihan maging mas malalakas pa upang talunin ang kanilang matinding kalaban. Ito ang magsisilbing pruweba ng kanilang katapatan, katapangan, kadalisayan, pag-asa, hustisya, at pag-ibig upang maging ganap na ang kani-kanilang mga kapangyarihan. Mula sa himpapawid ay ipinadala ng reyna ang kanyang mensahe na ihanda ang pagsubok para kay U-ri upang hanapin at makuha ang Singsing ng Pag-asa na siyang simbolo ng pag-asa sa kaharian ni Lihangin. Sa kailaliman ng karagatan ng Dagat Landia, kanya naman ipinadala ang mensahe sa pinuno ng mga mga Sirena at Sireno upang siguraduhing mabibigyang saysay ang pagkuha ni Laika sa Luha ng Kadalisayan. Sa mortal na kaanib naman nitong naninirahan sa pinakatuktok at pinakamataas na gusali sa buong Independencia nakatago ang Baluti ng Katapatan na kailangang mapasakamay ni Abdul-hakim. Kaya agad niyang ikinumpas ang kanyang kamay upang makausap ang bantay sa estabilisyimentong iyon. Nasa kamay naman ni Wyatt ang tagumpay, kaya kinakailangang maging handa na rin ang grupo ng mga hayop upang subukan ang lakas at kakisigan ng bata upang makuha ang Pangil ng Katapangan mula sa namayapang pinuno ng kagubatan, dati ay isa sa pinaka-pinagkakatiwalaan ng Reyna Lualhati sa kagubatan ng Anglaon. Sa pinakatuktok naman ng bundok Anglaon ay may nag-iisa at pinakahuling bulaklak na tumubo sa matarik na bahagi ng Anglasya. At walang ibang magmamay-ari at makakakuha lamang ng Bulaklak ng Pag-ibig na iyon kung hindi ang itinakdang si Orchidia. Ang panghuli ay kinakailangan naman sisirin at lagpasan ang nagbabagang lava at magma upang makuha sa pinakailalim nito ang Korona ng Hustisya sa natutulog pero aktibong bunganga ng bulkang Anglaon. Lahat ng mga ito ay kinakailangang pagtagumpayan ng anim na mga itinakda upang ganap na mapasakanila na ang kapangyarihan ng mga potions ibinahagi niya. Ito rin ang magiging sukatan ng kanilang tapang at lakas ng loob kung paano harapin ang pinakamatinding pagsubok bilang isang hindi na pangkaraniwang bata, dalaga, o binata. Nang handang-handa na ang lahat ay nagliwanag ang buong katawan ni Reyna Lualhati. Nakapikit ang mga mata nito habang iwinasiwas ang mga daliri sa kamay at umiikot-ikot sa buong Anglaon. Sinasabayan ng hangin ang bawat bigkas ng mga salitang kanyang binibitiwan at kinakanta sa mga oras na iyon. Sarai, Sarai Anglaon! Sarai Sarai Anglaon! (Isara, isara ang Anglaon! Isara, isara ang Anglaon!) Pang-u subokpag tanakdai lampasan. Tanakdai paygumta! (Upang pagsubok ng mga itinakda ay malagpasan!) Tatlo hanggang limang beses niya itong kinakanta at sa bawat pagbigkas, pagkumpas, at pag-ikot na kanyang ginagawa ay lumilikha ito ng hugis-bilog na baluti sa buong kapaligiran ng Anglaon. Maging sa himpapawid at karagatang sakop ng kanyang mga mata ay gumawa ang reyna ng pananggalang. Ito ay upang masiguradong walang magkakamali o mangahas na sirain ang kanyang mga plano sa mga bata. Kahit pa gigisingin lamang niya ang mga ito sa kani-kanilang mga panaginip. Nang matapos ang kanyang ritwal ay muling pumikit ang reyna upang yayain na ang mga ito sa paanan ng bundok Anglaon nang masimulan na niyang ibahagi sa kanila ang kani-kanilang mga misyon. "Ikinagagalak kong muli kayong makita, mga anak ko," masiglang bati ng reyna sa mga bata kasama na ang pinakamatanda sa kanila na si Abdul-hakim. Bilang pagrespeto sa reyna ay yumuko ang mga ito at binati rin siya. Nakangiti namang pinagmamasdan niya ang mga itong nakayuko sa kanila habang si Puti naman ay pilit na pinayuyuko ng batang si Wyatt. "Hindi na kailangang maging pormal kayo sa akin. Naalala kong hindi lang ito ang unang beses na nasilayan ninyo ang aking kagandahan. Kaya, alam na alam ko ang dahilan ng inyong pagyuko. Iangat na ninyo ang inyong mga ulo, mga anak." Nang kanilang masilayan ang kabuuan ng reyna ay muli na naman silang namangha sa kasuotan nito. Ang kanilang mga mata ay tila hindi kayang magpatuloy sa pagtitig pagkat nakasisilaw ang kasuotan nitong gawa lamang sa mga baging at dahon ng halaman sa paligid. Ang korona nito ay hugis-tinik na napapalamutian ng mga bulaklak. Hindi rin mawawala sa kanilang mga paningin ang mahabang kulay gintong buhok nitong nakalugay hanggang sa likuran ng kanyang paa. Nginitian lamang ng reyna ang mga bata bago ibalita ang rason kung bakit muli siyang nagpakita sa kanilang panaginip. Nang mabusog na ang mga mata nila ay doon na nagsimula si Reyna Lualhati. "Muli kong susubukan ang inyong lakas at katatagan sa panibago at huling pagsubok na inyong kahaharapin ngayon, mga anak. Ang bawat isa sa inyo ay may kani-kaniyang misyon at bagay na dapat makuha." Lahat ay titig na titig sa kanya at bukas na bukas ang mga tainga sa pakikinig. "Ang mga bagay na ito ay dating pagmamay-ari ng mga engkantado at tagapangalaga na may simbolo ng katapangan, kadalisayan, pag-asa, hustisya, katapatan, at pag-ibig. Nasa inyong mga kamay at lakas upang makuha ang mga ito. Ngunit, hindi ito isang laro na basta-basta na lamang ibibigay sa inyo o makukuha ninyo nang walang anumang pagsubok na pagdaraanan." "Nakahanda po ako, inang Reyna," masiglang sabi ni Wyatt. Sumunod na rin ang iba pa sa pagsasabing handang-handa na rin silang harapin ang hamon at pagsubok na kanilang kailangang lagpasan. "Kapag napagtagumpayan ninyo ang bawat misyon ninyo ay mapapasa inyo ang kapangyarihan ng hangin, tubig, teknolohiya, halaman, hayop, at apoy na gagamitin ninyo upang matalo ang natutulog pang pinakamalakas ninyong makakalaban. Ang tungkol sa kanya ay saka ko na lamang ikukuwento." "Gagawin po namin ang aming makakaya mapagtagumpayan lamang po ang misyon upang makuha ang aming mga kapangyarihan, inang Reyna," taas ang noong sabi ni Seraphina. "Dahil ikaw ang unang nagpakita ng lakas na kalabanin ang mga ekspiremento sa mundo ninyo at tinalo ang isang batang may kapangyarihan ng tubig, sa iyo ko inaatas ang pagkuha sa Korona ng Hustisya sa bunganga ng bulkang Anglaon." Gulat na gulat naman ang mga mukha ng ibang kasama nang marinig ang sinabi ng reyna na si Seraphina ang mauuna sa misyon. Pero malakas ang loob at taas pa rin ang noo ng dalaga sa utos ng reyna at handang-handa na ang isipan niya upang makuha ang Korona ng Hustisya sa bunganga ng bulkan. "Nakahanda na po akong gamitin ang kapangyarihan na apoy at dagdagan pa ito kapag napasakamay ko na ang Korona ng Hustisya, inang reyna." "Kung ganoon, ipikit mo ang iyong mga mata at dadalhin na kita sa bukana ng bulkan at doon ay naghihintay na ang iyong pinakamatinding pagsubok upang makuha ang Korona ng Hustisya na siyang simbolo ng kapangyarihan ng apoy na nakatakdang mapasa-iyo, Seraphina." Sinunod ni Seraphina ang utos ng reyna at agad na pumikit habang walang kakurap-kurap naman ang mga kasama sa susunod na mangyayari. Kitang-kita ng kanilang mga mata ang unti-unting paglamon ng mga nagkikislapang mga bituin sa buong katawan ni Seraphina hanggang sa tuluyan na nga itong mawala sa kanilang paningin. "Ngayon, kayong natitira ay makikinig dahil isa-isa ko na kayong ihahatid sa lugar na kailangan ninyong puntahan," muling pagharap ng reyna sa kanila. "Abdul-hakim, ang iyong misyon ay kunin ang Baluti ng Katapangan sa pinakamataas na Tore ng Independencia upang maging mapasa iyong kamay ang kapangyarihan ng teknolohiya." "Ihahatid ka naman ng hangin, U-ri sa kaharian ni Lihangin upang tulungan kung papaano mo makukuha ang Singsing ng Pag-asa," nginitian muna niya ang mga ito at nagpatuloy. "Laika, ang Luha ng Kadalisayan ay nasa loob ng perlas at ang mga sireno at sirena sa Dagat Landia ay tinatawag ka na upang ikaw ay tulungan. Humayo ka na at sumisid roon." "Ang Bulaklak ng Pag-ibig ay nasa matarik at banging parte ng bundok Anglaon, Orchidia. At ito ay nasa gilid ng puno ng Anglasya na bumabati sa silangang bahagi ng kabundukan habang ikaw, Wyatt ay kailangang maghanda na upang kalabanin ang mga grupo ng hayop na nakabantay sa Pangil ng Katapangan sa liblib na kuweba ng bundok na ito." Sisimulan na sanang ikumpas ni Reyna Lualhati ang kanyang mga kamay nang magsalita si Wyatt. "Ano po ang mangyayari kay Puti, inang reyna?" "Kasama mo pa rin siya sa lahat ng misyon mo, Wyatt. Tutulungan ka niya sa mga panganib na haharapin mo pagkat isa rin siya sa mga hayop na nakatira sa bundok na ito. Kung wala na kayong mga katanungan, ihahatid na kayo ng aking kapangyarihan sa inyong lokasyon." "Masusunod po, inang reyna," sabay-sabay na sagot ng mga ito. Muling ngumiti ang reyna at gaya ng ginawa niya kay Seraphina, pinalibutan din ang mga ito ng nagkikislapang mga bituin upang dalhin sa kinaroroonan ng kanilang mga misyon. Nang maglaho ang mga kabataan sa kanyang harapan ay bumalik muna pansamantala ang reyna sa Puno ng Anglasya upang tingnan at panoorin ang kalalabasan ng misyon nila. Napakalapas ng kanyang mga ngiti matapos sabihin sa mga ito ang misyon nila. Alam niyang magtatagumpay ang mga ito kahit pa may pagdadaraanan silang mga balakid bago makuha ang mga kapangyarihan ng kanilang katawan. Paghahanda na rin ito para sa kanila sa nalalapit na totoong labanan ng mga kapangyarihan sa pagitan ng kabutihan at ng kasamaan. Hindi na muna pa iisipin ni Reyna Lualhati kung saan hahanapin si Marisol. Kailangan muna niyang masigurong magtatagumpay ang mga bata kahit pa malakas naman ang kumpiyansa niyang magtatagumpay. ... SAMANTALA, sa loob ng laboratoryo ni Madel ay nagising ang isang batang babae at wala sa sariling pumunta sa kinaroroonan ng mga kapsula kung saan nakahiga ang mga sugatang nakalaban nina Wyatt. "Malapit na akong magising at kailangan ko ng instrumento at kakampi. Kayong lima ay bibiyayaan ko pa ng mga kapangyarihang papantay sa nakalaban ninyo."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD