Umabot na hanggang Indana ang pagiging sakim sa kapangyarihan ni Damion Kill. Hindi niya pinalalagpas ang mga taong sumusuway sa kanyang mga utos. Humahaba pa rin ang mga kamay niya sa pagkitil ng buhay ng mga inosente at walang kalaban-laban. Maging ang mga Limmus na tahimik na naninirahan sa bayan ng Baluwan ay ginambala ng mga tauhan niya.
Hindi kasi sang-ayon ang mga namumuno rito sa makabagong pamamalakad niya sa konstitusyon ng Independencia. Ayaw nilang makipag-alyansa sa kamay ng isang traydor na pumaslang sa mga inosenteng sibilyan sa Irina Arena. Hindi nila gusto ang ginawa nito dahil lantarang ipinalabas pa sa buong Independencia kung paano niya pinaslang ang naunang Pinuno nga bansa, maging ang ilang miyembro nito bago niya tahasang angkinin ang posisyong hindi niya nakuha mula sa mga masang Independens.
At dahil sa usaping kapayapaan sa buong Heneral City, mistulang dagat ng mga patay ang ibang barangay dahil sa sunod-sunod na pamamaslang ang isinagawa ng mga tauhan ni Damion Kill sa mga ayaw makipag-alyansa sa kanya, sa maliliit na pamayanan ng siyudad ng Heneral.
Mas pinili ng mga tao na mamatay kaysa sakupin sila ng mamamatay-taong bagong pinuno ng bansa. Sa dalawampu't anim na barangay, isa na lamang ang hindi pa binubura sa mapa ng Heneral City at ito ay ang bayan ng Baluwan kung saan ang pamilyang Falcon ay naninirahan.
Matagal na sa serbisyo si Mr. Falcon bilang kumandante ng hukbong sandatahan ng Independencia na nagretiro naman at naging Kapitan ng barangay Baluwan. Biniyayaan sina Mr. and Mrs. Falcon ng isang anak na lalaki na kasalukuyang Hepe ng Pulisya sa probinsiya ng Heneral. Alam ni Mr. Falcon ang kaakibat na kahihinatnan ng kanyang hindi pagsunod sa utos ng umupong bagong Pinuno ng Republika ng Independencia. Kaya maotoridad at harap-harapan niyang minumura ang sinumang magtangkang kalabanin at apihin ang kanyang mga kababayan.
Hindi naman lingid sa kaalaman ni Mr. Falcon at ng kanyang anak na si Abdul-Hakim ang nangyayari sa kanilang siyudad. Kabi-kabila na rin ang proteksyong ginawa nila upang labanan ang mga kampo ni Damion Kill na sumugod at pumaslang sa kanilang siyudad ng walang pahintulot. Nasa kapital na ang ang pinakabatang Hepe na si Hakim nang mga oras na iyon nang isang mensahe ang bumungad sa kanya.
"Hepe! Hepe! Ipagpaumanhin po ninyo. Hindi na kaya ng mga pulis dito ang grupo nila Damion Kill. Ang mabuti pa sumuko na lang tayo. Narinig ko rin kasing patungo na sila sa Baluwan upang patayin ang iyong ama," wika ng isang pulis. Hindi masyadong pinagtuunan nang pansin ni Abdul-Hakim ang huling sinabi ng kasama.
"Hindi ako makapapayag na mabura sa mapa ng Pilipinas ang bayan ng Heneral City. Hinding-hindi ko papayagang maghari ang kasamaan sa ating lugar. Kaya, buháy man o patay, iaalay ko ang aking buhay para sa aking pamilya, sa buong Heneral, at para sa bayan!" galit at may diing pagkakasabi ni Abdul-Hakim sa kanyang kasama.
"Ang mabuti pa, unahan natin ang mga grupo ni Damion Kill sa Baluwan. Umalis na tayo rito at doon natin dugtungan ang ating pagbubuwis ng buhay!" huling wika ni Abdul-Hakim bago umalis sa kanilang pinagtataguan nang walang nakakapansin.
SAMANTALA, mahigit kumulang naman sa isang libong armado ang pumaroon sa Baluwan. Nang marating ang nasabing lugar ay nagsitakbuhan ang mga tao. Nagpa-panic at hindi alam ang gagawin nang isa-isang pinagtataga at pinagbabaril ng mga kampo ni Damion Kill ang mga taong kanilang madadaanan. Walang awa ang mga ito sa pagtutugis o pagpatay. Walang pakialam kung bata, matanda, buntis, o may sakit ang kanilang nadadaanan. Palibhasa kasi ay mahigpit ang kapit sa itaas.
Hindi lang pagbabarili o pagtataga ang ginawa ng mga ito. Pinagsusunog din nila ang mga bahay. Pinasasabugan ng mga bomba at granada ang mga nagtatago. Dinig na dinig ang bawat hikbi, sigaw, at pagmamakaawa ng mga residente ng Baluwan sa mga armadong walang awang kinukuha ang kanilang mga buhay, hanggang sa makarating nga ang pinuno ng mga armado sa bahay ni Mr. Falcon.
"Mr. Falcon! Inuutusan kitang lumabas sa iyong tahanan. Surrender now or you will die!" sigaw ng pinuno ng grupo ng mga armadong kalalakihan. Pagkasabi niyang iyon ay bumukas ang pintuan ng bahay. Iniluwa nito ang isang balbas saradong lalaki na ang pangalan ay Mr. Falcon.
"Madali ka naman palang pakiusapan, Mr. Falcon," aniya. Nang-aasar pa ang mukha nitong kinakausap ang ama ng tahanang sadya nila.
"Kung ang pagpunta ninyo rito at pamamaslang sa aking mga kababayan ang dahilan upang pilitin akong makipag-alyansa sa kamay ni Damion Kill at pilitin din akong suportahan ang kanyang bagong adhikain, nagkakamali kayo. Hindi ako kailanman luluhod o makikipagkamayan sa isang kriminal!"
May diin at may otoridad na sambit ni Mr. Falcon. Dinuraan pa nito ang sapatos ng lalaki.
"Sadyang matigas ka nga, Mr. Falcon. Hinding-hindi talaga mababali ang iyong paninindigan. Sadyang napakabusilak ng iyong puso," pang-uumay nito. "Kung gano'n, kung hindi ka namin mapapa-amo, kami na lamang ang gagawa ng paraan upang ikaw ay kusang sumunod sa amin. Mga sundalo, halughugin ang buong bahay. Ilabas ang mga taong naroroon at ilantad sila sa akin at sa harapan ni Mr. Falcon! Ngayon din!" utos ng nakatataas sa kanyang mga kasama. Agad namang nagsitakbuhan ang mga ito papasok sa tirahan ni Mr. Falcon.
Isa-isang hinalughog ang bahay ni Mr. Falcon at hinuli ang lahat ng kanyang kasambahay, kamag-anak, at maging ang kanyang pamilya lalong-lalo na ang kanyang butihing maybahay na si Mrs. Falcon.
Inilabas nila silang lahat. Tinalian ang kamay at pinaluhod sa harapan niya. Ang iba naman ay nagmamakaawang itigil na ang komosyon. Ngunit karamihan ay takot na takot na at nanatili na lamang tahimik. Iba naman ang ekspresyong nakita ng pinuno ng mga armdao sa asawa nitong si Mrs. Falcon.
Nanatiling taas-noong nakipagtitigan ang asawa kay Mr. Falcon. May bahid ng tapang, kaba, at lungkot ang mga mukha ng mag-asawa nang mga sandaling iyon. Pero hindi pa rin matinag at matibag-tibag ang kanilang paniniwala at paninindigan nilang huwag sumunod sa anumang naisin nila. Nagsimulang maglakad sa harapan ng mga tao ni Mr. Falcon ang pinuno hanggang sa tumayo ito sa kinaroroonan ng kanyang asawa.
"Siya marahil ang iyong asawa, Mr. Falcon. Nakamamangha rin siya dahil kung makatingin sa akin ay para akong babalatan ng buhay ngayon. Ngunit, hindi ko muna siya gagalawin. Sa halip -" pinutol ng lalaki ang kanyang sasabihin at walang kaabog-abog na binunot ang isang Ruger SP101 Crimson Trace Revolver .357 Caliber. Tig-iisang bala ang kanyang pinakawalan sa bawat ulong nasa kanyang harapan. Pilit pinigilan ni Mr. Falcon ang kanyang galit. Ngunit, nang itutok na sa ulo ni Mrs. Falcon ang revolver, tuluyang lumuhod si Mr. Falcon. Nabahag agad ang buntot nito dahil buhay na ng asawa niya ang nakataya roon.
"Itigil mo na ito. Susundin ko na ang utos ng Pinuno. Lalagdaan ko na ang anumang papeles na ilalahad mo sa akin, basta't ipapangako mong huwag mong papatayin ang aking mahal na asawa," nangingilid na ang mga luha at namamawis ang mukhang pagpigil ni Mr. Falcon. Wala siyang magawa kundi ang maging malakas at matapang na lamang sa harapan ng kanyang asawa.
"HINDI MAAARI! Mas gugustuhin ko pang mamatay kaysa mabuhay na malamang nasa ilalim tayo ng pamumuno ng isang kriminal! Nasaan na ang prinsipyo mo't paninindigan, Abdul? Nasaan na ang pangako mong sisibol ang pag-asa sa bayang ito... sa buong Heneral at sa buong bansa natin? Please, Abdul! Bawiin mo ang iyong sinabi. Handa akong mamatay para sa iyo at sa ating bayan," mangiyak-ngiyak sa galit ni Mrs. Falcon. Umiiling ito habang tinitigan nang matalim ang asawa. Nanatili namang nakayuko lang si Mr. Falcon. Hindi niya kayang titigan ang asawa sa kahihiyang ginawa na niya. Hindi na niya ito mababali dahil mahalaga ang buhay niya sa kahit anong prinsipyo ngayong pinaniniwalaan niya.
"Tama na ang daldal! Kahit pumayag ka man o hindi, wala pa rin kayong ligtas sa akin. Sa pinuno ng bansang ito, isa na kayong traydor! Kaya, mamamatay kayong lahat!" Asik nito at itinutok muli ang baril sa ulo ni Mrs. Falcon.
"HUWAG!"
Isang boses sa likuran ang kanilang narinig. Lumitaw nang mag-isa si Abdul-Hakim, ang kaisa-isang anak ng mga Falcon.
"At sino ka naman?" tanong nito sa kanya.
"Ako si Abdul-Hakim Falcon," wika niya.
"Kung gayon, ikaw ang nag-iisang Hepe at anak nitong kumandanteng ito. Ha-Ha. What a family reunion. Sorry, pero huli ka na!" matapos sabihin iyon sa harap ni Hakim, pinakawalan na nito ang dalawang natitirang bala sa kanyang revolver. Isa sa ulo ni Mrs. Falcon at isa sa ulo ni Mr. Falcon. Mistulang tumigil ang oras nang magkasabay na bumagsak ang mga katawan ng magulang ni Abdul-Hakim sa lupa.
"Amaaaa! Inaaaaa! Mga hayop kayo!" Sigaw nang sigaw ni Hakim.
Agad niyang sinugod at pinagbabaril ang bawat sundalong madadaanan niya kasama ang kanyang mga kaibigang pulis. Ngunit, bigo silang supilin ang mga ito dahil iilan lamang sila.
Tinamaan sa kaliwang dibdib, braso, hita, at likuran si Hakim. Tadtad na rin ng mga bala ang iba pa niyang kasamahan. Gustuhin man niyang ipagpatuloy ang laban, hindi na niya magagawa pagkat basang-basa na siya ng dugo. Nagawa pa niyang matumba sa mismong kinaroroonan ng katawan ng kanyang magulang. Bago pa man dumilim ang paningin ni Hakim, naabot niya ang magkabilang kamay ng kanyang ama at ina.
Nang mga oras na iyon, bumagsak ang malakas na ulan. Kasabay ng pagdaloy ng dugo sa putikan ay ang pagbagsak ng mga luha sa mata ni Hakim. Ilang minuto pa ang nakalipas, tatlong magkakasunod na putok ng baril pa ang narinig. Tinamaan sa likurang bahagi ng kanyang katawan si Hakim hanggang sa tuluyan na itong nawalan ng ulirat.
Iniwang nakaratay sa putikan ng mga armadong kalalakihan ang bangkay ng mag-asawang Falcon at ng anak nitong si Hakim. Nilisan nila ang lugar habang patuloy sa pagbuhos ang ulan. Nang wala ng nakamasid sa pinangyarihan ng krimen, isang misteryosong anino ang lumabas sa kanyang pinagtataguan at binuhat ang bangkay ni Hakim.
"Kahanga-hanga ang iyong pagmamahal sa bayan at sa iyong magulang, Hakim. Taglay mo ang lakas ng isang bayani. Sana sa iyong paggising ay mapawi na ang lungkot at pangungulila riyan sa iyong puso."