Ang Huling Paghahanda

1237 Words
Limang daang taon ang nakalipas... sa pinakailalim na parte ng karagatan ng Dagat Landia ay nakahimlay ang katawan ni Marisol. Nang matalo ni Lualhati si Marisol ay agad siyang itinapon sa ilalim at hinayaang tangayin ng tubig pababa, sa kailaliman ng lupa. Unti-unti itong lumubog hanggang sa bumagsak ang katawan nito. Ang kaninang nabiyak na parte ng lupa sa kailaliman ng tubig ay dahan-dahang sumasara. Matapos iwan ni Lualhati ang katawan ng diwatang si Marisol ay umalis na siya at bumalik sa kanyang tirahan, sa kalupaan, sa pinakamataas na bahagi ng bundok Anglaon upang magpahinga sa labanang hindi niya inasahang siya lamang ang makatatalo. Ang hindi alam ni Lualhati, bago pa man tuluyang matabunan ng lupa, sa ilalim ng karagatan ang katawan ni Marisol ay may isang puting hugis perlas na liwanag na lumabas sa kanyang bunganga. Bago tuluyang maisara ang nabiyak na lupa ay unti-unti itong nakalusot at umangat hanggang sa makalabas sa mismong karagatan ng Dagat Landia. Sa himpapawid ay naglakbay ito patungo sa lupa at naghanap ng katawang pansamantalang pahingahan niya upang makatulog nang mahimbing. Paulit-ulit siyang labas-pasok sa katawan ng mga mortal pero wala siyang mahanap na kahit isa man lamang na magiging kanyang tirahan. Nagpatuloy siya sa paglakbay hanggang sa matagpuan niya ang isang dalagang paakyat na sa barko, mula sa daungan. Parang usok lang itong biglang pumasok sa bunganga ng babae nang hindi nito namalayan. Habang nasa loob ito ng katawan ay hinanap nito ang kanyang puso at doon pansamantalang nagpahinga. Naglakbay nang naglakbay ang kulay puti at hugis perlas na liwanag na iyon sa iba't ibang katawan ng babaeng una niyang pinasukan. Sa madaling salita, sa tuwing mamamatay ito ay hindi na siya naghanap pa ng malilipatan pagkat, sa pamilya ng unang babaeng iyon na siya mismo pumasok. Nang umupo bilang pinuno ng Independencia si Dominador Dimaguiba, nahirapan siyang makahanap ng bagong tirahan niya dahil ang huling pamilyang pinasukan niya ay namatay rin. Pero nang sumiklab ang m*****r sa Irina Arena ay nakatagpo siya ng panibagong katawan sa katauhan ng isang mabagsik at mamamatay taong si Damion Kill. Sa katawan ng diktador at walang pusong bagong pinuno ng Independencia ay doon siya muling nakatulog. Hinintay ang panibagong pagkakataon magising muli at makumpleto ang huling himlayang katawang kanyang papasukan. At nangyari nga ito nang makilala ni Damion Kill si Madel at naging magkasintahan ang dalawa. Biniyayaan ang dalawa ng isang tahimik, at walang kamuwang-muwang na batang kanilang itinago sa laboratoryo ni Madel. Ang pagsilang ng batang babae sa sinapupunan ni Madel ang naging hudyat ng pagkagising ng kaluluwa ni Marisol at nakatulog ng halos sampung taon sa katawan ng batang babae. Walang kaalam-alam si Bathala at si Lualhati na sa isang walang kamuwang-muwang bata pala pumasok ang kaluluwa ni Marisol. Naghihintay na lamang ito ng tamang pagkakataon upang muling magising at makadaupang-palad si Lualhati. ... SA BUNDOK ANGLAON ay malalim na malalim na nag-iisip si Reyna Lualhati hinggil sa kinaroroonan ni Marisol. Matapos sisirin ang pinakailalim na parte ng karagatan ng Dagat Landia kung saan niya huling itinapon at ibinaon sa ilalim ng lupa ang katawan ng diwatang si Marisol, doon ay napag-alaman niyang tanging mga buto na lamang nito ang natira. Tama si Bathala. Kung naroon pa sa katawan ni Marisol ang kanyang kaluluway ay hinding-hindi maagnas ang katawan nito. Isa itong diwata na kahit dumaan man ang napakaraming taon ay mananatili sa orihinal na anyo ang buong katawan nito. Nang makabalik nga siya sa Anglaon at pansamantalang nag-isip sa ilalim ng lilim ng puno ng Anglasya, isa-isa niyang hinabi ang lahat ng maalala niya mula sa m*****r sa Irina Arena hanggang sa pag-upo ni Damion Kill at ang paglitaw ng mga batang kasing lakas din ng mga batang kanyang sinanay. "Kung nasa katawan nga ni Damion Kill ang kaluluwa ni Marisol, posibleng may kinalaman siya sa mga batang malalakas," pagsasalita nito sa kanyang isipan. Ang hangin sa kanyang paligid ay preskong pumapasok at nanunuot lamang sa kanyang mga balat habang pinagtatagpi-tagpi ang lahat ng maalala niya. "Kung wala namang kinalaman si Damion Kill sa mga batang nakalaban nina Wyatt, hindi kaya si Madel? Si Madel ang assistant ni Dmitri nang gawin nila ang potion. Pero walang alam si Madel na may kapangyarihan na ang potions na iyon nang magtagumpay silang makagawa ng mga ito. Hindi kaya..." Pansamantalang natigil ang pag-uusap nito sa kanyang isipan nang muli niyang tiningnan ang kagandahan ng buong Anglaon, partikular na ang bunganga ng bulkan na tahimik lamang. Dinig na dinig niya rin ang mga huni ng ibon at mga ibang hayop sa paligid. Amoy na amoy niya rin ang mismong mababangong mga bulaklak, lalo na ang pinakaborito niyang Wild Orchids. Samyong-samyo niya ang napakapreskong hangin. Ramdam na ramdam din ni Reyna Lualhati ang paghalik ng mga tilamsik ng tubig na nagmumula sa maliliit na tubig-tabang at talong masayang nakikinig sa kanyang isipan. "Si Madel lamang ang alam kong makakagawa ng mga potions kung nagkataon ngang may kinalaman siya sa nangyari sa mga batang katunggali nina Wyatt at ng iba pa. At kung si Madel nga, hindi malayong mangyaring may kapangyarihang ginamit sa mga potions na iyon upang iturok sa katawan ng mga batang kanyang naging mga ekspiremento. Sa pagkakataong iyon ay hindi ko puwedeng baliwalain ang mga nangyayari. Kailangan kong muling sanayin ang mga bata upang higit na mas malakas pa. Hindi ko hahayaang magtagumpay si Marisol sa plano niyang muling pagkagising at pagsira sa Independencia." Ang mga mata nito ay kumikislap sa tuwing nasisikatan ng araw. Ang mga buhok naman nito ay isinasayaw ng hangin habang nakalugay sa kanyang likuran. Titig na titig siya sa kabuuan ng Anglaon at makikita ang determinasyong muling sanayin ang mga batang kanyang nauna nang tinulungan sa kanyang panaginip. At dahil sa panaginip lamang siya puwedeng magpakita sa mga bata, kinausap niya nang masinsinan si Puti gamit ang telekinesis o kapangyarihan ng isipan. Ipinikit niya ang kanyang mga mata at naglakbay ang kanyang diwa at isipan upang kausapin si Puti na masaya pang sumasayaw sa indak at kanta ni Orchidia sa loob ng kagubatan, sa paanan ng bundok Anglaon. "Nais kitang makausap ngayon din, Puti. Ipagpatuloy mo lamang ang pag-indak at pagsasayaw. Makinig ka sa aking sasabihin." "Naririnig ko po kayo, mahal na Reyna Lualhati. Ano po ang maipaglilingkod ko sa iyo?" "Kailangan kong makausap ang mga itinakda, partikular na si Wyatt. Kaya kailangang gumawa ka ng paraan sa lalong madaling panahon na makatulog ang dalawa. Sina Sera, U-ri, Yelo, at Abdul-hakim ay nakatulog na sa loob ng kapsula. Sina Wyatt na lamang at Orchidia ang kailangan mong patulugin at sumunod ka na rin pagkatapos mong gawin iyon." "Masusunod po, mahal na reyna." Matapos ang pakikipag-usap sa isipan ni Puti kay Reyna Lualhati ay agad na nag-isip ito ng plano kung paano patutulugin sina Wyatt at Orchidia habang patuloy pa ang mga ito sa pagsasaya. Nang maalala ang kamandag niya, iyon ang kanyang ginamit. Pero sinigurado niya munang hindi ito magpaparalisa o papatay sa kanila. Imbes na tusukin sa leeg ang dalawa nang makatulog agad, binulungan niya ang mga ito at agad na dinilaan sa leeg. Nagulat ang dalawa at ilang sandali pa ay nakaramdam ito ng pagkaantok hanggang sa nasalo niya ang dalawang tinulungang makatulog nang maayos sa damuhan. Nang tuluyang masiguro na tulog na nga sina Wyatt at Orchidia, agad na tumabi na rin ito. Ilang sandali pa ay pumikit na rin si Puti upang makapasok sa panaginip habang hinihintay ang reyna na gisingin sila isa-isa.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD