Sa mayayabong at mabeberdeng luntian ng Ambukal City nakatira ang isang dalagang si Laika. Ang dalagang ito ay namamasukan bilang isang tagasilbi sa isang sikat na resort na kung tawagin ay Ambukal Hot Spring Resort.
Noon pa man ay pasyalan na ito ng iba't-ibang uri ng tao sa alta-sosyedad. Prominente man o hindi ay dagsain ito ng mga tao. Ang dahilan kung bakit dinarayo pa rin ito hanggang ngayon ng mga tao ay dahil sa malamig na tubig dito at nakakapreskong simoy ng hanging nagbibigay ng kalmadong pakiramdam sa maliligo roon.
Sa resort na ito rin nagka-isip na si Laika. Isa sa mga kinagigiliwan niya noon ay ang paglangoy sa swimming pool na kung tawagin ay Sulfur Spring.
Sulfur spring has been a popular destination for health conscious individuals for centuries. These therapeutic hot water springs contain high amounts of minerals such as sulfur, that gives the water a milky white to brown color and distinctly pungent smell.
Ito rin ang lugar kung saan payapa siyang nakakapag-relax kapag walang masyadong taong bumibisita. Tahimik kasi sa Sulfur Spring. Hindi man siya nakapagtapos ng pag-aaral sa kolehiyo pero marami naman siyang natutunan nang mamalagi siya sa resort na ito.
Ang sabi ng pamilya Catubig na siyang kumupkop sa kanya, isa siyang Bahandi na ang ibig sabihin sa tagalog ay kayamanan. Isang biyaya at kayamanan sa resort. Kaya naman, upang suklian ang kabaitang ibinigay sa kaniya ng pamilya Catubig, nanilbihan si Laika bilang isang tagasilbi kahit pa ayaw na ayaw siyang pagtrabahuhin ng mga ito.
Gustong-gusto rin kasi niya ang lugar dahil tahimik at walang bahid ng karahasan. Iyon ang pag-aakala ni Laika. Isang hindi inaasahang pangyayari ang kanyang nasaksihan na gumambala sa tahimik na resort at pamilya Catubig.
Katatapos niya lang maligo noon sa Sulfur Spring nang bigla siyang makarinig ng sigawan at putukan sa mansyon. Ang mansyon ay ilang metro lamang ang layo mula sa resort na pinagsisilbihan niya.
Agad siyang tumakbo patungo roon upang tuklasin ang mga kaganapan. Habang palapit nang palapit siya ay kitang-kita na niya ang maiitim na usok na nagsisiliparan sa iba't ibang bahagi ng mansiyon.
Idagdag pa ang mga sigawan ng mga tagapangalaga at tagapangasiwa maging ng mga tagasilbi ng pamilya Catubig na isa-isang pinapaslang ng mga sundalong ngayon lang niya nakita. Mas lalo siyang nagimbal nang makitang hawak-hawak nila ang mag-asawang Catubig na inilalabas sa mansiyon. Hindi rin siya nakaligtas sa mga mata ng mga sundalong naroon.
"Laika! Tumakbo ka na! Umalis ka na rito!" Sigaw nang sigaw si Mrs. Catubig sa dalaga nang magawi ang tingin niya rito.
"Takbo na, Laika! Takbo! Papatayin nila tayong lahat! Mga sundalo sila ng Pinunong Damion Kill! Umalis ka na!" paulit-ulit ding nagsisigaw si Mr. Catubig.
Sinunod ni Laika ang sinabi ng kanyang mga magulang at agad na tumakbo palayo sa mansiyon. Hindi na rin niya namalayang umaagos na pala sa kanyang pisngi ang mga luha niya.
"HABULIN SIYA! HULIHIN NINYO ANG DALAGANG IYON!"
Dinig na dinig nga kanyang tainga ang mga salirang iyon. Hindi lumingon si Laika. Nagpatuloy siya sa pagtakbo. Kabisado niya ang pasikot-sikot sa lugar ngunit hindi niya mapigilang hindi makaramdam ng pagod. Mabilis pa rin ang mga yabag na naririnig niya sa likuran niya dahilan upang mahuli siya ng mga ito.
Bulagta siya sa damuhan. Pinilit niyang bumangon pero nahawakan siya sa paa. Sinipa niya ang lalaki at nakawala naman siya. Tumayo siya at tumakbo ulit pero nahuli na naman siya. Nasabunutan pa siya sa buhok. Ininda ni Laika ang sakit sa anit at ginawaran niya ng isang sipa sa magkabilang hita ang nakahuli sa kanya.
Dalawang sundalo na ang uma-aray sa sakit. Nakatakas siya at ipinagpatuloy ang pagtakbo ngunit isang matangkad, malaki ang pangangatawan, at may mga ngiting katulad ng demonyo ang nabundol niya.
Nang mga oras na iyon, iniangat siya ng dalawang lalaki sa magkabilang braso at iniharap sa malaking bulas na nabundol niya. Puno na ng putik ang mukha at basa na rin ng pawis ang damit ni Laika nang mga oras na iyon. Napagod na rin ang kanyang katawan sa katatakbo.
"Tatakas ka pa ha?"
Isang suntok sa sikmura at sampal sa mukha ang natikman ni Laika. Mas lalo siyang nakaramdam ng sakit dahil sa suntok na iyon na ginawa sa kanya ng lalaki.
"Hindi na kita hahayaan pang makatakas. Dalhin siya sa mansyon nang makita niya kung paano natin patayin sa kanyang harapan ang kanyang magulang. Kaladkarin na siya!" Kinaladkad ng mga ito habang sinasabunutan sa buhok si Laika pabalik sa mansyon ng mga Catubig.
Gamit ang natitira niyang lakas, pinaghahampas at pinagsusuntok niya ang lalaki pero hindi pa rin siya pinakawalan hanggang sa makarating nga sila mansyon kung saan kaharap niya ang magulang niya. Kitang-kita ang pagkagulat ng mag-asawa nang mahuli ang dalaga.
"Anak pala ninyo ang babaeng ito, Mr. and Mrs. Catubig. Maganda siya. May hubog ang katawan at puwedeng-puwede namin siyang pagpiyestahan sa harapan ninyo. Gusto ba ninyong makita?"
Mala-demonyo ang ngiti ng lalaking nakasuot ng uniporme ng isang sundalong may rank na Tenyente Heneral.
"Hayop ka! Anong kasalanan namin sa inyo ha? Huwag mong idamay ang anak ko!" Asik ni Mrs. Catubig. Nagpupuyos sa galit ang mga mata nito.
"Wala kayong kasalanan sa akin pero kay Damion Kill, malaking-malaki. Hindi ninyo sinunod ang utos naming dagdagan ang ibinabayad ninyong buwis sa pagpaparenta ng resort dito," anito. Nakipagtitigan din ito nang masama.
"Kahit kailan hindi namin gagawin iyon. Dugo at pawis namin ang ipinunla namin sa lugar na ito mabigyan lamang ng kaginhawaan ang ibang tao at mga turistang nais na pumunta rito. Ni wala na nga kaming makuhang kapital sa resort na ito tapos tataasan niyo pa ang buwis?" galit na galit na saad naman ni Mr. Catubig. Gustuhin man niyang lumaban ay hindi niya magawa. Bihag siya. Bihag ang buong pamilya at mga inosenteng trabahador niya.
"Kung 'yan ang nais ninyo, sisimulan ko sa inyong anak ang kabayaran. Mga kawal, hawakan si Laika. Siguruhin ninyong hindi makakawala ang mag-asawang iyan habang pinapanood nila ang gagawin natin sa kanilang anak," pananakot nito sa mag-asawa. Naglalaway na ang labi nito at tila sabik na saktan ang dalaga.
"Bitiwan ninyo ako! Parang awa na po ninyo. Huwag po ninyo kaming patayin. Nagmamakaawa po ako," pagsusumamo ni Laika habang nagpupumiglas na makaalis sa mga kamay ng mga ito.
Hindi pinalampas ng Tenyente Heneral ang pagkakataong iyon sa harapan ng mag-asawang Catubig. Mahigpit ang pagkakahawak ng ibang sundalo sa dalawang kamay ni Laika at maging sa pagkakatali sa mag-asawang Catubig.
Halos magunaw ang mundo para sa mag-asawang Catubig nang walang pakundangang sinira isa-isa ang suot ni Laika. Inihanda na rin nito ang latigong ipanghahataw niya sa katawan ng dalaga. Mugtong-mugto na ang mata ni Laika sa kaiiyak.
Si Mr. and Mrs. Catubig naman ay halos mawalan ng boses sa kasisigaw upang tigilan ang ginagawa kay Laika. Ngunit, isang pilyo at nakakaasar na ngiti lamang ang iginawad ng Tenyente Heneral sa mag-asawa.
Sapilitan niyang pinadapa sa damuhan si Laika ng nakatalikod at itinuloy ang paghahataw. Ang sumunod na nangyari ay hindi kinaya ng katawan ng labingwalong taong gulang na si Laika. Halos mapunit na ang mga balat nito habang nilalatigo at pinagmamasdan ng walang kalaban-kalabang mag-asawa.
"Maawa na po kayo. Huwag! Tama na po!"
Hindi pinapakinggan ang daing ni Laika. Nang makuntento sila sa paglalatigo sa kanyang katawan, sinundan pa iyon ng iba pang mga sundalong ayaw tigilan ang paghahampas sa katawan ng dalaga.
Ilang hataw pa ba ang dapat niyang tiisin? Walang magagawa ang iyak ni Laika kung hindi ang tiisin na lamang ang sakit sa pag-aakalang mabubuhay pa siya at ang pamilyang kanyang kinagisnan.
Nagkamali siya sa akalang iyon dahil pagkatapos siyang saktan ay pinagbabaril naman nila ang mag-asawang Catubig sa kaniyang harapan. Gustuhin mang sumigaw ni Laika ay hindi na niya magawa. Kusang umurong ang kanyang dila.
Pakiramdam ni Laika ay dugo na ang umaagos sa kanyang pisngi mula sa kanyang luhaang mata. Pinilit niyang gumapang upang sa huling sandali ng kanyang buhay ay mahawakan niya ang mga kamay ng mag-asawang Catubig na naging parte ng kanyang buhay pero hindi niya ito nagawa dahil bumigay na ang kanyang katawan sa hapdi at kirot. Kusang pumikit ang mga talukap sa kanyang mata.
"Heneral, patay na ang lahat ng tao sa mansyon at sa buong resort. Ano po ang gagawin natin sa mga bangkay?" tanong ng isang sundalo.
"Iwanan na natin ang mga bangkay dito. Hayaan ninyong ang mga mababangis na hayop ang kumain sa kanila hanggang sa maging dumi na lamang sila at maging pataba sa lupang kanilang pinaghirapan. Hali na kayo. Kailangan na nating bumalik sa Uson," utos ng Heneral. Sumang-ayon ang lahat at agad na nilisan ang Ambukal.
Nang makaalis na ang mga sundalo, biglang bumuhos ang malakas na ulan, at isang lalaking may itim na kapote ang lumapit sa nakahandusay na katawan ni Laika. Binuhat niya iyon, binigkas ang mga kataga ng pagluluksa, at dinala sa isang lugar na tanging siya lamang ang nakakaalam.
"Ang puso mo ay napakabusilak, Laika. Hindi nararapat sa iyo ang nangyaring ito. Matapang mong ininda at sinalo ang bawat hagupit ng mga latigong dumikit sa iyong balat. Dalangin ko sanang sa muli mong paggising ay yakap-yakap mo na ang kapangyarihan ng tubig sa iyong puso."