Si Wyatt at si Puti

2158 Words
Limang taong gulang pa lamang noon si Wyatt nang makita ng kaniyang inang si Heroina ang pagmamahal nito sa mga hayop at sa iba pang mga elemento gaya na lamang ng tubig, apoy, hangin, halaman, at mga modernong teknolohiya. Sa lahat ng nakahiligan niya ay sa mga hayop talaga siya mas nakitaan ng interes ng kaniyang ina dahil malimit itong maglaro sa paligid ng The Heroina bago pa sila lumipat sa bulubundukin at patag na lokasyon sa Gawahon, Iktoria, Oksidental, malapit sa bulkang Anglaon. Doon ay unti-unting lumago ang pagkagusto ng anak sa mga hayop. Iba't ibang klase ng hayop din ang pinag-aralan ng batang si Wyatt at kalimitan nga ay nakikipaglaro pa ito, bagay na minsan ding natakot ang kaniyang ina dahil hindi lamang basta isang mabait na hayop ang kanyang nilalaro kundi mga rare at wild animals. At isa sa mga wild animals na laging nakakalaro nito ay ang white reticulated phyton na sa haba nito at bigat ay puwede nang kainin ang kanyang anak. Kulang na lamang ay patayin agad nito ni Heroina ang ahas na kalimitan ay nilalaro ng bata. Hindi alam ni Heroina noon na hawak-hawak na ng bata ang isang maliit pa lamang na ahas. Takot na takot si Heroina sa nakitad dahil baka natuklaw na ang anak kaya nagmadali agad itong suriin ang mga kamay, paa at katawan ng bata. Pero wala ni isang galos man lamang na nakita ang ina sa katawan ng anak. Ni sugat ay sadyang walang dumikit o lumitaw roon. Mas ikinagulat pa niya nang muling hawakan ng bata ang ahas at inilagay pa ito sa kaniyang leeg na parang alagang ayaw mahiwalay sa kanya. Nginitian lamang ni Heroina ang anak nang humarap ito sa kaniya at binida pa ang kalarong ahas. Wala namang magagawa si Heroina kundi ang palaging bantayan ang anak na si Wyatt dahil hindi pa niya alam kung ano ang maaaring gawin ng ahas sa bata. O baka kakaibang hayop na naman ang mahawakan nito at manganib ang kaniyang buhay. Ang kakaibang hilig ng bata ay hindi rin lingid sa kaalaman ng kaniyang asawang si Dmitri. "Natatakot ako, Dmitri sa anak natin. Pero kampante naman akong baka nga epekto na rin ito ng inilalagay nating patak sa gatas niya. Kaya marahil, mas gusto niyang makipaglaro sa alaga nitong si Puti," minsang naikuwento ni Heroina kay Dmitri ang tungkol sa alagang ahas ni Wyatt na pinangalanan nitong Puti o White Snake. Labis ang kanyang pag-aalala sa bata sa sitwasyong araw-araw nitong nakikita sa anak. "Naiintindihan ko, Heroina. Maging ako man ay iba ang pakiramdam kapag nakikita siyang nakikipaglaro kay Puti. Walang araw yata na hindi niya ito kasama. Pati sa pagtulog ay kasama pa niya itong nakapulupot sa kaniyang katawan. Kung wala namang nangyari sa bata, hayaan na muna natin siya. Gabayan na lamang siya at obserbahan naman si Puti. Hindi natin alam ang maaaring mangyari. Pero sa ngayon, wala akong nakikita o nararamdamang anumang panganib kay Puti para sa ating anak na si Wyatt," niyakap na lamang ni Dmitri ang asawa at sabay nilang pinagmamasdan ang paglalaro nito sa alaga na nagpagulong-gulong pa sa damuhan ang dalawa. Napapatawa na lamang silang dalawa. Minsan lang din naman kung maramdaman nila ang saya na makita ang kanilang kaisa-isang anak na masigla at walang sakit. LUMIPAS pa ang limang taon ay lumaking matangkad at bibong-bibo na si Wyatt. Kasabay din nitong lumaki si Puti na kahit saang sulok ng Gawahon pumunta si Wyatt ay naroon ito at binabantayan siya. Nang minsang magpaalam si Wyatt sa ina na pupunta lang sa kagubatan ay pinayagan niya naman ito. Binilinan pa niya ang alaga na akala mo ay nakikinig at naiintindihan ang kaniyang sinasabi, na bantayan ang anak. "Puti, ikaw na ang bahala kay Wyatt ha? Huwag kang aalis o mawawala sa tabi niya. Kapag may nangyaring masama sa kaniya, puputulin ko isa-isa ang katawan mo. Naintindihan mo?" Hinawakan pa ni Heroina ang alaga sa ulo matapos kunwaring balaan ito. Parang pusa naman itong pumipikit-pikit habang hinihimas ang ulo. "Oh, siya, humayo na kayo at umuwi nang maaga. Huwag magpagabi ha?" "Opo, ina. Tara na, Puti!" pamamaalam nito sa kanya habang masayang naglalakad at nakikipag-unahan sa alagang si Puti. Sinundan na lamang ng tanaw ni Heroina ang anak kasama ang alaga nitong paikot-ikot sa kaniyang dinadaanan. Limang taon na rin ang nakalipas at naging pamilya na rin ang turing nila sa alagang ahas na iyon ng kanilang anak na kung tutuusin ay wala namang dapat na ikatakot ang mga ito dahil hindi naman ito dapat katakutan na klase ng ahas. Mas maamo pa nga ito kaysa sa mga mababangis na nilalang na nagtatago lamang sa paligid. Nang mawala sa paningin ni Heroina si Wyatt ay bumalik ito sa kanyang ginagawa. Pinuntahan niya ang laboratoryo ng asawa at tinulungan ito sa mga potions, na walang ano mang bahid na kaba o takot sa dibdib sa pagpayag na gumala ang anak sa gubat. Habang binabagtas nina Wyatt at Puti ang kagubatan sa paanan ng bulkang Anglaon ay hindi sinasadyang makakita ang dalawa ng isang panganib. Papasok pa lamang kasi sila nang mga sandaling iyon nang bigla na lamang may tumalon sa kanilang harapan. Mabuti na lamang at mabilis ang pandama ni Puti at pinuluputan niya ang isang mabangis at nakalalason ding uri ng ahas. Kaya ligtas naman si Wyatt nang mga oras ding iyon. Nagpasalamat naman ang sampung taong gulang nang si Wyatt sa alaga nitong si Puti. "Maraming salamat, Puti. Ilang beses mo nang iniligtas ang aking buhay." Dahil bihasa na ang nagbibinatang si Wyatt sa mga hayop ay sinuri nito ang pinatay ni Puti na ahas at ito ay isang uri ng green snake na makamandag, na bihira ding lumabas o makita. Mabuti na lamang talaga at mabilis si Puti kung hindi ay natuklaw na siya ng kamandag nito. Nagbungkal na lamang si Wyatt ng lupa at inilibing ang ahas na iyon bago sila pumasok sa kagubatan. Ang hindi alam ni Wyatt ay isa pala itong pagsubok ng reyna ng kalikasan na si Lualhati. Natutuwa siyang pagmasdan na naging malapit ang puting ahas sa batang si Wyatt. Siya ang nagpadala sa ahas na iyon noong limang taong gulang pa lamang ito. Wala ring alam sina Dmitri at Heroina na siya ang may kagustuhan na maging magkaibigan ang dalawa. Kaya naman upang subukan pa ang bata ay lumikha siya ng isang maliit na lagusan sa kanilang likuran at hinigop ang dalawa papasok roon. Sa isang malawak at paanan pa rin ng bundok ng Anglaon dinala ng reyna ng kalikasan sina Wyatt at Puti. At doon sa kanilang harapan ay nag-aabang na ang dalawa sa mga mababangis na hayop na kaniyang inihandang ilaban sa dalawa. Gulat na gulat naman ang mga mata ni Wyatt nang makita ang isang umaangil na leon, isang lobo, at isang Tamaraw sa kanilang harapan. Wala silang kamalay-malay na ito ay pawang mga likha lamang o ilusyon ni Lualhati upang subukan ang talino, liksi, at bilis ng binatang itinakdang maging isa sa mga tagapagligtas at susupil sa kasamaan ng namumunong si Damion Kill. Hindi pa man nakapaghahanda ang dalawa ay sinugod na sila ng mga hayop na hindi nila alam kung saan ang mga ito nanggaling. Sa magkabilaang direksyon napadpad ang dalawa upang kalabanin sila. Kaharap ni Wyatt ang lobo at ang leon habang si Puti naman ay kaharap nito ang umuusok ang ilong na tamaraw, na anumang oras ay aapakan siya. Magkasabay na lumundag ang lobo at leon sa harapan ni Wyatt pero mabilis niya itong nailagan. Hindi alam ni Wyatt kung paano siya naging mabilis pero natutuwa siya sa natuklasang kakayahan. Kaya naman pinagbuti niya pa ang susunod na gagawin. Kinailangan din niyang talasan ang kanyang pakiramdam at mga mata. "Magaling, Wyatt. Simula pa lamang iyan," bukambibig ni Lualhati ang pagpuri sa bata habang pinapanood ang mga ito mula sa mata ng bulkang Anglaon, sa pinakabukana nito. Muli na naman siyang sinugod ng dalawang hayop at gaya ng ginawa niya kanina ay kaliwa at kanan niya itong nailagan gamit ang kaniyang bilis at liksi. Nang makitang hindi man lamang napapagod ang dalawang hayop, doon na nagtaka si Wyatt. Doon niya napagtantong tila parang ilusyon lamang ang mga nakakalaban niya. Sinubukan naman niyang pigilan ang mga pangil ng mga ito nang lumundag isa-isa sa kaniyang harapan. Pareho niyang nahawakan ang mga ito sa magkabilang mga nguso gamit lamang ang kaniyang dalawang kamay. Ibinuhos niya ang kanyang lakas sa dalawang hayop na nakikipagtagisan din ng lakas sa kanya. Ilang sandali pa ay buong puwersang inihagis ni Wyatt palayo sa kaniya ang dalawang hayop. At dahil maliksi na siya, bago pa man bumagsak ang mga ito sa lupa ay makailang beses niya rin itong pinagsusuntok at pinagsisipa hanggang sa ibigay niya ang huling pinakamalakas na suntok sa mga ito. Pumalakpak ang tainga ng reyna sa nasaksihan niya sa batang si Wyatt, na sa isang kumpas lang ng kaniyang kamay ay nawala na ang lobo at leon sa harapan ng bata. Nagtataka naman si Wyatt nang sa isang iglap ay nawala sa kanyang paningin ang dalawang mababangis na hayop. Ngayon ay itinuon naman ni Reyna Lualhati ang panonood sa alaga nitong si Puti na kasalukuyang nakikipagtunggali sa tamaraw o isang uri ng kalabaw sa bansa. Isa ang tamaraw sa malalakas na hayop sa bansang Independencia, kaya alam ng reyna na may laban din ito sa puting ahas na si Puti. Manghang-mangha naman siya sa ikinikilos at mga galaw nito. Paikot-ikot at pasulpot-sulpot lang si Puti sa paligid at katawan ng tamaraw. Mabilis din ang pagkilos nito na tila isang ninja na panay ang tuklaw sa bawat parte ng katawan ng kalabaw. Nang mahuli ng sungay ng tamaraw si Puti ay agad itong inihagis sa itaas. Nang bubulusok pababa si Puti ay bigla itong nagliwanag. Nakasisilaw ang liwanag na iyon at napapikit na lamang si Wyatt sa biglaang pagliwanag habang si Lualhati naman ay tila sabik na sabik na makita ang pagbabagong-anyo ng ahas na ito. At nang unti-unti ngang mawala ang liwanag sa kinaroroonan ng tamaraw ay isang pigura ang lumitaw. Bumubulusok ito pababa na nakahanda ang kanang kamao na suntukin ang sa ulo ang kalaban. Gulat na gulat at manghang-mangha si Wyatt sa nakikitang mukha ng kaniyang alagang mabilis na sinuntok ang sungay ng tamaraw dahilan upang maputol ang mga ito at matumba. Nang matalo ang tamaraw ay agad na ikinumpas muli ni Lualhati ang kaniyang mga daliri at nawala sa kanilang harapan ang hayop. Halos wala namang kakurap-kurap si Wyatt nang makita ang gulat na gulat ding mukha ni Puti, na ngayon ay isa ng batang babaeng kasing edad lang din niya. Napapatalon pa ito sa tuwa at niyakap ang alaga. Hindi naman makapaniwala si Puti dahil sa wakas ay naging tao na rin siya. At nagpasalamat ito sa reyna ng kalikasan na si Lualhati sa kaniyang isipan. Sumagot naman ang reyna sa kaniya gamit lamang ang kanilang mga isipan. "Ikinagagalak kong makita ang iyong pagbabagong-anyo, Puti. Nawa ay huwag mong kalimutang bantayan palagi si Wyatt sa anumang panganib na darating pa sa kaniya. Ikaw ang inatasan kung maging buhay na alaga niyang kasa-kasama sa bawat misyon niyang paparating. Tanggapin mo ang aking handog sa iyo, Puti. Ikaw ay isa nang ganap na taong makakasalamuha si Wyatt." Matapos sabihin ang mga katagang iyon at habang masaya pa ring nagyayakapan ang dalawa, ibinalik ng reyna ang dalawa sa labas ng kagubatan. Agad namang nagtatakbo ang dalawa pabalik sa kanilang tahanan upang ibalita ang mga nangyari. Walang pagsidlan ang kasiyahan ni Wyatt pero mas masaya si Puti dahil sa wakas ang batang inalagaan niya at binantayan noong limang taong gulang pa lamang ito ay personal na niyang makakausap at makakasama. SA ANGLAON naman ay kapansin-pansin ang pagsasayaw ng mga dahon ng puno sa preskong hanging nakikipag-unahan sa paglalambing sa masayang mukha ng reyna na si Reyna Lualhati. Nagtagumpay siyang subukan ang kakayahan ng batang itinakda at hindi nga siya nagkamali sa pagpili kay Dmitri at kay Heroina, dahil nagmula sa kanilang dalawa ang isang batang matagal na panahon na rin niyang hinintay. At dahil nagtagumpay na siya kay Wyatt, oras naman para gabayan niya si Dmitri sa paghahanap ng iba pang bata o indibidwal na magiging kaibigan at sidekick ni Wyatt. Kaya naman, gamit ang kanyang kapangyarihan ay lumikha siya ng isang imaheng kawangis niya, sa anyong lalaki upang maging anino ni Dmitri sa pagtuklas sa iba pang itinakdang magiging malakas. Mula sa bunganga ng bulkan, sa ilalim nito na puno ng lava at magma ay kumuha siya roon ng lupa. Tinawag niya rin ang espiritu ng kalikasang binabantayan niya upang hulmahin ito bilang isang anino sa anyong tao. Pirituis, patli y Anglaon! Patli ubuin amahe y wangis! (Tinatawagan ko ang ispiritu ko sa kalikasang ito at lumapit! Lumapit ka at buuin ang imaheng kawangis ko!) Matapos sambitin ng tatlong beses ang orasyon na iyon ay nagtagumpay si Reyna Lualhati sa paglikha ng kawangis niya at agad niya itong ipinadala sa mundo ng mga tao upang gabayan si Dmitri.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD