Bata pa lamang si U-ri (pronounced as Yuri) ay mahilig na siyang magpalipad ng nanari-saring hugis at magagandang mga saranggola. Ngunit, lahat ng materyales na ginagamit niya sa paggawa ng iba't ibang uri ng bagay may kinalaman sa himpapawid ay hindi niya pinaghihirapan. Samakatuwid, ninanakaw niya ang mga iyon. Kapag may gusto siyang isang bagay na may kinalaman sa pagpapalipad ay kailangan niyang maghanap ng mga materyales na ito. At kapag makahanap naman siya ay hindi niya ito binibili, kundi ninanakaw lang.
Lumaki siyang palaboy-laboy sa kalsada sa bayan ng Anaw sa Hilagang Pidig, Iloko Orte. Sa kapatagan ng Anaw siya nagtatago palagi na ang tanging libangan niya ay ang pagpapalipad lang ng saranggola. Sariwa kasi ang hangin doon sa itaas na bahagi ng Anaw at bihirang-bihira ang napaparoon upang magliwaliw o magpalipad ng saranggola. Samakatuwid, siya lamang ang bukod tanging nakakaalam sa lugar na iyon.
Bumababa lamang si U-ri kapag nauubusan na siya ng suplay ng pagkain o materyales sa kanyang palagiang paggawa ng mga saranggola. Noon pa man ay pangarap niyang makalipad sa himpapawid. Makasakay sa eroplano at kung papalarin ay maging piloto na magpapalipad sa isang malaking eroplanong maraming pasahero o Independen na nakasakay.
Ngunit, lahat ng iyon ay hanggang pangarap na lamang. Nang malaman niyang malupit ang ngayong namumunong Pinuno ng Independencia na si Damion Kill, hindi na siya nag-aksaya pa ng oras na matupad ang minimithing pangarap na gusto niya. Lahat ay takot sa bagong pinuno ng bansa. Kung mayroon lamang siyang pagkakataong maging bahagi ng isang hukbo ng sandatahang Independencia sa himpapawid, iaalay niya ang kanyang buhay para sa bayan. Subalit, karamihan sa mga taong nasa bayan ng Anaw, ang tingin sa kanya ay isang magnanakaw.
Tama. Isa siyang magnanakaw. Nagnanakaw siya ng pagkain gaya ng prutas, kakanin, gamot at mga sinulid, tela, at iba pa sa pamilihan man, botika, o palengke. Iyon ang pagkakakilala ng karamihan sa kanya. Hindi lang nila alam na ginagawa niya lamang iyon upang maibsan ang kalam ng sikmura sa pang-araw-araw niyang buhay. Ulila na kasi siya at wala na ring pamilyang tatanggap sa isang tulad niyang labingtatlong taong gulang na palaboy.
"Wala na pala akong kakainin dito. Bababa na muna ako sa bayan nang makakuha ng pagkain." Ngingiti-ngiting sambit ni U-ri sa sarili nang mapansing ubos na rasyon niya ng pagkain.
Bumaba siya sa bayan na ang tanging suot ay isang gutay-gutay na maong na short, at itim na sando. Mayroon ding siyang suot na telang ginawa niyang headband sa kanyang ulo. Kagat-kagat niya rin ang isang butil ng dahon na kanyang nginunguya at sinisipsip na nagsisilbing pantawid uhaw naman niya sa kanyang lalamunan. Minsan naman sa kanyang pagbaba ay nadadaanan niya ang isang pumpon ng nakatanim na santan at kumukuha siya ng bulaklak nito at sinisipsip.
Pasipol-sipol pa itong naglalakad pababa. Katamtaman lang ang kanyang taas pero ang kanyang tindig ay matikas na matikas na parang isang binata. May pagka-asim rin ang kanyang mukha kung iyong tititigan, kaya ni isa ay walang nangangahas na saktan siya. Isa rin sa mga secret weapon niya ay ang maliit na balisong na laging nakatago sa kanyang bulsa.
Nang malapit na siya sa bayan ay pansamantala siyang nagtago upang hindi mahalata ng mga tao. Alam niyang uulanin na naman siya ng sigaw mga tinderang babae at hahabulin ng mga matatabang lalaking nangangatay ng hayop sa pamilihan. At kapag nahuli siya sa isang botika, babatuhin siya ng mga maliliit na bote ng gamot. Kaya alam na alam na U-ri ang magiging kahihinatnan niya kapag hindi siya nag-ingat. Upang guluhin ang pamilihan ay gumawa siya ng paraan upang magsi-alisan pansamantala ang mga tindera at tindera. Dahil nga sa kilala siya ng mga tao bilang isang matinik na magnanakaw, lagi siyang may handang patibong para sila ay magsia-alisan sa kani-kanilang mga puwesto o tindahan.
"Si U-ri! Nandito si U-ri! Mga kasama, dakpin natin siya. Bilis." Sigaw nang sigaw si U-ri habang nagtatago sa isang maliit na siwang ng lumang kubong malapit lamang sa pamilihan.
"Humanda sa akin 'yang U-ri na yan. Lagi na lang akong tinatakbuhan."
"Papatayin ko talaga ang batang 'yan. Simula nang maging magnanakaw sa ating bayan 'yan, nawalan na tayo ng mga kustomer. Humanda ka ngayong bata ka. Mahuhuli ka rin namin."
"Bilis! Bilisan ninyo! Baka makawala na naman ang salot sa barangay natin."
"Hinding-hindi siya makakatakas sa atin! Mga kasama tayo na at lumabas!"
Iba't-ibang boses ang maririnig mula sa mga taong nagsisitakbuhan upang puntahan ang sinasabing si U-ri. Ang hindi nila alam, tawa nang tawa ang totoong magnanakaw sa kanyang ginawa, na nagtatago lumipat na ng ibang lokasyon sa isang maliit na talipapa. Nang mapansing halos lahat ay umalis na, agad siyang lumabas at isa-isang tinungo ang bawat talipapa at tindahan.
Kumuha siya ng tinapay sa panaderya, mga prutas sa palengke, mga kakanin, at siyempre, mga sinulid, karayom, plastik, tela, at mga damit sa isang tindahan. Nilagay niya lahat ng mga ito sa isang malaking bag na kanyang ninakaw rin. Halos mapuno naman ang kanyang bibig sa mga pagkaing dinadampot niya. Nang matantiya niyang kumpleto na ang kanyang mga nakuha ay tumalima na siya ng takbo.
Hingal na hingal si U-ri nang siya ay makalayo sa pamilihang bayan. Pansamantala niyang ibinaba ang kanyang dalang bag at saglit na umupo at nagpahinga. Himas-himas niya ang kanyang tiyan sa kabusugan nang makarinig siya ng isang tawanan at isang umiiyak na batang lalaki hindi kalayuan sa pinagpahingahan niya.
Pinakinggan niya ang tinig at sinundan ito upang alamin ang kinaroroonan ng ingay. Iniwan niya muna ang mga ninakaw niya at nagpokus sa kanyang pinakikinggang mga tinig. Hindi nga siya nagkamali dahil limang binata ang nakapaligid sa isang batang lalaki na may hawak na saranggolang may hugis ng isang paruparo. Akap-akap ito ng bata. Pilit namang kinukuha iyon ng isang matangkad na binata pero ayaw itong bitiwan.
"Akin na ang saranggolang yan!" Singhal ng lalaki sa bata.
"Ako ang gumawa nito. Pinaghirapan ko itong gawin tapos kukunin niyo na lang? Hindi ko ito ibibigay sa inyo!" Asik ng bata. Niyakap pa nito nang mahigpit ang paruparung saranggolang ginawa niya.
"A ganun ha? Mga kasama hawakan ninyo siya. Suntukin natin at sipain nang sipain!" utos ng binatang lider yata ng mga ito. Deadma lamang ang nagtatagong magnanakaw sa nakikita niya. Pero nanaig ang kagustuhang makuha ang saranggolang hawak ng batang iyon.
Sa halip na manood na lamang ay nagpasiya si U-ri na lumabas sa kanyang pinagtataguan hindi upang tulungan ang bata kundi upang kunin ang kanyang saranggola. Natipuhan kasi niya ito kaya nais niyang mapasakanya ang saranggolang iyon.
Naisip niyang kapag nagpanggap siyang tulungan ang bata, makukuha niya ang loob nito. At kapag nakuha na niya ang loob nito, magtatanong ang bata ng kabayaran sa pagtulong niya sa kanya. At sasabihin niya sa kanya na gusto niya ang saranggolang hawak niya. Napapangiti na lamang si U-ri sa planong naiisip niya.
"HOY! Mga pangit na nilalang! Pakawalan ninyo ang bata. Hindi ba kayo naawa sa kanya? Ang lalaki ng mga katawan ninyo, hindi kayo marunong gumawa ng sariling ninyong saranggola?" Tuturo-turong wika ni U-ri nang lingunin siya ng mga ito. Agad namang tumakbo ang bata sa kinaroroonan ni U-ri at nagtago ito sa kanyang likuran. Napangiti tuloy siya dahil nagsisimula nang magtagumpay ang kanyang binubuong plano para sa saranggola.
"At sino ka naman? Kuya ka ba niya? Huwag mong pakialaman ang plano namin!" kunot ang noong asik ng lalaking sa tingin ni U-ri ay pinuno nga ng mga ito.
"Boss, si U-ri yan. Ang matinik na magnanakaw sa ating barangay." Bulong ng isang kasama ng binata sa kanyang pinuno.
"Ikaw pala si U-ri. Ikaw ang magnanakaw sa bayan ng Anaw, 'di ba? Kung gayon, malaking pabuya ang naghihintay sa amin kapag nahuli ka namin. Kaya, interesado kami sa iyo at pinakakawalan na namin ang batang iyan. Mga kasama, sugurin si U-ri!" anito. Agad na nagsitakbuhan ang mga ito sa direksyon ni U-ri.
Pinaatras naman ni U-ri ang bata at inihanda ang kanyang sarili sa laban. Gagamitin niya ang kanyang kamao upang talunin sila. Ilalabas lamang niya ang kanyang secret weapon kung kinakailangan. Nang makalapit ang mga ito, nailagan niya ang unang suntok ngunit tinamaan siya sa sikmura ng isang sipa.
Bumawi si U-ri sa pamamagitan ng pagsalo ng isang paa ng isang kalaban at binigyan ito ng isang siko sa kanyang tagiliran. Nakaiwas na naman siya sa isang suntok at pinakawalan ang isang uppercut. Napatumba niya ang apat na binata at isa na lang ang hindi. Ito ay ang pinuno nila.
"Magaling ka, U-ri. Pinahanga mo ako. Ngayon ako naman ang kalabanin mo!"
Hindi na nagawa pang magsalita ni U-ri dahil isang flying kick ang pinakawalan ng binatang utak ng kanilang samahan. Nailagan ito ni U-ri pero hindi siya nakaligtas sa biglaang pagsugod nito sa kanyang likuran at binigyan siya ng isang malakas na counterpunch nang humarap siya sa binata.
Hindi naman nagpatalo si U-ri kahit duguan na ang kanyang labi. Gamit ang kanyang ulo, agad niyang sinugod ang binata at pinagsusuntok ng ilang beses sa tagiliran, tinadyakan ang isang paa nito, at napahandusay sa lupa. Binugbog niya ito nang binugbog hanggang sa mawalan ito ng malay. Hinarap niya ang apat na binatang umaaray at pilit na ibinabangon ang sarili. Nang makita nilang papalapit siya ay agad na tumayo ang mga ito, iniwan ang pinunong nakatulog, at nagsitakbuhan palayo.
Nahihilo naman at iika-ikang nakatayo si U-ri. Pinunasan rin niya gamit ang kanyang kamay ang duguan niyang labi. Inilibot niya ang kanyang paningin ngunit, hindi na niya maaninag ang batang niligtas. Gustong-gusto pa naman sana niya ang saranggola. Kaya naman, nagpasiya na lamang siyang umuwi sa kanyang tirahan.
Hahakbang pa lamang siya nang biglang may naramdaman siyang isang bagay na tumusok sa kanyang leeg. Nakaramdam siya ng panghihina hanggang sa tuluyang pumikit ang kanyang mga mata at napahiga sa lupa.
Isang anino ang lumapit sa nakahandusay na si U-ri at binuhat ito.
"Kapangyarihan ng hangin ang sa iyo'y nakatakda. Nawa ay magbago ka at maging isang tunay na mandirigma."