SA BUNDOK ANGLAON kung saan naninirahan ang reyna na si Lualhati ay patuloy ito sa pagmamasid at pagbabantay sa mga batang kasalukuyang nag-me-meditate at levitate sa kani-kanilang kapangyarihan. Bawat isa sa kanila ay may kani-kaniyang mga kapangyarihang kailangang tuklasin, gamitin, at kontrolin.
Ilang oras na lamang ang nalalabi dahil anumang sandali ay kailangan na nilang gumising. Naghihintay na kasi ang panganib sa labas, sa kaniyang mismong tahanan. Hinding-hindi niya pahihintulutang may sisira sa katahimikan ng Isaya. Ilang daang taon na rin ang inilagi niya sa mundo ng mga mortal. Hindi niya hahayaang maghari pa ang kasamaan sa buong Independencia.
Walang sinuman ang dapat na manakit sa mga buhay na kaniya ring pinangalagaan. Maging tao man ito, hayop, o mga halaman. Panahon lamang ang hinihintay niya upang maisakatuparan ang lahat ng kanyang binuong mga plano para sa kapakanan ng nakararami.
At oras na upang magising ang mga bata sa halos mahigit isang linggo nang pagkakatulog ng mga ito. Pero hindi niya ito bibiglaing magising sa loob ng mga kapsula. Kinakailangan niya munang masigurong handang-handa na ang mga ito sa pakikipaglaban. Kaya upang ipaalam ang kalagayan ng mga bata kay Heroina ay nagpasiya si Reyna Lualhati na ibalik muna roon si Puti, ang alaga at pinakapinagkakatiwalaang hayop ni Wyatt. Habang hinihintay ang paggising nila ay pansamatanal muna nitong tutulungan si Heroina sa paparating na panganib.
MAHIGIT ISANG LINGGO na ang nakalilipas ay hindi pa rin nagigising ang mga bata sa loob ng kapsula, sa tagong laboratoryo ni Heroina na kung tawagin ay The Heroina. Katulong si Hermano ay matiyaga pa ring naghihintay si Heroina na magising ang mga ito. Sa loob na kapsula ay naroon din kasi ang kaniyang nag-iisang anak na si Wyatt.
Alam niyang ngayon na ang itinakdang araw ng kanilang paggising, kaya nagtataka si Heroina kung bakit hindi pa nagigising ang mga ito. Iniisip niyang baka may mali sa kaniyang ekspiremento. Sa kaibuturan ng kanyang puso at isipan ay labis-labis na ang kanyang pag-aalala sa mga bata. Kung naroon lang sana sa tabi niya si Dmitri ay baka matulungan siyang tuklasin ang dahilan kung bakit hindi pa nagigising sila. Ngunit kagaya niya ay may misyon din itong kailangang malaman. Kaya nasa kaniyang mga kamay muna ang pagpapasiya. Higit kailanman ay siya ang mas nakaalam sa kung paano dapat sila magigising.
Nasa kalagitnaan na siya ng pagsasa-ayos ng mga kapsula nang bigla niyang marinig ang boses ni Hermano na isang computer machine na may kakayahang mag-detect ng panganib sa labas ng kaniyang laboratoryong Heroina's Finest.
"Young master, nasa panganib po ang The Heroina."
"Ipakita mo sa akin ang nangyayari sa labas, Hermano."
"Masusunod po."
At sa isang maliit na gadgets ay lumitaw ang isang kulay puting liwanag sa screen. Doon ay nakita ni Heroina ang tatlong bagon ng truck na may sakay na mga armadong lalaki.
Sa tantiya ni Heroina ay mga militar itong inutusan ng pinuno na si Damion Kill. Marahil natunton na nila ang kaniyang hideout. Ilang taon din siyang nagtago sa Aliza at hindi pu-puwedeng basta na lamang matutunton ang lugar niya. Kung ang balak ng mga ito ay sirain ang kagandahan ng lugar na matagal niyang iningatan, hindi papayagan itong mangyari ni Heroina. Hindi niya hahayaang masira ang alaala ng mga yumao niyang pamilya. Ang The Heroina na lamang ang nag-iisang pamana sa kanya ng kanyang yumaong ama.
"Pakibilang ang numero ng mga kalaban, Hermano. Ilang porsyento ang mayroon ako para magapi sila."
"Nasa dalawampu silang lahat, young master. Sa mga hawak nilang baril at armas ay nasa kalahating porsyentong matatalo ka nila. "
Pagak na napangiti si Heroina sa sinabi ni Hermano. "Ang ibig mo bang sabihin ay kalahating porsyento lang ng kakayahan kong matatalo ko sila?"
"Nagsasabi lamang po ako ng totoo, young master. Pero malaki po ang posibilidad na magagapi mo po sila kahit isa ka lamang na lalaban. Alam ko po ang kakayahan ninyo."
Napapangiti naman si Heroina sa pagkaprangka ni Hermano. Alam na alam talaga niya kung paano siya pangitiin at palakasin ang loob niya. "That's more like it. Prepare my suit and armors, Hermano."
"Masusunod po."
Nanatili lamang na nakatayo si Heroina habang isa-isang gumagalaw ang mga kamay ng isang computer machine. Pinasusuot nito ng black bulletproof vest si Heroina at ng black suit na hapit na hapit sa kaniyang katawan.
Kahit may edad na ito at may anak na ay litaw na litaw pa rin ang angkin nitong kaseksihan habang tinitirintas ang kaniyang buhok. Sunod na inilagay ni Hermano ang kambal na espada sa likuran nito at mga maliliit na kulay itim na bola sa bulsa. Handang-handa na rin ang Heroina's whip na nakakapit lang sa kaniyang bulsa sa tuhod upang maging unang sandata niyang makukuha at magagamit sa pakikipaglaban.
Sinigurado din ni Hermano na suot ng mga paa nito ang sapatos na may nakatagong matutulis na maliliit kutsilyong kayang hiwain ang sinumang masisipa nito. Nang makumpleto na nga ang armor ni Heroina ay lumitaw sa loob ng kaniyang laboratoryo si Puti. Ito ay kanyang hindi inasahan at ikinagulat niya ang biglaang pagsulpot nito.
"Sino ka?" Napaatras si Heroina at inihanda ang sarili sa paglitaw ng isang bisitang nakangiti sa kaniyang harapan. Hindi ito kumukurap habang hinihintay na sumagot ang nasa kanyang harapan. "Paano ka nakapasok rito?"
Ngumiti lamang ang batang si Puti habang ang huli ay kunot ang noong nagtataka sa kaniya. Pinagtaasan pa siya nito ng kilay.
"Ako po ang alagang ahas ng anak ninyong si Wyatt. Sa utos po ng reyna ng Anglaon na si Reyna Lualhati ay pumarito ako upang tulungan kayo sa iyong pakikipaglaban."
Tila hindi agad rumihestro sa kanyang utak ang mga sinabi ng bata sa kanyang harapan. "Sandali. Ikaw na ba iyan, Puti? Paanong...?"
"Opo, inang Heroina. Mahabang kuwento po at kapag nagising na po si Wyatt, siya na po ang magkukuwento sa iyo ng nangyari sa akin. Nasa panganib po ang The Heroina. Ilang oras na lang po ay magigising na rin ang mga bata. Ngunit kailangan po muna nating pigilan ang mga kalaban ngayon na magsimulang manira sa labas. Baka maging dahilan pa po ang pagyanig sa labas kapag magpasabog sila at makaaapekto ito sa kanilang paggising. At ako po muna ang tutulong sa iyo, inang Heroina."
Hindi agad makapagsalita si Heroina sa nakikitang ahas na naging alaga ng anak nito, na ngayon ay isa nang tao. Inalala pa nito sa kanyang isipan ang unang pagkikita nila. Ang mga araw na takot na takot siyang makita si Wyatt na kalaro ito. Naalala niya rin ang huling beses na pinagbilinan niya ito, na ang buong akala niya ay hindi siya naintindihan.
Sumang-ayon naman si Heroina sa suhestyon ni Puti. Bagama't palaisipan pa rin kung paano naging tao ang ahas ay hindi na muna niya ito pinagtuunan nang pansin. Mas mahalagang mapigilan ang mga kalaban sa labas na sirain ang kaniyang pamana at maapektuhan ang paggising ng mga bata. Kaya binilinan na muna niya si Hermano na bantayan ang laboratoryo at i-sealed ang buong The Heroina bago sila lumabas upang hindi ito masira.
"Ipinauubaya ko na sa iyo ang mga bata, Hermano. Aakyat na ako at haharapin namin ni Puti ang mga kalaban. Pagkalabas na pagkalabas ko ay selyuhan mo na ang paligid ng The Heroina."
"Ako na po ang bahala dito, young master. Mag-iingat po kayo."
Sakay ng elevator mula sa loob ng laboratoryo ay humayo na sina Heroina at Puti upang harapin ang mga kalaban. Sa sikretong daanan ay walang nakapansin ng kanilang paglabas. At bago lisanin ni Heroina ang The Heroina's Finest na laboratoryo at ang mismong The Heroina ay nakita niya ang unti-unting liwanag na bumabalot sa buong paligid nito, senyales na siniselyuhan na nga ni Hermano ang makasaysayang pook at pamana sa kaniya ng yumaong ama at uupo sanang bagong pinuno na si Juan Miguel Angelo.
Habang naglalakad ang dalawa patungo sa kinaroroonan ng mga puwersa ng militar ay sinalubong agad sila ng mga basyo ng bala. Mabuti na lamang at kasama ni Heroina si Puti na mabilis na gumawa ng harang sa paligid nila at tumalbog lamang ang mga balang iyon sa kanilang harapan.
"Maraming salamat, Puti."
"Walang anuman po, inang Heroina. Ang ina ni Wyatt ay ina ko na rin po na kailangan ko ring proteksyunan."
Ngumiti lamang ang dalawa habang patuloy ang mga ito sa paglalakad. Sinalubong naman sila ng gulat na gulat na mga mukha ng sundalo dahil naubos na ang mga bala nito pero hindi ito umuubra sa kapangyarihan ni Puti. Tumigil lang ang mga ito nang magsalita na si Heroina sa kanilang harapan.
"Walang sinuman sa inyo ang may karapatan na sirain ang tahimik na lugar na ito. Kaya ihanda ninyo ang mga sarili ninyo dahil lilipulin ko kayo!"
Agad na kumilos ang dalawa nang makitang magsisimula na namang mamaril ang mga ito sa kanila. Dahil mahigit sa dalawampu ang kalaban ay nagpasiya sina Heroina at Puti na maghiwalay upang kalabanin sila isa-isa.
SA LOOB naman ng laboratoryo ay abala si Hermano sa pagsi-secure ng buong The Heroina. Ang selyong kanyang ginawa sa buong paligid ng pamana ng kanyang young master ay triple ang lakas at hindi ito basta-basta masisira ng kahit anong pagsabog mula sa loob. Sinigurado niya ring hindi maaapektuhan ang mga kapsula sa loob nang sa ganoon ay ligtas ang mga itinakda na magising upang tulungan si Heroina at si Puti sa labas.