Halos ayaw kumurap ng mga mata ni Dmitri sa nakikitang mga kapsula. Lumapit lang ito nang lumapit hanggang sa masilayan na nga niya nang buo ang mga mukha ng natutulog na mga kabataan. Sinong mag-aakalang sa loob ng lagusang kanyang tinahak ay nakatago ang mga ito. Mahimbing na natutulog at sadyang ginawa o inilaan talaga para sa isang ekspiremento.
Hindi niya inakalang sa ganoong pagkakataon ay matutuklasan niya ang isang lihim. Hindi na isang palaisipan sa kanya ang binuong lagusan dahil may kinalaman pa rin si Damion Kill dito. At alam na alam niyang si Madel ang ginawa nitong kanang kamay upang isagawa ang ekspiremento.
"Sino ka at ano ang ginagawa mo sa laboratoryo ko?"
Pansamantalang natigilan si Dmitri nang paulit-ulit na nag-e-echo sa loob ang tinig na iyon. Nang hanapin ng kaniyang mga mata ang pinanggagalingan ng boses ay nakita niya ang isang imaheng unti-unting lumalabas palapit sa kaniya. At nang maliwanag na nakita ni Dmitri ang pigurang iyon ay naging klaro ang lahat sa kaniya.
"Madel. Tama nga ang hinala kong ikaw ang nasa likod ng mga nangyari sa mga bata." Matapos banggitin ang pangalang iyon ay nagkunwari itong hindi siya kilala sa harapan niya.
"Sino ka?"
Marahil hindi siya namumukhaan nito dahil halos mahigit sampung taon na ang nakararaan nang muli silang nagkita. Pero sa isipan niya ay tila nagbabalatkayo lamang itong hindi siya kilala.
"Ano ang iyong pakay at paano mo natunton ang lugar na ito? Magsalita ka!" Isang nakataas ang kilay at nagtatakang Madel ang nasisilayan ngayon ni Dmitri. Kitang-kita rin sa mga mata nito ang matinding galit pagkat may nakatuklas ng kanyang lihim.
"Nagbago ka na nga. Hindi mo na ako nakikilala, Madel. Marahil dahil sa ayos kong ito."
"Talagang hindi kita kilala at mas lalong hindi ka nararapat dito sa laboratoryo ko. Sasabihin mo ba ang pangalan mo o baka naman gusto mong tawagan ko ang mga kasamahan ko at kakaladkarin ka nila palabas."
Matapang na matapang na ang dating niya. Nabulag na talaga ito siguro ng pera o katungkulan. Wala na ang dating masunurin at mahiyaing si Madel na nakilala niya bilang kanyang laboratory assistant nang kanilang pinag-aralang dalawa ang paggawa ng mga potion.
Napapailing na lamang si Dmitri sa inaasal ni Madel. Nagbago na nga ito. Hindi na siya ang dating kaibigan at assistant niya noon sa kanilang pagsasaliksik sa mga potions. Baka nga tama ang sinabi nitong hindi nga siya niya kilala. Pero sa kabilang parte ng kanyang isipan ay balatkayo lang ang lahat ng ipinapakita niya. Hindi na lamang niya ito pinansin. Tiningnan na lamang niya muli ang mga bata sa loob ng kapsula.
"Paano mo nagawang pahirapan ang mga batang ito, Madel? Gagamitin mo ba sila upang kalabanin ang kung anong mayroon ako? Ikaw ba ang gumawa ng liham na iniwan mo noon sa laboratoryo ko sa Gawahon?"
May diin at may pang-iinis na ang mga salitang itinatanong ni Dmitri habang palakad-lakad na sinusuri ang mga kapsula. Nang mga oras ding iyon ay tila hindi na rin yata kaya pang magpanggap ni Madel na hindi siya kilala.
"Ikaw si Dmitri? Perfect timing nga naman. Dito pa mismo sa laboratory ko kita masisilayan."
Sa wakas at nabanggit din ni Madel ang pangalan niya. Pero hindi iyon ang nais niyang marinig mula sa kanya. Nais niyang malaman kung paano siya nakalikha ng ganoong kalakas na mga bata. Muli pa sana siyang magsasalita nang bigla na lamang may sumulpot na ibang tao sa likuran ni Madel at hindi niya inasahan ang isang panauhin. Isang bisitang kay tagal din niyang hindi nakita, si Damion Kill na kasalukuyang pinuno ng Independencia.
"Tama ka, mahal ko. Siya nga si Dmitri." Lumingon naman si Madel sa nagsalita at sinalubong niya ito ng halik sa labi. "Naaalala mo na ba ang dati kong kanang kamay na pinatay ko sa Irina Arena na ngayon ay buhay na buhay pa sa harapan ko?"
Nakangiti itong nakayakap kay Madel at nasa likuran naman nito ang kaniyang mga bodyguard. Hindi ito inasahan ni Dmitri at kinakailangan niyang gumawa ng paraan para makaalis siya roon. Ngunit tila nababasa yata ni Damion ang iniisip niya at nagsalita ito. Tahimik at napapangisi lang si Madel. Nakapulupot pa ito na parang ahas sa mga bisig ng lalaking kinaiinisan at isinumpa niya.
"Kung noon ay nakaligtas ka sa Irina Arena, Dmitri, dito sa laboratoryo at kuwebang ito ngayon sa harapan ko ay hinding-hindi mo na magagawa pang makatakas sa akin," may bahid ng pang-iinsultong sabi ng pinuno. Hindi naman nagpatinag si Dmitri. Sarkastiko pa itong tumawa. May pang-uuyam din ang pananalita nito sa kanya.
"Tama ka, mahal na pinuno ng Independencia. Tama ka naman palagi, hindi ba? Hindi nga naman ako makatatakas sa lugar na ito dahil wala nga naman akong alam sa pinasok ko. Pero hindi na ako ang dating Dmitri na nakilala mong mahina!"
"Talaga ba? Mukhang nakikita ko ngang nasa dugo mo na ngayon ang apelyido mong matapang. Kung iyan ang iyong nais, bibigyan kita ng pagsubok. Kung matatalo mo ang mga bodyguard ko, hahayaan kitang umalis dito. Ihahatid pa kita sa uuwian mo, sakay ng chopper ko."
Sumenyas si Damion Kill at ang tatlong malalaking bulas na bodyguards niya ay pumunta sa harapan ni Dmitri. Nag-inat-inat pa ang mga ito na lumikha ng mga tunog sa kani-kanilang mga daliri at leeg.
Hindi naman natakot si Dmitri dahil kahit papaano ay naturuan din siya ng mahal na asawang si Heroina ng self-defense. Ngayon na niya ito susubukang gamitin. Kahit walang kasiguraduhang magwawagi siya sa mga ito ay susubukan niya.
"Umpisahan mo na, Dmitri!"
Isa-isang kumilos ang mga bodyguards upang kalabanin si Dmitri sa utos na rin ni Damion. Palipat-lipat naman ang tingin nito sa papalapit na mga kalaban.
Saktong ang unang aamba sanang hawakan siya sa kamay ay nabigyan niya ng isang malakas na suntok sa panga. Pero hindi niya nailagan ang sipa ng pangalawa sa kaniyang paa at natumba siya. Kahit nakaramdam ng kirot sa pagkabagsak niya ay maagap siyang tumayo at gumanti rin si Dmitri ng sipa sa paa at tadyak sa mukha nito. Aliw na aliw naman sa panonood sina Damion Kill at Madel sa nangyayari kay Dmitri.
"Hindi ako magpapatalo sa iyo, Damion Kill!" Sinugod na ni Dmitri ang pangatlong bodyguard at pinaulanan na nito ng malalakas na sipa at suntok. Nang makita ang nakangiting si Damion Kill ay bumalik sa alaala nito ang matinding pagdurusa sa mga kamay niya. Kaya hindi na napigilan ni Dmitri ang magwala at nagmamadali itong sugurin ang kinaroroonan ni Damion Kill.
"Pagbabayaran mo ang ginawa mo sa akin, Damion Kill!"
Isang dipa na lamang ang layo nito mula sa kanya nang may humawak sa kaniyang kamao at bigla na lamang siyang binigyan ng flying kick sa ulo. Bago mawalan ng ulirat ay napagmasdan pa niya ang sumipa sa kaniya at hindi makapaniwalang may isa pang batang itinatago si Damion Kill. Ramdam ni Dmitri ang lakas ng kapangyarihan sa batang iyon, kaya tuluyan na lamang siyang napapikit at nawalan nang malay sa kanilang harapan.
"Itali niyo muna iyan at ikulong sa hawlang narito. Nagising tuloy ang pinakamamahal naming bata."
Agad na nilapitan nina Damion Kill at Madel ang isang batang babae na nasa sampung taong gulang pataas ang edad. Pupungas-pungas pa ito habang naglalakad patungo sa kinaroroonan ng dalawa.
"Oras na rin, mahal ko upang ipadala siya sa lugar kung saan magiging espiya siya at matutunton na rin natin kung saan nagtatago si Dmitri. Ako ay nanabik sa tagumpay ng ating mga plano."
"Alam ko, Madel. Pero mas mabuting bigyan muna natin ng pagsubok ang mga batang natutulog pa sa kapsula na kalabanin ang kampo ni Dmitri. Titingnan natin kung may laban ba tayo sa itinatago niya ring mga bata. Ikaw na rin ang may sabing kinopya mo lamang ang mga potions niya. Kaya dapat lamang na makita ko kung paano makipaglaban ang mga likha niya."
"Kung iyan ang nais mo, mahal na pinuno, gigisingin ko na sila at uutusang pumunta sa Isaya at maghasik ng lagim doon. Siyempre, sasama ako para personal silang gabayan. Ako ay hindi na makapaghintay."
"Iyan ang gusto ko sa iyo, Madel. Alam na alam mo ang gusto ko. Uunahin ko na munang ipadala ang mga puwersa natin doon sa Isaya nang masaksihan natin live ang pakikipagbakbakan nila sa aking mga alagad."
Dumadagundong ang bawat halakhak ng boses nina Damion Kill at Madel sa laboratoryong iyon sa ilalim ng palasyo habang kandong-kandong naman nito ang sampung taong gulang na batang babae.
Si Dmitri naman ay ipinasok ng mga bodyguard sa isang maliit at masikip na hawlang walang malay. Walang kaalam-alam ito na magsisimula nang maghasik muli ng lagim si Damion Kill sa Isaya. Sa lugar kung saan naroroon ang asawa at mga batang nasa loob pa ng kapsulang kanilang hinihintay na magising.
Patuloy ang malalakas na tawa at halakhak sa loob ng lagusang iyon habang inihahanda na ni Madel ang mga kapsulang kanyang dadalhin sa Isaya upang subukang muli ang mga kakayahan ng mga ito sa pakikipaglaban sa parehong malalakas na katulad nila.
Maiiwan naman sa poder ni Damion Kill ang batang babae upang patulugin na lang muna at subaybayan ang pakikapaglaban ng mga ipapadala niya sa Isaya sa loob ng laboratoryo ni Madel.