Kinabukasan ay tinanghali ng gising si Dmitri. Napasarap kasi ang tulog niya sa malambot na higaang minsan lang din niya ulit naranasang humiga. Tanghali na nang maramdaman niyang may yumuyugyog sa kanya at iyon ay walang iba kung hindi si Heroina.
"Tanghali na! Tulog mantika ka pala. Bumangon ka na riyan at kumain. Nakahanda na ang pagkain sa mesa."
Kukurap-kurap at tatango-tango na lamang si Dmitri. Matagal rin siyang hindi nakahiga sa isang malambot na kama at malamig na kuwarto. Ilang taon rin iyon. Ang buong akala niya ay hindi na siya ulit makakahiga sa ganoon kalambot na mattress. Naisakatuparang lang itong muli dahil sa ipinakitang kagandahang loob sa kanya ni Heroina. Kaya naman, naipangako niya sa kanyang isipan na gagawin niya ang lahat upang masuklian niya ang bawat kabutihang ibinigay sa kanya ng taong nagsagip ng kanyang buhay.
Bumaba si Dmitri sa higaang iyon. Aayusin pa sana niya ito pero kusa na itong gumalaw. Hindi na kailangan pang ayusin ni Dmitri ang kanyang higaan dahil awtomatiko na itong gumagalaw at nag-aayos mag-isa. Para lamang siyang nanonood ng isang makabagong teknolohiyang klase ng higaan na kusang tumitiklop mag-isa at bumabalik lamang sa oras na matutulog na ulit ang taong hihiga rito.
Pagkatapos maligo ni Dmitri ay dumiretso na siya sa isang pasilyo kung saan nakita niyang nakaupo na roon si Heroina at nagbabasa ng dyaryo. Nang ituon ang paningin sa mesa ay mulagat ang kanyang mata sa dami ng pagkaing nakahain sa harapan niya. Akala niya ay tapos na ang kamanghaang nakita niya simula pa kahapon. Hindi niya aakalaing may panibago na namang makikita ang kanyang dalawang mata.
"Mawalang galang lang po. May bisita ho ba kayo?" tanong niya sa nakaupong si Heroina na tutok na tutok ang mga mata sa pagbabasa ng diyaryong hawak nito. Nang marinig niya si Dmitri ay sinagot din naman niya ito.
"Wala akong bisita. Kung meron man, ikaw lang iyon. Kung nagtataka ka kung bakit maraming pagkain, para sa iyo yan. Alam kong ilang buwan kang hindi kumain, kaya maupo ka na at simulan mo ng lantakin ang mga pagkaing inihanda sa iyo ni Hermano," aniya. Nginitian siya nito at muling ibinalik ang tingin sa hawak na diyaryo.
Hindi nakaimik si Dmitri. Umupo na lamang siya at nagsimulang kumain. Tama naman si Heroina dahil halos anim na buwan din siyang pagala-gala at palaboy-laboy sa kalsada. Umasa lamang siya sa panghihingi at pamamalimos matapos siyang bumaba mula sa kabundukan ng Anglaon, sa Gawahon. Masuwerte pa rin siya kahit papaano dahil noong mga panahong iyon ay may mangilan-ngilan pa ring Independen (tawag sa mga taong nakatira sa bansang Independencia) na handang tulungan siya. Pero kalimitan ay siya pa ang naaapi kapag masasamang tao ang hinihingian niya. Todo iwas talaga siya sa mga taong iyon dahil ang pakay nila ay hindi ang tulungan siya kundi ang kunin ang pinakaiingatan niyang attachè case.
"Pagkatapos mong kumain, gusto kong sabihin mo sa akin ang lamang ng storage box na buwis buhay mong iningatan, nang sa ganoon ay magawan ko ng paraang tulungan ka. Ituturo ko rin sa iyo ang ilang mga bagay sa loob ng tirahan ko upang maging pamilyar ka na rin. Naintindihan mo ba?"
Naputol ang pagbabalik-tanaw ni Dmitri nang magsalita si Heroina. Kumakalembang ang tainga niya sa tuwing naririnig niya ang tinig nito. May kung anong koneksyong kumukuryente sa kanyang buong katawan kapag siya na ang nagsasalita. Tumango siya bilang sagot at agad na pinuntirya ang pagkain sa mesa nang tumunog ang ang senyales ng pagkagutom ng kanyang tiyan.
"S-salamat po. Puwede mo po rin ba akong turuan ng mga galaw mo sa pakikipaglaban?" ngumunguyang paki-usap naman ni Dmitri. Tinitigan naman siya ni Heroina at bigla itong napatawa ng pagak. Lalo lamang tuloy bumilis ang kabog ng kanyang puso nang mga oras na iyon. Kahit pa patuloy siya sa pagnguya ng mga pagkaing sinimulan niyang kainina. Sino ba naman ang hindi tatakamin kung ang nasa harapan mo ay Paella, Enselada, Adobong Manok at Baboy. May lechon kawali pa at mga pang-himagas. Kulang na lamang ay dagdagan niya ang laki ng kanyang digestive tract sa pagsalo ng mga pagkaing nginunguya niya.
"Hindi halatang gutom na gutom ka. Walang problema, tuturuan kita. Bakit kaya hindi mo ikuwento sa akin ang nangyari sa iyo, kung bakit naging isang palaboy ka sa siyudad. Iyon ay kung okay lang naman sa iyong magkuwento ka," tugon ng babae. Titig na titig din ito sa kanya na ang dalawang kamay niya ay may hawak na paa ng manok sa kanan at lechon kawali sa kaliwa.
Gumanti naman ng ngiti si Dmtri at ipinagpatuloy ang pagkain. Aliw na aliw naman si Heroina sa estilo ng pagkain nito, na tila nagmamadali at takot maagawan ng pagkaing paborito niyang kainin. Halos trenta hanggang kwarenta y singko minutos din siyang kumain. Nang dumighay ay napalakas ito at napahagalpak tuloy ng tawa si Heroina.
"Ipagpaumanhin mo ang aking ginawa. Ako ay nabusog lamang. Salamat pala, Heroina at Hermano sa pagkaing inihanda ninyo para sa akin."
Nagpasalamat muna ito at hinintay na sumagot si Hermano pero tila nadismaya si Dmitri dahil wala siyang narinig mula rito.
"Naiintindihan ko ang nakita ko, Dmitri. Wala kang dapat na ipagaalala. Karangalan ko ang makatulong sa aking kapwa Independen. Kung si Hermano ang hinihintay mong sumagot, may ginagawa pa siya. Maririnig naman niya ito kaya alam akong tatanggapin niya ang pagpapasalamat mo."
Ngumiti at tumango na lamang si Dmitri. Nang tuluyan na ngang matapos ang pagkain niya ay isa-isa ng nilinis at kinuha ang kanyang pinagkainan ng isang mahabang metal na parang may mga kamay, at dinala ito sa isang hugasang awtomatiko ring naglilinis. Nakaupo lamang silang dalawa ni Heroina habang pinagmamasdan ang mga mahahabang kamay ng isang robot na isa-isang nagliligpit sa mesa.
Ilang sandali pa ay nagsimula nang magkuwento si Dmitri kay Heroina. Ikinuwento niya lahat ang tungkol sa kanyang pinagmulan, ang mga potions na kanyang ginawa, at ang dahilan kung bakit siya naging palaboy sa kalye. Tahimik namang nakikinig si Heroina. Nang matapos ang kanyang pagkukuwento, inaya siya nito na sumunod sa kanya sa isang laboratoryo kung saan ilalagay at itatago ang mga potions niya.
Ang buong akala ni Dmitri ay nasa isang silid lang sila pupunta. Ngunit, nagkamali siya dahil isang lagusan ang kanilang dinaanan. Gamit lamang ang kaliwang kamay ni Heroina as fingerprints at access code, bumukas ang isang sikretong pintuan.
Isang hagdanan ang bumungad sa kanilang harapan. Habang sila ay bumababa, isa-isang nagliliwanag ang mga ito hanggang sa umabot sila sa ikasampung baitang. Isang malawak at kumpleto sa mga kagamitang pang-laboratoryo ang nakita ni Dmitri. Kakaibang pagkamangha na naman ang kanyang nasaksihan nang makita ang laboratoryong pinangarap niya ring magkaroon.
"Nagulat ka ba?" tanong ni Heroina. Mulagat si Dmitri at naurong ang kanyang dila. "Matagal na panahon na rin nang muli itong gamitin ng aking ama. Sa kasamaang palad, gusto kong ipabatid sa iyo na isa ang aking ama sa mga taong pinaslang ni Damion Kill. Kilala mo ba siya?" pagpapatuloy nito sa pagtanong kay Dmitri. Tanging tango na lamang ang sagot niya kay Heroina. Pero ang pangalawang katanungan nito ay palaisipan sa kanya kung sino ang tinutukoy ng dalagang ama nito.
"Ang aking ama ay walang iba kung hindi ang uupo sanang bagong pangulo ng ating bansa. Ako ay anak niya sa labas. Kahit anak niya ako sa labas ay itinuring niya akong buo at hindi iyon naging hadlang upang ako'y kanyang gabayan at turuan. Iyon nga lang sa sikretong paraan. At dito nga sa lugar na ipinakita ko sa iyo madalas niya akong turuan. Siya rin ang nagpagawa ng laboratoryong ito. Isa rin kasi akong siyentipiko katulad mo. Nangahas rin akong gumawa ng iba't ibang klase ng gamot at maging ang tinatawag na pag-imbento ng kung anu-anong bagay. Nang mamatay ang aking ama, kinalimutan ko na ang laboratoryong ito," maluha-luhang pagkukuwento niya. Walang mahagilap na sagot si Dmitri sa mga salitang binitiwan ni Heroina. Ngunit ang puso niya ay nagdadalamhati sa sinapit ng ama nito. Naroon siya at nakita niya mismo sa kanyang harapan kung paano bumulagta ang ama nito.
"Ikinalulungkot ko ang sinapit ng iyong ama. Isa rin ako sa pinapatay ni Damion Kill. Sa mismong araw ng panunungkulan sana ng iyong ama ay nangyari ang trahedyang, ni sa hinagap ay magkakatotoo. Isang himala naman ang aking pagkabuhay. Ang nangyari sa akin ay ikukuwento ko isa-isa sa iyo habang ika'y aking pagsisilbihan," pagsasalaysay naman ni Dmitri. Hindi na niya mismo idinetalye pa ang trahedya dahil alam niyang may tamang panahon at oras pa itong mapapakinggan ni Heroina. Ang mahalaga ay pansamantala muna nilang makakalimutan ang sakit ng nakaraan.
Inutusan ni Heroina si Dmitri na ipasok na sa isang nagyeyelong maliit na freezer ang mga vials na may lamang mga potion. Nang isa-isa itong kunin at ilagay ni Dmitri, napansin niya ang pag-iiba ng mga kulay nito. Ang potion na mula sa Hangin ay mapusyaw na asul (Light Blue) na; Matingkad na asul (Dark Blue) naman ang sa Tubig; Pula (Red) para sa Apoy; Berde (Green) para sa Halaman; Dilaw (Yellow) para sa Hayop; at Itim (Black) naman para sa Modernong Teknolohiya.
"Hindi mo pa ba nasusubukang ipatak ang mga iyan sa kahit anong uri ng halaman o hayop o bagay?" tanong ni Heroina. Bilang siyentipiko ay napukaw kaagad nito ang kuryusidad niya.
"Hindi pa. Ngayon ko lang din nabuksan at nakita ang mga kulay ng potions na ito. Kaya, isang palaisipan sa akin kung bakit nagkaroon ng iba't ibang kulay ang mga vials," sagot ni Dmitri matapos ilagay sa tamang lalagyan at saktong temperatura ng freezer ang mga vials. Maingat niya itong ipinasok at inilagay sa tamang lalagyan nang hindi mabasag.
"Huwag na nating isipin muna ang mga iyan. Ang mabuti pa, turuan na kitang makipaglaban for self-defense sa iyong sarili. Lumabas muna tayo at nang maipakita ko naman sa iyo ang ganda ng The Heroina sa Aliza kapag umaga," paanyaya sa kanya.
Bilang sagot ay tumango na lamang si Dmitri pero bago pa sila lumabas sa pasilyong iyon, hinawakan ni Heroina ang isang kamay ni Dmitri at idinikit ang palad sa controller ng pintuan. Ang kanang kamay ni Dmitri ang nagsilbing pangalawang password o access codes upang makapasok siya sa loob ng laboratoryong iyon. Gulat naman ang binata nang dumikit ang mga palad niya sa kanya.
"Binibigyan na kita ng pahintulot na makapasok sa laboratoryong ito at maging sa loob at labas ng The Heroina. Tatanggapin ka na rin ni Hermano bilang isa sa nagmamay-ari at papayagang makapasok dito sa loob."
Walang imik naman si Dmitri at sinundan na lamang si Heroina pabalik sa dinaanan nila, paakyat at pabalik sa taas. Isang matamis na ngiti ang sumilay sa kanyang mga labi habang naglalakad na nakasunod sa dalaga. Naipanalangin na lamang ng kanyang isipan na sana siya ang babaeng nakatakdang maging gabay niya upang magkatotoo ang kanyang panaginip.
...
Lumipas pa ang anim na buwan ay naging magkasintahan sina Heroina at Dmitri. Naipasa ni Heroina ang ilan sa kanyang mga martial arts techniques at skills, bow and arrow skills, at maging ang basic skills sa pagdepensa sa sarili. At dahil pareho ang kanilang layuning pabagsakin ang rehimeng pinamamahalaan ni Damion Kill, mabilis na natutunan ni Dmitri ang lahat ng naituro sa kanya ni Heroina.
Naturuan man ni Heroina sa kung paano proteksyonan ang sarili ni Dmitri, hindi naman niya naipagtanggol o nasangga ang pag-ibig na namuo sa pagitan nilang dalawa nang mga panahong nagsisimula siyang turuan ang huli.
Nang maging magkasintahan ang dalawa ay nangako silang po-proteksyunan ang isa't isa sa anumang uri ng kasamaan. Magtutulungan din sila sa bawat problemang kakaharapin nila. At nagbunga ang kanilang pagmamahalan.
Pagkalipas lamang ng siyam na buwan ay ipinanganak ang kaisa-isa nilang anak. Pinangalanan nila itong Little Wyatt na ang ibig sabihin sa banyagang salita ay Little Warrior.
Matapos isilang si Wyatt ay nagpasiya si Dmitri na subukang ipatak ang limang potions sa halaman, hayop, at maging sa ilang uri ng kagamitang teknolohiya. Subalit, hindi siya nagtagumpay.
Bigo siya. Walang epekto ang mga ito sa hayop o sa mga bagay, hanggang sa naisipan niyang patakan ng tig-iisang droplets ng potions ang pinagtitimpla niyang gatas para kay Wyatt nang maglimang taong gulang ito.
Noong una ay walang nakitang epekto sina Heroina at Dmitri pero kinalaunan ay napansin nila ang kakaibang liksi nitong kumilos, ang bilis nitong mag-isip, at ang talas nitong mag-assemble ng kanyang mga laruan.
Nang mag-edad sampung taong gulang si Wyatt, doon na napagtanto ng mag-asawa ang epekto ng potion. Kaya naman, ipinagtapat ng ina kay Wyatt ang buong katotohanan hinggil sa kakaiba niyang kapangyarihan, habang si Dmitri naman ay naisipang maghanap ng iba pang mga bata o tinedyer upang subukan ang mga potions sa kanila.
Lilibutin niya ang tatlong pulo ng Independencia, mula sa Uson, sa Isaya, at sa Indana upang hanapin ang lima pang natitirang kabataang magiging sidekick ng kanyang anak na si Wyatt. Nagpaalam siya kay Heroina at nangako naman si Heroina na sa pagbabalik ni Dmitri ay isang malakas at kakaibang Wyatt na ang kanyang masisilayan.