"Alam ko na," biglang lumiwanag ang mga mata ni Orchidia nang sumagi sa isipan niya ang isang paraan. "Baka ang ibig sabihin ni Reyna Lualhati ay hindi ko puwedeng gamitin ang kapangyarihan ko para pagalawin ang mga baging dito at iyon ang kukuha ng Bulaklak ng Pag-ibig."
"Kaya ang gagawin ko na lamang ay utusan ang mga baging na pumulupot sa aking baywang nang makaakyat ako. Tama! Iyon nga ang gagawin ko."
Sabik na sabik si Orchidia na sundin ang naisip niya. Ilang saglit pa ay naghanap muna siya ng matibay na baging na hindi siya kayang bitiwan nang sa ganoon ay hindi siya mahulog mula sa pag-akyat niya sa mataas at matarik pang bangin na iyon.
Ilang minuto rin siyang naghanap ng makapal, at mahabang mga baging pero ni isa ay wala siyang makita. Muli, ay nagpatuloy siya hanggang sa mapansin niya ang mga ugat na nagsisilabasan.
"Ugat ba ito ng puno ng Anglasya? Matingnan nga," kausap nito ang sarili habang sinusundan ng tingin ang makapal na ugat pataas. Nang tumataas nang tumataas ang tanaw niya ay nag-iiba rin ang kulay ng mga mata nito. Mula sa pagiging normal na kulay kape ay unti-unti nitong nagiging itim, asul, at nang umangat pa ang tingin niya sa pinaka-pinagmumulan ng ugat ay naging kulay kahel at nalaman ang sagot sa kanyang katanungan.
"Yehey!" Tumatalon-talon at palundag-lundag pa ito nang malamang konektado ang napansin niyang matibay at makapal na baging sa pinakapuno nito. "Mas mainam na gamitin ko na lamang ang mga ugat na ito dahil iyon ang mga ugat ng Anglasya."
Dahil sabik na rin siyang magsimulang umakyat, muli niyang ginamit ang kapangyarihan niya upang kausapin sandali ang mga halaman at puno sa paligid nito. Pansamantala pa itong pumikit at nagsalita.
"Inuutusan ko ang mga bagay na gumagalaw na mga puno at mga halaman pati na rin ang mga bulaklak sa paligid ko na ako ay gabayan at bantayan sa aking pag-akyat upang makuha ko ang Bulaklak ng Pag-ibig. Kayo ay inaatasan kong ako ay tingnan. Kapag ako po ay mahuhulog ay sana ako ay inyong saluin nang sa ganoon ay muli kong ipagpapatuloy ang aking misyon hanggang sa makuha ko ang aking pakay. "
Imbess na gamitin ang kanyang kapangyarihan upang makaakyat ay mas pinili ni Orchidia na gamitin na lamang ito sa mga halaman, bulaklak, at mga puno sa paligid nito. Kapag mahuhulog siya ay may sasalo agad sa kanya at muling babalik upang umakyat. Humingan nang malalim si Orchidia bago nagsimulang humawak sa mga ugat na iyon. Siniguro niyang hindi siya mahuhulog dahil ipinulupot niya sa kanyang baywang ang isang baging at itinali ito nang mahigpit.
Matapos ang paghahandang iyon ay sumabak na isang rock climbing si Orchidia. Ang buong akala niya ay madali lang ang pag-akyat at nakakahawak naman siya nang mahigpit sa mga ugat na iyon. Pero nang lumipas ang halos kalahating oras ay nahulog siya. Dahil mababa pa lang naman ang naakyat niya ay sa damuhan lamang siya bumagsak.
"Sabi ko saluhin nila ako e. Bakit hindi ako sinalo? Porke mababa lang hindi na puwedeng saluhin? Nakakainis kayo!"
Kunwari ay reklamo nito sa mga halaman at punong binalewala siyang saluhin. Muling sinubukan ni Orchidia ang pag-akyat. Ilang beses na siyang muntikang mahulog pero nakakakapit naman siya. Kahit mabigat nang kaunti ang katawan ay pinilit niya itong pagaanin nang sa ganoon ay mahihila niya ito pataas.
Malapit nang tumama ang sinag ng araw sa kanyang mukha. Halata na rin ang pamamawis sa noo niya. Pinahiran lamang niya ito gamit ang kanyang kanang kamay at muling nagpatuloy sa pag-akyat.
WALANG KAALAM-ALAM si Orchidia na nang mga oras na iyon ay mataman siyang pinanonood ng reyna. Natutuwa ito sa pagiging pilya niya at palabiro. Mas naging proud pa nga ito nang pinili ng dalagita na huwag gamitin ang kapangyarihan niya upang makaangat at maabot ang bulaklak na kanyang pakay.
"Talino at talas ng isipan ang mayroon ka, Orchidia. Nawa ay magtagumpay ka sa iyong misyong makuha ang kapangyarihang naroroon sa bulaklak na iyong makukuha."
Naisiwalat na lamang ni Reyna Lualhati ang kanyang sasabihin sa isipan at ipinagpatuloy ang panonood.
Nang mga oras na iyon ay nangangalahati na si Orchidia sa pag-akyat at galak na galak sa nagawa niya. Muntik na naman siyang mahulog nang tumingin siya sa ibaba at nalula sa kanyang nakita. Wala na kasi siyang makitang mga puno sa ibaba kung hindi mga ulap na. Nang tingnan ang kinatatayuan ng puno ng Anglasya ay mas lalo pa siyang nanabik na magpatuloy sa pag-akyat.
Tila nang-eengganyo kasi ito sa kanya at nagbibigay ng lakas na magpatuloy lang kahit pa tagaktak na nang pawis ang kanyang buong katawan. "Fighting!" Ika nga sa isipan at muling kumapit nang mahigpit sa mga ugat habang hinahagilap ng mga paa at kamay ang daan patungo sa kinaroroonan ng bulaklak.
Sa wakas ay nagtagumpay siyang maabot ang tuktok at hinanap ang eksaktong kinatatayuan ng bulaklak. Sa pagkakataong iyon ay ginamit muna pansamantala ni Orchidia ang kanyang kapangyarihan upang hanapin ang bulaklak. Nang matagpuan ito ay napakunot na naman ang kanyang noo at napailing.
"Wala na akong makapitan at nasa gilid ang bulaklak. Paano ko kaya maaabot at makukuha iyon?"
Tahimik at naging seryoso muli ang kanyang mukha habang nag-iisip ng madaling paraan makuha lamang ang bulaklak. Pero tila napakadelikado at hindi madali ang paraang sumagi sa kanyang isipan. Kailangang niyang lumambitin at tumalon upang makapunta sa gilid ng bulaklak.
Hindi rin ito madali pagkat ang hugi ng mga batong naroon ay matatalim na at kung lalambitin man siya ay masusugatan naman ang kanyang mga palad at iba pang parte ng katawan. Muli siyang nag-isip ng paraan pero wala na talagang mas mabilis kundi ang gawin ang delikado.
"Fighting! Kaya ko ito," binigyan lamang ni Orchidia ang sarili ng kaunting tapang at lakas ng loob upang matapos na niya ang kanyang misyon.
At nagsimula na nga siyang tumalon at lumambitin. Nang makakapit siya sa mga bato ay napangiwi at napa-aray siya sa sakit nang tumusok ang mga talim ng batong iyon sa kanyang palad at mga braso. Tatlo hanggang limang beses din siyang lumambitin hanggang sa nang huling talon at paglalambitin niya ay nakuha niya ang kanyang pakay.
Kasabay nang pagkuha niya ng bulaklak na iyon ay siyang unti-unting pagkahulog ni Orchidia. Hindi na siya nakakapit pa sa mga ugat at ang baging na nakapulupot sa baywang niya ay naputol.
Akap-akap ni Orchidia ang Bulaklak ng Pag-ibig habang bumubulusok paibaba nang bigla itong lumiwanag sa kanyang harapan at ipinakita kita sa kanya ang kanyang huling nakaraan.
....
"Orchidiaaa!"
"Tiya, nandiyan na po."
"Aray. Aray naman po, Tiya. Bakit niyo naman ako kinurot?"
"At tinatanong mo ako kung bakit? Tingnan mo nga ang silid mo? Silid pa ba ng tao iyan? Gubat na ba ang tawag sa silid mong ito, ha? At ilang beses ko bang sasabihin sa iyo na huwag na huwag kang magtatanim o magdadala ng kahit ano mang uri ng halaman sa kuwarto mo? Bakit ba ang tigas talaga ng ulo mong bata ka!"
"Tiya naman e. Sila na nga lang ang mga kaibigan ko rito. Pinagbabawalan niyo naman po kasi akong lumabas upang makipaglaro. Kaya, sa mga halaman ko na lang ibinabaling ang atensyon ko. Payagan niyo naman po ako. Kahit dito sa kwarto ko lang po. Please?"
"Hay! Ewan ko sa iyong bata ka. Kung iyan ang gusto mo, ikaw ang bahala. Basta't huwag na huwag kang magkakalat sa labas. Dito lang sa loob. Naintindihan mo?"
"Maligo ka nga muna. Ang lagkit-lagkit mo. Amoy lupa ka na naman. Pagkatapos mong maligo, pumunta ka sa bayan at bumili ng lulutuin nating gulay. Dating gawi. Ibibigay ko sa iyo ang listahan at ikaw ang bahala. Alam ko naman kasing puro sariwa ang mabibili mo. Kaya siguro napakaraming halaman dito sa silid mo. Naintindihan mo?"
"Opo. Opo. Maliligo na po ako, tiya! Salamat po ulit."
"HOYYY! Bakit niyo pinagsisipa ang matandang walang kalaban-laban sa inyo ha? May kasalanan ba siya?"
"Ineng, ang orchid! Ibibigay ko iyon sa aking naghihingalong apo."
"Wala kayong mga puso! Pati ang kaisa-isang bagay na ireregalo ng matanda sa kanyang apo ay sinira niyo pa! Ang dapat sa inyo ikulong!"
"Bata! Baka nakakalimutan mong kami ang may-ari ng palengkeng iyon. Amin rin ang gubat na ito. At ano mang naisin namin ay magagawa namin dahil utos iyon ng Pinuno na si Damion Kill."
"Boss, ang daldal ng batang 'yan. Pakialamera pa. Patayin na natin."
"Te-Teka lang po! Maawa po kayo sa akin. Bata lang po ako. Baka po puwede niyo akong pakawalan?"
"Bata! Bata ka pa nga pero pwede ka na rin naming gawing parausan."
....
"TIYA!"
Agad na naimulat ni Orchidia ang mga mata at hingal na hingal pa itong nanghihingi ng tubig. May nag-abot naman ng tubig sa kanya. Ang tubig na iyon ay nakalagay sa mga palad nito. Dahil uhaw na uhaw siya, mas pinili muna niyang uminom at nang maibsan ang pagkauhaw nito ay nagpasalamat siya. Hindi naman maipinta ang mukha nang masilayan ang imaheng hindi pamilyar sa kanya.
"Sa—salamat po. Sino po kayo?" Halos ayaw nang kumurap ni Orchidia habang naghihintay ng kasagutan sa nakangiting nilalang sa kanyang harapan.
"Ako si Sankila, ang bulaklak na iyong kinuha sa gilid ng Anglasya."
Agad na tumayo si Orchidia at hindi katulad nang kanina, napakamot naman siya sa ulo. Inalala ang huling nangyari sa kanya bago siya nagising. Sinuyod pa niya nang tingin ang kabuuan nito.
Panay ang ngiti nito. Sa kanyang ulo ay may nakalitaw na maliit na puting ligaw na orkidya na may hugis koronang bilog. Ang kasuotan nito ay kulay puti ring nakaburdang iba't ibang uri ng ligaw na mga halaman at bulaklak. Sumasayaw-sayaw pa ito at umiikot sa kanya at muling ngumingiti.
"Salamat at napagtagumpayan mong makuha ang bulaklak ko, Orchidia. Ikaw ang nararapat na maging tagapangalaga ng buong halaman sa paligid ng Anglaon. Dahil sa iyong tapang at lakas ng loob, kahit pa matarik at mapanganib ang bangin ay nagawa mo pa ring pagtagumpayan ang iyong misyon. Ang iyong mga sugat maghihilom at umaasa akong ako ay iyong iingatan. Kagaya ng pagmamahal diyan sa puso mo, ang kapangyarihan ko ay simbolo ng walang hanggang pag-ibig. Pagkat simula sa araw na ito, ikaw at ako ay iisa. Hanggang sa muli nating pagkikita, Orchidia."
Hindi na nagawa pang magpasalamat ni Orchidia dahil nawala na sa harapan niya si Sankil at napansin na lamang niya sa kanyang mga palad ang bulaklak na unti-unting nawawala sa kanyang paningin. Nang tingnan niya ang mga sugat ay nawala na rin ito pero bigla siyang nakaramdam ng pagkahilo at babagsak na sana ang katawan nang ginamit ni Reyna Lualhati ang kapangyarihan niya upang ibalik sa paanan ng bundok, sa kubo kung saan naroon natutulog si Seraphina.
"Napakatapang mong bata ka. Kahit na labingdalawang taong gulang ka pa lamang ay malakas ang loob mong sumuong sa panganib. Hinahangaan ko rin ang iyong husay at bilis sa pagdedesisyon makuha lamang ang iyong pakay. Binabati kita, Orchidia. Ang iyong ugali ay hindi nalalayo sa pilya ding si Sankil, na siyang tagapangalaga ng kaayusan at kagandahan ng buong Anglaon. Karapat-dapat ka ngang maging susunod na bantay ng kapangyariyan ng mga halaman, Orchidia. Ang iyong busilak na puso at kainosentehan ang siyang gagabay sa iyo kung gaano kalakas ang kapangyarihan ng pag-ibig. Ngayon, kasama si Seraphina ay matulog ka muna habang hinihintay ang iba mo pang kasamahan."
Hindi man personal na naipaabot ni Reyna Lualhati ang kanyang pasasalamat sa batang si Orchidia ay labis-labis naman ang kanyang paghanga at may panahon pa rin naman upang siya ay muling batiin sa tagumpay ng kanyang misyon na makuha ang Bulaklak ng Pag-ibig.
Ipinaabot na lamang niya sa hangin ang kanyang pagmamahal sa mga batang nagtagumpay sa kanilang misyon dahil ang kasunod na kanyang panonoorin ay ang batang si U-ri sa kaharian ni Lihangin ang Singsing ng Pag-asa, na siyang dadagdag sa kapangyarihang mayroon siya.