LUMAGPAS na sa itinakdang araw at palugit ng pamamalagi sa bundok Anglaon ang mga batang itinakda. Ngunit hindi ito kailanman kailangang madaliin ni Reyna Lualhati. Nananatili pa ring hindi tapos ang kanilang meditation at levitation. Kaya hindi pa sila magigising. Nasabi niya na malapit na itong magising pero napansin niyang wala pang kakayahan ang ibang maging isang malakas na mandirigma.
"Talasan ninyo ang inyong isipan. Tanggalin ninyo sa inyong mga puso ang mga agam-agam. Huwag ninyong hayaang mangibabaw ang galit, poot, at paghihiganti sa inyong mga puso. Kayo ay kailangan ng Independencia."
Paulit-ulit niya itong sinasabi sa kanilang mga isipan upang sa ganoon ay malagpasa nila ang huling pagsubok niya. Ang puso at isipan ay kailangang maging isa sa pagdedesisyon. Hindi puwedeng puso lamang ang pairalin ng mga ito.
"Wyatt, alam kong napakalinis ng iyong kalooban. Mapagmahal na anak at may pakialam sa bawat nilalang sa mundo. Karapat-dapat kang maging pinuno nila. Ngunit, iyong alisin sa puso ang mga katanungangan alam na alam mo na ang kasagutan," kaharap nito ang batang si Wyatt at sinabi ang mga katagang iyon upang tapusin ang kanyang pagsubok.
"Orchidia, ang batang mahilig sa halaman. Napakagalang at napakabait mo sa mga matatanda. Karapat-dapat ngang mapabilang ka sa mga batang bibiyayaan ng lakas at kapangyarihan. Alam kung nasa puso mo pa rin ang pangungulila sa iyong magulang. Pero kailangan mong lakasan ang iyong loob upang maging malakas ka sa hinaharap."
"U-Ri, ang batang magnanakaw pero nasa loob ang kabaitan. Alam kong taglay mo ang pagiging maliksi at malakas, pero kailangan mong iwaksi sa puso at isipan ang iyong kamalian at palitan ito ng pagkakawang-gawa na bukal sa iyong kalooban. Dalangin kong mapagtagumpayan mo ito sa huli."
"Laika, ang dalagang may napakabusilak ang puso. Taglay mo ang lakas ng tubig na dalisay at umaagos nang puro sa iyong puso at isipan. Napakasakit ng iyong nakaraan pero ipinapanalangin kong hihilom ito sa takdang panahon. Gamitin mo ang iyong nakaraan hindi upang maghiganti kundi maging isang sandata upang matalo ang mga kalaban."
"Abdul-hakim, ang pinakamatanda sa lahat. Bagama't ikaw ang pinakamatanda sa lahat ng mga itinakdang nahanap ko ay hindi naman ako nagkamaling piliin ka. Ikaw ang magsisilbing kuya ng mga bata. Taglay mo rin ang lakas at kapangyarihan ng isang matapang na mandirigma sa inyong anim. May bahid man ng paninisi ang iyong kalooban ay alam kong ginawa mo naman ang lahat upang maproteksyuna ang iyong namayapang magulang."
"Seraphina, ang pinakamagandang babaeng aking nasilayan sa buong Independencia. Nasa iyong mga mata nanggagaling ang alab ng kagandahan. Nasa iyong puso naman nananalaytay ang apoy ng katotohanan. Nais kong gamitin mo ito sa kabutihan at hindi upang paghigantihan ang nang-api at pumatay sa iyong ina. Ikaw ang pangalawa sa nakatatanda sa inyong anim at hangad kong maging mabuti kang ate sa kanila."
Matapos isa-isang sabihin ang mga iyon sa harapan ng mga bata ay sabay-sabay na lumiwanag ang kanilang mga didbib. Natutuwa si Reyna Lualhati sa kanyang nakikita pagkat senyales ito na naintindihan nila ang kanyang mga sinabi. Isang pruweba din na handa na silang bumalik sa kanilang mundo upang makipaglaban. Magigising na rin sila sa loob ng kapsula at matutulungan na rin nila sina Heroina at Puti.
"Sa bisa ng kapangyarihang ipinagkaloob sa akin, kayong lima, Abdul-hakim, Seraphina, Laika, U-Ri, Orchidia, at Wyatt, ipinagkakaloob ko ang kapangyarihan ng modernong teknolohiya, apoy, tubig, hangin, halaman, at hayop sa inyong katawan. Nawa ay gamitin ninyo ito bilang sandata laban sa kasamaan. Huwag ninyong hahayaang maghari sa inyong mga puso ang inggit at pagtataksil. Isa kayong pangkat ng mandirigma ng Independencia, at nais kong manatiling matibay ang inyong samahan. Sa inyong paggising ay magsisimula na ang laban. Nawa ay magtagumpay kayo.
...
PATULOY sa pamamaril ang mga sundalo kina Heroina at Puti. Iwas naman nang iwas ang mga ito sa bawat basyo ng balang hinaharap nila. Nang pansamantalang ang mga tumigil ang mga ito sa pamamaril ay doon na nagsimulang umatake ang dalawang kanina pa naghihintay lamang ng pagkakataon umatake.
Kaharap ang mahigit sampung sundalo ay mabilis na sumugod si Heroina. Tig-iisang flying kick at suntok ang inabot ng mga ito sa kaniya. Nakipagmano-mano na rin ang mga ito kay Heroina nang mabitawan nila ang kani-kanilang mga hawak na baril. Ngayon ay napapagitnaan na ng mga armado at malalaking bulas na mga tao si Heroina. Nanlilisik na ang mga mata niya, senyales na kapag nauna ang mga itong gumalaw ay susugod na siya.
"Hindi ba ang sabi ko kanina ay walang sinuman sa inyo ang may karapatan na sirain ang kagandahan at katahimikan ng The Heroina? Sa pangalan pa lamang ay alam na alam na ninyong ako ang may-ari nito. Hindi ba? Kaya humanda kayo dahil hindi ko kayo uurungan!"
Sabay-sabay na sumugod ang mga ito sa kaniya at mabilis namang kumilos si Heroina. Nang tatama ang isang kamao sa kaniyang pisngi ay siya namang pag-ikot ng kaniyang paa at tinamaan ang kalaban ng kaniyang flying kick. Sumunod namang tatama sana sa kaniyang mukha ay isang sipa pero nasangga niya ito at hinawakan ito sa hita at inihagis sa mga kasama niya.
Dahil marami sila ay nakakaramdam na rin ng pagod si Heroina lalo pa at tirik na tirik na ang araw nang umeksena ang mga ito. Kung tutuusin ay walang dapat na ikapagod si Heroina dahil tao sa tao ang kalaban niya at alam niyang kagaya niya ay makakaramdam din ng panghihina ang mga ito.
Nang muling susugurin siya ay binunot na niya ang kanyang latigo at isa-isang hinuli ang mga paa at katawan nito at ibinabaligtad. May pagkakataon pa ngang naiihagis ng latigo niya ang mga kalaban niyang malalaki ang katawan. Ganoon ang lakas na mayroon si Heroina. Pero karamihan sa mga kalaban niya ay nakatikim ng hagupit ng kanyang Heroina's whip.
Wala yatang kapaguran ang nakakalaban niya at hindi na rin niya kayang gamiting ang latigo niya. Kaya nagpatuloy na lamang siya sa pagpapakawala ng flying kicks at suntok sa mga ito. Pero may isang nakapulot ng baril at pinaulanan siya. Mabilis na tumambling-tumbling at gumulong nang gumulong si Heroina upang iwasan ang mga bala. Nang makakuha ng tiyempo ay agad niyang kinuha ang isang maliit na dagger at inihagis ito sa may hawak ng baril. Tinamaan ito sa kamay at nabitiwan ang armas niya. Kaya maagap na tumayo si Heroina. Tinuhod niya ito sa baba at sinipa nang sinipa.
Hindi pa rin siya nakakapagpahinga nang bigla na lamang may sumulpot na naman sa kaniyang likuran at sinakal siya. Mahigpit ang pagkakasakal nito sa kaniya kaya nakaramdam din si Heroina ng paghahabol ng kanyang hininga. Dahil likas na maliksi siya ay nagawa niyang iuntog ang ulo nito sa kalaban at pinakawalan ang isang sidekick sa mukha nito.
Nagawa na rin niyang gamitin ang sapatos niyang may nakatagong maliliit na mga talim sa ibang sugod nang sugod sa kanya. Hindi na rin niya kasalanan kung mapatay niya ang mga ito.
SAMANTALA, napapaligiran ng mahigit sa sampu ring mga kalalakihang armado ng mga pistol si Puti. Dahil may kakayahan itong magpatigil ng oras ay nagawa niyang pahintuin ang mga kilos nila at mabilis na inagaw ang mga hawak na armas at pinagpuputol-putol ang mga ito. Nang bumalik sa tamang oras ang lahat at gumalaw ang mga ito ay gulat na gulat ang mukha ng mga sundalo dahil wala na ang mga hawak nilang baril. Isang nakangiting Puti na lamang ang kanilang nakitang masayang-masayang tinititigan nila.
Binigyan naman ng pagkakataong makalaban ni Puti ang mga ito gamit ang kani-kanilang mga lakas. Paraan na rin niya upang ipamalas ang natutunan niya sa kaniyang pagsasanay sa Bundok Anglaon, sa tirahan ng reyna na si Lualhati.
Kaya nang sinugod na siya ay mabilis niya itong nasangga. At sa hindi inaasahang pagkakataon ay nagpalit-anyo siya at isa-isang tinuklaw ang mga ito sa iba't ibang parte ng kanilang katawan. Dahil isa siyang makamandag na ahas ay nakaramdam agad ang mga ito ng pagkabalisa, pagkahilo, at pagsusuka. Ilang saglit pa ay naging kulay ube ang mga balat nila hanggang sa naging bato ang mga ito.
Sa wakas ay natalo ni Puti ang mga nakaharap niya at ibinaling ang tingin sa pagod na pagod nang si Heroina. Matatangkad at mas malalaki kasi ang mga bulas ng nakakalaban nito kung ikukumpara sa kaniya. Kahit hindi kataka-takang mahihirapan siya sa pagsangga at pag-iwas sa mga ito.
Nasa anyong ahas pa si Puti nang mga oras na iyon nang gumapang siya sa kinaroroonan ni Heroina at pinagtutuklaw ang mga armadong lalaki. Isa-isa niyang pinupuluputan ang mga ito at pinagtutuklaw hanggang sa makaramdam sila ng panghihilo at pagsusuka, mangisay din ang mga ito at naging mga bato.
Hindi naman makapaniwala si Heroina nang makita ang nangyari sa mga kalaban niya dahil kay Puti. Nasa anyong ahas na ito at nakumpirma na ngang siya ang ahas na inalagaan ng kaniyang anak na si Wyatt. Nang maging bato na ang mga kalaban nila ay bumalik na sa anyong bata si Puti. Isang nakangiting bata ang sumalubong kay Heroina. Tinulungan siya nitong makatayo at inalalayan.
"Salamat, Puti. Maaasahan ka talaga. Ikaw nga ang alaga ni Wyatt noong bata pa siya."
"Wala pong anuman. Katungkulan ko rin pong kayo ay tulungan at proteksyunan. Makakaasa po kayong sasamahan ko kayong labanan sila habang hindi pa po nagigising sina Wyatt at ang iba pa."
Niyakap ni Heroina si Puti. Gusto niya kasing magkaroon ng anak na babae pero dahil hindi pa napapanahon na sundan si Wyatt ay kay Puti na lamang niya itutuon ang atensyon. Pabalik na sana sila sa laboratoryo niya nang may marinig na naman silang ingay ng mga sasakyang paparating. At nang lingunin ang mga ito ay isang kulay itim na wrangler type of jeep ang tumigil sa kanilang harapan.
Walang kakurap-kurap nilang parehong pinagmamasdan ang isa-isang pagbaba ng mga hindi nila inaasahang mga bisita. Sa kauna-unahang pagkakataon ay nasilayan ni Heroina ang lima sa mga mababangis at kinatatakutan ngayon ng mga tao dahil sa ginawa ng mga itong pagpaslang, na napanood ng buong Independencia live.